28778238 pamanahong papel sa filipino 2
TRANSCRIPT
PANANALIKSIK UKOL SA DAMDAMIN, PANANAW, AT KAALAMAN NG MGA MAG-AARAL NG KOLEHIYO NG NARSING SA UNIBERSIDAD NG SANTO TOMAS HINGGIL SA EFEKTIVNES NG GENERIC NA GAMOT
Isang Pamanahong-Papel na Iniharap sa Kaguruan ngDepartamento ng Filipino, Kolehiyo ng Narsing,
Unibersidad ng Santo Tomas
Bilang Pagtupad sa Isa sa mga Pangangailangan ngAsignaturang Filipino 2, Pagbasa at Pagsulat
Tungo sa Pananaliksik
ngI-11
Marso, 2010
DAHON NG PAGPAPATIBAY
Bilang pagtupad sa isa sa mga pangangailangan ng asignaturang Filipio 2,
Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, ang pamanahong-papel na ito na
pinamagatang Pananaliksik Ukol sa Damdamin, Pananaw, at Kaalaman ng mga Mag-
aaral ng Kolehiyo ng Narsing sa Unibersidad ng Santo Tomas Hinggil sa Efektivnes ng
Generic na Gamot ay inihanda at iniharap ng pangkat ng mga mananaliksik mula sa isang
grupo ng seksyon I-11 na binubuo nina:
Maria Inna Pitargue
Marie Joyce Faith Relucio
Monique Ann Rivero
Jason Tabag
Tinanggap sa ngalan ng Kagawaran ng Filipino,
Kolehiyo ng Narsing, Unibersidad ng Santo Tomas,
bilang isa sa mga pangangailangan sa asignaturang Filipino 2,
Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.
Bb. Aissa Jimenez
Propesor
PASASALAMAT
Taos-pusong pasasalamat ang aming ipinaaabot sa mga sumusunod na indibidwal
at tanggapan dahil sa pamamahagi ng kanilang suporta, tulong at kontribusyon na
naghantong sa matagumpay na pagbuo ng pamanahong-papel na ito:
- Kay Bb. Jimenez, ang aming minamahal na guro sa Filipino, sa paggabay sa
bawat hakbang sa aming pag-aaral, sa pag-uudyok sa amin na mapaganda at mailathala
ang aming papel,
- sa mga awtor, editor, at mananaliksik na aming pinaghanguan ng mahahalagang
impormasyon sa una at ikalawang kabanata ng pamanahong papel na ito,
- sa aming mga respondente, sa paglaan ng panahon upang matapat at
makatotohanang masagutan ang inihandang naming kwestyoneyr,
- sa aming mga kani-kaniyang pamilya na gumabay, sumuporta, at umunawa sa
amin sa mga panahong umuuwi kami sa hindi nakagawiang oras, at higit sa lahat,
- sa Diyos Amang Makapangyarihan, sa pagdinig sa aming mga panalangin at
pagtugon sa aming nais na matapos ang pamanahong-papel na ito sa itinakdang oras.
Muli, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.
- Mga Mananaliksik
TALAAN NG NILALAMAN
Kabanata I Ang Suliranin at Kaligiran Nito 1
1. Introduksyon 1
2. Layunin ng Pag-aaral 2
3. Kahalagahan ng Pag-aaral 3
4. Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral 4
5. Depinisyon ng mga Terminolohiya 5
Kabanata II Mga Kaugnay na Pag-aaral at Literatura 6
Kabanata III Disenyo at Paraan ng Pananaliksik 8
1. Disenyo ng Pananaliksik 8
2. Mga Respondente 8
3. Instrumentong Pampananaliksik 9
4. Tritment ng mga Datos 11
Kabanata IV Presentasyon at Interpretasyon ng mga Datos 12
Kabanata V Lagom, Kongklusyon, at Rekomendasyon 18
1. Lagom 18
2. Kongklusyon 18
3. Rekomendasyon 19
Listahan ng mga Sanggunian 21
Apendiks
A. Sarbey-Kwestyoneyr 22
KABANATA I
ANG SULIRANIN AT KALIGIRAN NITO
1. Introduksyon
Nagkakaroon ng konfusyon ang mga Pilipino hingil sa pagiging efektiv ng mga
generic drugs at kung gaano ito katulad ng mga nakasanayang branded drug. Ang generic
na gamot ay dapat na naglalaman ng parehong sangkap gaya ng orihinal na pormulasyon
(Wikipedia, 2010). Ayon pa sa U.S. Food and Drug Adminisration (FDA), ang generic ay
identikal at isang substitute o bioequivalent ng branded drug na alinsunod sa
pharmacokinetic at pharmacodynamic na mga pamantayan. Kung gayon, kung ibabatay
sa pagpapakahulugang ito ng mga eksperto, ang generic at branded drug ay magkatulad
lamang kung ang komposisyon at kalidad ng gamot ang pag-uusapan.
Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang
maisabatas ang Republic Act 9502 o ang Universally Accessible Cheaper at Quality
Medicine Act 2008 subalit dahil dito ay umusbong ang kaliwa’t kanang pagkalito sa mga
Pilipino. Ipinag-utos kasi ng batas na ito ang probisyon na generics lamang ang maaaring
ireseta ng mga doktor nang sa gayon ay mabawasan ang mga kakailanganing gastos ng
kanilang pasyente. Ang mga pagtutol ay hindi lamang sa hanay ng mga pharmaceutical
na kompanya kundi maging sa liga ng mga medical practitioners sapagkat may
kapangyarihan na ang gobyerno na kontrolin ang price ceilings ayon sa rekomendasyon
ng Kalihim ng Department of Health (DOH). Ayon sa Philippine Medical Association
(PMA) ay iba ang epekto ng branded kaysa sa generic na gamot kahit pa pareho ang
sangkap ng dalawa. Ayon din kay Dr. Rey Melchor Santos, presidente ng PMA, na
maaaring isipin ng pasyente na hindi mahusay ang doktor dahil sa ‘di pagresponde ng
gamot sa kanilang sakit sa kadahilanang iba ang brand na binili nila (Galindez, 2008).
Ang mga pahayag na ito ay nagdulot marahil ng pagkabagabag sa mga konsyumer
at pasyente na karaniwan nang bumibili ng mga murang gamot upang hindi mapagastos
nang malaki. Sila rin ang matinding maaapektuhan kung sakaling maulit pa ang
pagbabanta ng mga doktor na iboycott ang kanilang tungkulin dahil sa nasabing
probisyon. Samakatwid, nararapat lamang na magkaroon ng malinaw na kaalaman ang
bawat indibidwal lalo na ang mag-aaral ng kursong Narsing ukol sa efektivnes ng generic
na gamot at kung ito nga ba ay may pagkakatulad sa kalidad na mayroon ang isang
branded na gamot.
2. Layunin ng Pag-aaral
Ang pamanahong-papel na ito ay nagbibigay ng linaw hinggil sa pagiging
epektibo ng mga generic na gamot at naglalayong bigyang-kasagutan ang mga
sumusunod na tanong:
1. Ano ang kaalaman ng mga mag-aaral na nasa unang taon ng Kolehiyo ng
Narsing sa Unibersidad ng Santo Tomas hinggil sa efektivnes ng mga generic na gamot?
2. Ano ang kanilang mga damdamin, pananaw, at saloobin ukol sa mga murang
gamot na ito?
3. Kung papipiliin, ano ang mas pinagkakatiwaalan ng mga mag-aaral, generic
o branded drugs?
4. May mga pagkakataon ba na nalagay sa alanganin ang buhay nila o kanilang
kakilala dahil sa pag-inom ng mas murang gamot?
5. Sa pagtangkilik ng branded na gamot, mas nakamura ba dito dahil sa
nakaranas kaagad ng mas mabilis na ginhawa at paggaling?
3. Kahalagahan ng Pag-aaral
Naniniwala ang mga mananaliksik na makapag-aambag ang pag-aaral na ito sa
kasalukuyang isyung kinakaharap ng bansa.
Ang pagbibigay-linaw sa efektivnes ng mga gamot ay malaking tulong para sa
mga mamamayang naghahangad ng mura subalit ligtas at may mataas na kalidad na mga
gamot. Makapagbibigay ito ng kapayapaan sa kanilang mga damdamin at hindi na
kakailanganin pang mapasubo ang kapakanan ng mahal sa buhay o mabahala dahil sa laki
ng gastos sa mga mamahaling gamot.
Mahalaga rin ang impormasyong maibibigay ng pag-aaral na ito maging sa mga
medical practitioners na nag-aalala rin sa magiging kita nila dahil sa nakaantabay na
“generics-only provision.”
Bukod dito, ang mga mag-aaral ng Narsing ay makapupulot din ng panibagong
impormasyon na magagamit nila sa hinaharap hinggil sa gamot na maaaring ipainom sa
kanilang pasyente sapagkat sila ay mayroong kakayanin at sapat na kaalaman na
nagpapahintulot na gawin ang hakbang na iyon.
Kung gayon, sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, inaasahang mabibigyang-linaw
ang isyu na umiikot sa pagiging efektiv ng mga murang gamot gaya ng generic drugs, at
ang pagkakaiba o pagkakapareho nito sa mas mahal na gamot tulad ng branded drugs.
4. Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral
Ang pananaliksik na ito ay nakatuon sa pagsusuri ng ideya, pananaw, saloobin, at
mga karanasan hinggil sa pagtangkilik ng mas murang gamot. Saklaw nito ang mga mag-
aaral na nasa unang taon ng Kolehiyo ng Narsing sa Unibersidad ng Santo Tomas ng
akademikong taon 2009-2010.
Nakapokus ang pag-aaral na ito sa estudyante ng unang taon ng Unibersidad ng
Santo Tomas sapagkat isinasaalang-alang ng mga mananaliksik ang limitadong resorses
na avaylabol. Kukuha lamang ng tatlo hanggang apat na respondente sa labindalawang
seksyon ng Kolehiyo. Makikipanayam din sa mga piling propesyunal hinggil sa saloobin
nila sa nasabing isyu at hihingi din ng opinyon sa ilang botika na nagtitinda ng mga
murang gamot. Bukod dito, isasaalang-alang din ang mga kuru-kuro ng ilang ordinaryong
mamamayan ukol sa suliranin.
Ang mga mananaliksik ay naniniwalang angkop ang suliraning ito sa nararanasan
ng kasalukuyang panahon. Mainam na magkaroon ng ganitong pag-aaral upang mapunan
ang mga nakukulangan at nauuhaw na isipan ng ilang mga kababayan.
5. Depinisyon ng mga Terminolohiya
Upang mas madaling maunawaan ng mga mambabasa ang ilang termino na
ginamit sa pananaliksik na ito, narito ang mga salitang binigyang-kahulugan batay sa
pamamaraang ginamit ng mga mananaliksik sa pamanahong-papel na ito:
Ang generic drug ay substitute o bioequivalent ng isang branded drug alinsunod
sa pharmacokinetic at pharmacodynamic na mga pamantayan. Ang pangalan nito ay ang
aktwal na ngalan ng kemikal na naroon mismo sa sangkap ng gamot.
Ang branded drug ay mayroong trade name at ginawa ng isang kilala at
mapagkakatiwalaang pharmaceutical na kompanya, protektado ng isang patent. Hindi ito
maaaring ibenta o gayahin ng iba pang kompanya. Ang pangalan ng branded drug ay
mas simple kumpara sa generic na gamot (Chawla, 2006).
Ang patent ay ang eksklusibong karapatang ipinagkakaloob ng estado sa imbentor
ng bagong bagay at pinahihintulutan siyang gawin, gamitin, at ipagbili ang imbensyong
ito sa loob ng nakatakdang panahon.
Ang bioequivalence ay ang terminong ginagamit para sa dalawang gamot na
nagtataglay ng parehong aktiv na ingredients, at magkatulad na reyt at ekstent ng
absorpsyon sa katawan.
Ang pharmacokinetics ay ang pag-aaral na nakatuon sa reyt ng absorpsyon ng
isang gamot sa katawan, ang distribusyon nito, metabolisyon, at eliminasyon sa katawan.
Ang pharmacodynamics ay isang sanga ng pharmacology na nag-aaral ukol sa
epekto at pag-aksyon ng mga gamot sa katawan.
KABANATA II
MGA KAUGNAY NA PAG AARAL AT LITERATURA
Ang kaibahan ng generic drugs sa mga branded na gamot ay nagdudulot ng mga
argumento kung kaya’t madami din ang mga nagbibigay ng opinyon tungkol dito. Ayon
kay Melissa Stoppler, M.D., dekalidad ang pagkakagawa sa mga generic drugs gaya ng
mga branded na gamot. Pantay ang batayan sa husay, pagiging epektibo at ang pagiging
ligtas ng mga ito. Isa ring mali na paniniwala na ang mga generic drugs ay mas matagal
umepekto kaysa sa mga branded na gamot. Kinakailangan na ang mga ito ay magkatulad
sa bilis ng epekto upang maaprubahan ng FDA. Minsan ay nagkakaroon ng pagkakaiba
ang mga generic drugs sa branded pagdating sa kulay, lasa, o kombinasyong ng inactive
ingredients dahil pinagbabawal ng trademark law na magkatulad ang itsura ng mga ito,
ngunit ang mga active ingredients ay dapat na magkasing epektibo lamang.
Ayon din sa Health Canada, ang paggawa ng mga drugs, branded man o generic ay
kinakailangang maaprubahan ng Federal Guidelines for Good Manufacturing Practices
ang mga ginamit na sangkap, proseso at pagawaan. Kinakailangan ding sumailalim sa
mga test habang ginagawa at pagkatapos gawin ang produkto upang mapatunayan na ang
bawat isa ay magiging epektibo. Ang sangkap sa gamot na nagpapagaling sa isang
karamdaman ay ang tinatawag na "medicinal" o active ingredient. Sa paggawa ng
medicinal na sangkap ng gamot, magkakaroon din ng kaunting impure materials.
Nararapat na limitahan ng mga pagawaan ang pagkakaroon ng mga impurities sa gamot
at siguraduhin na ang mga ito ay hindi makakaapekto sa kaligtasan at pagiging epektibo
ng gamot.
Ang pagkakaiba na makikita sa dalawa ay laganap sa mga bansa kung saan
hinihikayat ang mga tao sa paggamit ng generic drugs dahil sa reference pricing
reimbursement systems at ang ibang mga bansa na nagbibigay ng mga incentive
programs sa mga doktor na nagrereseta ng mga generic na gamot. Samantala, ang mga
bansa tulad ng France at Italy, na mayroong mahigpit na price regulation sa mga bagong
produkto na magbababa ng presyo habang tumatagal kaya wala gaanong epekto sa presyo
ng branded o generic na mga gamot.(Henry Grabowski, 2006).
KABANATA III
DISENYO AT PARAAN NG PANANALIKSIK
1. Disenyo ng Pananaliksik
Ang disenyo ng pananaliksik na ginamit sa pag-aaral na ito ay ang pamaraang
deskriptiv-analitik. Tinangkang ilarawan at suriin sa pag-aaral na ito ang saloobin,
damdamin, at pananaw ng mga respondente sa mga branded at generic na gamot.
2. Mga Respondente
Ang mga piniling respondente sa pag-aaral na ito ay ang mga mag-aaral sa unang
taon ng Kolehiyo ng Narsing ng Unibersidad ng Santo Tomas sa ikalawang semestre ng
taong-akademiko 2009-2010.
Sa kasalukuyan, may labindalawang seksyon ang unang taon ng Kolehiyo ng
Narsing. Tatlumpong mag-aaral sa na nagmula sa mga ito ang hiningan ng kanilang mga
opinyon at saloobin sa pamamagitan ng random sampling upang magkaroon ng pantay na
representasyon ang bawat pangkat.
Pinili ng mga mananaliksik ang mga respondente sa unang taon sapagkat
sila ang pinakamadaling makatutugon sa mga pangangailangan sa pamanahong-papel na
ito. Bukod dito, bilang mga Nars sa hinaharap, mahalaga ring malaman ang kanilang
kaalaman sa pagpili ng mga epektibong gamot para sa kanilang pasyente.
3. Instrumentong Pampananaliksik
Ang pag-aaral na ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagsasarvey. Ang mga
mananaliksik ay naghanda ng isang sarbey-kwestyoneyr na naglalayong makapangalap
ng mga datos upang masuri ang damdamin, pananaw, at kaalaman ng mga respondente
hinggil sa pagiging epektibo ng mga branded at generic na gamot. Tingnan ang kopya ng
sarbey-kwestyoneyr na ginamit ng mga mananaliksik.
Talahanayan I
Sarbey-Kwestyoneyr Hinggil sa Pagtangkilik sa Branded at Generic na
Gamot
1. NAHIHIKAYAT KA BA SA PAGGAMIT NG MGA GENERIC DRUGS?
OO
HINDI
2. KUNG IKAW ANG PAPIPILIIN, ANO ANG MAS EPEKTIBO, GENERIC O BRANDED?
GENERIC
BRANDED
PAREHONG EPEKTIBO
3. ANO SA TINGIN MO ANG DAHILAN KUNG BAKIT TINATANGKILIK ANG MGA GENERIC AT BRANDED NA GAMOT:
GENERIC:
MAS MURA
MARAMING GUMAGAMIT
MADALING BILHIN
WALANG PINAGKAIBA SA BRANDED NA GAMOT
BRANDED:
MARAMING GUMAGAMIT
SUBOK NA
MAS SIKAT
MAS INIREREKUMENDA NG MGA DOKTOR
4. NAGKAROON BA NG PAGKAKATAON SA BUHAY MO NA NALAGAY SA ALANGANIN ANG BUHAY MO O NG IYONG KAKILALA DAHIL SA PAGINOM NG GENERIC NA GAMOT?
OO
HINDI
5. SA PAGTANGKILIK NG GENERIC NA GAMOT, SA TINGIN MO BA AY MAS MAKAKATIPID KA?
OO
HINDI
Nagsagawa rin ng pangangalap ng mga impormasyon ang mga mananaliksik sa
iba’t ibang mga hanguan sa aklatan gaya ng mga libro, artikulo sa dyaryo, journals at
pamanahong-papel na may kinalaman sa tema ng pananaliksik. Isa pa, may mga datos
ding nagmula sa Internet.
Bukod sa mga nabanggit na, nangalap din ang mga mananaliksik ng ilang
pahayag ng mga propesyunal na doktor hinggil sa isyu mula sa mga mapagkakatiwalaang
websites.
4. Tritment ng mga Datos
Ang pamanahong-papel na ito ay isang panimulang pag-aaral lamang kaya’t
walang mga pagtatangka ang mananaliksik upang masuri ang mga nakalap na datos sa
pamamagitan ng mataas at kompleks na istatistikal na pamamaraan. Bilang o dami
lamang ng mga tumugon sa bawat tanong sa kwestyoneyr ang pokus ng mga
mananaliksik. Samakatuwid, ang pagta-tally at pagkuha lamang ng porsyento ang
kinailangang gawin sa pag-aaral na ito.
KABANATA IV
PRESENTASYON AT INTERPRETASYON NG MGA DATOS
Natuklasan sa pag-aaral na ito ang mga sumusunod na datos at impormasyon:
Inalam ang distribusyon ng mga respondente hinggil sa paggamit nila ng mga
generic na gamot. Labing-anim sa kanila ang umaming nahihikayat silang bumili nito,
samantalang labintatlo naman ang tumangging tumatangkilik sila ng generic drugs.
Pansinin ang kasunod na grap:
Grap I
A53%
B47%
Distribusyon ng mga Respondenteng Nahihikayat ng Generic Drugs
A. Nahihikayat B. Hindi Nahihikayat
Pitumpu’t tatlong porsyento (73%) sa mga respondente ang naniniwalang epektibo
ang branded na gamot kaysa generic. Samantalang dalawampu’t pitong bahagdan (27%)
naman sa kanila ang nagsasabing mas epektibo ang generic kung ikukumpara sa branded.
Pansinin ang kasunod na grap:
Grap II
A27%
B73%
C10%
Bahagdan ng mga Respondenteng Naniniwala sa pagiging Epektibo ng mga Gamot
A. GenericB. Branded
C. Parehong epektibo
Apat sa mga respondente ang nagsasabing marami ang gumagamit ng generic na
gamot kaya nila ito tinatangkilik; dalawa ang nagsasabing mas madaliitong bilhin o mas
aksesibol; dalawa rin ang nagsasabing wala itong pinagkaiba sa branded at; samantalang
hindi naman nakaapekto ang pagiging mura ng gamot upang tangkilikin ito ng mga
respondente. Tunghayan ang kasunod na grap:
Grap III.1
Mas mura Madaling bilhin Maraming gumagamit Walang pagkakaiba sa branded
0 %
2 %
4%
2 %
Dahilan ng mga Respondente sa Pagtangkilik ng Generic na Gamot
Labing-isa (11) sa mga respondente ang naiimpluwensayahan ng mga
rekomendasyon ng doktor sa pagbili ng mga branded na gamot; anim (6) ang nagsabing
mas sikat ito; apat (4) ang nasubukan na ang pagiging efektiv; at isa (1) naman ang
bumibili ng branded dahil sa marami ang gumagamit nito. Pansinin ang kasunod na grap:
Grap III.2
Maraming gumagamit
Mas inirerekomenda ng doktor
Subok na
Mas sikat
0 2 4 6 8 10 12
Dahilan ng mga Respondente sa Pagtangkilik ng Branded na Gamot
Sa pagtangkilik ng generic na gamot, animnapu’t tatlo (63%) ang nagsasabing sa
tingin nila ay mas makakamura sa paggamit ng generic na gamot, samantalang tatlumpu’t
pito naman ang nagsasabing hindi. Tingnan ang kasunod na grap:
Grap IV
Oo37%
Hindi63%
Pananaw ng mga Respondente kung mas makakamura ba sa Generic na Gamot
Limampu’t tatlo (53%) sa mga respondente ang nakaranas na o ang kanilang
kakilala ng side effects mula sa paggamit ng generic na gamot, samantalang apatnapu’t
pito ang hindi pa nakaranas ng kahit anong side effects. Tunghayan ang sumusunod na
grap:
Grap V
Oo53%
Hindi47%
Distribusyon ng mga Respondenteng Nakaranas na o ang Kanilang Kakilala ng Side Effects dahil sa Generic na
Gamot
KABANATA V
LAGOM, KONGKLUSYON, AT REKOMENDASYON
1. Lagom
Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang malaman ang damdamin, pananaw,
at kaalaman ng mga mag-aaral na nasa unang taon ng Kolehiyo ng Narsing sa
Unibersidad ng Santo Tomas, hinggil sa pagiging efectiv ng gamot na generic at ang
kaibahan o pagkakatulad nito sa branded na gamot.
Gamit ang disenyong deskriptiv-analitik, ang mga mananaliksik ay naghanda ng
isang sarbey-kwestyoneyr na pinasagutan sa tatlumpong respondente sa Kolehiyo ng
Narsing.
2. Kongklusyon
Batay sa mga inilahad na datos, ang mga mananaliksik ay humantong sa mga
sumusunod na kongklusyon:
a. Branded na gamot ang mas pinagkakatiwalan ng mga respondente kung
ikukumpara sa generic na gamot.
b. Ang rekomendasyon ng mga doktor ang pinakanakaiimpluwensya sa
pagpili ng branded na gamot.
c. Mas nakakamura ang mga respondente sa paggamit ng generic na gamot.
d. Hindi nasisiguro ang pagiging efektiv ng generic na gamot dahil sa mga
side effects na nararanasan mula rito.
3. Rekomendasyon
Kaugnay sa pag-aaral na naisagawa at sa mga resulta na natamo, buong-
pagpapakumbabang inererekomenda ng mga mananaliksik ang mga sumusunod:
a. Para sa pamahalaan, siguraduhing naglalaman ng parehong sangkap gaya ng
orihinal na pormulasyon ang generic na gamot alinsunod sa pharmacokinetic
at pharmacodynamic na mga pamantayan. Isa pa, paigtingin din ang
diseminasyon ng impormasyon pagkakaiba’t pagkakatulad ng generic sa
branded na gamot.
b. Para sa mga administrador ng mga ospital, magsagawa ng mga seminar na
dadaluhan ng kanilang empleyado at bigyang-pansin ang kanilang kasanayan
at kaalaman sa mga generic at branded na gamot at, kung meron man, ang
epekto nito sa mga gagamit.
c. Para sa mga propesor sa bawat kolehiyo, partikular na ang mga nagtuturo ng
asignaturang may kinalaman sa kursong Narsing, nawa’y maging instrumento
sila sa pagpapalaganap ng relayabol at mapagkakatiwalaang impormasyon
kaugnay sa mga generic na gamot at ang posibleng epekto nito sa mga tao.
d. Para sa mga mag-aaral, mas palawakin pa ang inyong kaalaman ukol sa
generic na gamot at mas maging mapanuri upang maging mahuhusay na
narses sa hinaharap.
e. Para sa mga mananaliksik, ipagpatuloy o palawakin pa ang pag-aaral na ito
tungo sa pagtuklas ng marami at higit pang kapaki-pakinabang na mga datos o
impormasyong maaaring makatulong sa pagpapalawak ng kaalaman hinggil sa
efektivnes ng generic na gamot.
LISTAHAN NG MGA SANGGUNIAN
Angell, M. (2005). The truth about the drug companies: How they deceive us and what to do about it. NY: Random House Trade Paperbacks.
Buban, C.E. (2009, August 22). Ensuring all drugs are created equal.Philippine Daily Inquirer.http://showbizandstyle.inquirer.net/lifestyle/view/20090822-221430/Ensuring-all-drugs-are-created-equal
Chawla, Jatin. (2006, November 27). Generic drugs vs. branded drugs. http://www.buzzle.com/articles/generic-branded-drugs.html
Stoppler, M. (2009, September 28). Generi drugs, are they as good as brand names. http://www.medicinenet.com/script/main/art.asp?articlekey=46204
Tom-Revzon, Catherine. (2009). Generic vs. branded drugs.Montefiore Medical Center website: http://www.montefiore.org/whoweare/stories/generic_drugs/
Valmero, A. (2009, September 25). More filipinos buying generic drugs -- DOH. Philippine Daily Inquirer.http://newsinfo.inquirer.net/topstories/topstories/view/ 20090925-226879/More-Filipinos-buying-generic-drugs—DOH
APENDIKS A
Mahal naming Respondente,
Magandang araw!
Kami, mag-aaral ng College of Nursing na nasa unang taon, ay nagsasagawa ng isang pag-aaral hingil sa pagiging epektibo ng mga generic drugs para aming proyekto sa Filipino 2. Narito ang mga katanungan upang makakuha kami ng mga impormasyon hingil sa aming pagsisiyasat. Sagutin lamang ang mga katanungan ng matapat at klaro.
Maraming Salamat.
- Mga Mananaliksik-
Direksyon: Punan nang angkop na impormasyon o datos ang mga sumusunod na tanong. Lagyan lamang ng tsek ang patlang na tumutugma sa iyong sagot.
1. NAHIHIKAYAT KA BA SA PAGGAMIT NG MGA GENERIC DRUGS?
OO
HINDI
2. KUNG IKAW ANG PAPIPILIIN, ANO ANG MAS EPEKTIBO, GENERIC O BRANDED?
GENERIC
BRANDED
PAREHONG EPEKTIBO
3. ANO SA TINGIN MO ANG DAHILAN KUNG BAKIT TINATANGKILIK ANG MGA GENERIC AT BRANDED NA GAMOT:
GENERIC:
MAS MURA
MARAMING GUMAGAMIT
MADALING BILHIN
WALANG PINAGKAIBA SA BRANDED NA GAMOT
BRANDED:
MARAMING GUMAGAMIT
SUBOK NA
MAS SIKAT
MAS INIREREKUMENDA NG MGA DOKTOR
4. NAGKAROON BA NG PAGKAKATAON NA NALAGAY SA ALANGANIN ANG BUHAY MO O NG IYONG KAKILALA DAHIL SA PAGINOM NG GENERIC NA GAMOT?
OO
HINDI
5. SA PAGTANGKILIK NG GENERIC NA GAMOT, SA TINGIN MO BA AY MAS MAKAKATIPID KA?
OO
HINDI