premyo rizal
Post on 21-Apr-2015
791 Views
Preview:
DESCRIPTION
TRANSCRIPT
Kung Bakit Kabastusan Ang Naiisip Ko
Tuwing Naririnig Ko Ang Pangalang Jose Rizal
Nagpapaikut-ikot sa paligid ng lampara ang batang gamu-gamong sabik sa
liwanag. Hindi alintana ang panganib na nakaabang bunga ng kanyang kapusukan.
Maya-maya pa’y nadarang sa apoy ang manipis na pakpak. Naupos ang buhay kapalit
ng ilaw na hinahangad. Nakamasid ang batang si Pepe sa trahedyang naganap: siya,
na sa murang edad ay marami ring pangarap. Isang kabataang mapusok at nangahas
hanapin ang liwanag. Siya na sa murang edad ay binalian ng pakpak at sa himno ng
mga putok ng baril, sa lupa’y bumagsak…
"Mapaglilingkuran lamang natin ang ating bayan sa pamamagitan ng pagsasabi ng
katotohanan gaano mang kasakit ito.” – Jose Rizal
May dalawa akong kaibigan na nagtuturo ng Noli Me Tangere at El
FIlibusterismo na 'sinipa’ ng isang kilalang paaralan sa simpleng kadahilanang
tinatalakay nila sa mapanuring paraan ang nilalaman ng mga nasabing libro. Hindi raw
kasi ‘fit’ sa high school students ang paraan nila ng pagtuturo. Tinawag silang mga
radikal at pinarusahan na parang mga kriminal.
Isa itong nakalulungkot na reyalidad sa bansa: ang mga nagtuturo ng
katotohanan at makabuluhang aral hinggil sa mga katha ni Dr. Jose Rizal ay itinuturing
na mga subersibo at ginigipit sa halip na pinararangalan.
1
Ipinagdiriwang sa taong ito ang ika-150 kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Kaliwa’t
kanang programa ang isinasagawa na nilalahukan ng libu-libong mamamayan at
ginagastusan ng milyun-milyong piso, na ang iba ay galing pa mismo sa buwis ng
taumbayan. Halos masuya ako sa mga poster, tarpaulin, stickers, at patalastas na
nagpapahayag ng paggunita sa kanya. Naglabasan din ang mga t-shirt, mug, bag,
baller ID at iba pang produktong tinatakan ng mukha ng ating pambansang bayani.
Nakalulungkot mang isipin, ang mga naganap na pagdiriwang sa kalakhan ay hindi
nakasentro sa mga naging ambag ni Rizal sa paglaya ng ating bansa. Ni hindi nga
matatawag na pag-alala sa kanya, dahil ang bagay na inaalala ay yun lamang mga
bagay na nakalilimutan. Paano natin makalilimutan ang isang taong simula’t sapul ay
hindi naman talaga natin nakilala o ipinakilala sa atin? Nabansagang Haligi ng Bayan si
Rizal, subalit unti-unti namang winawasak ang pundasyon ng kaniyang kabuluhan.
Sabi nga, may kakayahan ang konsumeristang lipunan na agawan ng tunay na
kabuluhan ang isang simbolo. Popularity breeds contempt ’ika nga. Sa sobrang dalas
nating makita ang mukha ni Rizal, mula sa piso hanggang sa kung anu-anong produkto,
at mabasa ang kaniyang pangalan, mula sa pangalan ng kalye hanggang sa pangalan
ng bangko, hindi na halos alam ng bagong henerasyon ang tunay na kabuluhan ng
buhay at kamatayan niya. Nananatiling kilala natin ang pangalan at mukha ng ating
mga bayani, subalit hindi ang kanilang pagkatao at ang mga aral na kanilang iniwan sa
mundo.
2
Walang saysay ang magagarbong pagdiriwang kung hindi naman natin
isasabuhay ang mga aral na iniwan ni Rizal. Isang malaking kabastusan na habang
nagpapanggap tayo na kinikilala natin ang mga ambag niya sa kalayaang tinatamasa
natin sa kasalukuyan, wala naman tayong ginagawa para gamutin ang noon pa’y
sinasabi niyang mga kanser ng lipunan.
Ayon nga kay Renato Constantino, isang kilalang makabayang istoryador, “There
is no question that Rizal had the qualities of greatness. History cannot deny his
patriotism. He was a martyr to oppression, obscurantism and bigotry. His dramatic
death captures the imagination of our people… A true appreciation of Rizal would
require that we study these social criticisms and take steps to eradicate the evils he
decried.”
Magkakaroon lamang ng saysay ang pagdiriwang natin ng ika-150 taong
kaarawan ng ating pambansang bayani sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga
katotohanang isiniwalat niya sa kaniyang mga katha, pagsusuri sa kaniyang buhay at
kamatayan at pagbabalik-tanaw sa mga krisis ng kaniyang panahon at paglalapat nito
sa kasalukuyang kalagayan. Tanging sa paraan lamang na ito magkakaroon tayo ng
tunay na pagpapahalaga sa ating pambansang bayani.
3
Balik-Tanaw: Si Rizal at Ang Kanyang Panahon
“Upang malaman ang hinaharap ng isang bansa, kinakailangang buksan ang aklat na
magsisiwalat ng kanyang lumipas.”
– Jose Rizal
Sa panahon ni Rizal, laganap ang pagsasamantala ng mga dayuhan at maging
ng mga lokal na kasabwat nito sa mga Pilipino. Pinauso ang titulo, kinamkam ang lupa,
pinaupahan ito sa ating mga ninuno, pinagbayad ng tributo, itinuring na mga alipin at
sapilitang pinagtrabaho ng walang anumang sahod o benepisyo.
Ginamit ng mga Kastila ang krus at espada at taktikang manghati at maghari.
Kaliwa’t kanan ang paglabag sa karapatang pantao, binubugbog at pinapatay ng mga
gwardya sibil ang mga napagkakamalang laban sa gobyerno o sinumang
napagdidiskitahan nila. Ipinatapon sa ibang bansa ang mga subersibo at manunulat na
nagsisiwalat ng kalupitan ng Espanya. Tinakot ang mga mamamayan sa pamamagitan
ng sanlibo’t isang kwento ng dagat-dagatang apoy na diumano’y patutunguhan ng mga
sumusuway sa mga dayuhang tagapagligtas at pilit pinahupa ang galit ng mamamayan
sa pamamagitan ng pangakong ”mapalad kayong mahihirap dahil sa inyo ang kaharian
sa langit.” Pinanatiling mangmang ang mamamayan sa pamamagitan ng pagkakait sa
kanila ng edukasyon upang maniwala sa mga kababalaghang itinuro ng mga dayuhan.
4
Ginamit ni Rizal ang kaniyang panulat upang isiwalat ang mga kanser ng lipunan
na unti-unting pumapatay sa kamalayan ng lipunang Pilipino. Sa layuning ilatag ang
kabuluhan ni Rizal sa kasalukuyang panahon, makabuluhang balikan natin ang ilang
mga tagpo sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo at ihambing ito sa mga nagaganap
sa bansa sa ngayon, upang makapulot ng mga ginintuang aral na magagamit natin
bilang ilaw at gabay sa ating paglalakbay patungo sa inaasam-asam na tuwid na daan.
Patuloy na Paglalayag ng Bapor Tabo
“Ang iniisip lang ng mayayaman ay ang lalo pang yumaman, sila’y binulag na ng
kayabangan at luho; at dahil sila’y namumuhay nang masagana, lalo na kapag sila’y
may makapangyarihang kaibigan, wala na silang pakialam sa mga dukha...”
– Tandang Pablo sa Kabanata 45 ng El Filibusterismo
Malinaw na naisalarawan ni Rizal ang kalagayan ng lipunang Pilipino sa
panahon ng pananakop ng Kastila gamit ang kanyang mga nobela. Sa unang dalawang
kabanata pa lamang ng nobelang El Filbusterismo na may mga pamagat na “Sa
Kubyerta” at “Sa Ibaba ng Kubyerta,” ipinakita na ni Rizal ang mapanlinlang na itsura ng
Bapor Tabo, kung saan maputi at malinis ang labas, subalit kinakalawang at nabubulok
naman ang loob gaya ng lipunan nating nagpapanggap na maunlad at marangya,
bukod pa sa umiiral na tunggalian sa pagitan ng iba’t ibang uri, kung saan
nangingibabaw ang iilang makapangyarihan sa maraming naghihirap. Habang
nagkakasayahan ang mga tulad ni Donya Victorina, Padre Camorra, Don Custodio at
5
Ben Zayb sa kubyerta, tumatagaktak ang pawis ng mas nakakaraming taong nasa ilalim
nito.
Sa kasalukuyan, nananatiling tila isang Bapor Tabo ang ating bansa. Pilit
’pinipinturahan’ ng puti upang mapagtakpan ang nabubulok nang sistema. Nananatili
ang tunggalian ng uri. Patuloy na nangingibabaw at nagsasamantala ang mga
mayayaman at makapangyarihan habang naghihirap at pinagsasamantalahan naman
ang mahihirap at mahihina.
Si Kabesang Tales at Ang Hacienda Luisita
Sa ikaapat na kabanata naman ng El Filibusterismo ay ipinakilala sa atin si
Kabesang Tales, isang magsasakang dating namasukan bilang kasama sa isang
kapitalistang may malawak na lupang sinasaka, subalit dahil sa napansin niyang hindi
makatarungan ang kaniyang pinaglilingkuran, nagpasya siyang umalis. Sa tulong ng
kaniyang ama, asawa at tatlong anak, hinawan nila ang madawag na kagubatan upang
may lupang mabungkal. Sa sobrang kapaguran at kawalan ng sapat na pagkain,
nagkasakit ang kaniyang asawa at sumakabilang-buhay at hindi nagtagal ay nilagnat
naman at sumunod sa hukay ang kaniyang panganay na anak na si Lucia. Sa kabila ng
mga mapapait na karanasang ito, sinikap ni Kabesang Tales na mabuhay alang-alang
sa dalawa pa niyang anak at pinagyaman nito ang lupang pinagbuwisan ng buhay ng
dalawang pinakamamahal niya. Naging mabunga naman ang pagpapagal ni Tales at
nagkulay-ginto ang kanilang bukirin, subalit nang aanihin na nila ang kanilang
6
pinagpaguran ay dumating naman ang korporasyon ng mga kura at inangkin ang
kanilang lupang sakahan. Napilitan si Tales na magbayad na lamang ng tatlumpung
piso bilang renta upang makaiwas sa kaguluhan.
Sa unang bahagi ng nobela ay pinilit pa ni Kabesang Tales na makapagbayad,
subalit kalaunan ay hindi na niya nakayanan pang bayaran ang patuloy na tumataas na
renta. Nagsampa ng kaso si Tales para kwestyunin ang hindi makatarungang paniningil
ng mga prayle, subalit dahil sa kawalan ng hustisya ay napalayas siya sa kanyang
sakahan. Ang kanyang anak na si Tano ay napilitang maging gwardya sibil, habang ang
anak niyang si Juli ay namasukan bilang katulong sa nagbabanal-banalang si Hermana
Penchang, at nang dukutin ang kanyang ama ay napilitan humingi ng tulong ang dalaga
kay Padre Camorra na may lihim na pagnanasa sa kanya.
Ipinakikita sa buhay ni Tales ang kalagayan ng magsasaka sa panahon ni Rizal,
kung saan ang mga nagbubungkal ang siyang walang lupang matatawag na kanila, at
ang mga lumilikha ng pagkain ay halos walang makain. Nakalulungkot mang isipin,
ganito pa rin ang kalagayan ng mga walang pangalang bayaning lumilikha ng ating
pagkain.
Si Rizal man ay nagbungkal din ng lupa. Winika niya sa kanyang liham sa
kanyang kapatid na si Lucia na may petsang Pebrero 12, 1896 na “...hindi lahat tayo ay
maaaring maging doktor; kinakailangang mayroong ilan na magbungkal ng lupa.”
Nakabili siya ng may 70 ektaryang lupain sa Talisay, Dapitan na tinamnan niya ng
7
6,000 abaka, 1,000 niyog, kape, kakaw at iba’t ibang bungang-kahoy. Gamit ang
kanyang kaalaman sa modernong pagsasaka na natutuhan niya sa kanyang biyahe sa
Europa at Estados Unidos, tinuruan niya ang kaniyang mga kapitbahay ng paggamit ng
pataba, pagsasalit-salit ng mga pananim upang mapanatili ang taba ng lupa at iba pang
makabagong pamamaraan sa pagpapaunlad ng agrikultura. Nakapag-angkat din siya
ng makinaryang pansaka mula sa Estados Unidos.
Dahil sa pagkilala ni Rizal sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura, isang
malaking kabastusan sa alaala ng ating pambansang bayani ang busabos na
kalagayan ng mga magsasaka rito sa ating bansa.
Sa tala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), mayorya ng mga
magsasaka ang kulang o walang sariling lupang sinasaka. Hanggang sa kasalukuyan,
pagmamay-ari pa rin ng iilang angkan ang malalawak na lupain sa bansa at walang
tunay na repormang agraryo ang naipatupad. Bukod dito, karaniwang biktima rin ng
usura ang mga magsasaka, kung saan nagbabayad sila ng napakalaking interes sa
kanilang hinihiram na pera na pambili ng mga kinakailangan sa bukid at ng pagkain sa
araw-araw. Hindi rin pantay ang hatian sa ani sa pagitan ng mga kasama at may-ari ng
lupa, kung saan mas maliit pa ang bahagi ng mga magsasakang nagbungkal at
nagtanim kumpara sa panginoong maylupa na hindi naman lumahok sa produksyon. Sa
ilang lugar, nagsisilbing animo’y mga alipin ang pamilya ng magsasaka na ginagawang
kasambahay ng may-ari ng lupa nang walang anumang halagang kapalit.
8
Tampok na halimbawa ng kalagayan ng mga magsasaka sa bansa ang
kasaysayan ng Hacienda Luisita na kontrolado ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Ang
Hacienda Luisita ay may lawak na 6,453 ektarya na sumasakop sa 10 barangay na
nasa mga bayan ng La Paz at Concepcion at Lungsod ng Tarlac. Mahalagang banggitin
na ang asyendang ito ay lupang kinamkam ng mga Kastila, at katunayan ay sa
Kastilang kumpanyang TABACALERA ito nabili ni Jose Cojuangco, Sr. Ang salaping
ginamit niya sa pagbili ng asyenda ay mula sa perang inutang sa Governmnent Service
Insurance System (GSIS) at Manufacturer’s Trust sa New York sa pamamagitan ng
pagbibigay ng garantiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Kapwa bahagi ng
kasunduan ni Cojuangco at ng GSIS at BSP na dapat ay ipamahagi ng pamilya
Cojuangco ang lupa sa maliliit na magsasaka 10 taon pagkatapos mabili ang asyenda,
alinsunod na rin sa programa ng noo’y administrasyong Garcia hinggil sa panlipunang
katarungan. Sa panahong dumating ang itinakdang oras na kailangan nang ipamahagi
ang asyenda, hindi tinupad ng pamilya Cojuangco ang kasunduan. Hanggang sa
kasalukuyan ay mailap pa rin ang katarungan sa mga magsasaka at nasa Korte
Suprema pa rin ang usapin hinggil sa pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita.
Wala pa ring katarungang nakakamit ang mga nagbuwis ng buhay sa
pakikipaglaban para sa kanilang karapatang ariin ang lupang binubungkal.Sa halip na
lupa, bala ang isinukli sa paghihirap ng mga magsasaka at manggagawang-bukid
noong ika-16 ng Nobyembre, 2004 na ikinasawi ng 14 na magsasaka at naging dahilan
ng pagkasugat ng mahigit 200 iba pa.
9
Sa buong kapuluan, laganap pa rin ang pagpaslang sa mga lider-magsasaka at
maging sa mga magsasakang kasapi ng mga progresibong organisasyon. Kaliwa’t
kanan ang paglabag sa karapatang pantao, hindi lamang sa hanay ng mga magsasaka
kundi sa iba pang sektor ng lipunan.
Kwentong Kutsero, Mga Pilato at Patuloy na Paglabag sa Mga Karapatang Pantao
Inilarawan ni Rizal sa ikalimang kabanata ng El Filibusterismo ang mga
matitinding paglabag sa karapatang pantao na ipinapataw ng mga gwardya sibil ng
pamahalaang kolonyal. Ang kutserong si Sinong ang biktima sa nasabing kabanata.
Nakalimutan niya ang kanyang sedula at nakalimutan din niyang sindihan kaagad ang
gasera ng kanyang kalesa kaya naman kahit na Noche Buena noon, siya’y kinalaboso
ng mga gwardya sibil.
Walang ipinag-iba ang sitwasyon ng kutsero sa sitwasyon ng mga Pilipino sa
kasalukuyan. Karaniwang biktima pa rin ng kalupitan at karahasan ng mga abusadong
militar sa kanayunan ang mga simpleng mamamayan. Halimbawa, noong panahon ni
Heneral Jovito Palparan sa Gitnang Luzon, libu-libong mamamayan ang pumila para
bumili ng sedula dahil kumalat ang balitang ituturing na kasapi ng New People’s Army
(NPA) ang sinumang mamamayang hindi makapagpakita ng sedula. Sa isang maliit na
baryo sa Paombong, Bulacan, isang mangingisdang ginabi sa laot ang hinarang ng
mga militar sa isang tsekpoynt at hiningan ng sedula. Diumano, dahil lumang sedula
ang kanyang dala-dala, ipinakain sa kanya ito ng mga sundalo at pinaglakad siya pauwi
10
nang hubo’t hubad. Suwerte pa nga siguro ang mangingisdang iyon, dahil higit na
marami ang dinukot at/o pinatay ng mga pinaghihinalaang militar o mga grupong
paramilitar na pinopondohan ng gobyerno, dahil sa bintang na sila’y mga rebeldeng
komunista.
Oktubre 2011, Buwan ng Mga Katutubong Mamamayan (Indigenous People’s
Month), labindalawang bala ang pumatay kay Padre Fausto “Pops” Tentorio, isang
misyonerong Italyano na sa mga nakalipas na dekada ay naging aktibong
tagapagtaguyod ng karapatan sa lupang ninuno ng mga lumad. Tinutulan ni Padre
Pops ang militarisasyon ng mga komunidad sa Mindanao. Bunsod nito, pinagbintangan
siya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na simpatisador ng NPA. Nakalulungkot
na sa panahon ng administrasyong Aquino na nangakong dadalhin ang bayan sa tuwid
na landas ng pagbabago, mahigit 50 aktibista na ang nabiktima ng ekstrahudisyal na
pamamaslang. Tila hindi pa rin nagbabago ang mga bagay-bagay. Ang bangungot na
nangyari kina Jonas Burgos, Karen Empeño, Sherlyn Cadapan, Manuel Merino,
Federico de Leon, Crisanto Teodoro, sa Manalo brothers at sa libu-libo pang biktima ng
mga paglabag sa karapatang pantao ay tila nangyayari pa rin sa kasalukuyan.
Nananatili ang kultura ng kawalang-katarungan sa bansa, dahil na rin sa
pagsasawalang-kibo at hindi pagpapahayag ng pagtutol at paglaban sa mga kamaliang
nagaganap sa ating paligid. Samantala, hindi rin kumikilos ang mga nasa
kapangyarihan para mawakasan ang mga karumal-dumal na paglabag sa karapatang
pantao sa ating bansa. Maikukumpara sila sa mga Pilato sa ikasiyam ng kabanata ng El
11
Filibusterismo, kung saan matapos na kumalat ang balitang dinukot si Kabesang Tales,
nagpaalila si Juli at napipi si Tandang Celo ay kanya-kanya ng paghuhugas-kamay ang
ilang taong simbahan at mga opisyal ng gobyernong dapat sana’y nangunguna sa
pagkilos para matulungan ang mga naghihikahos na pamilya gaya ng pamilya ni Tales.
Bagamat nangako ang rehimeng Aquino na haharapin ang isyu ng pampulitikang
pamamaslang at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao, kahit isa ay wala
pa ring nahahatulan at naparurusahan sa ilalim ng kanyang administrasyon. Kung
tutuusin, kayang gamitin ng estado ang kapangyarihan nito upang mangalap ng sapat
na ebidensya para idiin ang mga nasasangkot sa mga karumal-dumal na krimeng ito.
Nakalulungkot ding isipin na mas malakas pa ang tinig ng Simbahang Katoliko
hinggil sa paninindigan nito sa isyu ng Reproductive Health Bill (RH Bill) at sa
diumano’y bastos na eksibit ni Mideo Cruz, kumpara sa mga nagaganap na kagimbal-
gimbal na paglabag sa karapatang pantao. Kung tutuusin, hindi hamak na mas
malaking kabastusan ang ginagawang pagyurak sa likas na dangal natin bilang tao
kung ikukumpara sa titing nakadikit sa larawan ni Kristo.
Nanatiling usap-usapan ang suson-susong problema ng pamilya dahil ayaw
makisangkot ng mga mamamayan sapagkat ayon sa kanila, ang problema ni Tales ay
problema ni Juli at ang problema ni Juli ay problema ni Tandang Celo at ang mga
problema ng pamilyang ito ay hindi dapat problemahin ng mga taong nakapaligid dito.
Ang ganitong kaisipan ng mamamayan ang nagpapanatili sa kultura ng kawalang-
12
katarungan sa bansa, ang kawalang-kibo ng mga mamamayan sa mga masasamang
nangyayari sa kanilang lipunan. Lagi’t lagi, mas matinding kasalanan ang hindi
paggawa ng mabuti kumpara sa paggawa ng masama. Sabi nga ng isang manunulat,
nagtatagumpay lamang ang kasamaan kapag ang mga mabubuting tao ay walang
ginagawa.
Ang mentalidad na ito ay bunga ng ginawang paghubog sa atin ng lipunan, kung
saan pinalaki tayong mga pasibo, walang-kibo at sunud-sunuran. Isa ang edukasyon sa
bansa sa pinaka-epektibong nagamit ng mga dayuhan para panatilihing duwag ang
mga Pilipino.
Si Padre Millon at ang Larawan ng Misedukasyon
Ang tipikal na silid-aralan sa Pilipinas ay kahalintulad pa rin ng kabagut-bagot at
maladiktadurang klase sa pisika ni Padre Millon na matutunghayan sa Kabanata 13 ng
El Filibusterismo. Sa bahaging ito ng nobela, ininsulto ni Padre Millon ang dignidad at
pagka-Pilipino ng matalinong estudyante na si Placido Penitente dahil sa pagtutol ni
Placido na maging lorong tagaulit lamang ng kaalamang ipinapakain sa kanila ng
prayleng nagpapanggap na edukador. Hanggang ngayon, itinuturing pa rin nating
bastos, imoral at di karapat-dapat ang mga estudyanteng may mapanuring pag-iisip
gaya ni Placido. Hindi kataka-takang tinatamad mag-aral ang maraming kabataan. Ano
nga ba naman ang mapapala sa de-kahong estilo at nilalaman na napaglipasan na ng
mabilis na takbo ng panahon?
13
Bukod sa pagkakaroon ng edukasyong hindi lumilinang sa mapanuring pag-iisip,
nananatiling elitista pa rin ang sistemang pang-edukasyon ng bansa. Nananatiling
nakasara ang mga dambuhalang pintuan ng mga paaralan at unibersidad sa mga
mamamayang anak-dalita na gaya ni Placido. Matatandaan na sa El Filibusterismo,
iginagapang lamang din ng kanyang inang si Kabesang Andang ang kanyang pag-
aaral. Di kataka-takang maluha-luha si Kabesang Andang nang ibalita sa kanya ni
Placido na ayaw na niyang mag-aral.
Hanggang sa ating panahon, ang edukasyon ay isa pa ring pribilehiyo na para
lamang sa mga may salaping pampaaral. Wala pa ring sapat na badyet ang
pamahalaan para sa edukasyon, sa kabila ng probisyon sa Artikulo XIV ng Konstitusyon
na nagsasaad na ang edukasyon ang siyang dapat bigyang-prayoridad sa pambansang
badyet. Sa mga nakaraang dekada, lagi’t laging pagbabayad ng utang sa halip na
edukasyon ang binibigyan ng mas mataas na alokasyon. Nito lamang nakaraang taon,
kinaltasan ng milyun-milyong piso ang kulang na nga na badyet sa edukasyon. Dahil
dito, karaniwang kulang sa mga pasilidad ang mga paaralan. Sa kasalukuyan,
tinatayang kulang ng 103,599 guro, 152,569 silid-aralan, 13,225,527 upuan, at
95,557,957 teksbuk ang mga pampublikong paaralang elementarya at sekundarya sa
bansa. Komersyalisado ang edukasyon sa bansa, kung saan ang edukasyon ay
pribilehiyo lamang ng may kakayanang magbayad para rito sa halip na karapatan ng
lahat ng mamamayan. Naging isang napakalaking negosyo ng edukasyon sa bansa
kaya naman ang mga pribadong paaralan ay karaniwang nasa top 1,000 corporations
sa Pilipinas.
14
Batay sa kalalabas lamang na 2010 Annual Poverty Indicators Survey (APIS) ng
National Statistics Office (NSO), 1 sa bawat 8 Pilipino na nasa edad 6 hanggang 24 ang
kabilang sa ‘out-of-school-youth.’ Kabilang sa dahilan na ibinigay ng mga respondent
ang mataas na halaga ng edukasyon at paghahanap ng trabaho.
Sa pag-aaral na isinagawa ng National Union of Students in the Philippines
(NUSP), tinatayang nasa P501.22 (bansa) at P980.54 (Metro Manila) ang karaniwang
matrikula kada yunit sa mga pamantasan sa Pilipinas. Sa kabilang banda, 80% ng
Pilipino ang nabubuhay sa halagang P104 kada araw, batay sa datos na inilabas ng
Ibon Foundation sa taong ito. Kung ang bawat mag-aaral ay kumukuha ng 24 na yunit
kada semestre, at may 2 semestre kada taon, aabot sa mahigit P24 libong piso ang
kanilang babayaran sa matrikula, at kung hahatiin natin ang nasabing halaga sa P104,
nangangahulugang 231 araw na hindi kakain ang isang pamilya para lamang
mapakapag-enroll ang kanilang anak.
Isang kabalintunaan na ang mga pangulong taun-taong nag-aalay ng bulaklak sa
puntod ni Rizal sa Luneta ay nananatiling walang pagpapahalaga sa edukasyon, sa
kabila ng di matatawarang pagpapahalaga rito ng pambansang bayani. Matatandaan na
dahil sa kanyang labis na pagpapahalaga sa edukasyong pangmadla, nagtayo si Rizal
ng paaralan sa Dapitan noong siya’y ipatapon ng mga Kastila roon. Bago ito, nang
itatag niya ang Liga Filipina, binigyang-diin niya sa Saligang Batas ng nasabing
samahan ang kahalagahan ng edukasyon sa pagkakamit ng kaunlaran ng Pilipinas.
Kung naririto lamang si Rizal, marahil ay makikimartsa siya sa libu-libong kabataang
15
mag-aaral na nagpoprotesta laban sa malaking kabastusan na pagkakaltas ng badyet
sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, at marahil dahil dito, sabi nga ng
ibang Rizalista, malamang na barilin na naman siya ng pamahalaan kung nabubuhay
siya sa ating panahon.
Kolonyal pa rin ang edukasyon sa bansa. Nagsisilbi ang ating pag-aaral upang
panatilihin ang kolonyal na kaisipan at ihanda tayo sa paglilingkod sa mga dayuhang
korporasyon pagkatapos ng ilang taong pagsusunog ng kilay sa mga pamantasan. Sa
kasalukuyan ay mayroon tayong humigit-kumulang 8 milyong Overseas Filipino
Workers (OFWs). Kada araw ay 2,000 hanggang 3,000 Pilipino ang nangingibang-
bayan. Sa bilang na ito, isang kagimbal-gimbal na reyalidad na 3 hanggang 4 sa kanila
ang umuuwing malamig nang bangkay bawat araw. Maraming kwento ang nailathala na
hinggil sa pakikipagsapalaran ni Rizal sa ibang bansa, subalit mas malagim ang mga
kwento ng pakikipagsapalaran ng mga tinatawag nating mga bagong bayani, mga
bayaning walang pangalan at kapag minalas ay umuuwing wala nang ulo sa kanilang
lupang sinilangan.
Pinananatili ng paggamit ng wikang banyaga bilang pangunahing midyum ng
pagtuturo ang kanluranin at kolonyal na kaisipan ng sambayanan. Tumatagos
hanggang sa kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang ganitong neokolonyal na
balangkas.
16
Ang Bayan ng Malalansang Isda
“Nilimot ninyong lahat na habang pinapanatili at pinangangalagaan ng mga
mamamayan ang kanilang wika, pinananatili at pinangangalagaan din nila ang tanda ng
kanilang kalayaan, gaya rin ng pagpapanatili at pangangalaga ng tao sa kanyang
kalayaan habang kanyang pinanghahawakan ang sarili niyang pag-iisip.”
– Simoun sa Kabanata 7 ng El Filibusterismo
Ayon kay Rizal, ang hindi magmahal sa wika ay higit pa sa hayop at malansang
isda. Isang malaking kabastusan sa kanyang alaala na ang Pilipinas ay marahil isa sa
pinakamabahong lugar sa buong mundo dahil sa patuloy na pagbabalewala ng mga
Pilipino sa kaniyang sariling wika.
Pinatunayan ng kasaysayan ng ating bansa na tama ang pagtingin ni Jose Rizal
sa kahalagahan ng wika sa pagpapanatili ng kalayaan ng ating bansa. Sa pagharap ng
ating mga ninuno sa mga mananakop na Kastila, naging napakalaking balakid sa
pagkakaisa at pagkakabuklod ng mamamayan ang pagkakaiba ng mga wika sa bawat
rehiyon. Kani-kaniya ang ginawang pagtatanggol ng ating mga ninuno sa mga
teritoryong kanilang saklaw. Marahil, kung noon pa sana’y mayroon nang iisang wikang
ginagamit at nauunawaan ang nakakaraming Pilipino, malaki ang posibilidad na
magkaisa ang ating mga ninuno at madali lamang tayong makababalikwas mula sa
kuko ng Espanya.
17
Hindi ninais ng mga Kastila na ituro sa atin ang kanilang wika at bigyan tayo ng
edukasyon sa takot na magamit natin ito upang kwestyunin at hamunin ang patuloy
nilang paghahari sa ating bansa. Ipinakikita lamang nito na noon pa man, batid na ng
mga mananakop ang likas na kapangyarihang taglay ng isang wika sa pagpapalaya ng
kaisipan ng taumbayan.
Sa pagsisikap ng ating mga ninuno sa rebolusyong binigyang inspirasyon rin ng
mga panulat ni Rizal, nagtagumpay tayo na gapiin ang mananakop na Kastila, subalit
agad namang inagaw ng Amerika ang dapat sana’y kalayaang bunga ng pag-aalay ng
buhay ng ating mga bayani.
Sa halip na mananakop, itinanghal ng mga Amerikano ang kanilang mga sarili
bilang ating mga tagapagligtas. Niyakap ng marami sa atin ang ibinigay na ‘kalayaan’ ni
Uncle Sam at kasabay nito ay kusang-loob nating inasimila ang kulturang kanluranin
mula sa pananamit hanggang sa wikang kanilang ginagamit. Nagkaroon tayo ng
mababang pagtingin sa ating mga sarili kung kaya naman bukas-palad nating tinanggap
ang modang civilization hype ng Amerika na nagtuturo sa atin na ang pagiging
sibilisado ay ang pagkopya sa imahe, kultura, wika, gawi at gayundin ang pagkonsumo
ng mga produktong kanilang ginagamit.
Ayon sa “The Miseducation of the Filipino” ni Renato Constantino, “The first and
perhaps the master stroke in the plan to use education as an instrument of colonial
policy was the decision to use English as the medium of instruction. English became the
18
wedge that separated the Filipinos from their past and later to separate educated
Filipinos from the masses of their countrymen. English introduced the Filipinos to a
strange, new world. With American textbooks, Filipinos started learning not only a new
language but also a new way of life, alien to their traditions and yet a caricature of their
model. This was the beginning of their education. At the same time, it was the beginning
of their miseducation, for they learned no longer as Filipinos but as colonials.”
Inilalahad sa pahayag na ito ni Constantino na batid ng mga Amerikano ang
kapangyarihan ng wika at ginamit nila ito para ihiwalay ang mga ‘edukadong’ Pilipino sa
kalakhan ng sambayanan. Ginamit nila ang wika upang ipakilala sa atin ang mundo sa
labas ng bansa – isang animo’y malaparaisong lugar na pinangarap ng karamihan sa
atin na maabot. “The American Dream,” ang pantasyang makarating sa ‘lupang balot ng
kayamanan’ at habang niyayakap natin ang wika ng dayuhan at pinipilit maging “little
brown Americans,” ikinakahiya na rin natin at pilit iniiwan ang mga sarili nating
tradisyon. Isang lansakang misedukasyon ang naganap sa bansa na naghubog sa atin
hindi bilang mga Pilipino, kundi mga alipin at dayuhan sa sarili nating bayan.
Sa kabila ng kapuri-puring pagkiling sa Filipino ni Pangulong Benigno Simeon
“Noynoy” Aquino III na ipinakita niya sa pagpapahayag ng kanyang talumpating pang-
inagurasyon at State of the Nation Address (SONA) sa wikang pambansa, nananatiling
Ingles ang pangunahing wika sa Senado, sa Kongreso, sa mga korte at sa iba pang
ahensya ng gobyerno. Mabibilang sa daliri ang mga panukalang-batas na nakasulat sa
Filipino at halos wala pa nga yatang desisyon ang alinmang korte na orihinal na isinulat
19
sa Filipino. Hindi pa tumatalab sa pamahalaan at mga paaralan ang magandang
panimulang pabor sa Filipinisasyon ng bagong pangulo.
Maraming mga unibersidad sa Pilipinas ang gumagamit pa rin ng Ingles sa
pagtuturo ng mga asignaturang dapat ay itinuturo sa wikang pambansa alinsunod sa
itinatakda ng batas. Kakatwang ang ‘Kasaysayan ng Pilipinas,’ na inaasahang bubuhay
sa diwa ng nasyonalismo, ay karaniwang itinuturo sa Ingles sa mga malalaking
unibersidad. Nananatili ang nakababagabag na trahedya, aminin man o hindi ng mga
akademista, na ang Ingles ay nananatiling nangingibabaw na wika sa akademya kaya
hindi rin makalahok sa mga akademikong diskurso ang mga simpleng mamamayan.
Walang nagaganap na paglaganap ng kaalaman dahil Ingles ang nangingibabaw na
wika sa akademya. Dahil sa prestihiyo na kakabit ng wikang banyaga, nagiging sukatan
na rin ng talino ang kakayahang makapagsalita sa wikang Ingles.
Ang Pilipinas Isa’t Kalahating Siglo Mula Ng Ipanganak Si Rizal
"Ayaw ba nila kayong ituring bilang mga mamamayang Espanyol? Mas mainam!
Ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paglalantad ng inyong tunay
na katauhan, subukin ninyong buuin ang pundasyon ng bansang Pilipinas!
Pinagkakaitan ba nila kayo ng pag-asa? Mainam! Huwag kayong umasa sa kanila,
umasa kayo sa inyong mga sarili at magtrabaho!”
– Simoun, Kabanata 7 ng El Filibusterismo
20
Tumatagos hanggang sa patakarang ekonomiko ang kolonyal na kaisipang dala
ng misedukasyon ng mga Pilipino. Sa ilalim ng Philippine Development Program (PDP)
ni Pangulong Aquino, nakasentro ang tinatawag nilang kaunlaran at pagpapalago ng
ekonomya sa lalong pagbubukas ng ating bansa sa mga dayuhang mamumuhunan.
Magtatayo ng support structures katulad ng kalsada, linya ng tren, istrukturang
pangkomunikasyon, paliparan, daungan at maging ang pagkukunan ng tubig at
kuryente upang mapatakbo ang mga negosyong itatayo ng mga dayuhan. Maging ang
sinasabing pagpapaunlad sa agrikultura ay nakabatay sa paglikha ng mga hilaw na
materyales na kinakailangan ng ibang bansa. Pinalalala ng programang ito ang ‘export-
oriented, import-dependent’ na oryentasyon ng ating ekonomya, na siya mismong
dahilan kung bakit hindi umuunlad ang ating bansa. Bunsod ng ganitong kalakaran, ang
mga dayuhan ang nakikinabang sa ating mga likas na yaman sa halip na malinang
natin ang mga ito para sa pangangailangan ng ating mga mamamayan. Sa kasamaang-
palad, hinahangad pa ng ilang personaheng kaalyado ng administrasyong Aquino na
ratsadahin ang rebisyon ng Konstitusyon upang alisin ang mga makabayang restriksyon
sa labis-labis na pangingibabaw ng mga dayuhan sa ating ekonomya, gaya ng
pagbabawal sa 100% pagmamay-ari ng mga dayuhan sa lupain at mga negosyo.
Ang programang pang-ekonomyang ito ay pagpapatuloy lamang ng patakaran
ng mga nakaraang administrasyon na napatunayan nang hindi tunay na nagdadala ng
kaunlaran sa bansa. Sa halip na makamit ng mamamayan ang kaunlarang pinangako
sa pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Super Regions ng dating rehimeng
Arroyo, tila hinambalos ng magkasamang lakas ng bagyong Ondoy at Pepeng ang mga
21
maliliit nating kababayan. Marami ang naging biktima ng demolisyon upang magbigay-
daan sa mga proyektong pang-imprastraktura at dinala sa mga relokasyon kung saan
walang hanapbuhay at kulang kundi man walang serbisyong panlipunan katulad ng
paaralan at pagamutan. Marami ring nawalan ng hanapbuhay noong nagkaroon ng
krisis pang-ekonomya ang Amerika at nagsara ang iba’t ibang multinasyunal at
transnasyunal na kumpanya. Ipinakikita lamang nito na hindi natin dapat iniaasa sa
dayuhang pamumuhunan ang paglikha ng trabaho, dahil ginagawa lamang nitong
bulnerable ang ating bansa sa anumang masamang epekto na maaaring idulot ng
pagbagsak ng pandaigdigang pamilihan.
Malinaw sa kanyang isinulat na may pamagat na “Ang Pilipinas Isang Siglo Mula
Ngayon” na hangad ni Rizal ang kaunlaran ng ating bansa sa pamamagitan ng
pambansang industriyalisasyon at pagpapalago ng agrikultura. Ayon kay Rizal, ang
pagsandig sa sarili tungo sa kaunlaran sa pamamagitan ng mga industriyang
gumagamit sa mga likas na yaman ng bansa ang makapag-aahon sa atin mula sa
kahirapan. Isang malaking kabastusan sa alaala niya na sa halip na makamit natin ang
isang nagsasariling bansa at iahon sa kahirapan ang ating mga kababayan ay patuloy
na nakasandig ang ating ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan kung saan ang mga
dayuhan lamang at mga lokal na kasosyo nila ang nakikinabang. Sa ganitong
kalagayan ng bansa, may pag-asa pa ba ang Pilipinas na makaalpas sa kadiliman?
22
Pagpulot Sa Mga Piraso ng Nabuwag na Haligi ng Bayan:
Aral Ni Rizal Bilang Sulong Tanglaw sa Matuwid na Landas
“Mamamatay akong hindi nasisilayan ang bukang-liwayway sa aking bayan.
Kayong mga makakikita niyon, batiin ninyo...
huwag ninyong limutin ang mga nabuwal sa karimlan.”
– Elias sa Kabanata 58 ng Noli Me Tangere
Nagpapaikut-ikot sa paligid ng lampara ang batang gamu-gamong sabik sa
liwanag, hindi alintana ang panganib na nakaabang bunga ng kanyang kapusukan.
Maya-maya pa’y nadarang sa apoy ang manipis na pakpak, naupos ang buhay kapalit
ng ilaw na hinahangad.
Sa kabila nito, nakangiti ang batang gamu-gamo sa harap ng kamatayan. Alam
niyang maaari pa siyang mabuhay nang mas matagal kung pinili na lamang niyang
manatili sa kadiliman, ngunit nangahas pa rin siyang sagupain ito at maglakbay tungo
sa kaliwanagan. Sapat na para sa kanya ang mamatay matapos makita ang liwanag.
Kung tutuusin, mas mapalad pa ang batang gamu-gamo kung ikukumpara sa batang si
Pepe.
Si Jose Rizal ay nabuwal nang hindi man lamang nasisilayan ang pagbubukang-
liwayway sa kalayaan ng kanyang bayan. Subalit anong tamis ng kanyang kamatayan,
ng pagbubuwis ng buhay para sa bansa, isang kamatayang nagsilbing ningas upang
23
24
ang mga Pilipino’y lumaban at mangahas na habulin ang liwanag, kahit pa ang maging
kapalit nito’y kanilang buhay. Huwag nating hayaang mauwi sa wala ang kanilang mga
pagsasakripisyo, sundan natin ang kanilang mga yapak at isabuhay ang mga aral ng
kanilang buhay at kamatayan. Tigilan na natin ang sanlaksang kabastusang ginagawa
natin sa iniwang mga aral ng ating pambansang bayani.
Tayo ang liwanag, ang init, ang apoy na kakalat at hihipo sa puso ng bawat isa
upang kumilos para sa pagbabago. Tayo ang init na nagmumula sa aspaltong
magtutuwid sa baku-bakong daang nagsisilbing balakid sa ating mga nais maglakbay
patungo sa kaunlaran. Huwag nating katakutan ang liwanag, tayong mga matagal ng
nabubuhay sa kadiliman. Sama-sama nating pulutin ang piraso ng nabuwag na Haligi
ng Bayan, gamitin ang wikang pambansa sa pagpapalaganap ng kanyang makabayang
kaisipan, pagkunan natin ng lakas ang kanyang halimbawa upang ituwid ang baku-
bakong daan at magsilbing ilaw na gagabay sa atin patungo sa ninanais nating matuwid
na landas.
“Today, we need heroes who can help us solve our pressing problems. We
cannot rely on Rizal alone. We must discard the belief that we are incapable of
producing the heroes of our epoch, that heroes are exceptional beings, accidents of
history who stand above the masses and apart from them. The true hero is one with the
masses: he does not exist above them. In fact, a whole people can be heroes given the
proper motivation and articulation of their dreams.”
– Renato Constantino sa akdang “Veneration Without Understanding”
top related