95674201 jose rizal ang buhay ng isang bayani documentary

14
Director: Butch Nolasco Year: 1996 Cast: Pen Medina, Joonee Gamboa, Jaime Lim, and Saguisag Matienzo MGA BAHAGI: Ang Batang si Moy Mercado Jose Rizal Mercado: Atenistang Probinsyano Patungo sa Liwanag ng Dunong at Daigdig Ang Lakbayin Patungo sa Ligalig Dapithapon at Dilim

Upload: lolay01

Post on 30-Oct-2014

3.012 views

Category:

Documents


155 download

TRANSCRIPT

Page 1: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

Director: Butch Nolasco

Year: 1996

Cast: Pen Medina, Joonee Gamboa, Jaime Lim, and Saguisag Matienzo

MGA BAHAGI:

Ang Batang si Moy Mercado

Jose Rizal Mercado: Atenistang Probinsyano

Patungo sa Liwanag ng Dunong at Daigdig

Ang Lakbayin Patungo sa Ligalig

Dapithapon at Dilim

Page 2: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

2

Anong pumapasok sa isip natin kapag nababanggit ang pangalang Jose Rizal? Ang matapang na

nobelista ng Noli Me Tangere na gumising sa kamalayan ng mga Filipino. Ang bayaning binaril sa Luneta.

Ang makata na nagsabing, “Ang taong „di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa

malansang isda.” Pero sino ba talaga si Jose Rizal? Anong uri ng Filipinas ang kanyang kinagisnan? Anong

mga ideya at prinsipyo ang kanyang isinabuhay at ipinaglaban? Ano ang kanyang tunay na pagkatao?

Hanapin natin ang puso at kaluluwa ng dakilang Filipino sa loob ng rebulto sa Luneta. Hanapin natin ang

ngiti sa matigas na mukhang nakaukit sa pisong barya. Sa pamamagitan ng pagtunghay sa mga orihinal na

sulat, litrato at iba pang piraso ng ala-ala, subukan nating kilalanin ang isang Filipinong nagngangalang

Jose Rizal.

Taglay pa rin natin hanggang ngayon ang isang kwadernong may pamagat na “Memorias de un

Estudiante de Manila”. 17 taong gulang si Rizal nang tipunin niya ang kanyang mga ala-ala mula

kapanganakan hanggang sa una niyang pag-ibig sa kwadernong ito. Nagkubli siya sa pangalang P.

Jacinto para manatiling pribado ang kanyang buhay. Pero sa dulo ng dokumento, matatagpuan din ang

kanyang pirma. Heto ang sariling salaysay ni Jose Rizal:

Ang Batang si Moy Mercado

“Isinilang ako sa Calamba noong Hunyo 19, 1861 sa pagitan ng alas-11 at alas-12 ng gabi. Araw noon ng Miyerkules. At ang aking pagsilang sa daigdig na ito ng luha ay muntik nang ikasawi ng aking ina,

nang „di niya naipangako sa Mahal na Birhen ng Antipolo na dadalhin ako sa kanyang simbahan.”

Si Teodora Alonzo ang ina ni Rizal ngunit mas kilala siya noon bilang Lolay. “Hindi ordinaryo ang

aking ina. Mahilig siya sa Literatura at mas mahusay magsalita ng Español kaysa sa akin. Siya ay isang Matematika. Ang kanyang ama, dating kinatawan sa kortes, ang una niyang guro.” Bukod sa pag-aasikaso

sa 11 anak, pinamahalaan ni Doña Lolay ang isang tindahan sa silong ng kanilang bahay at iba pang maliliit

na negosyo. Dahil sa kanyang malakas na personalidad at pagsisikap, malaki ang nagawa ni Doña Lolay

sa masigasig na paghuhubog ng pagkatao ng kanyang mga anak at ng kanilang pag-ibig sa karunungan.

Tinuruan niya silang bumasa at sumulat. Sinanay sila sa pagdarasal at pagtulong sa gawaing bahay at

kabuhayan. Dahil dito, lubhang malapit si Rizal sa kanya. “Kung „di dahil sa kanya, ano kaya ang

kinasapitan ng aking pag-aaral at kapalaran? Talagang ang ina ang lahat sa isang tao, pagkatapos ng Diyos.”

Bagama‟t tahimik lamang ang ama ni Rizal na si Francisco Mercado o Kikoy, sensitibo siya‟t malapit

sa kanyang mga anak. Mahigit 40 taon na siya nang isilang si Jose Rizal. “Ang aking ama na huwaran ng

mga ama ay nagbigay ng edukasyong naaayon sa aming bahagyang kakayanan sa buhay. Sa pagsisikap ay nakapagpatayo siya ng bahay na bato at nakapagpundar ng isa pa.”

Parehong taga-Biñan ang mga magulang ni Rizal ngunit lumipat sila sa Calamba at nangupahan sa

lupang pag-aari ng mga prayleng Dominiko.

Sa bahay kubo madalas maglaro ang isang batang kung tawagin nila‟y Moy. Ayon sa kanyang

mga kapatid, tahimik na bata si Rizal. Bagaman madaling mahalata sa panlalaki ng kanyang mga mata

kung siya‟y natutuwa o nabibighani sa isang bagay. Mahilig siyang magpinta ng mga hayop, ibon at

bulaklak gamit-gamit ang achuete, uling at iba pang katas ng halaman bilang pintura. Mahilig din siyang

humubog ng pigurin at busto ng mga tanyag na taong nababasa niya sa kanilang mahigit 1000 mga aklat.

“Matapos kumain at magdasal ng rosaryo, dumadako kami sa azotea o sa alin mang bintanang

Page 3: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

3

katatanawan ng buwan at magkukwento ang aking yaya tungkol sa mga nakalibing na kayamanan at

kalansay, mga aswang, mga nuno, mga punong namumunga ng diyamante, mga taong nakatira sa buwan.”

Matamis ang oras sa tahanang iyon kaya mauunawaan ang lungkot na nadama ni Rizal nang sa

napakamurang gulang na 9 na taon ay nalayo siya sa kanyang pamilya upang mag-aral sa Biñan. “Inihatid

ako ng aking kapatid na si Paciano, isang araw ng Linggo. 9 na taon pa lamang ako pero natutunan ko nang magpigil ng luha. Ipinakilala ako ni „Ñor Paciano sa aking maestro na siya ring nagturo sa kanya

noon.” Sa pamamagitan ni Maestro Justiniano Cruz, namulat si Rizal sa isang paraan ng pagtuturo na

usong-uso noong panahong iyon. “Ayaw ko nang bilangin ang mga palong natanggap ko. Lagi akong

nangunguna sa klase pero sa kabila ng aking reputasyon bilang mabait na bata, bihira ang araw na hindi

ako nakatatanggap ng 3 hanggang 6 na palo.”

Babahagya lamang ang sakit na nadama ni Rizal kung ihahambing sa mga sumunod na pangyayari

na nag-iwan ng malalalim na sugat sa kanyang ala-ala.

Sinubukan ni Doña Lolay na pagbatiin ang kanyang kapatid na si Jose Alberto at ang pabayang

asawa nito na bukod sa nakiki-apid ay iniwan pa ang kanilang mga anak. Ikinagalit ng babae ang

pakikialam ni Doña Lolay at pinaratangan siyang kasabwat ni Alberto sa tangkang lasunin siya. Sa tulong ng

tiniente ng guwardiya sibil, na kaibigan pa man din ng Pamilya Mercado, inaresto si Doña Lolay sa kanilang

bahay. Malupit ang naging pagtrato ng alkalde na inilarawan ni Rizal bilang isang panatikong tuta ng mga

prayle. Pinilit niyang umamin si Doña Lolay kapalit ng pangakong agad siyang pawawalan. Pero tumagal

ng 2½ taon ang pagkabilanggo ng ina ni Rizal. “Hindi ko mailarawan ang dinanas naming pagdaramdam

at kalungkutan. Mula noo‟y nawalan na ako ng tiwala sa pakikipagkaibigan. 9 kaming magkakapatid at kami‟y pinagkaitan ng ina ng mga taong itinuring naming kaibigan at trinatong mga bisita.”

Ganoon na lamang ang lungkot na pinasan ni Rizal nang ihatid siya ni Paciano sa Ateneo Municipal

sa Maynila na nakatirik noon sa Intramuros. At dito‟y naranasan ng probinsyanong taga-Calamba ang

tagumpay, pait, at pag-ibig sa buhay ng isang estudyanteng Maynila.

Jose Rizal Mercado: Atenistang Probinsyano

11 taong gulang pa lamang si Rizal nang siya‟y magpatala sa Ateneo. Noong una‟s diskumpiyado

pa ang mga pari na tanggapin siya dahil bukod sa alangang panahon siya nagpatala, sadyang napakaliit

at napakatamlay ni Rizal. Kaya‟t, taliwas sa inaakala ng marami, hindi agad nakapagpakitang-gilas si Rizal

bilang estudyante. Noo‟y hirap siyang magsalita ng Kastila, isang probinsyanong malayo sa kanyang

bayan, napakaliit kung ikukumpara sa mga kaklase niyang Español at Meztiso, at malumbay dahil sa

kapalarang sinapit ng ina. Ginugol niya ang kanyang panahon sa pagsisimba. “Mangyari, sa aking

pangungulila ay wala akong nalalamang sukat-pagbalingan kundi ang Diyos.” Naging masugid din siya sa

pagbasa ng mga nobela at akdang pang-Kasaysayan. Minsa‟y nagawa niyang linlangin ang ama na

bilhan siya ng “Historia Universal” sa pasubaling kailangan ito sa klase.

Napalaya na si Doña Teodora, nang magtapos si Rizal ng kursong sekondarya at bumalik sa

Ateneo upang mag-kolehiyo. Nang panahong ito ay umusbong ang talino niya sa pag-aaral. Tuwing

semestre ay nakakapag-uwi siya ng mga premyo. Sa ilalim ng matiyagang pamamatnubay ng propesor

niyang si Padre Francisco de Paula Sanchez, pinatalas ni Rizal ang kanyang pagkatha sa wikang Español.

Page 4: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

4

Nakapagsulat siya ng ilang tula at nagsalin ng dulang banyaga na itinanghal sa gabi ng kanyang

pagtatapos sa kolehiyo.

Nang tanggapin ni Rizal ang kanyang diplomang Batsilyer en Artes at 5 medalya sa gulang na 15,

sa halip na matuwa‟y lubha siyang nalungkot. “Paalam, magandang panahong „di ko malilimot. Sa karimlan ng aking buhay, ikaw ang sandaling bukang-liwayway na hindi na muling babati. Paalam,

maliligayang oras ng aking naglahong kamusmusan.”

Nang bumalik si Rizal sa Calamba, umasa si Doña Lolay na tutulungan na lamang niya si Paciano

sa bukid. “Ayaw na sana akong pag-aralin pa ng aking ina. An‟ya, sapat na ang aking nalalaman at kapag

nadagdagan pa ito‟y mapupugutan ako ng ulo.” Pero nanghinayang si Don Kikoy sa talino ng kanyang

anak kaya pinag-aral ito ng Pilosopiya sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Kumuha din si Rizal ng kurso sa Land

Surveying o Agrimensura sa Ateneo upang mapagbigyan ang kanyang ina.

Pagkaraan ng 1 taon, nagpasiya si Rizal na mag-aral na lamang ng Medisina matapos matuklasang

nabubulag na ang kanyang ina. Noo‟y nakilala ni Rizal ang kanyang unang pag-ibig, isang kolehiyalang

kasamahan sa dormitoryo ng kapatid niyang si Olimpia, isang binibining nagngangalang Segunda

Katigbak. “Siya‟y may kababaan ng bahagya, may mga matang kung minsa‟y makislap at nangungusap at

kung minsan nama‟y malamlam at malungkot, may mga pisnging mamula-mula, may isang ngiting nakakagayuma at nakakaakit. Habang kausap siya, wari‟y unti-unti kong nilalagok ang napakatamis na

lason ng pag-ibig. Ang mga sulyap niya‟y bumabaon na parang palaso sa kaibuturan ng aking puso.” Naudlot ang suyuan nang pauwiin si Segunda ng kanyang ina upang alagaan ang sanggol na kapatid.

Ilan pang mga dalagita ang pinagka-interesan o naging interesado kay Rizal bago niya natuklasan

ang pag-ibig sa kaanak niyang si Leonor Rivera.

Habang nagbabakasyon sa Calamba, naganap ang isa pang pang-aalipusta na yumanig sa

pagkatao ni Rizal. Isang gabi, habang naglalakad pauwi, nakaligtaan niyang saluduhan ang isang tiniente

ng guwardiya sibil. 3 hagupit ang tinanggap niya. Inilapit niya ang kaso sa Malacañang ngunit hindi siya

pinansin.

Pero ang mga hagupit na ito‟y simula lamang ng iba pang latay na tatanggapin ni Rizal upang

mamulat sa pang-aaping dinaranas ng mga Pilipino sa ilalim ng buktot na lipunan at pamahalaan.

Sumali si Rizal sa isang timpalak-pampanitikan. Nanalo ng unang gantimpala ang lahok niyang “El

Consejo de los Dioses”. Nang pumanhik siya sa entablado at nakita ng mga manonood na isang Pilipino—

na isang Indio—ang nanalo, walang pumalakpak. Gayunpaman, hindi nasiraan ng loob si Rizal.

Nang mapagtanto niya na hindi kikilalanin at hindi sasapat ang kanyang pag-aaral sa Sto. Tomas

upang makapanggamot, nabuo ang kayang pasya na mag-aral sa España. Tinanggap ni Rizal ang hikayat

ng mga kaibigan, maging ng tiyo niyang si Antonio Rivera, ama ni Leonor.

Pero walang kapantay ang ibinigay na suporta ng kapatid ni Rizal na si Paciano. Masinop niyang

binalak ang pag-aaral ni Rizal at ipinamana ang pangarap na laan sana sa kanya—isang pangarap na

ipinagpalit sa obligasyon ng panganay na lalake na pangasiwaan ang kabuhayan ng pamilya. Inilihim nila

sa pamilya ang mga balak.

Page 5: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

5

Patungo sa Liwanag ng Dunong at Daigdig

“Ginising ako ni Señor Paciano ng alas-5 ng umaga upang maghanda para sa paglalakbay.

Pupungas-pungas pa akong bumangon at nag-ayos ng aking dadalhin. Binigyan ako ni „Ñor Paciano ng 365 piso. Gising na ang aking mga magulang pero tulog pa ang aking ibang kapatid. Nilagok ko ang isang

tasang kape. Malungkot akong tiningnan ng aking kapatid. Walang kaalam-alam ang aking mga

magulang. Nang maisip ko na iiwan ko ang aking pamilya, bumalong ang luha sa aking mga mata. Wari‟y malulunod ako. Ay, kaylaki nitong sakripisyo para sa isang kabutihang ni hindi mo matanganan. “

Nagtungo si Rizal sa Maynila. Matapos humingi ng mga sulat ng rekomendasyon kay Pedro Paterno

at sa mga paring Heswita, naglayag siya patungong Europa noong ikalawa ng Mayo sa edad na 20 taong

gulang. “Kumuha ako ng lapis at iginuhit sa papel ang baybayin ng Maynila. Nanghihina man ang aking

mga kamay tulad ng aking puso, patuloy ako sa pagguhit.”

Unti-unti ring naglaho ang lumbay ni Rizal, pinalitan ng pagkamangha sa pagtuklas ng bagong

buhay at daigdig sa kabila ng mga alon. Iniwan sa atin ng kasaysayan ang napakaraming larawan ng mga

tao‟t tanawin, mga sulat sa magulang at kaibigan, at mga ala-ala tungkol sa kanyang mga paglalakbay na

masinop niyang sinulat sa mga papel at kwaderno. Ito halimbawa ang kanyang opinion sa bapor na

Djemnah. “Kumikinang ang lahat, mahangin, malinis ang mga kwarto. Nababalutan ng alpombra ang lahat ng sahig. Malinis ang inidoro, ekselente ang mga banyo.” At nang dumako siya sa Aden, “May nagtitinda

ng malalaking itlog at balat ng leon at tigre. Uminom kami ng limonada. Gumamit ang serbidor ng pako para biyakin ang yelo at kinamay ito sa baso bago ihain sa amin.” Nakita rin niya ang bantog na Suez

Canal, ang Villas ng Sicily at Naples, ang kastilyo sa tuktok ng bundok.

Dumaong si Rizal sa Marseille, France at mula roo‟y sumakay ng tren patungong Barcelona, Spain

kung saan siya namalagi ng ilang buwan upang palipasin ang bakasyong pang-tag-araw ng mga

unibersidad. Unang araw pa lamang, nawalan na ng amor si Rizal sa Inang España. “Pumasok ako sa

pinaka-pangit na dako ng lungsod at namalagi sa fondang nakasiksik sa isang makipot na eskenita. Ang mga tao‟y walang pakialam sa isa‟t isa. Tumatagos ang lamig hanggang buto. May panahon na

nagsisiputok ang alipunga sa aming mga katawan.”

Habang nagpapalipas ng oras bago magbukas ang mga unibersidad, tinupad ni Rizal ang

pangako sa ilang kaibigan na magsulat ng mga artikulo para sa “Diariong Tagalog”, ang unang

pahayagan na nakasulat sa Tagalog at Kastila na pinamamahalaan ni Marcelo del Pilar sa Pilipinas. Patuloy

din ang pakikipag-sulatan sa kanyang pamilya, at mga kaibigan. “Mahal kong kapatid, nang matanggap namin ang telegrama na nagbabalitang nakaalis ka na, malungkot ang ating mga magulang, lalo na si

Tatay. Siya ay naging balisa, ayaw bumangon sa kama, umiiyak sa gabi. Pinapapunta niya ako sa Maynila

upang alamin kung paano mo nagawang umalis upang mag-aral. Sinabi ko sa kanya na tinustusan ito ng ilan mong kaibigan pero nang mapansin kong balisa pa rin siya at nanganganib magkasakit, pinagtapat ko

sa kanya ang lahat sa pasubali na siya at siya lamang ang makakaalam niyon. Bumuti na ang matanda at ngayo‟y nakukuha nang tumawa. Ang „yong nagmamahal na kapatid, Paciano.” “Iniibig kong kapatid,

nasabi sa akin na gusto mo raw marinig ang wikang Tagalog upang hindi mo malimot ang iyong pinagmulan at kami na iyong mga kapatid. Tuwing binabasa ko ang iyong mga liham, hindi ko mapigil ang

pagluha, lalo na „yong sinulat mo bago ka umalis at sinabi mong dumaan ka dito upang magpaalam ngunit

natutulog pa ako. At „yong sabi ni Mama na kaunti lamang ang dala mong salapi kaya lagi kong iniisip kung paano ka nakakaraos. Gawa nito, padadalhan kita ng diyamanteng singsing. At isulat mo sa akin kung

kanino ko ito maaaring ipadala. Ang iyong nagmamahal na kapatid, Neneng.”

Page 6: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

6

Umabot din kay Rizal ang balita na ipinagdamdam ni Leonor ang kanyang paglisan. Hindi na sila

nakapagpaalam sa isa‟t isa. At iniulat ng isang kaibigan ni Rizal na malaki ang ipinayat ni Leonor dahil sa

pag-aalala. At nagbabalak itong kulayan ng itim ang lahat ng kanyang damit.

Mula sa Barcelona‟y lumipat si Rizal sa Madrid at magkasabay na nagpatala sa Kolehiyo ng

Medisina at Kolehiyo ng Pilosopiya at Letras. Nakuha rin niyang ipagpatuloy ang hilig sa pagpipinta,

pagsusulat at pag-aaral ng mga wikang Europeo. Tinipid ni Rizal ang sarili sa maraming bagay, maliban sa

libro, tiket sa teatro, at kaunting paglilibang. “Madrid, ika-30 ng Disyembre, 1882. Señora Maria,

natanggap ko ang maikli ngunit malaman mong liham. Maniniwala ka ba na hindi pa ako naliligo mula noong Agosto at hindi ako pinagpapawisan? Ganyan dito: napakalamig at napakamahal ng paliligo. 35

sentimos ang bawat isa. Ang nagmamahal mong kapatid, Jose.”

Totoong hindi Madrid ang sentro ng karunungan sa Europa. Madalas ireklamo ni Rizal ang gawi ng

mga estudyante doon na natutulog hanggang tanghali, kung gabi nama‟y dumadalaw sa bahay ng mga

kalapating mababa ang lipad. Pero mahirap ding sisihin ang mga kabataang mula Filipinas. Sa unang

pagkakataon, malaya sila mula sa kanilang mga magulang—sa isang napakalayong lugar kung saan mura

ang aliw.

Nakasama ni Rizal ang mga Filipinong intelektwal tulad ni Graciano Lopez-Jaena, isang dating

estudyante ng Medisina na unti-unting kinikilala sa kanyang pagsusulat at pagtatalumpati at si Gregorio

Sanciangco, may akda ng “El Progreso de Filipinas”. Sumapi siya sa Circulo Hispano-Filipino, isang

samahan ng mga Filipino at Español na nagtitipon sa isang bahay upang pag-usapan ang mga bagay-

bagay na may kinalaman sa Filipinas at maglabas ng isang pahayagan o revista.

Bukod sa mahusay na kombersasyon, malaki ang motibasyon sa pagpunta roon ni Consuelo

Ortega, ang dalagang anak ng may-ari ng bahay. Niligawan siya ni Rizal at bagaman inakala ng dalaga

na napakasaya niyang kausap, ang pinili niya ay si Eduardo de Lete, isang Kastilang ipinanganak sa

Filipinas na magmula nito‟y naging lihim nang kaaway ni Rizal.

Namatay ang Ciculo dahil sa kakulangan ng pondo at paglaganap ng pulitikal na kulay na

ikinailang ng matatandang Kastila. „Di man nila napansin, tumatalab na ang mga liberal na ideya sa

kamalayan ng mga Filipinong intelektwal, isang proseso ng pagbubukas ng isip sa pagkakaiba ng buhay sa

konserbatibong Filipinas at España kung saan napaka-liberal ng pagpapalitan ng mga ideya. Bunga din ito

ng mga ideyang napulot mula sa mga klase sa Pilosopiya na nagpapahalaga sa katuwiran sa halip na

relihiyon at bulag na pananampalataya. Bunga rin ito ng pagpapalitan ng kuro-kuro sa pagitan ng pag-

inom ng kape o pagkatapos manood ng mga dula sa teatro. Samakatuwid, naging napaka-natural ng

pagpasok ng pulitika sa usapan. Halos hindi ito namalayan.

Makikita ang pagsibol ng kamalayang-pulitikal sa isang talumpating binigkas ni Rizal bilang

parangal sa pagkapanalo nina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo sa isang timpalak sa pagpinta. “Sina Luna at Hidalgo ay karangalan hindi lamang ng Pilipinas kundi ng España. Totoong sila‟y isinilang sa

Pilipinas ngunit maaaring isilang sila kahit saan sapagkat ang talino ay walang kinikilalang bayan. Ito‟y

umuusbong kahit saan tulad ng liwanag ng karunungan. Uminom tayo para sa kalusugan ng ating mga dakilang artistang Luna at Hidalgo. Uminom tayo para sa kalusugan ng kabataang Filipino, ang banal na

pag-asa ng lupang tinubuan. Nawa‟y pamarisan nila ang dalawang artistang ito at nang ibigay na ng Madre España na maasikaso at maingat sa ikabubuti ng kanyang mga probinsiya ang mga repormang

matagal nang binabalak para sa Pilipinas.” Hindi inakala ni Rizal na mamasamain sa Pilipinas ang isang

Page 7: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

7

talumpating pinapurihan ng mga liberal na tao‟t pahayagan sa España. “Mahal kong kapatid, may

karamdaman ang Nanay. Hindi siya makakain at makatulog. Matamlay at hindi makabangon. Ikaw ang dahilan nito. Kumalat dito ang balita tungkol sa talumpating ibinigay mo para sa dalawang pintor at may

nakapagsabi na hindi ka na makakauwi dahil dito. Napakarami mo nang kaaway. Ang iyong kapatid,

Paciano.”

Naging mahirap ang kabuhayan sa Calamba nang bumagsak ang presyo ng asukal sa pamilihan.

Dahil dito, lubhang nahuli ang pagpapadala ng salapi kay Rizal. Nagprisinta naman siya na umuwi na

lamang sa Pilipinas, yaman din lamang at nakuha na niya ang lisensiyado sa Medisina at hindi

kakailanganing mag-aral ng doktorado dahil hindi naman niya balak magturo ng Medisina.

Napagkasunduan ng pamilya na huwag pauwiin si Rizal at sundin ang mungkahi na magsanay muna siya sa

optalmolohiya sa isang klinika sa Paris. “Mga 50 hanggang 100 ang pasyente sa klinika ni Dr. Louis de Weckert. Maraming duling ang naitutuwid ang mata. Kahapon, inoperahan namin ang isang kusinera na

mas duling pa kina Emilio at Mariano. 2 minuto lamang, naayos na.”

Madalas siyang maging panauhin ng pamilyang Pardo de Tavera, mga biyenan ni Juan Luna.

“Sakali‟t kapusin ako ng salapi, nagprisinta si Luna na pautangin muna ako dahil mayroon pa raw siyang

naitatabi. Dahil isang pintor, kung minsa‟y pobre siya at kung minsan nama‟y parang milyonaryo.”

Ginantihan naman ni Rizal ng pagkakaibigan ang kabutihan ni Luna. Naging modelo siya sa iba‟t ibang

larawan ng pintor.

Napagpasiyahan ni Jose na magtungo sumandali sa Heidelberg, Germany upang magsanay pang

lalo sa klinika ni Otto Becker. Pinagbuti rin niya ang pagsasalita at pagsulat ng wikang Aleman. Ngunit

sadyang may lungkot na matatagpuan sa malalaking gusali at nagniyeniyebeng mga daan. Kaya, laging

pinananabikan ni Rizal ang init ng pagtingin ng kanyang pamilya. Kahit kapos sa salapi, pinagsisikapan

niyang bigyan ng aginaldo ang kanyang mga pamangkin. Isinalin niya at ginawan ng dibuho (sketch) ang

mga kwentong pambata ni Hans Christian Andersen. Madalas din niyang ipagtampo ang katamaran ng

kanyang mag-anak sa pagsulat. “Mga mahal kong magulang at kapatid, napuno ko ang apat na pahina kahit walang sinasabi na nagpapakita lamang na pwedeng sumulat ang isang tao kahit wala naman siyang

malaking ibabalita.”

Sa panahong ito, nagsimula sa pamamagitan ng isang sulat ang matalik na pagkakaibigan nina

Jose Rizal at Ferdinand Blumentritt, isang Austrian iskolar. “Propesor Ferdinand Blumentritt, nang mabalitaan ko po na pinag-aaralan ninyo ang aming wika at sa katunaya‟y nakapagpalimbag na ng ilang akda tungkol

dito, minabuti kong padalhan kayo ng isang aklat na sinulat ng isa sa aking mga kababayan. Gumagalang, Jose Rizal.” Agad na sinagot ni Blumentritt ang sulat. Pinakilala ni Blumentritt si Rizal sa mga kilalang iskolar

ng Europa, mga higante ng karunungan at siyensya. Bagama‟t sa simula‟y siyensya at Filipiniana ang

nagbuklod sa kanila, sa pagtagal ng panahon, si Blumentritt ay naging ama-amahan, tagapayo,

tagapagtanggol at tagahanga, ang tunay na kabiyak ng kanyang kaluluwa. “Kasama ng sulat na ito ang

isang larawang iginuhit ko sa lapis upang makilala ninyo ako sa istasyon.” “Masakit sa amin ang matagal mong hindi pagsulat. May sakit ka ba o may masamang nangyari sa iyo? Ngayong bisperas ng Bagong

Taon, ang pamilya ko‟y iinom ng punch para sa iyong kalusugan. Pinuno ako ng kaligayahan nang

matanggap ko ang sulat mo. Sa labis na kasabikan, matagal akong hindi nakakain. Salamat sa Diyos at magaling ka na. (Blumentritt)” “Lumamig na ang sabaw sa pagkatulala ko nang mabasa ko ang dalawang

sulat. Busog na busog ang puso ko. Naisip ko: anong kabutihan ang nagawa ko upang maging karapat-dapat sa pagkakaibigan ng tulad ninyong busilak ang puso?”

Page 8: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

8

Sa panahong ito‟y tinatapos na ni Rizal ang Noli Me Tangere pero nahirapan siyang maghanap ng

pondo upang ipalimbag ito sa mga imprenta ng Berlin. Hindi pa nabebenta ang asukal sa kamalig ng mga

Rizal at mahirap ang buhay ng pamilya. Sa kabutihang palad, nagpunta roon si Maximo Viola, isang

kaibigang nakilala niya sa Barcelona. Agad na humanga si Viola kay Rizal dahil sa talino nito at dedikasyon

sa mga gawain. Dinala niya si Rizal sa isang espesyalistang doktor na nagsabing nagkasakit ito dahil sa

labis na pagtitipid sa pagkain. Inabonohan din ni Viola ang buong halaga ng pagpapalimbag ng Noli Me

Tangere kahit na noong una‟y ayaw pumayag ni Rizal. “Propesor Ferdinand Blumentritt, kasama nito ang isang libro, ang kauna-unahan at matapang na libro tungkol sa buhay ng mga Tagalog. Makikita dito ng

mga Pilipino ang kasaysayan ng nakaraang 10 taon. Marahil ay tutuligsain ito ng gobyerno at ng mga prayle pero nananalig ako sa Diyos ng katotohanan at sa mga taong nakakakita ng aming tunay na

kalagayan.”

Nagpasya si Rizal na bumalik sa Pilipinas, sa kabila ng pagpigil ng lahat. Aniya‟y sinong

maniniwala sa intensyon ng kanyang nobela kung hindi siya uuwi sa kanyang bayan upang magsilbing

halimbawa? Sasabihin nila na malakas lamang ang loob niyang magsulat dahil napakalayo niya sa

panganib.

Ang Lakbayin Patungo sa Ligalig

Nang magbalik si Rizal sa Pilipinas, hindi pa gaanong napag-uusapan ang Noli Me Tangere.

Bukod sa kakaunti ang kopyang nakapasok sa bansa, kasalukuyan pa lamang itong sinusuri ng mga prayle.

Naging mainit ang pagtanggap kay Rizal ng mga karaniwang tao. Matapos kumalat ang balita tungkol sa

kanyang husay sa panggagamot, maraming bata, ale at matatanda ang sumusunod saan man siya

magpunta. Pero makaraan ang 3 linggo, nagkatotoo ang hinala ni Rizal.

Pinatawag siya ng gobernador-heneral sa Malacañang dahil sa reklamo ng mga prayle tungkol sa

nobela. Inilipat ng gobernador sa Komisyon ng Sensura ang pagpapasya sa nobela at nagtalaga ng 1

militar kay Rizal na „di umano‟y mangangalaga sa kanyang kaligtasan ngunit sa katotohana‟y isang bantay.

Sinundan ni Taviel de Andrade si Rizal saan man siya magpunta. Nagkasundo silang 2 dahil siya‟y edukado

at liberal. Tinulungan pa siya ni Taviel na pabulaanan ang mga mapanirang anas-anasang kinakalat ng

mga prayle. “Espiya raw ako ng mga Aleman, Protestante, Mason, mangkukulam. Pinagbabawalan ako ng aking ama na lumabas ng mag-isa o makikain sa bahay ng iba. Natatakot at nangangatal ang matanda

para sa akin.” Hindi rin siya pinayagan ni Don Kikoy na pumunta sa Dagupan upang makita si Leonor at

gayun din naman ang ama ni Leonor sa kanya.

Nang imungkahi ng Sensura na pigilin ang pamumudmod ng Noli Me Tangere, pinagkaisahan ng

mga prayle na pilitin ang gobernador na gumawa ng marahas na hakbang tulad ng pagpapakulong kay

Rizal. Pinayuhan siya ng heneral at ng mga mahal sa buhay na umalis na lamang upang matahimik na ang

lahat.

Nilisan ni Rizal ang Pilipinas. Tumigil muna siya sa Hongkong, Macau at pagkatapos ay sa Japan.

“Kakaunti lang ang magnanakaw sa Hapon. Sinasabi na laging nakabukas ang kanilang mga bahay.

Gawa lamang sa papel ang kanilang mga dingding. At sa mga hotel ay maaari kang mag-iwan ng salapi sa mesa ng walang panganib. Kaunti lamang ang mga pulubi. Walang nag-aaway sa daan. Malinis ang

mga bahay.” Nahumaling si Rizal sa Japan at maging sa isang Haponesang pinangalanang O Sei San.

Walang naiwang salaysay tungkol sa kanilang pagniniig maliban sa ilang pangungusap sa kanyang mga

Page 9: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

9

tala. “Walang sinumang babae ang nagmahal sa akin tulad mo. Hindi magmamaliw sa aking ala-ala ang

iyong larawan. Ang pangalan mo ay mananatili sa aking labi sa bawat buntong hininga. Taglay mo ang lahat ng kulay ng camellas, ang kanyang kasariwaan at karilagan. Sayonara, sayonara!”

Pagkatapos ay sa Amerika naman naglakbay si Rizal mula California hanggang New York.

“Dinalaw ko ang pinakamalalaking siyudad ng Amerika, ang kanilang naglalakihang gusali, mga ilaw na

de kuryente. Walang duda na dakilang bansa ang Amerika bagama‟t marami pa rin itong depekto. Walang tunay na kalayaan ang mga tao. Sa ilang estado, halimbawa, hindi pwedeng mag-asawa ang isang negro

at isang puti.”

Sa Inglatera susunod namalagi si Jose. Sa tulong ng isang sulat mula kay Blumentritt, nakilala niya

doon si Dr. Reinhold Rost na mabilis din niyang naging mabuting kaibigan. Bukod sa palagiang pag-iimbita

sa kanya sa bahay upang mag-tsaa kasama ng kanyang pamilya, tinulungan siya nitong makakuha ng

permisong gumamit ng aklatan ng British Museum. Doon natagpuan ni Rizal ang isang libro tungkol sa

kasaysayan ng Pilipinas (Sucesos de las Islas Filipinas) na sinulat ni Antonio Morga, isang tagapayo ng

gobernador-heneral na namalagi sa Pilipinas ng 10 taon. Para kay Rizal, mainam na dokumento ang libro ni

Morga upang pabulaanan ang paratang ng mga Español na walang sibilisasyon sa Pilipinas bago sakupin

ng España. Kaya sa halip na sumulat ng sarili niyang kasaysayan ng Pilipinas, ipinasya ni Rizal na muling

ilimbag ang akda ni Morga kasama ang kanyang mga tala. Matiyaga niyang kinopya ang buong

dokumento pagkatapos ay ikinumpara ang datos nito sa iba pang dokumento tungkol sa Pilipinas. Nang „di

tumupad ang kababayan niyang si Antonio Maria Regidor sa pangakong ipalilimbag ang aklat, nagtungo si

Rizal sa Paris upang makamura sa palimbagan.

Panahon din ito nang maging aktibo si Rizal sa La Solidaridad, ang pahayagang propagandistang

inilalabas ng mga Filipino sa España. Nagsulat siya sa paanyaya ni Graciano Lopez Jaena, ang una nitong

editor at kahuntahan niya noong nasa España. Karaniwang tema ng mga artikulo ni Rizal ang pagtatanggol

sa kultura at pagkatao ng Filipino laban sa panghahamak ng mga peryodistang Español. “Hindi tamad ang

mga Filipino. Tingnan niyo na lamang kung paano mamuhay ang mga Europeong nagpaparatang nito sa kanila. Napapaligiran sila ng mga alila na tagatanggal ng sapatos at tagapaypay. Ang tao ay hindi hayop,

hindi makina. Ang mithiin niya sa buhay ay hindi ang gumawa para sa ibang tao kundi tuklasin ang kanyang

kaligayahan at ikauunlad bilang nilalang. (La Indolencia de los Filipinos)” Nagsulat din siya tungkol sa mga

karapatan na dapat sana‟y tinatamasa ng mga Filipino bilang lehitimong mamamayan ng España na

nagbabayad ng buwis at nagbibigay-serbisyo. Isa rito ang sikat na liham sa mga babae ng Malolos na

pinapurihan niya sa kanilang pakikipaglaban upang bigyan ng pagkakataong makapag-aral ng wikang

Español.

Mahirap na hindi humanga sa kasipagan ni Rizal bilang iskolar at sa katapatan niya sa direksiyong

itinakda niya para sa kanyang sarili, lalo na kung iisipin na sa buong panahong ito‟y ginigipit siya ng mga

problema sa salapi at ng patuloy na pagpapahirap sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas,

bunga ng kanyang mga akda at ng patuloy na suportang ibinigay nila ni Paciano sa paghahain ng kaso

laban sa mga prayleng nagmamay-ari ng Hacienda de Calamba na dati‟y kapanalig ng pamilya Mercado.

Ayon sa sulat ng bayaw niyang si Silvestre Ubaldo, “Señor Jose Rizal, sa kasalukuyan, 13 o 60 sakada ang

nakademanda sa korte ng Hukom Tagapamayapa. Sakaling matalo, palalayasin sila at ipagigiba ang lahat, ang kamalig, ang asukalera, at lahat ng nakatirik sa lupa. (Silvestre)” Ilang ulit ding ipinatapon sa

Tagbilaran ang bayaw niyang si Manuel Hidalgo, asawa ni Saturnina. Dinampot siya habang nagno-

Noche Buena ang pamilya. At nang umabot ang kaso sa sukdulan, pinalayas ang mga magsasaka ng

Calamba kasama ang pamilya Rizal. “Aking mahal na kapatid, napakasakit ng naganap na pagpapalayas.

Page 10: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

10

Ang awtoridad, naroon silang lahat upang kamkamin lahat ng pag-aari ng mga pinalayas. Mga 300

pamilya ang inagawan ng kanilang lupa, bahay, hayop, ani ng asukal at bigas. Wala kaming magawa. Nagkalat ang mga guwardiya sibil, ginugulo ang lahat. Pati mga batang 12 taon ay pinabibili nila ng

sedula. Ang iyong nagmamahal na kapatid, Narcisa.”

Ipinatapon si Paciano kasama ng kanyang mga bayaw sa Mindoro. Nang mamatay ang bayaw

niyang si Mariano Herbosa, pinagkaitan ito ng Kristiyanong libing. Maging ang kanyang munting

pamangkin na namatay sa sakit ay balak ding pagkaitan ng libing. Matagal na ibinurol ang bangkay ng

bata habang hinihintay ang sagot ng arsobispo. Hindi mapanatag si Rizal, lalo na‟t totoong malaki ang

kinalaman niya sa protesta ng Calamba at sa pagkatha ng nobela. “Umapela na ang kapatid ko sa Korte

Suprema at kailangan kong pumunta sa España upang bantayan iyon o bumalik sa Pilipinas upang

masubaybayan ang mga pangyayari. Nanaisin ko pang mamatay para sa aking mga kababayan kaysa mabuhay dito ng maginhawa.” Pero pinigil siya ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Ano pa bang

magagawa niya sa Pilipinas kundi dagdagan ang kanilang pasakit?

Ang mga bagay na ito ang gumugulo sa isip ni Rizal nang mamalagi siya sa España. Kaya, hindi

kataka-taka na hindi niya gaanong natanganan ang mga sumunod na pangyayari.

Nagkaroon ng kaunting intriga sa pagitan nina Rizal at Del Pilar tungkol sa organisasyon at

pamamalakad ng gawain ng mga Filipino sa Madrid. Sinasabi na nagsimula lamang ito sa palagiang

pagpapayo ni Rizal tungkol sa pamamalakad ni Del Pilar ng La Solidaridad. Bukod pa rito ang madalas

niyang panunuligsa sa pagpapabaya at pambababae ng mga Filipino. Walang malisya ang mga payong

ito ni Rizal. Siya ang tinitingalang pasimuno ng mga makabayang manunulat at hinirang na pinunong-

pandangal ng La Solidaridad. Gayunman, nang bumalik siya sa España matapos ang mahabang panahon,

marami siyang ideya at pangarap para sa mga Filipino roon na inakala niyang hindi siya mahihirapan na

ipatupad. Hindi niya naisip na posibleng naliligaw siya sa teritoryo ni Del Pilar na kinikilala din ng lahat,

kasama na ni Rizal, bilang pangunahing tagapagsulong ng lahat ng gawaing pulitikal ng mga Filipino sa

Madrid mula nang umalis si Rizal.

Ayon kay Rizal, sinamantala ng kampo ni Del Pilar, lalo na ng dati niyang karibal na si Eduardo de

Lete, ang isang eleksiyon para sa pagkapinuno ng mga Filipino sa España upang hiyain siya. Inakala ni Rizal

na pormalidad lamang ang eleksiyon. Pero ilang ulit na hindi sumapat ang botong nakuha ni Rizal sa

napagkasunduang mayorya. Bagama‟t nanalo din siya pagkatapos ng ilan pang botohan, labis siyang

nasaktan. Ginawa man ni Del Pilar ang lahat upang aliwin si Rizal, lubha itong pinersonal ni Rizal na

lubhang nasugatan sa mga pangyayari. “Pero mayroon akong isang kahinaan. Marunong akong magpatawad pero hirap akong makalimot. Kaya kung naaalala kong ikaw noon ang aking

tagapagtanggol, hindi ko rin malimot na ikaw ang unang taong ginamit nila upang patalsikin ako.”

Hindi pa man humuhupa ang kanyang poot, nakatanggap siya ng isang sulat mula kay Leonor

Rivera na taglay ang kamandag ng isa na namang kasawian. Wala na ang sulat na ito pero nalalabi pa

ang salaysay niya kay Blumentritt. “Ang aking kasintahan na nanatiling tapat sa akin ng higit sa 11 taon ay

magpapakasal na sa isang Ingles, isang inhinyero sa tren. Nang marinig ko ang balita, inakala kong

mababaliw ako pero nakalipas na „yon. Huwag mong pagtakhan na ipinagpalit niya ako sa isang Ingles na nagngangalang Henry Kipping. Ang mga Ingles ay malaya; ako‟y hindi.” Nawaglit na sa kasaysayan ang

mga sulat nina Rizal at Leonor sa isa‟t isa. Ayon sa isang kwento, matagal na inilihim ng ina ni Leonor ang

mga sulat. Natuklasan lamang ni Leonor ang lahat nang malapit na siyang ikasal kay Kipping. Hindi niya

inurong ang kasal pero nagbigay ng ilang kondisyon: (1) dapat niyang makatabi ang kanyang ina sa

Page 11: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

11

simbahan, (2) hindi na siya kakanta habambuhay, at (3) habang panahong hindi patutugtugin ang kanilang

piano. “Tapos na marahil ang bagyo. Sisikat na ang araw dahil ang lahat, ang lahat-lahat, ay naglaho na. Nawala na ang lahat sa amin. Nawala na ang lahat sa akin. At wala nang maaaring mawala. Siguro

nama‟y bubuti na ang mga bagay.”

Ganoon nga ang nadama niya nang magtungo siya sa Biarritz, isang maayang bayan sa France

malapit sa dagat. Biniyayaan siya ng panahon upang haluhin ang sarili, upang ayusin ang kanyang

ikalawang nobela, upang umibig nang muli. Umibig siya kay Nellie Boustead na sinusuyo ng kababayan

niyang si Antonio Luna. “Tinanong kita ng maraming beses kung may pagtingin ka Nellie. At sinabi mong wala. Hinikayat mo pa nga akong ligawan siya.(Antonio)” Noong lumaon ay natanggap din ni Luna ang

mga bagay-bagay bagama‟t minsan nang malasing siya ay muntik na silang mag-duwelo ni Rizal. Nang

lumao‟y nagkabati rin ang dalawa at ipinaubaya ni Luna kay Rizal ang babae. Pero hindi maaaring

magpakasal si Rizal. Nakasangla ang puso niya sa kanyang mga gawain. “Marami sanang dalaga na

sana‟y nakapagbigay-liwanag sa aking buhay kahit isang araw man lamang. Subalit, wala, wala. Tulad ako ng mga biyahero na dumadaan sa lugar na hitik sa bulaklak. Nilalampasan nila ito sa kaiisip na may

hinahanap silang kung ano na hindi nila mawari. Subalit paglaon, ang natatagpuan nila‟y pawang disyerto at pagsisisi.”

Nagtungo si Rizal sa Belgium upang ipalimbag ang kanyang pangalawang nobela (El

Filibusterismo). Pero tulad ng dati, kinapos siya ng pondo. “Naisanla ko na lahat ng alahas ko. Tumitira ako

sa isang maliit na silid. Kumakain sa isang dukhang restawran para lamang maipalimbag ang aking libro. Kung hindi lamang ako naniniwala na may natitira pang mabubuting Pilipino, iibigin ko pang lamunin ng

diablo ang lahat. Kay raming nangako na magbibigay ng salapi para sa libro. Ano bang akala nila sa akin?

Kung kalian pa kinakailangan ng isang tao na matahimik ang kanyang diwa at isip ay saka pa nila lilinlangin at aabahin. Manaka-naka‟y naiisip ko tuloy na sunugin ang aking isinusulat at ako‟y lilisan upang

makapaghanapbuhay para sa aking sarili.” Pero tulad din ng dati, may kaibigan siyang Valentin Ventura na

nagpaluwal ng salapi para sa nobela.

Ang isa pa niyang kaibigang si Jose Basa ang nagpautang ng pamasahe patungong Hongkong.

Dito‟y muling nakatagpo ni Rizal ang kanyang pamilya.

Dapithapon at Dilim

Nang mabalitaan ng mga Español na pabalik na si Rizal sa Asya, minabuti nilang iliban si Paciano

at ang kanyang mga bayaw sa Jolo. Sa kabutihang palad, nakatakas sila at nakapuslit patungong Hong

Kong kasama si Don Kikoy. Sumunod na pinag-initan ang kawawang si Doña Lolay. Dinakip siya sa

balighong paratang ng hindi paggamit ng tamang apelyido. “Mula sa Maynila, pinaglakad siya ng 4 na araw hanggang Sta. Cruz, Laguna. Isipin mo na lamang ang isang matandang babae na 64 anyos,

umaakyat ng bundok at naglalakad sa kalye.” Naawa ang gobernadorsilyo, pinawalan ang matanda. At

pagkaraa‟y pinahintulutang pumunta sa Hong Kong.

At sa isang maamong panahon ng biyaya, muling nagkasama ang mag-anak na Rizal upang

salubungin ang Bagong Taon. Nagbukas si Rizal ng klinika. Ang mga kapatid niyang babae ang

namamahala ng mga gawaing bahay. Masaya ang kanyang mga magulang, lalo na si Don Kikoy na laging

nakatanaw sa mga bapor sa dagat.

Page 12: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

12

Maligayang-maligaya na sana ang pamilya pero hindi mapalagay si Jose sa kapayapaan,

ngayong alam niyang napakaraming dapat gawin. Sinulat niya, inilimbag at ipinadala sa Maynila ang

konstitusyon ng isang samahang tinawag niyang Liga Filipina na naglalayong himukin ang mga Filipino na

magtulong-tulong upang gumawa ng mga kinakailangang pagbabago sa bayan.

Nagpunta din siya sa Sandakan, North Borneo na ngayo‟y Sabah sa pagnanasang magtayo ng

bayan-bayanang malilipatan ng mg Filipinong ipinatapon mula sa Calamba. Iniharap niya ang planong ito

sa bagong Gobernador-Heneral Despujol kasama ng paghingi ng pahintulot na bumalik upang ayusin ang

ilang personal na bagay. Pinahintulutan siyang bumalik pero walang ibinigay na garantiya sa kanyang

kalayaan. Ano‟t ano man, isa itong bagay na matagal na niyang napaghandaan. “Mga mahal kong

magulang at kapatid, maligaya kong isusugal ang aking buhay upang iligtas ang napakaraming inosenteng

tao. Mga giliw kong pamangkin, mga anak ng mga kaibigan na nagdurusa dahil sa akin, sino ba naman ako? Isang tao lamang, walang mag-anak, tinatabangan na sa buhay. Umaasa ako na matutuwa ang

aking mga kaaway at ititigil na ang pagpapahirap sa mga inosente. Madilim ang aking kinabukasan. At patuloy itong didilim kung hindi masisinagan ng liwanag ng bukang-liwayway sa aking tinubuang lupa.”

At nakita niya ang liwanag na „yon. Bagaman panandaliang nagpuspos ng kalungkutan nang

ipatapon siya sa malayong bayan ng Dapitan na nasa probinsiya ngayon ng Zamboanga del Norte. Tumira

si Rizal kasama ng komandanteng militar at ng kanyang maybahay na kapwa niyang nakagaanan ng

loob.Tumaya sila sa loterya (04441) ng magkabakas at nang manalo sila‟y pinaghatian ang premyo. Dahil

dito‟y nakabili si Rizal ng lupain sa dalampasigan ng Talisay sa halagang 18 piso. Noong una‟y isang kubo

lamang ang kanyang itinirik. Doo‟y nagpapalipas siya ng umaga‟t maghapon, nagbabasa, nagsusulat at

pagkataka‟y magbabalik na sa tahanan ng komandante.

Noong tumagal ay nagtayo siya ng klinika na bukas sa mayaman at mahirap at nagtatag ng maliit

na eskuwelahan. Dito‟y Europeo ang istilo ng pag-aaral. Itinuturo kasama ng wikang Español ang Ingles,

palakasan at mga kakayanan sa paghahanapbuhay. Hindi siya pinabayaan nina Blumentritt sampu ng mga

kaibigan nitong iskolar sa Europa. Lagi siyang nakakatanggap at sumusulat ng liham sa iba‟t ibang wika

tungkol sa iba‟t ibang bagay. Nariyan na iulat niya ang bagong species ng palaka at insekto na

ipinangalan naman ng mga Europeo sa kanya. Nariyang magpalitan sila ng mga kuro-kuro ni Blumentritt

tungkol sa wikang Tagalog. Dumating din ang panahon na pinayagang tumira kasama niya ang kanyang

ina at ilang kapatid na babae.

Gayunman, hindi maikakaila na inagaw si Rizal na nakagawian niyang buhay at ang tahanang

natagpuan niya rito ay walang iba kundi isang magandang hawla. Sa isang malungkot na tulang alay sa

kanyang ina, isinulat niya ang kanyang damdamin. “Ako‟y natapon sa kabatuhan ng bayan kong mutya.

Wasak na ang kinabukasan at tahanan may wala. Kaya‟t sana‟y magbalik dating pag-asa‟t adhika. Yaong

dalisay na pananalig ng tapat at musmos kong diwa. Na siya kong tanging yamang hindi nasasanla.”

Naibsan ang pangungulila ni Jose nang dumating si Josephine Bracken. Sinamahan ni Josephine sa

klinika ang kanyang nabubulag na ama-amahang si Mr. Taufer. Nahulog ang loob nila sa isa‟t isa. At

sinasabi na sa dalampasigan ipinagtapat ni Rizal ang nilalaman ng kanyang puso. “Josefina, Josefina,

naparito ka sa dalampasigan, naghahanap ng pugad, ng tahanan, tulad ng ligaw na ibon ng karagatan. Sakaling dalhin ka ng iyong kapalaran sa Hapon, Tsina o Shanghai man, huwag sanang mawaglit sa „yong

isipan ang puso kong tumitibok na ikaw ang dahilan.” Bagama‟t tumutol si Mr. Taufer sa takot na

mawawalan siya ng tagapag-alaga, nagawa rin ni Josephine na dispatsahin ito sa Maynila at bumalik sa

Dapitan upang mamuhay kasama ng kanyang mangingibig na tinawag niyang Joe.

Page 13: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

13

Pinagkaitan sila ng kasal hangga‟t hindi pormal na nagbabalik-loob si Rizal sa simbahang Katoliko.

“Mahal kong ina, mabait siya, masunurin. Naglalaba siya, nananahi, nagluluto, pinaliliguan at nilalaro ang

kanyang mga pamangkin. Walang Filipinang makahihigit sa pag-aalagang ginagawa niya sa akin. Kasal

lamang ang kulang sa amin. Pero ikaw na rin ang nagsabi noon, Nanay, na mas mabuti pa ang mga nagsasama sa grasiya ng Maykapal kaysa sa mga kasal na nagkakasalang mortal.” Gawin man ni Rizal

ang lahat ng paliwanag, ikinahiya ng ilang miyembro ng kanyang pamilya ang kanilang pagsasama. Ayon

kay Josephine, kung minsa‟y pinagduduldulan pa ito sa kanyang mukha sa harap ng kanilang mga

pamangkin. Gayunman, tiniis niya ang lahat ng pasaring.

Pero, sadyang mahirap takasan ang mga kamay ng kasaysayan. Tinanggihan man ni Rizal ang

plano ng mga Katipunero na itakas siya‟t gawing haligi ng himagsikan, hindi maikakaila na malaki ang

nagawa ng kanyang mga sinulat, ginawa at sinabi sa kamalayan ng mga taong nagpasyang makibaka.

Ang dahila‟y matagal na niyang itinakwil ang pulitika, matapos ang kapahiyaan sa Madrid, ang

pagkaudlot ng lahat ng kanyang plano upang bumangon muli sa Sandakan, at ang naunsiyaming

pagpapalaganap sa Liga Filipina. Pinili niya ang kapayapaan, ang buhay na sa wakas ay tahimik, ang

buhay na sa unang pagkakataon ay kanyang-kanya.

Sinunod niya ang payo ni Blumentritt na mag-boluntaryo bilang manggagamot sa Cuba sa ngalan

ng España upang mawakasan ang kanyang pagkakatapon at kalauna‟y makabalik sa kalayaan ng Europa.

“Nilisan namin ang Dapitan. Namalagi ako sa distritong „yon ng 4 na taon, 13 araw at ilan pang oras.”

Malayo na siya sa Pilipinas nang maibaba ang pasya na pabalikin siya sa Pilipinas upang humarap sa korte

sa paratang na rebelyon at pagbubuo ng mga ilegal na samahan.

Ipiniit siya sa Fort Santiago noong mga unang araw ng Nobyembre. Nilitis siya noong ika-26 ng

Disyembre. Pagkaraan ng 3 raw, binasa sa kanya ang hatol ng kamatayan. “Mga mahal kong magulang at kapatid, gusto ko kayong makapiling bago ako mamatay. Pumunta rito ang mga malalakas ang loob. May

mahalaga akong bilin. Ang inyong anak at kapatid na taus-pusong umiibig sa inyo, Jose.” Pinaka-unang dumalaw ang kanyang ina. Humingi si Rizal ng tawad para sa lahat ng paghihirap

na idinulot niya sa pamilya at hiniling na kunin nito ang kanyang bangkay. Gusto siyang yakapin ng

kanyang ina ngunit pinaghiwalay sila ng mga guwardiya sibil. Sumunod na dumalaw ang kanyang mga

kapatid na babae at mga pamangkin. Isa-isa niyang ipinamigay ang kanyang mga nalalabing gamit.

Ipinagbilin niya kay Trining ang isang lamparang inihandog sa kanya ng mga Pardo de Tavera. “There is something inside,” ibinulong ni Rizal sa Ingles upang „di maunawaan ng mga guwardiya. Doon niya isiniksik

ang kanyang huling tula.

Sinulatan niya ang mga mahal sa buhay na hindi nakapag-paalam, ang kanyang matalik na

kaibigan na nagdadalamhati sa Europa. “Kapag natanggap mo ang liham na ito‟y pumanaw na ako. Paalam, pinakamatalik, pinakamamahal kong kaibigan. May iniwan akong librong para sayo bilang ala-

ala mo sa akin.” Gayundin ang amang hindi pinahintulutang dumalaw. “Ipagpatawad ninyo ang sakit na siya kong isinukli sa inyong mga pagsisikap upang mabigyan ako ng edukasyon. Paalam, Tatay, paalam.”

At ang butihing kapatid na malayo na noon sa larangan ng digma. “41/2 taon na tayong hindi nagkikita at

nagkakausap. Pero, hindi naman natin kailangan ng mga salita upang maunawaan ang isa‟t isa, hindi ba? Masakit para sa akin na isiping iiwan kitang nag-iisa upang pasanin ang ating pamilya. Naiisip ko ang

iyong mga sakripisyo mabigyan lamang ako ng kinabukasan. Alam kong nagtiis ka ng napakaraming hirap nang dahil sa akin. Patawarin mo sana ako. Ang iyong kapatid, Jose.”

Page 14: 95674201 Jose Rizal Ang Buhay Ng Isang Bayani Documentary

TRANSCRIPTION BY: Tabitha Alindogan Peña No copyright infringement intended

14

Disyembre 30, 1896, binaril si Rizal sa Bagumbayan. Ang kanyang huling sinabi bago siya barilin

ay “Consummatum est.” Nakabili ng kabaong ang pamilya Rizal pero ipinagkait sa kanila ang bangkay.

Inilibing ito ng lihim sa sementeryo ng Paco. Walang kabaong, walang pangalan.