filipino baitang 10 yunit 1 ang kahon ni pandora

26
Copyright © 2018 Quipper Limited 1 FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora Talaan ng Nilalaman Introduksyon 3 Basahin Natin 3 Sagutin Natin 4 Aralin 1: Pagsusuri ng Mitolohiya 5 Layunin Natin 5 Pag-aralan Natin 5 Sagutin Natin 8 Subukan Natin 8 Isaisip Natin 9 Pag-isipan Natin 9 Aralin 2: Kahulugan ng Salita: Batay sa Kayarian 9 Layunin Natin 9 Pag-aralan Natin 10 Sagutin Natin 12 Subukan Natin 12 Isaisip Natin 13 Pag-isipan Natin 13 Aralin 3: Paggamit ng Pandiwa bilang Aksiyon, Pangyayari, at Karanasan 14 Layunin Natin 14 Pag-aralan Natin 14 Sagutin Natin 16 Subukan Natin 16 Isaisip Natin 17 Pag-isipan Natin 17 Aralin 4: Pagbubuod ng Mitolohiya 18 Layunin Natin 18

Upload: others

Post on 10-Dec-2021

301 views

Category:

Documents


9 download

TRANSCRIPT

Page 1: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

1

FILIPINO Baitang 10 Yunit 1

Ang Kahon ni Pandora

Talaan ng Nilalaman Introduksyon 3 Basahin Natin 3 Sagutin Natin 4 Aralin 1: Pagsusuri ng Mitolohiya 5 Layunin Natin 5

Pag-aralan Natin 5 Sagutin Natin 8

Subukan Natin 8 Isaisip Natin 9 Pag-isipan Natin 9 Aralin 2: Kahulugan ng Salita: Batay sa Kayarian 9 Layunin Natin 9

Pag-aralan Natin 10 Sagutin Natin 12

Subukan Natin 12 Isaisip Natin 13 Pag-isipan Natin 13 Aralin 3: Paggamit ng Pandiwa bilang

Aksiyon, Pangyayari, at Karanasan 14 Layunin Natin 14

Pag-aralan Natin 14 Sagutin Natin 16

Subukan Natin 16 Isaisip Natin 17 Pag-isipan Natin 17 Aralin 4: Pagbubuod ng Mitolohiya 18 Layunin Natin 18

Page 2: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

2

Pag-aralan Natin 18 Sagutin Natin 19

Subukan Natin 19 Isaisip Natin 20 Pag-aralan Natin 20 Gawin Natin 21 Rubrik sa Pagtataya 21 Paglalagom 22 Dapat Tandaan 23 Pagyamanin Natin 23 Susi sa Pagwawasto 24 Sanggunian 26

Page 3: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

3

BAITANG 10 | YUNIT 1

Mitolohiya ng mitolohiya ay bahagi ng mayamang panitikan ng mundo noon pa mang sinaunang panahon. Tulad ng mga alamat at iba pang kuwentong-bayan, ang mga mitolohiya o mito ay naglalarawan sa kultura ng sinaunang panahon na nakasulat sa anyong tuluyan o prosa. Naglalaman ang mga mito ng mga salaysay tungkol sa pamumuhay ng mga karaniwang tao at ang ugnayan ng mga ito sa kanilang

kinikilalang mga diyos at diyosa. Nagsasalaysay rin ito ng kuwento ng pinagmulan ng daigdig at ng mga tao. Maraming bersiyon ng iba’t ibang mitolohiya ang kinikilala sa buong daigdig. Mayroong mga mito mula sa Hapon, Ehipto, Pilipinas, Mediterranean, at iba pa. Ngunit isa sa pinakatanyag at kinikilalang klasikal na mga kuwento ay mula sa mga mitolohiyang Griyego at Romano ng Mediterranean. Basahin at alamin ang isang kuwento mula sa mitolohiyang Griyego na hanggang sa kasalukuyan ay bumubuo pa rin ng mga haka-haka tungkol sa pinagmulan ng kaguluhan at kasamaan sa daigdig – Ang Kahon ni Pandora.

Basahin Natin

Ang Kahon ni Pandora

Sa tulong ni Hephaestus, nilalang ni Zeus mula sa tubig at luwad ang kauna-unahang

babae sa mundo. Binigyan ito ng kagandahan ni Aphrodite, binigyan din ng pagkahilig sa

musika ni Apollo. Binigyan din siya ni Hermes ng kakayahan para sa pagtatalumpati, at

binihisan siya ni Athena. Naging magandang babae ang kanilang nilalang. Ipinagmamalaki

ng mga diyos at diyosa ang kanilang nilikha kaya pinangalanan nila itong Pandora na

nangangahulugang “alaala ng mga diyos at diyosa.” Hinandogan naman siya ni Zeus ng

isang munting kahon na may magandang disenyo at masining na pagkakaukit. May kasama

rin itong gintong susi. Ibinilin nito na kailangang lagi niyang nasa tabi ang kahon at hindi

dapat ito mabuksan.

Pinapunta ni Zeus si Pandora sa daigdig upang ihandog kay Epimetheus. Ngunit nagbabala

ang kapatid nitong si Promotheus na huwag tanggapin ang handog. Naniniwala siyang

gusto lamang makaganti ni Zeus sa pagkuha niya ng apoy mula sa isang panday para

A

Pindutin ang Home icon para bumalik sa Talaan ng Nilalaman

Page 4: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

4

ipagkaloob sa mga tao. Bagaman, nagbitiw na ng kaparusahan si Zeus sa mga tao na hindi

na mabibigyan ang mga ito ng apoy, batid ni Promotheus na hindi pa rin ito sapat para kay

Zeus. Ngunit nabighani na sa kagandahan ni Pandora si Epimetheus at nagdesisyong

pakasalan na ito. Kaya wala nang nagawa pa si Promotheus.

Naging mabuting asawa si Pandora at naging abala lamang sa pag-aasikaso sa kaniyang

asawa. Siya ang naglilinis ng bahay, nagluluto ng masasarap na pagkain, mahusay na

naghahabi, at naging masunurin sa bawat ninanais ng kaniyang asawa.

Binantayang maigi ni Pandora ang kahon na handog sa kaniya ni Zeus. Hindi ito nawawaglit

sa kaniyang paningin. Lagi niyang tinatandaan ang bilin sa kaniya na huwag itong

bubuksan. Nilalabanan niya nang maigi ang tukso na hindi ito buksan. Ngunit, dumating ang

oras na hindi niya ito malabanan at binuksan niya ang kahon gamit ang kaniyang gintong

susi. Iniangat niya ito nang kaunti upang masilip kung ano ang nilalaman nito. Inasahan

niyang may makikita siyang ginto o kayamanan sa kahon ngunit nadismaya siya na wala

siyang natagpuan dito.

Sa isang iglap, biglang napuno ng munting mga kulisap at insekto ang kaniyang silid. Gulat

na gulat si Pandora sa nangyari. Kinagat siya ng ibang mga kulisap kaya agad niyang

isinara ang munting kahon. Mabilis namang lumabas ng bahay ang mga kulisap at mga

insekto. Nakaramdam ng sakit at hapdi si Pandora sa kagat ng mga kulisap. Naitanong na

lamang niya sa kaniyang sarili kung

ano nga ba ang kaniyang nagawa.

Hindi alam ni Pandora na ang mga

lumabas sa munting kahon ay ang

sakit, kalupitan, kapalaluan,

kalungkutan, kamatayan, at iba pang

miserableng karanasan na mangyayari

sa sangkatauhan.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay

naglipana na ang kapahamakan sa

daigdig. Buti na lang may natirang

bagay sa kahon, at ito ay ang pag-asa.

Kung nawala ang pag-asa mas

magiging malupit sana ang daigdig.

Sagutin Natin

1. Sino ang kauna-unahang babaeng nilikha

ng mga diyos at diyosa ayon sa mito ng mga Griyego?

2. Ano ang bagay na ibinigay ni Zeus sa kanilang nilalang?

3. Ano ang bagay na nilabag ng nilalang na

babae na siyang nagdulot ng kaguluhan sa daigdig?

Page 5: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

5

Aralin 1

Pagsusuri ng Mitolohiya

Pag-aralan Natin Sinasabi na ang mga kuwento’t salaysay na nilalaman ng mga mito ang unang naging gabay ng mga sinaunang tao sa mga desisyon na kanilang gagawin. Itinuturing din itong mga sagradong naratibo na nagpapaliwanag ng pinagmulan ng tao at ng daigdig sapagkat inilalahad nito ang kasagutan sa mga tanong ng tao na hindi nila kayang bigyang-kasagutan, gaya ng mga palaisipan kung saan sila nagmula, ano ang kahalagahan nila, ano ang mga dapat nilang gawin, at iba pa. Maraming kaisipan ang taglay ng mitolohiya na maaaring makaapekto sa sarili, pamilya, pamayanan, lipunan, at daigdig.

Mitolohiya Ang mitolohiya ay tinatawag ding mulamat, ito ay matatandang kuwentong-bayan tungkol sa mga bathala, tungkol sa pakikibaka ng daigdig at kalikasan, at iba pang kuwentong may kinalaman sa pagsamba ng tao sa kanilang mga anito o diyos-diyosan.

Layunin Natin

Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaaasahang naiuugnay ang mga

kaisipang nakapaloob sa akda sa mga nangyayari sa sarili, pamilya, pamayanan, lipunan,

at daigdig.

Page 6: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

6

Katangian ng Mitolohiya

Upang higit na maunawaan ang katuturan ng mga mitolohiya, alamin natin ang mga katangiang tinataglay nito. Ang mitolohiya ay . . .

• Kadalasang tungkol sa paglikha ng mga diyos at diyosa sa daigdig at sa ibang nilalang na nabubuhay.

• Naglalahad ng pakikipagsaparalan o pakikidigma ng isang tao para sa pagtatanggol ng kanilang pamayanan.

• Kalimitang patungkol sa ugnayan ng mga diyos at diyosa sa mga tao.

• May mga kuwentong nakakabit sa kasaysayan ng isang bansa.

• Nagpapaliwanag sa kalagayan at pagpapahalaga ng isang tao.

• Nagpapakita ng sinaunang pananampalataya at paniniwala ng sinaunag tao.

Elemento ng Mitolohiya

Isa sa pinakamabisang paraan ng pagsusuri sa isang mitolohiya ay ang pag-alam at pag-unawa sa mga elemento nito. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga elemento, malalaman natin ang mga kaisipang taglay ng isang kuwento at kung paano ito nakaaapekto sa ating sarili, pamilya, pamayanan, lipunan, at daigdig. Naririto ang mahahalagang elemento ng isang mito – ang tauhan, tagpuan, at banghay.

Sa mga mitolohiya kung saan nagiging tauhan ang mga diyos at diyosa, kumukilos at nag-aasal ang mga ito na gaya lamang ng ordinaryong tao. Ang kanilang damdamin at pag-uugali ay tulad sa mga tao, bagaman nagtataglay sila ng di-pangkaraniwang kapangyarihan. Halimbawa, may mga pamilya rin sila tulad ng mga ordinaryong tao, at nakikihalubilo rin sa kanilang kapuwa. Higit itong mauunawaan kung mapag-aaralan ang angkan ni Zeus mula sa mitolohiyang Griyego.

Mahalaga ang tauhan sa lahat ng kuwento o akda. Lahat ng mga pangyayari sa kuwento ay umiikot sa lakbayin ng mga tauhan. Ang tauhan ay representasyon ng taong kumikilos sa kuwento. Gayundin, maaari itong maging representasyon ng sarili sapagkat ang bawat tauhan ay nagtataglay ng iba’t ibang emosyon at suliranin. Ang pakikipag-ugnayan ng tauhan sa kaniyang pamilya at iba pang tauhan sa kuwento na kumikilos sa pamayanan ay sumasalamin din sa ating mga sarili, pamilya, at sa lipunang ginagalawan.

Tauhan

Page 7: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

7

Sa mitolohiya, masusuri natin ang pisikal na kalagayan ng isang lugar noong unang panahon na maaari nating ihambing sa kasalukuyan. Kalimitan itong di-pangkaraniwang tagpuan, gaya ng langit o ang lugar na ginagalawan ng mga diyos at diyosa na nasa ibang bahagi ng daigdig at hindi mapupuntahan ng mga tao. Ngunit, may mga tagpuan sa mitolohiya na napupuntahan na ngayon ng tao at nagiging atraksiyon at simbolo. Halimbawa nito ang Bundok Olympus sa Gresiya. Gayundin, may mga tagpuan na naging mahalagang konsepto na sa ating paniniwala tulad ng langit at impiyerno. Kung mababatid natin ang kahalagahan ng mga aral sa mitolohiya, sasalamin ito sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran ng daigdig upang mapakinabangan pa ito ng mga susunod na henerasyon.

Sa mitolohiya, nakalahad ang pananalig at pagtatanggol ng isang tauhan sa kaniyang bansa o pinagmulan na makikita sa mga pakikipaglaban at pakikipagsapalaran. Ipinapakita rin nito ang kalagayan ng mga tao at pamayanan ng isang bansa na maaaring ihambing sa kasalukuyang kalagayan ng tao at pamayanan. Makikita rin sa banghay ang sinaunang paraan ng paniniwala ng tao na naging malaki ang impluwensiya sa kanilang kasalukuyang paniniwala at pagpapahalaga. Ang banghay sa mitolohiya ay naglalahad din ng mga kasaysayan na maaaring totoong naganap sa isang partikular na lugar.

Sa tagpuan nagaganap at umiikot ang mga pangyayari sa kuwento. Ang tagpuan sa isang mitolohiya ay makasaysayang representasyon at simbolo ng isang lugar na pinagmulan ng kuwento nito. Inilalarawan din nito ang pisikal na katangian ng isang lugar. Tumutukoy ang tagpuan sa ang mga bulkan, ilog, bundok, palayan, batis, at iba pang istruktura na natural man o gawa ng mga tao. Inilalarawan ng tagpuan ang isang uri ng pamayanang ginagalawan ng mga tauhan sa kuwento.

Tagpuan

Ang banghay ng isang kuwento ang naglalahad ng pagkasunod-sunod ng mga pangyayari sa loob nito. Sa banghay nababatid ang mga aksiyon at paraan na gagawin ng bawat tauhan. Nasusuri rin sa banghay ang aral at kaisipan na dapat makuha sa isang akda.

Banghay

Page 8: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

8

Ang tatlong elemento ng mitolohiya ay mahalaga sa pagsusuri nito dahil ang mga ito ay kumakatawan sa mga kaisipan na maaaring representasyon din ng sarili, pamilya, pamayanan, lipunan, at daigdig. Sa matamang pagsusuri ng mga mitolohiya, maraming aral ang maaaring matutuhanan at magamit sa kasalukuyang sitwasyon. Higit ding makapagbibigay ng pagpapahalaga sa kasaysayang at kultura ng bansang pinagmulan ang mga kuwentong ito.

Subukan Natin

Magsaliksik ng isang mitolohiya mula sa panitikan ng Timog-Silangang Asya. Suriin ito batay sa elemento at kaisipang nakapaloob dito na maiuugnay sa sarili, pamilya, at pamayanan (daigdig). Sundin ang pormat sa ibaba. Pamagat ng Mitolohiya: ____________________________________________________________

Elemento ng Mitolohiya

• Tauhan

• Tagpuan

• Banghay

Kaisipang mula sa

Mitolohiya

Pag-ugnay sa sarili,

pamilya, pamayanan, at

daigdig

• sarili

• pamilya

• pamayanan

Sagutin Natin

1. Ano ang kahulugan ng mitolohiya? 2. Paano epektibong nasusuri ang isang mitolohiya? 3. Gaano kahalaga ang pagsusuri ng isang mitolohiya?

Page 9: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

9

Isaisip Natin

Paano higit na mabibigyang ng pagpapahalaga ang mga mitolohiya ng iba’t ibang lahi sa buong daigdig?

Pag-isipan Natin

Tukuyin kung anong salita ang angkop sa mga paglalarawang nakalahad sa bawat bilang. Isulat sa patlang ang sagot. _________1. Dito nagaganap ang pagkilos at pamumuhay ng mga tauhan sa isang kuwento. _________2. Sila ang mga taong kumikilos at nagpapakita ng iba’t ibang asal at gawi sa isang

kuwento. _________3. Ito ay mga kuwentong naglalahad ng pakikipagsapalaran ng mga tao at ang

kanilang ugnayan sa mga diyos at diyosa. _________4. Ito ang naglalahad ng mahahalagang tagpo sa naging daloy ng isang kuwento. _________5. Ito ang pinagmulan ng mga klasikal na kuwento tungkol sa pinagmulan ng

daigdig at ng tao.

Aralin 2

Kahulugan ng Salita: Batay sa Kayarian

Layunin Natin

Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaaasahang naiuugnay ang

kahulugan ng mga salita batay sa kayarian nito.

Page 10: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

10

Pag-aralan Natin

Mayroong katangian ang isang salitang-ugat

na magkaroon ng magkakaibang kahulugan

batay sa pagbabagong gagawin dito.

Maaaring magdagdag ng mga panlapi o

katagang idinurugtog sa salitang-ugat o di

kaya ay magkabit ng ibang salita sa isang

payak na salita. Sa araling ito, tatalakayin

kung paano nga ba nabubuo ang mga

salitang ginagamit natin sa araw-araw.

Malalaman din natin kung paano

mapagkakaiba-iba ang kayarian nito gayundin

ang kahulugan ng mga bagong-buong

salitang ito.

Mga Kayarian ng Salita

May apat na kayarian ng mga salita ayon sa balarilang Filipino. Ito ay ang payak, maylapi,

inuulit, at tambalan.

1. Payak

Ito ang pinakasimpleng anyo ng isang salita. Ito ay binubuo ng salitang-ugat lamang. Wala

itong panlapi, walang katambal na ibang salita, at hindi rin inuulit.

Halimbawa:

• Mundo

• Kahon

• Tubig

• Diyos

2. Maylapi

Ito ay mga salitang binubuo ng mga salitang-ugat na may kasamang isa o higit pang

panlapi. Ang mga panlapi ay maaaring nasa unahan, gitna, hulihan, o kabilaan ng isang

salitang-ugat.

Page 11: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

11

Halimbawa:

Salitang-ugat Maylapi

diyos maka-diyos

kahon kinahon

tubig tubigan

mundo kamundohan

3. Inuulit

Ito ay mga inuulit na salita, maaaring ang buong salita, o isa o higit pang pantig lamang

ang inuulit. Tinatawag itong pag-uulit na ganap o di-ganap sa kayariang ito.

Halimbawa:

Ganap na Pag-uulit Di-ganap na Pag-uulit

araw-araw minu-minuto

muni-muni kasa-kasama

4. Tambalan

Ito ay mga salitang nabubuo sa pamamagitan ng pagtatambal o pagsasama ng dalawang magkaibang salita kung saan nagkakaroon ng panibagong pagpapakahulugan sa salitang nabuo. May dalawang uri nito: ang tambalang ganap, kung saan nakabubuo ng ibang kahulugan mula sa mga salita; at malatambalan, kung saan nananatili ang kahulugan ng mga salitang pinagtambal.

Halimbawa:

Tambalang Ganap Malatambalan

bahaghari pamatay-kulisap

balat-sibuyas bukas-sara

taingang-kawali dalagang bukid

Ang iba’t ibang kayarian ng salita ang tumutulong sa pagpapalawak ng bokabularyo ng

isang wika. Ang kayarian din ng mga salita ay nakatutulong upang madaling maipabatid ang

kahulugan ng isang salita sa pamamagitan ng pagtukoy sa kahulugan ng salitang-ugat at

panlaping ginamit dito.

Page 12: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

12

Subukan Natin

Humango ng limang salita mula sa mitolohiya sa Timog-Silangang Asya na iyong

nasaliksik sa Aralin 1. Itala ang mga ito at punan ang talahanayan sa ibaba.

Salitang-ugat

• Salita

•Kahulugan

Salitang Maylapi

•Panlapi

•Kahulugan

Salitang Inuulit

• Salitang inuulit

• kahulugan

Salitang Tambalan

• Salitang tambalan

•Kahulugan

Sagutin Natin

1. Ano-ano ang kayarian ng salita? 2. Paano nagkakaiba ang mga kayarian ng salita? 3. Bakit mahalaga ang paggamit ng iba-ibang kayarian ng salita?

Page 13: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

13

Isaisip Natin

Ano ang kahalagahan ng paggamit ng iba’t ibang kayarian ng wika sa pagbuo ng isang

mahusay na diskurso?

Pag-isipan Natin

Pag-aralan ang mga salitang nakatala sa ibaba. Ibigay ang salitang-ugat ng bawat isa at

tukuyin ang kayarian ng mga ito.

Salitang-ugat Kayarian

1. Pag-ibig

2. Dinaranas

3. Sasambahin

4. Buhay-maralita

5. Pakikipagsapalaran

6. Pagdudusahin

7. Tao-tauhan

8. Lalabanan

9. Isasakripisyo

10. Alay-lakad

Page 14: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

14

Aralin 3

Paggamit ng Pandiwa bilang Aksiyon, Pangyayari, at Karanasan

Pag-aralan Natin

Ang bawat salitang ginagamit natin sa pakikipagtalastasan ay may partikular na gamit at

kahulugan. May mga salitang pangnilalaman na may buong diwang tinataglay at mayroon

ding salitang pangkayarian na kinakailangan sa

pagbuo ng isang pangungusap. Sa araling ito,

aalamin natin ang iba’t ibang gamit ng isa sa

mga salitang pangnilalaman sa pagbuo ng

mahusay na pangungusap⸺ang pandiwa.

Ang pandiwa ay isa sa bahagi ng panalita na

kabilang sa mga salitang pangnilalaman. Ito ay

mga salitang nagsasaad ng kilos o galaw. May

iba’t ibang konsepto o gamit ang pandiwa sa

isang pangungusap. Ang mga konseptong ito

ay bilang aksiyon, pangyayari, o karanasan.

1. Pandiwa bilang Konsepto ng Aksiyon

Ang pandiwa bilang konsepto ng aksiyon ay nangangahulugang kilos o galaw na

ginagawa ng tagaganap ng pagkilos.

Layunin Natin

Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaaasahang nagagamit

ang angkop na pandiwa bilang aksiyon, pangyayari, at karanasan.

Page 15: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

15

Halimbawa:

Nagbukas si Pandora ng kahon.

Aksiyon Tagaganap ng aksiyon

Paliwanag:

Sa pangungusap, ginamit ang pandiwa bilang aksiyon upang ipakita ang pagkilos ni

Pandora.

2. Pandiwa bilang Pangyayari

Ang pandiwa ay nagpapahiwatig ng isang pangyayari kung ipinahahayag nito ang

naapektuhan sa naturang pangyayari o proseso na hindi sinadya o binalak. Malimit na

mayroong tagatanggap ang ganitong konsepto ng pandiwa.

Halimbawa:

Binuksan ni Pandora ang kahon.

Pangyayari Tagatanggap ng pangyayari

Paliwanag:

Sa pangungusap, ginamit ang pandiwa na nakapokus sa tagatanggap ng naging

aksiyon at nagpakita ng pangyayari.

3. Pandiwa bilang Karanasan

Ang pandiwa bilang karanasan ay nagpapahayag ng damdamin o saloobin. Ito ay

mayroong tagadanas ng saloobin o damdamin.

Halimbawa:

Kinabahan si Pandora.

Karanasan Tagadanas ng damdamin/saloobin

Page 16: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

16

Paliwanag:

Sa pangungusap, tuwirang ipinakita lamang ang katangian ng pandiwa at ang epekto

nito sa damdamin ng tagadanas.

Mahalaga angkop nating nagagamit ang mga pandiwa na nakabatay na konseptong nais

palutangin nito. Makatutulong ang angkop na pagpili ng pandiwa upang higit na maging

malinaw ang mensahe ng isang pangungusap.

Subukan Natin

Magtala ng mga pandiwa na nagsasaad ng mga konsepto ng aksiyon, pangyayari, at

karanasan. Gamitin ito sa pangungusap upang makita ang tiyak na konsepto nito.

Sagutin Natin

1. Ano-ano ang konsepto ng pandiwa?

2. Paano nagkakaiba ang mga konsepto ng pandiwa?

3. Paano makikita ang konseptong ito sa pangungusap?

Pandiwa bilang aksiyon Pandiwa bilang aksiyon Pandiwa bilang aksiyon

Page 17: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

17

Isaisip Natin

Bakit mahalagang magamit nang wasto at angkop ang mga pandiwa sa iba’t ibang

konsepto sa loob ng isang pangungusap?

Pag-isipan Natin

A. Bilugan ang mga pandiwang ginamit sa bawat pangungusap.

1. Tumakbo si Samuel patungo sa dalampasigan.

2. Nang biglang umulan, kumaripas ng takbo ang mga bata.

3. Niluto ni Aling Sepa ang sopas para sa apong si Anna.

4. Napasigaw si Julia nang malaman ang nangyari.

5. Naglaro ng luksong-baka ang magkaibigang Arjun at Ted.

B. Sumulat ng tig-dadalawang pangungusap para sa bawat konsepto o gamit ng

pandiwa. Tukuyin ang pandiwang ginamit at ipaliwanag ang gamit nito sa

pangungusap.

Halimbawa:

Inihakbang ni Eula ang kaniyang paa sa hagdan.

(Pandiwa) (tagatanggap ng pangyayari)

Paliwanag: Ang pandiwang ginamit ay nakapokus sa tagatanggap ng kilos na

nagsasaad ng isang pangyayari.

Page 18: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

18

Aralin 4

Pagbubuod ng Mitolohiya

Pag-aralan Natin

Ang pagbubuod ay kalimitang ginagawa sa

iba’t ibang akdang pampanitikan lalo na sa

mahahabang akda. Maraming sinaunang

akda ang mahahaba ang pagkakasulat, tulad

ng mitolohiya, epiko, at nobela. Ginagawan

ang mga ito ng buod na bersiyon upang

maging madali para sa mga nagnanais

magbasa na maunawaan ang mga sinaunang

akda.

Nagiging gabay ang mga buod sa mga

banghay ng pangyayari at sa tauhan na

inilalahad sa isang akda, gaya ng mitolohiya. Ang pagbubuod ay isang paraan ng pagsulat

ng maikling bersiyon ng isang akda kung saan matitiyak o matutukoy ang paksa at ilang

mahahalagang detalye ng teksto o akda.

Mga Paraan ng Pagbubuod ng Mitolohiya

Halos katulad din ng ibang akda ang pagbubuod ng isang mitolohiya. Ngunit mas nararapat

na suriin ang nilalaman ng mitolohiya lalo na ang tauhan at banghay nito, dahil naglalaman

Layunin Natin

Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaaasahang naisusulat ang

sariling mitolohiya batay sa paksa ng akdang binasa.

Page 19: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

19

ito ng maraming tauhan at iba’t ibang pangyayari kung kaya nagiging mahaba ang banghay.

Narito ang mga hakbang sa pagbubuod ng mitolohiya:

• Basahin nang maigi ang orihinal na teksto.

• Tandaan ang mahahalagang ideya. Maaaring gamitan ng pananda ang mga ito at saka

itala ang mahahalagang ideya, impormasyon, at katangian ng mga tauhan sa

mitolohiya.

• Gumawa ng grapikong pantulong. Mahaba at naglalaman ng maraming tauhan ang

mitolohiya kaya mas maiging isulat ito sa paraang agad makikita ang ugnayan ng mga

konseptong itinala para makaiwas sa pagkakalito.

• Isulat na ang buod. Ilahad kung ano ang kabuuang mensaheng nais ilahad ng

manunulat ayon sa buod nito.

Ang mitolohiya ay isang mahabang sinaunang akda kaya may pagkakataong kailangang

ibuod ito upang maunawaan ang paksa at daloy ng mga pangyayari sa teksto. Mahalagang

nailalarawan ang mga tauhan sa kuwento upang mailahad nang maayos ang kasaysayan ng

pamayanang pinagmulan nito.

Subukan Natin

Ibuod ang mitolohiyang nasaliksik. Isaalang-alang ang mga pamamaraan na natutuhan

sa pagbubuod sa araling tinalakay sa modyul.

Sagutin Natin

1. Ano ang pagbubuod?

2. Paano ang paraan sa pagbubuod ng mitolohiya?

3. Bakit mahalaga ang pagbubuod ng mitolohiya?

Page 20: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

20

Isaisip Natin

Ano ang kaibahan ng buod ng isang akda sa orihinal na tekstong isinulat ng

manunulat nito? Ipaliwanag. Isa-isahin ang pagkakaiba.

Pag-isipan Natin

Punan ng angkop na salita ang bawat patlang upang mabuo ang mensahe ng talata sa

ibaba. Piliin sa kahon ang iyong sagot.

Ang __________ ng mga akdang __________ ay naglalayong

makapagbigay ng __________ ng akda. Ginagawa ito sa __________

upang magkaroon ng paunang impresiyon dito ang mga __________.

Dapat isaalang-alang sa pagbubuod ang __________ ng mga pangyayari

at ang katangian ng mga __________ upang higit na maipakita ang

paglalarawan sa __________ ng sinaunang akda, gaya ng __________.

Mambabasa Maikling bersiyo Tauhan

Mahahabang akda Pagbubuod Banghay

Kasaysayan Mitolohiya Pampanitikan

Page 21: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

21

Gawin Natin

Mimesis

Ang mimesis ay isang pagtatanghal kung saan ginagaya o kinokopya ang pisikal na

katangian ng mga tauhan mula sa isang akda at/o partikular na lipunan o bansa.

Itinatanghal ito sa mga manonood upang maipakilala ang karakter na kanilang

kinatawan.

Gawin sa sumusunod na hakbangin upang maisakatuparan ang gawain.

1. Hatiin ang klase sa dalawang grupo.

2. Magsaliksik ng mga tauhan mula sa klasikal na mitolohiyang Griyego at

mitolohiyang Pilipino.

3. Pipili ang mga mag-aaral ng karakter na kanilang irerepresenta.

4. Gagawa ng pinakamalapit na bersiyon ng kasuotan nito upang maipakita sa

klase.

5. Ipakikilala sa harap ng klase ang karakter na kanilang napili. Maghanda ng

maikling pagpapakilala.

Rubrik sa Pagtataya

Lagyan ng tsek ang bilang ng marking nais ibigay. (5 ang pinakamataas, 1 ang

pinakamababa)

Pamantayan sa Pagbubuod 1 2 3 4 5

1. Kaangkopan ng kasuotang batay sa nasaliksik na tauhan. 2. Kalinawan ng pagpapakilala sa tauhang nirerepresenta. 3. Kahika-hikayat ang pagtatanghal at pagpapakilala ng tauhan. 4. Organisado ang kabuuang pagtatanghal ng pangkat.

Kabuuang puntos:

Page 22: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

22

Interpretasyon:

16 – 20 : Napakahusay

11 – 15 : Mahusay

6 – 10 : Katamtaman

1 – 5 : Nangangailangan pa ng pagsasanay

Paglalagom

Page 23: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

23

Pagyamanin Natin Ang sumusunod na mga video links ay maaaring panoorin para sa karagdagang

impormasyon at malalim na talakayan.

• Kasindak-sindak│Ang Mga Diyos na Griyego (Greek Goddess)

https://www.youtube.com/watch?v=j3-gYmfixhg

• NTG: Ayon sa Greek Mythology, sa Mt. Olympus nananaog ang mga diyos ng

griyego

https://www.youtube.com/watch?v=pRyo4N2_aGs

Dapat Tandaan

• Ang tatlong elemento ng mitolohiya na tauhan, tagpuan, at

banghay ay mahalaga sa pagsusuri nito dahil ang mga ito ay

kumakatawan sa mga kaisipang maaaring iugnay sa sarili, pamilya,

pamayanan, lipunan, at daigdig.

• Mayroong apat na kayarian ng mga salita: payak, maylapi, inuulit,

at tambalan.

• May iba’t ibang konsepto ang pandiwa: bilang isang aksiyon,

pangyayari, at karanasan.

• Ang pagbubuod ng mitolohiya ay nakatutulong upang mapaikli ang

isang mahabang akda. Mahalaga ang pagbubuod nito upang

maging gabay sa bawat mambabasa at maging hudyat rin ng

pagtataya kung naunawaan ito.

Page 24: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

24

Susi sa Pagwawasto Aralin 1 Sagutin Natin

1. Ang mitolohiya ay tinatawag ding mulamat o matatandang kuwentong-bayan tungkol sa

mga bathala, sa pakikibaka ng daigdig, sa kalikasan, at iba pang kuwentong may

kinalaman sa pagsamba ng tao sa kanilang mga anito.

2. Nasusuri ang mitolohiya sa pamamagitan ng pag-alam at pag-unawa sa nilalaman ng

mga elemento nito – ang tauhan, tagpuan, at banghay.

3. Mahalaga ang pagsusuri ng mitolohiya dahil kumakatawan ito sa mga kaisipan sa sarili,

pamilya, pamayanan, lipunan, at daigdig. Sa pagsusuri din ng mitolohiya maraming

matutuhan na magagamit sa lipunan.

Isaisip Natin

Mapahahalagahan ang iba’t ibang mitolohiya ng mga lahi sa buong daigdig sa

pamamagitan ng pagkilala at pag-aaral dito. Maaari itong maiugnay sa isa’t isa upang

makita ang ugnayan ng mga kultura at paniniwala ng iba-ibang lahi.

Aralin 2 Sagutin Natin

1. Ang apat na kayarian ng salita ay ang payak, maylapi, inuulit, at tambalan.

2. Ang payak na salita ay binubuo ng salitang-ugat lamang na walang panlapi, walang

katambal na ibang salita, at hindi rin inuulit. Ang maylapi ay mga salita na binubuo ng mga

salitang-ugat na may kasamang isa o higit pang panlapi na maaaring nasa unahan, gitna,

hulihan, o kabilaan ng isang salitang-ugat. Ang inuulit naman ay mga salita na inuulit ang

buo o ang isa o higit pang pantig lamang. Samantala, ang tambalan ay mga salita na

binubuo ng magkaibang dalawang salita na nagkaroon na ng iisang kahulugan.

3. Mahalaga ang paggamit ng iba-ibang kayarian ng salita upang higit na lumawak ang

bokabularyo ng isang wika.

Isaisip Natin

Mahalaga ang paggamit ng iba’t ibang kayarian ng salita sa isang mahusay na diskurso

sapagkat ito ang nagbibigay ng iba-ibang kahulugan sa isang salitang-ugat. Higit na

Page 25: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

25

lumalawak ang bokabularyo ng isang wika at nabibigyang-pagkakataon ang pag-iisip sa

isang talastasan.

Aralin 3

Sagutin Natin

1. Ang pandiwa ay may iba’t ibang konsepto bilang aksiyon, pangyayari, at bilang

karanasan.

2. Nagkakaiba-iba ang mga konsepto ng pandiwa sa bawat gamit ng mga ito. Ang

pandiwa bilang aksiyon ay tumutukoy sa pandiwa na nagpapahiwatig ng kilos at

galaw, ang pangyayari ay proseso na mayroong naapektuhan, at ang karanasan ay

damdamin o saloobin ng tagadanas.

3. Dapat tukuyin ang pandiwang ginamit sa pangungusap at kung ano ang

pinatutungkulan nito sa loob ng pangungusap, maaaring ang tagaganap ng aksiyon o

ang tagatanggap nito.

Isaisip Natin

Dapat na maging wasto at angkop ang paggamit ng mga pandiwa sa loob ng isang

pangungusap upang lumutang ang konseptong nais ipahayag.

Aralin 4

Subukan Natin

1. Ang buod ay pagpapaikli ng isang akda na binubuo ng mga pangunahing paksa at

mahahalagang detalye ng isang teksto.

2. Ang mga paraan sa pagbubuod ng mitolohiya ay: basahin nang maigi ang orihinal na

teksto; tandaan ang mahahalagang ideya sa pamamagitan ng pagtatanda at pagtatala

sa mga ito; gumawa ng grapikong pantulong upang agad makikita ang ugnayan ng

mga konseptong itinala para makaiwas sa pagkakalito; at saka isulat ang buod.

3. Mahalaga ang pagbubuod ng mitolohiya dahil nankatutulong ito sa mga mambabasa

sa pagbabasa, lalo na sa mahahabang akda gaya ng epiko at mitolohiya na

naglalaman ng maraming tauhan at pangyayari.

Page 26: FILIPINO Baitang 10 Yunit 1 Ang Kahon ni Pandora

Copyright © 2018 Quipper Limited

26

Isaisip Natin

Ang buod ng isang akda ay pinaikling bersiyon lamang ng orihinal na teksto. Maaaring

mailahad dito ang opinyon at pagkakaunawa lamang ng gumawa ng buod ng isang kuwento

at hindi ang orihinal na mensahe ng manunulat.

Sanggunian

Antonio, Lilia D., et. al. Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Quezon City: C & E

Publishing, Inc. 2008.

Cayao, Erlinda A. at Evelyn L. Sebastian. Readings in World Literature. Quezon City: C

& E Publishing, Inc., 2006.

Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature: Myths. U.P. Diliman: University of the

Philippines Press. 2001.

Pena, Estrella C., Setubal, Jessie S., Villafuerte, Patrocinio V. Sikhay 10. Quezon City:

Ephefians Publishing Inc., 2013.

Resuma, Vilma M. Gramatikang Pedagohial ng Wikang Filipino Komunikatibong Modelo.

QC: Sentro ng Wikang Filipino. 2002.

Rosenberg, Donna. World Mythology. USA: NTC Publishing Group, 1999.