paggamit ng e-textbook bilang pantulong sa pag-aaral ng mga estudyante sa up diliman
Post on 03-Jan-2016
1.141 Views
Preview:
DESCRIPTION
TRANSCRIPT
PAGGAMIT NG E-TEXTBOOK BILANG PANTULONG SA PAG-AARAL NG MGA
ESTUDYANTE SA UP DILIMAN
Chan, Jonathan P.
2012-58934
BS Molecular Biology and Biotechnology
Isang Pananaliksik
Para sa asignaturang Filipino 40
Isinumite kay Dr. Jimmuel C. Naval
Marso 2013
Dedikasyon
Nais pasalamatan ng mananaliksik ang lahat ng sumagot sa kanyang sarbey lalo na
sina Erricka Calvelo at Jeremil David sa kanilang pagtulong humikayat ng mga
tutugon. Lubos siyang nagpapasalamat sa kanyang ina sa walang sawang suporta at
sa kanyang gurong si Dr. Jimmuel C. Naval sa lahat ng naiambag niya upang malikha
ang pag-aaral na ito.
Inaalay ng mananaliksik ang pag-aaral na ito sa mga mag-aaral na madalas gumamit
ng e-textbook at lubusang natutulungan dahil sa makabuluhang teknolohiyang ito.
Higit sa lahat, nais niyang ialay ng mananaliksik ang pag-aaral sa Puong Maykapal na
nagbigay sa kanya ng gabay at talas ng ispip upang maisagawa ito.
Abstrak
103 na mag-aaral ng UP Diliman mula sa iba’t ibang taon at kurso ang pinasagot ng sarbey tungkol sa paggamit ng electronic textbook o e-textbook. 70% ng mga sumagot ay nagsasabing gumagamit sila ng e-textbook kung saan marami ang mula sa Kolehiyo ng Agham at Pag-iinhinyero. Napagalaman na madalas gamitin ang mga e-textbook at malaki ang tulong nito sa pag-aaral. Ayon din sa resulta ng sinagawang sarbey, marami na ang tumatangkilik sa mga e-textbook subalit hindi ibig sabihin nito na malalaos ang paggamit ng pisikal na aklat. 79% ang nagsabing mas pipiliin nilang magbasa ng pisikal na aklat kung papipiliin sa dalawa. Ibig sabihin, ginagamit ang e-textbook bilang pandagdag impormasyon at pantulong sa tradisyonal na aklat. Gayunman, suliranin sa pagbugso ng industriya ng e-textbook ang pamimirata sapagkat 93% ang umaming di binibili ang mga e-textbook na kanilang ginagamit. Upang masugpo ang pamimirata at mas mapalaganap pa ang paggamit ng e-textbook, iminumungkahi ng mananaliksik na tanggalin na ng mga malalaking kumpanyang naglilimbag ang mga paghihigpit na humahadlang sa mga Pilipinong bumili ng e-textbook mula sa kanilang website.
TALAAN NG NILALAMAN
Pahina
PANIMULANG PAHINA……...…………………………………………………………i
DEDIKASYON………...…………………………………………………………………ii
ABSTRAK……………...………………………………………………………………..iii
PANIMULA
Layunin ng Pag-aaral …………………………………………...…….…………….1
Pamamaraan ……………………………………………………...…………..……..1
Saklaw at Limitasyon ………………………………………...……………………..1
Kahalagahan ng pag-aaral …………………………………...……………………...2
Mga kaugnay na pag-aaral……………………………...…………………………..2
KABANATA
I. Pangkalahatang Resulta ng Sarbey………..……………………….……...3
II. Kapakinabangan ng e-textbook………………….……………….……….6
III. Bakit hindi pabor ang lahat sa paggamit ng e-textbook? ……..…………. 9
IV. Isyu ng Pamimirata ng e-textbook………….………………..………..…12
LAGOM AT PANGWAKAS……………………………………………………………14
LISTAHAN NG MGA FIGYUR AT TALAHAYNAYAN…………………………….15
SANGGUNIAN………………………………………………………………………….16
APENDIKS A: SARBEY……………………………………………….………………17
Panimula
A. Layunin ng Pag-aaral
Mabilis na nagbabago ang teknolohiya sa ating modernong panahon. Lumaki ang
kabataan ngayon na kasama ang mga makabagong teknolohiya tulad ng cellphone,
laptop at tablets. Sa katunayan nga, maraming mga bata ang bihasa na sa pagkalikot
ng mga iPad kahit nasa elementarya pa lang at mayroon nang sariling mga facebook
account. Dahil dito, sinasabing sanay ang kabataan ngayon sa mundong digital.
Ngunit bukas rin kaya ang bagong henerasyon sa rebolusyong pang-edukasyon?
Tinatangkilik ba ng mga mag-aaral ang electronic textbook o e-textbook? Nais
sagutin ng pananaliksik ang mga katanungan ito.
B. Pamamaraan
Isinagawa ang pananaliksik sa pamamagitan ng isang sarbey na ipinamahagi sa
internet. Unang tinanong kung gumagamit ba ng e-textbook ang mga sumagot. Kung
hindi ay itatala na agad ang kanilang tugon at doon magtatapos ang sarbey. Kung oo
naman ang kanilang isinagot, tinanong din sila ukol sa kapakinabangan ng e-
textbook sa kanilang pag-aaral, mga dahilan kung bakit nila ito ginagamit at iba pa
(tingnang ang Apendiks A).
C. Saklaw at Limitasyon
Ang pananaliksik na ito ay nakatuon lamang sa paggamit ng etexbook ng mga mag-
aaral sa UP Diliman. Maaring magiba ang resulta ng pag-aaral kung mga estudyante
ng ibang pamantasan ang gawing batayan. Ipinapalagay din ng mananaliksik na
sinagutan ng tapat ang sarbey na ipinalaganap.
D. Kahalagahan ng pag-aaral
Malaki ang potensyal ng e-textbook baguhin ang larangan ng edukasyon. Hindi na
kailangang magputol ng maraming puno para lang makalikha ng isang libro.
Mababawasan din ang bigat na pasan ng mga mag-aaral sa kanilang likod pagpasok
sa paaralan. Mahalagang malaman kung marami na ba ang gumagamit ng e-textbook
sapagkat makakatulong ang resulta ng pananaliksik sa pagsusubaybay sa bagong
industriyang ito. Maari din siyang maging katwiran upang ipahayag sa mga
kumpanyang naglilimbag na malaki ang kanilang pontensyal ng merkadong ito.
E. Mga kaugnay na pag-aaral
Wala masyadong pananaliksik tungkol sa pagtanggap ng e-textbook ng mga mag-
aaral. Gayunman, kasalukuyang sinusubukan ng La Salle Greenhills High School ang
paggamit nito upang palitan ang mga tradisyonal na libro. Ayon sa isang artikulo sa
Manila Times, nakipagtambalan ang nasabing paaralan sa kumpanyang Samsung
upang mabigyan ng tablets ang kanilang mga mag-aaral.
Sinisikap din ng Vibe technologies, isang kumpanyang may kaugnayan sa Vibal
Publishing house, lumikha ng e-textbook na mabubuksan sa iba’t-ibang gadyet para
sa mga mag-aaral sa lahat ng antas. Nais din nilang makalikha ng isang digital na
kurikulum para sa mag-aaral ng makabagong panahon.
Kabanata I:
Pangkalahatang Resulta ng Sarbey
Nakalikom ang mananaliksik ng 103 na mag-aaral ng UP Diliman mula sa iba’t ibang
taon at kurso. 72 sa ng mga sumagot ng sarbey ay nagsasabing gumagamit sila ng e-
textbook habang 31 naman ang hindi. Dahil 70% ang sumagot na Oo, maaring
masabi na marami nga ang tumatangkilik dito.
Fig. 1. Bahagdan ng gumagamit ng e-textbook sa pag-aaral
Tal. 1. Paggamit ng e-textbook ayon sa kolehiyo
Gumagamit ng e-textbook Oo % Oo
Eng’g-Sci 54 75%
Ibang kolehiyo 18 25 %
Total: 72 100%
Mula sa datos ng sarbey, kapansinpansin din na 75% ng mga gumagamit ng e-
textbook ay mula sa kolehiyo ng pag-iinhinyero at agham. Ngunit isang salik ang
dami ng mag-aaral kung bakit galing sa dalawang kolehiyo na ito ang karamihan ng
sumagot na Oo. Upang mapatunayang karamihan nga sa mga mag-aaral ng pag-
iinhinyero at agham ay gumagamit ng e-textbook, kailangan din tingnan ang
porsyento mula sa dalawang kolehiyo na hindi gumagamit nito.
Fig. 2. Paggamit ng e-textbook ayon sa kolehiyo
16.92% lamang mula sa dalwang nasabing kolehiyo ang hindi nagbabasa ng e-
textbook. Malaking agwat ito sa 52.83% na nagsasabi rin na hindi mula sa ibang mga
kolehiyo. Dahil dito, maaring sabihin na ang kadalasang gumagamit ng e-textbook ay
mga mag-aaral ng pag-iinhinyero at agam. Ngunit bakit nga ba ganito? Ano ang
meron sa dalawang kolehiyo na ito at marami ang tumatangkilik sa e-textbook
galing dito?
Suriin natin ang mga asignaturang ginagamitan ng mga mag-aaral ng e-textbook.
Marami ang sumagot ng Kemistri, Pisiks, Bayoloji at Pag-iinhinyero sa isinagawang
sarbey. Ang mga asignaturang ito ay nangangailangan ng mga larawan upang
lubusang maintindihan. Halimbawa, kailangan mong makita ang larawan ng baga
para makuha ang konsepto ng paghinga. Mahalaga rin ang dayagrama sa kemistri
upang maunawaan ang istruktura ng mga biomolecules.
Fig. 3. Istruktura ng Protina (mula sa Biochemistry ni Mary Campbell)
Ang katangiang ng mga asignaturang nabanggit ay nagbibigay dahilan kung bakit
mga mag-aaral ng agham at pag-iinhinyero ang kadalasang tumatangkilik sa
etexbook. Kumpara sa pisikal na aklat na kadalasang binibili ng mga mag-aaral, mas
nakakatulong ang e-textbook sapagkat may kulay ito. Makakatipid din ang isang
estudyante kung ito ang kanyang gagamitin sa kamahalan ng pisikal na aklat. Tunay
ngang malaki ang matitipid dahil iba’t-ibang libro ang pinagbabatayan ng isang
propesor para sa pagsusulit. Sa katunayan, 72.22% ang nagsasabing gumagamit sila
ng e-textbook para makatipid sila.
Kahit ano pa man ang kurso ng gumagamit ng e-textbook, nagkakaisa ang lahat sa na
mabisa ito dahil maari mo siyang dalhin kahit saan. Nagbabasa ang 87.5% sa
kanilang mga portable gadgets ng e-textbook. Sa laptop man o tablet, ang
kagandahan ng e-textbook ay maari kang sumangguni sa iyong aklat nang hindi
nagbubuhat ng malalaking libro.
Kabanata II:
Kapakinabangan ng e-textbook at Kalamangan sa Tradisyonal na Aklat
Dumako naman tayo sa kapakinabangan ng e-textbook para sa mga mag-aaral ng UP
Diliman. Inantas ng mga sumagot ng sarbey ang kapakakinabangan ng e-textbook sa
kanilang pag-aaral mula 1-10 kung saan 10 ang pinakanakakatulong. Lumalabas na
77.78% ang iniantas ang paggamit ng e-textbook ng 8 pataas. Lima lamang ang
iniantas ito ng 5 pababa kaya naman maaring masabi na tunay nga itong
nakakatulong sa pag-aaral.
Fig. 4. Kapakinabangan ng e-textbook sa mga gumagamit nito
Tinanong din sa mga sumagot kung gaano nila kadalas nilang binabasa ang kanilang
e-textbook. 46% ay sinabing higit 3 beses sa isang lingo silang nagbabasa ng e-
textbook.
Fig. 5. Kadalasang gamitin ang e-textbook ng mga mag-aaral
Sinuri ng mananaliksik kung sino ang madalas gumamit ng e-textbook at
pinakanakikinabang sa paggamit nito. Ayon sa datos, dalwang klaseng mag-aaral
ang madalas gumamit at pinakanakikinabang sa e-textbook: ang mga may
programming at mga may kemistri.
Mga may asignaturang programming
Madaling maunawaan kung bakit maraming estudyante na may programming na
subject ang nagbabasa ng e-textbook. Kailangan ng mga kumukuha ng EEE at
ComSci gumamit ng kompyuter kapag nagsasanay silang mag-code. Mas madali para
sa kanila kung nasa laptop na rin mismo ang aklat na ginagamit nilang gabay sa
programming. Lalo itong nagiging mahalaga kapag nasa silid-aklatan sila nag-aaral.
Dahil na rin may kinalaman sa kompyuter ang kurso nila, sanay sila sa teknolohiya
bilang pantulong sa kanilang pag-aaaral. Kaya naman di sila ilang gumamit ng e-
textbook bagkos ay mas gusto pa nila ito.
Mga may asignaturang kemistri
Tila walang namang ugnay ang paggamit ng e-textbook at ang asignaturang
kemistri. Ngunit kung susuriin nang mabuti, magiging malinaw ang dahilan kung
bakit madalas gumamit nito ang marami sa mga may asignaturang kemistri. Para sa
mga hindi pamilyar sa asignaturang ito, kailangan magsulat ng lab report ang mga
mag-aaral kada linggo. At upang makilikha ng makabuluhan at masustansyang ulat,
kailangang sumangguni sa maraming libro mula sa silid aklatan.
Fig. 6. Halimbawa ng dami ng batayan sa isang lab report
Ang problema ng karamihan ay maraming oras ang kailangang igugol upang
siyasatin ang mga libro sa silid aklatan. Maaring manghiram ng aklat kung
nagmamadali pero napakabigat ng mga ito. Pwede rin magkulang ang
impormasyong nakuha kapag nagpaxerox lang. Kaya naman malaking tulong ang e-
textbook sa mag-aaaral na may lab report na kailangang isulat sapagkat nasa kanya
ang buong aklat nang hindi sumasakit ang likod kakabuhat ng makakapal na libro.
Maraming pang ibang dahilan ang sinasabi kung bakit magandang gumamit ng e-
textbook anuman ang kurso. Isa sa mga pinakamadalas isagot ang kakayahang
maghanap ng partikular na salita o pangungusap sapagkat napapabilis nito ang
proseso ng pag-aaral. Halimbawa, may hinahanap kang sipi ng isang manunulat. Di
mo na kailangang tumingin pa sa indeks; itayp mo lang at lalabas na ang pahinang
naglalaman ng iyong hinahanap. Hindi rin naluluma ang e-textbook kahit ilang beses
mo siyang basahin dahil digital ito. At dahil na rin digital ito, hindi mawawala ang
mga palatandaan mo dito at nailalagay sa lahat ng gadyets na naglalaman ng iyong
e-textbook.
Kabanata III
Bakit hindi pabor ang lahat sa paggamit ng e-textbook?
Ngunit sa kabila ng mga nasabing kagandahan ng e-textbook, may mga ilang
katangian ito na hindi kaayaaya para sa mga mag-aaral. Isang aspeto ang kamahalan
ng gadyet na ginagamit upang makapagbukas ng e-textbook. Kinakailangang
maglaan ng malaking salapi para lamang makabili ng gadyet tulad ng laptop o tablet.
Hindi ito pabor sa mga mahihirap na gipit na nga sa pera upang matustusan ang
kanilang pangmatrikula. Kahit maituturing na pamumuhunan ang pagbili ng laptop
sa dami ng pwedeng magawa gamit nito, mahirap pa rin silang bilhin dahil sa
kamahalan nila.
At kapag mayroon ka ng laptop o tablet na maaring gamitin para magbukas ng
etexbook ay masakit din anila sa mata ang pagbabasa dito. 29.17% ang nagsasabing
hindi nila gaanong gusto gumamit ng e-textbook sapagkat masakit sa mata ang
matagal na pagbabasa ng e-textbook. Dagdag pa dito ang tuksong pumunta sa
facebook at twitter habang nag-aaral gamit ang mga laptop o tablet at marami daw
websites ang nakikiagaw sa kanilang atensyon.
Ayon sa sarbey, marami sa mga gumagamit ng e-textbook ang mas gusto pa rin
magbasa sa pisikal na aklat. 79% ng mga gumagamit ng e-textbook ang nagsasabing
mas pipiliin nilang gumamit ng pisikal na aklat kahit marami silang sinabing
kagandahan ng e-textbook.
Fig. 7. Bahagdan ng mga gustong magbasa sa e-textbook kay sa pisikal na aklat
Iba’t ibang dahilan ang isinagot ng mga mag-aaral kung bakit nila mas gustong
gumamit ng pisikal na aklat. Tulad na nga ng nabanggit, may ilan na nagsasabing
masakit sa mata ang pagbabasa ng e-textbook sa mga gadgets. Tinuturo ring dahilan
ang di maiwasang tuksong pumunta sa facebook o twitter habang nagbabasa ng e-
textbook sa isang laptop.
Ngunit ang pinakamadalas na sinasabing dahilan ay mas gusto lang nila ang
pakiramdam nang nagbabasa ng pisikal na aklat. Para sa nakararami, iba pa rin
magbuklat ng libro kung saan nahahawakan ang mga pahina.
Kung pag-aaralan ang datos na nakalap mula sa isinagawang sarbey, hindi pa rin
sanay ang karamihan sa mga mag-aaral ng UP gumamit ng e-textbook kahit marami
ang tumatangkilik dito. Sa kabila ng maraming kalamangan ang e-textbook, marami
pa rin ang ayaw talikuran ang mga pisikal na aklat .
Tingnan natin ang katwiran ng ilan sa mga nagsabing mas gusto nilang magbasa sa
pisikal na aklat.
“Kahit mas madaling dalhin, iba pa rin ang pakiramdam ng
nagbubuklat ng totoong libro.”
“Iba pa rin talaga ang reading experience sa print.”
“Mas gusto kong basahin ang tunay na nahahawakan ko.”
Nagkakaisa ang karamihan na iba daw ang kanilang pakiramdam kapag e-textbook
ang binabasa. Maaring magbigay linaw sa kaganapang ito ang teorya ni Dr. Michio
Kaku, ang batikang physicist na may akda ng string theory at manunulat ng agham
sa paraang nauunawaan ng madla.
Ayon sa Caveman principle ni Dr. Kaku, taglay pa rin natin ang emosyon ng mga
taong kweba kahit na nabubuhay tayo sa kasalukuyang panahon. Mas gusto ng mga
taong kweba na nahahawakan ang mga bagay-bagay at di mapakali kapag hindi
nagagamit ang kanilang pandama.
Ilang libong siglo na ang nakalipas ngunit hindi nabago ang sentimyentong ito.
Aniya, ang Caveman principle daw ang dahilan kung bakit malabong magkaroon ng
isang opisinang di gumagamit ng papel. Gusto ng nakararami na magkaroon ng
nahahawakang bersyon ng nakasulat sa kanilang laptop.
Ang prinsipyong ito ay maari ring magbigay linaw kung bakit ayaw talikuran ng mga
mag-aaral ang pisikal na aklat. Nais pa rin ng marami na mahawakan ang kanilang
libro at naririnig ang ang pagbuklat ng mga pahina.
Kabanata IV:
Isyu ng Pamimirata ng e-textbook
Tinanong sa sarbey kung binibili ba ng mga sumagot ang etexbook na kanilang
ginagamit. Ayos sa datos, 93% ang nagsabing hindi sila bumibili habang 7% o 5 lang
sa mga sumagot ang bumibili ng e-textbook. Nakakabahalang isipin na talamak ang
pamimirata ng libro sa mag-aaral ng UP Diliman.
Fig. 8. Bahagdan ng namimirata ng e-textbook
Ngunit kung susuriin nang mabuti, hindi talaga maiiwasan ang kaganapang ito. Una
sa lahat, walang malaking kumpanya ang nagbebenta ng e-textbook sa bansa. Ang
amazon.com, ang pinakamalaking korporasyon na nagbebenta ng libro sa buong
mundo, ay nililimitahan ang mga e-textbook na maaring bilhin ng mga Pilipino sa
kanilang website. Mas malala pa ang patakaran ng Apple iBookstore sa kanilang
ebook section, hindi ito bukas sa mga Pilipinong nais bumili ng e-textbook. Puro
mga libreng libro lamang ang maaring makuha.
Fig. 9. Apple iBookstore. Hindi maaring bumili ng e-textbook mula dito.
Mayroon mang mga kumpanyang nagbebenta ng e-textbook sa Pilipinas, hindi sila
gaanong kilala. 4 sa 5 ng bumili ng e-textbook ay tinuro ang flipreads.com bilang
website kung saan nila nakuha ang kanilang ginagamit na e-textbook. Marami ang
hindi nakakilala sa website na ito at higit sa lahat, limitado ang kanilang koleksyon.
Kulang sila ng mga aklat tungkol sa agham at matematika na napagalamang
kadalasang ginagamitan ng e-textbook.
Dahil walang mapagbilhan ng e-textbook, marami ang namimirata na lamang. Iba’t-
iba ang pinagmumulan ng kanilang e-textbook at marami ang hindi lang isang uri
ang pinagkukunan. 56.94% ay nagdadownload mula sa torrent habang 69.44% ang
kumukuha ng e-textbook mula sa kanilang kamag-aral. Sari-sari man ang
pamamaraan, lahat ito ay labag sa batas.
Lagom at Pangwakas
Pinapakita ng pag-aaral na ginawa tungkol sa paggamit ng e-textbook bilang pangtulong
sa mga mag-aaral ng UP Diliman na marami ang tumatangkilik dito. Karamihan ng
gumagamit ng e-textbook ay mga kumukuha ng pag-iinhinyero at agham dahil sa
katangian ng kanilang mga asignatura. Siniyasat din ng mananaliksik ang sari-saring
kalamangan ng e-textbook tulad ng kadalian nitong madala kahit saan, kakayahang
maghanap ng particular na pangungusap o parirala sa isang kisap mata at iba pa. Bagamat
maraming nabanggit na kalamangan ang e-textbook, marami rin pa rin ang nagsasabi na
mas gusto nilang magbasa sa tradisyonal na aklat. Masakit daw kasi ang matagal na
pagbabasa ng e-textbook at iba pa rin ang pakiramdam ng nahahawakan ang pisikal na
libro.
Ayon sa nakalap na impormasyon, marami na ang gumagamit ng e-textbook sa mga mag-
aaral ng UP Diliman ngunit hindi ito nangangahulugan na tuluyang mawawala ang
tradisyonal na aklat. Nagpagalamang ginagamit ang e-textbook bilang pandagdag
lamang ng impormasyon at pantulong sa tradisyonal na aklat. Kaunti rin lang ang
nagbebenta nito sa merkado. Sabi ng mga manlilimbag, di mapagkakakitaan ang
pagbebenta ng e-textbook sa Pilipinas dahil laganap ang pamimirata sa bansa. Subalit
kung walang magbebenta ng mga e-textbook kailangan ng isang mag-aaral, ni isang
kusing ay walang kikitain ang mga kumpanya sa paggamit ng e-textbook at patuloy pa rin
ang pamimirata dahil wala namang pagbibilhan ang nais bumili. Malaki ang potensyal ng
e-textbook baguhin ang larangan ng edukasyon. Kaya naman iminumungkahi ng
mananaliksik na buksan o huwag limitahan ng mga kumpanyang naglilimbag ang
pamilihan para mas lumaganap pa ang paggamit ng e-textbook.
Sanggunian:
Campbell, M., Farrell, S. (2012) Biochemistry 7th ed. Belmont, CA: Brooks/Cole. p.86
Kaku, M. (2011) Physics of the Future: How Science will shape Human Destiny and Our Daily Lives by the year 2100. New York, NY: Random House Inc. pp.
Tech times (2011 Agusto 25) Samsung seals landmark agreement with La Salle Green Hills. Manila Times, manilatimes.net
Vibe Tecnologies. Case Study.Accessed:Marso 24, 2013 http://vibetech.co/?page_id=197
Listahan ng mga Figyur at Talahaynayan
Pahina 3
Fig. 1. Bahagdan ng gumagamit ng e-textbook sa pag-aaral
Tal. 1. Paggamit ng e-textbook ayon sa kolehiyo
Pahina 4
Fig. 2. Paggamit ng e-textbook ayon sa kolehiyo
Pahina 5
Fig. 3. Istruktura ng Protina (mula sa Biochemistry ni Mary Campbell)
Pahina 6
Fig. 4. Kapakinabangan ng e-textbook sa mga gumagamit nito
Fig. 5. Kadalasang gamitin ang e-textbook ng mga mag-aaral
Pahina 8
Fig. 6. Halimbawa ng dami ng batayan sa isang lab report
Pahina 10
Fig. 7. Bahagdan ng mga gustong magbasa sa e-textbook kay sa pisikal na aklat
Pahina 12
Fig. 8. Bahagdan ng namimirata ng e-textbook
Pahina 13
Fig. 9. Apple iBookstore.
Apendiks A
Sarbey
Paggamit ng e-textbook bilang pantulong sa pag-aaral ng mga
estudyante sa UP
Magandang gabi! Ako po si Jonathan Chan mula sa Kolehiyo ng Agham. Kaunting oras lamang po ang aking hinihingi upang inyong sagutan ang 10 tanong sa sarbey na ito. Ang mga sagot po ninyo ay higit na makakatulong sa pagsulat ng aking research paper para sa Fil 40.
top related