filipino - scnhs.edu.ph
TRANSCRIPT
1 | P a h i n a
FILIPINO Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto Pagpili ng Pangunahin at Pantulong
na Kaisipan sa Akdang Binasa Ikalawang Markahan - Unang Linggo
8
FILIPINO – Ikawalong Baitang Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto Pagpili ng Pangunahin at Pantulong na Kaisipan sa Akdang Binasa Ikalawang Markahan - Unang Linggo
Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayonpaman, kailangan muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay ang pagtakda ng kaukulang bayad.
Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito ay nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang makuha ang pahintulot sa paggamit ng kagamitan. Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala at mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa modyul na ito ay kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito. Walang anomang parte nito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa anomang paraan nang walang pahintulot sa Kagawaran.
Inilimbag sa Republika ng Pilipinas ng Kagawaran ng Edukasyon Rehiyon III Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales Zone 6, Iba, Zambales Tel./Fax No. (047) 602 1391 E-mail Address: [email protected] Website: www.depedzambales.ph
Bumuo sa Pagsulat ng Kagamitan sa Pinatnubayang Kagamitang Pampagkatuto
Manunulat: Mary Grace Joaquin Andalis
Editor: Ritz A. Catacutan
Tagasuri: Jocelyn M. Elico at Rhaian Corpuz
Tagaguhit at Taga-anyo: Jonathan A. Paranada
Tagalapat: Albin Lee A. Arabe at Janmar A. Molina
Tagapamahala: Leonardo D. Zapanta EdD, CESO V
Michelle Ablian-Mejica EdD
Manolito B. Basilio EdD
Ma. Lilybeth M. Bacolor EdD
Garry M. Achacoso
Rachelle C. Diviva
1 | P a h i n a
Panimula
Isang hamon ngayon sa bawat isa ang kinahaharap na pagsubok hindi
lamang ng ating bansa kung hindi maging sa buong mundo. Binago ng
pandemyang ito ang buhay natin sa kasalukuyan. Bagama’t sa ilang
sitwasyon ay nakatulong din upang mas lalo pang lumalim at maging
matatag ang ugnayan at relasyon ng bawat pamilyang Pilipino. Sa kabila ng
mga pagsubok na patuloy na dinaranas, tayo ay nananatiling positibo ang
pananaw sa buhay at may galak na bumabangon sa bawat araw para sa
pamilya. Higit sa lahat, ang pagtitiwala sa Panginoon ay hindi nawawala.
Kasanayang Pampagkatuto
Napipili ang mga pangunahin at pantulong na kaisipang nakasaad sa
binasa. (F8PB-IIa-b-24)
Mga Layunin
Sa pagtatapos ng Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang
Pampagkatuto na ito, ikaw ay inaasahang:
1. natutukoy ang mahahalagang detalye ng tulang binasa;
2. nasusuri ang mga pahayag tungkol sa tula; at
3. naiisa-isa ang mga pangunahin at pantulong na kaisipang
nakasaad sa tulang binasa.
Pagpili ng Pangunahin at Pantulong na Kaisipan
sa Akdang Binasa
2 | P a h i n a
Balik Aral
Sa unang markahan ay iyong napag-aralan ang tungkol sa iba’t ibang
panitikang namayani sa bansa bago pa ang mga mananakop sa panahon ng
mga Espanyol hanggang sa panahon ng mga Hapones. Masasabi ring
mayaman na ang panitikang Pilipino bago pa man dumating ang mga
banyaga.
Ang Pilipinas, ay may sarili ng panitikan. Tayo’y may kinagisnang
tulang paawit gaya ng kundiman, kumintang, oyayi at dalit. Mayroon din
tayong mga karunungang bayan gaya ng salawikain, sawikain, kasabihan at
bugtong. Sagana rin tayo sa pagkakaroon ng mga akdang tuluyang puno ng
kababalaghan at aral na lumaganap sa bansa na naging patnubay ng ating
mga ninuno sa kanilang pamumuhay gaya ng alamat, epiko, pabula at
kuwentong-bayan.
Bago tayo magpatuloy sa aralin, magbigay ng mga halimbawa ng
alamat o mga kuwentong-bayan na iyo pang natatandaan at isulat ito sa
sagutang papel. Kung ito’y iyong nagawa, mahusay! Binabati kita.
Bilang pagpapatuloy ng mga akdang natalakay sa unang markahan,
makikilala mo naman sa araling ito ang ilang panitikang namayani sa bansa
sa panahon ng pag-unlad ng panitikang Pilipino. Handa ka na ba? Halina’t
ating basahin at unawain.
Pagtalakay sa Paksa
Isa sa iyong matututuhan ay ang pagtalakay sa kahulugan ng tula at
mga elemento nito. Malalaman mo rin ang pagkakaiba ng pangunahin at
pantulong na kaisipan.
Ang tula ay maituturing na pinakamatandang sining sa kulturang
Pilipino. Tula ang pinagmulan ng iba pang mga sining tulad ng sining ng awit,
sayaw at dula. Batay sa kasaysayan, ang ating mga ninuno ay may likas ng
hilig at kakayahang magpahayag ng kanilang kaisipan sa pamamagitan ng
3 | P a h i n a
pagsasaayos ng mga salita sa maanyo at masining na pamamaraan na
kinakitaan ng sukat at tugma.
Mga Elemento ng Tula
1. Sukat – Isang mahalagang elemento ng tula ay ang sukat o ang bilang ng
pantig sa bawat taludtod ng saknong. May apat na uri ng sukat ito:
Wawaluhin – walong pantig
Lalabindalawahin – labindalawang pantig
Lalabing-animin – labing-anim na pantig
Lalabing-waluhin – labing-walong pantig
2. Tugma – Isa sa pinakamahalagang elemento o sangkap ng tula ay ang
pagkakaroon ng pare-parehong tunog sa dulo o hulihan ng mga salita sa
bawat taludtod. Tinatawag itong tugma. Ang panghuling pantig sa dulo ng
bawat taludtod ay maaaring nagtatapos sa patinig o katinig at binibigkas
nang mabilis, malumay o may impit sa lalamunan.
3. Talinghaga – Ito ay ang paglayo sa paggamit ng mga pangkaraniwang
salita upang maging kaakit-akit at mabisa ang pagpapahayag.
Halimbawa:
• Nagniningning ang kaniyang mga mata tulad ng mga bituin sa
langit.
• Ang Pilipinas ay perlas sa kagandahan.
• Ginto sa kamahalan ang mga bilihin sa palengke.
4. Simbolismo – Ito ay mga salita sa tula na may kahulugan sa mapanuring
isipan ng mambabasa.
Halimbawa:
• ilaw – pag-asa
• tinik – pagsubok
• bulaklak – kagandahan
5. Kariktan - elemento ng tula na tumutukoy sa pagtataglay ng mga salitang
umaakit o pumupukaw sa damdamin ng mga bumabasa.
4 | P a h i n a
6. Persona – Ito’y tumutukoy sa nagsasalita sa loob ng tula. Kailangang
malinaw kung sino ang nagsasalita sa tula.
Dalawang Anyo ng Tula
Tulang Tradisyunal
Ito ay tulang may sukat at tugma. May sinusunod itong tuntunin. Iba’t
iba rin ang sukat ng pantig sa bawat taludtod. Nakasalalay sa manunulat
kung anong bilang ng pantig ang nais niyang gamitin sa pagsulat ng tula.
Ang mga salitang kadalasang ginagamit sa pagbuo nito ay mga salitang may
malalalim na kahulugan.
Malayang Taludturan
Ito ay isang tula na isinusulat nang walang sinusunod na patakaran
kung hindi ang anomang naisin ng sumulat. Ito’y ipinakilala ng Pilipinong
makata na si Alejandro G. Abadilla (AGA na tinuturing na “Ama ng
Modernong Tulang Tagalog” na ayon sa kaniya ay maaaring makalikha ng
isang tula na walang sukat at walang tugma. Ngunit dapat manatili ang
kariktan at ang paggamit ng matatalinghagang pahayag.
Magsanay Ka:
Bago mo basahin ang tula, iyo munang linangin ang kaalaman mula
sa mga gawain. Piliin sa kahon ang kasingkahulugan ng salitang may
salungguhit sa pangungusap. Isulat sa sagutang papel ang letra ng tamang
sagot.
a. alaala d. pagod na pagod b. pag-ibig e. nalito
c. nawala f. paglagyan
__________ 1. Walang pagsidlan ang kaligayahang nadarama ng mag-anak
nang dumating ang bunsong anak mula Amerika.
__________ 2. Ang aking pagsinta sa iyong kapatid ay tunay at tapat.
__________ 3. Maghapong nagtrabaho sa bukid si tatay kaya siya ay hapong-
hapo.
5 | P a h i n a
__________ 4. Bumabalik sa aking gunita ang mga masasayang pangyayari
noong ako’y musmos pa lamang.
__________ 5. Kailanma’y hindi ka nawaglit sa aking isipan dahil hanggang
ngayon ay iniibig pa rin kita.
Basahin at unawain ang tula.
Paruparo sa Langit Mary Grace Joaquin Andalis, Castillejos National High School
Biyayang kaloob ng Maykapal sa ating ama’t ina,
walang pagsidlang ligaya ang kanilang nadama. Munting anghel na yakap dito, hagkan doon,
nakawawala ng hapo sa maghapon.
Ngiti sa labi’y animo’y ipininta, ng mga kamay na hinubog ng pagkaganda-ganda.
O, anong pagsinta labis ang saya, Salamat sa Panginoon, tunay na pinagpala!
Lumipas ang ilang taon natutong maglakad, magsalita at makipaglaro,
Natatandaan ko pa napakahusay mo sa patintero. Tagu-taguan, piko, shato at tumbang-preso,
kapag tayo’y magkasama walang maaaring tumalo.
Sa pag-aaral mula elementarya hanggang hayskul
saglit tayo ay huminto at muling magbalik-tanaw. Napakaagang gumigising, naglalakad mula bahay hanggang paaralan,
Anim na kilometro ang tatahakin
magkaroon lamang ng karunungan.
Minsan pa, ako’y natutuwa,
kapag babalikan mga gunita. Nang sa ating paglalakad ay habulin ng baka,
Muntik pa na ako’y madapa.
Pagdating sa paaralan, mga uri ng damo at putik
sa iyong pantalon at sa palda ko’y nangagdikit, Halakhak ang maririnig,
at kasiyahang walang patid.
Ngunit sinubok ng Diyos aking pagtitiwala, ika’y iginupo ng sakit at tuluyang nawala.
Mga ngiti ko sa labi’y hindi na masisilayan,
6 | P a h i n a
Anong saysay pa, ikaw ay lumisan.
Ningning ng mga mata nina ama’t ina, napalitan ng lungkot at pagdurusa.
Anong aking habag kapag sila’y nakikita,
hindi maibsan sakit na nadarama.
Sa aking pag-iisa, sabi ko sa aking sarili,
nawa’y magparamdam, magpakita kang muli Sa kalagitnaan ng aking pagmumuni-muni,
isang paruparo ang sa akin ay dumampi.
Nagkataon nga lang ba o ito’y isang pagdidili-dili,
na sumandali muling sumilay ang ngiti Sa puso at isip hindi ka nawaglit,
sa oras na ito, isa ka ng paruparo sa langit.
Alam kong masaya ka na, kapatid kong mahal, Wala ng sakit na mararamdaman.
Payapa na aking kalooban, Huwag kang mag-alala aking naunawaan.
Bawat sandali ng ating buhay, Pahalagahan natin at gawing makulay.
Iparamdam ating pagmamahal, Simulan mo na ngayon aking kaibigan.
Ang pangunahing kaisipan ay tumutukoy sa diwa ng buong talata. Ang
diwa ay ang kaisipan o ideya na binibigyang-diin sa talata. Kadalasan
itong matatagpuan sa pangunahing pangungusap.
Ang pantulong na kaisipan naman ay mga mahahalagang kaisipan o
mga susing pangungusap na nagbibigay-linaw sa detalye o mensahe
upang higit na maunawaan ng mga mambabasa.
7 | P a h i n a
Gawain
Pinatnubayang Pagsasanay 1
Piliin ang letra ng wastong sagot. Isulat ang sagot sa sagutang papel.
1. Ano ang sinisimbolo ng paruparo sa tula? a. kaibigan
b. anak c. kapatid d. asawa
2. Bakit walang pagsidlan ang ligaya na nadarama ng mag-asawa? a. dahil nagkaroon sila ng pera
b. dahil umuwi ang kanilang anak c. dahil sa anak na ipinagkaloob ng Maykapal
d. dahil natuloy ang kanilang bakasyon
3. Anong damdamin ang namayani sa may-akda noong kaniyang kabataan?
a. masaya ang kaniyang kabataan b. malungkot ang kaniyang kabataan c. may galit sa kaniyang kabataan
d. may pagtatampo
4. Alin sa mga sumusunod ang hindi kabilang sa mga larong naranasan ng
sumulat sa tula? a. tumbang preso
b. piko c. shato
d. mobile legends
5. Ano ang relasyon ng may-akda sa tauhan sa tula?
a. kaibigan b. anak c. kapatid
d. asawa
6. Anong pagsubok ang kinaharap ng may-akda?
a. hindi siya nakapag-aral b. nagtrabaho sa ibang bayan ang kaniyang mga magulang
c. nagkasakit ang kaniyang kapatid d. naghirap sila
8 | P a h i n a
7. Anong paglalarawan ang ginamit ng may-akda sa damdamin ng ama’t ina sa pagkawala ng kanilang anak?
a. lungkot at pagdurusa b. galit at hinanakit
c. pagtatampo d. panghihinayang
8. Ano ang nakapagpangiting muli sa may-akda? a. nang yayain siyang magbakasyon muna
b. magsulat muli ng tula c. nang may dumapong paruparo sa kaniya d. nang maalala ang kaniyang kabataan
9. Paano tinanggap ng nagsasalita ang mga pangyayari sa kaniyang buhay? a. payapa at may pang-unawa
b. may galit sa kalooban c. may pagtatampo
d. may kagalakan
10. Ano ang mensaheng nais iparating ng sumulat ng akda?
a. ipadama ang pagmamahal b. gawing makulay ang buhay c. pahalagahan ang bawat sandali
d. magpakita ng kabutihan sa kapuwa
Pinatnubayang Pagsasanay 2
A. Panuto: Tukuyin ang tiyak na detalyeng binabanggit ng bawat pahayag sa Hanay A mula sa mga pagpipilian sa Hanay B. Isulat
lamang ang letra ng tamang sagot sa sagutang papel.
Hanay A Hanay B ____ 1. Yakap at hinahagkan ng a. munting anghel
ama’t ina b. paggunita
____ 2. Animo’y ipininta
c. magkaroon ng karunungan
____ 3. Pagtahak patungong paaralan d. ngiti sa labi
____ 4. Walang sakit na nararamdaman e. paruparo sa langit
____ 5. Paghahambing sa pangunahing tauhan f. payapang kalooban
9 | P a h i n a
B. Panuto: Suriin ang isinasaad ng mga pahayag. Lagyan ng tsek ( √ ) ang patlang ng mga pahayag na nagsasaad ng katotohanan hinggil sa
buhay ng tao at ekis ( x ) naman kung walang katotohanan.
____ 1. Ang buhay ng tao ay palaging masaya.
____ 2. Minsan sa buhay ay masaya ang magbalik-tanaw.
____ 3. Naging masaya ang karanasan ng makata noong pagkabata.
____ 4. Napagtanto ng makata na ang bawat sandali ng buhay ay nararapat
na pahalagahan at ingatan.
____ 5. Maging matatag sa lahat ng hamon sa buhay.
Pang-isahang Pagsasanay
Puno-In Mo Buhay Ko!
Panuto: Tukuyin ang mga pangunahin at pantulong na kaisipang nakasaad
sa binasang akda sa pamamagitan ng pagbuo ng balangkas nito na makikita
sa ibaba. Ang pangunahing kaisipang taglay ng tula ay ibinigay na.
Paruparo sa Langit
Pangunahing Kaisipan
Iparamdam ang pagmamahal, pahalagahan at
gawing makulay ang bawat sandali ng ating buhay.
Mga Pantulong na Kaisipan
10 | P a h i n a
Pagsusulit
Nagmahal ka na ba? Kung hindi pa, maaaring makatulong sa iyo ang
isang tulang iyong babasahin. Halina’t iyong alamin.
Kung Ikaw ay Iibig Mary Grace Joaquin Andalis, Castillejos National High School
Huwag kang iibig nang dahil sa salapi
Mapuno man ang iyong kalupi ‘Pag lumipat sa ibang tampipi Siguradong ikaw ay hihikbi.
Huwag kang iibig nang dahil sa kasaganahan
Makuha mo man ang karangyaan Kung tatanungin puso’t isipan
Hindi kayang dayain pag-ibig na nararamdaman.
Huwag kang iibig nang dahil sa kariktan
Sapagkat kagandahan ay hindi pangmatagalan
Kukupas din yan, kalaunan Tulad ng damong tuyo sa
kaparangan.
Kung ikaw ay iibig ay yaong nasa ng
iyong puso Pagmamahal na tunay ‘di maglalaho
Hanggang kamatayan Yaring pagsuyo.
Kung ikaw man ay mabigo, bigo kang talaga Ngunit huwag tumigil sa pagsinta
Sadya lamang na hindi itinadhana Pasasaan ba’t matatamasa lubos na ligaya.
11 | P a h i n a
Isa-isahin ang mga pangunahin at pantulong na kaisipan na makikita mula sa binasang tula. Gamitin ang grapikong pantulong sa pagtukoy ng
pangunahin at pantulong na kaisipan.
Pamagat ng Akda
Pantulong na
Kaisipan 1
Pantulong na Kaisipan 2
Pangunahing Kaisipan
_________________________
_________________________
_________________________
Pantulong na Kaisipan 3
12 | P a h i n a
Pangwakas
Panuto: Binabati kita at masigasig mong natapos ang mga pagsasanay.
Bilang pangwakas na gawain, sumulat ng isang tulang binubuo ng dalawang
saknong na may malayang taludturan. Mamili sa ibaba ng mga paksang nais
gamitin sa pagsulat ng tula. Narito ang rubrik upang maging gabay mo sa
pagbuo ng tula.
a. Pandemya /Corona virus d. Edukasyon
b. Pag-ibig e. Kabataan
c. Pamilya f. Pangarap
Rubrik sa Pagsulat ng Tula
Pamantayan Napakahusay
(4)
Mahusay
(3)
Di-gaanong
mahusay (2)
Kailangan
pang pagbutihan
(1)
1. Nilalaman at paksa
Napakaayos ng
pagkakabuo ng nilalaman ng tula at
angkop sa napiling paksa
ng tula.
May mangilan-
ngilang pagbabago sa nilalaman
kaya may kaunting
paglihis sa paksa.
Hindi masyadong
tugma ang nilalaman sa paksang
nais palutangin.
Hindi angkop ang
nilalaman sa napiling paksa ng
tula.
2. Paggamit ng mga
pahiwatig o tayutay
Lubhang akma ang
pagkakagamit ng mga
pahiwatig upang
mapukaw ang interes ng
mga mambabasa.
May pagkakataon
na hindi angkop ang
pagkakagamit ng mga
pahiwatig.
Hindi gaanong
tugma ang mga
pahiwatig na ginamit
sa nilalaman
ng tula.
Walang kaangkupan
ang pagkakagamit
ng mga pahiwatig.
13 | P a h i n a
3. Mekaniks Walang mali sa gamit ng bantas,
baybay ng salita at
gramatika.
May isa o dalawang mali sa gamit
ng bantas, baybay at
gramatika.
May tatlo o apat na mali sa
gamit ng bantas,
baybay at gramatika.
May lima o higit pang mali sa gamit
ng bantas, baybay at
gramatika.
4. Mensahe Mabisang naipahayag
ang mensahe ng tula.
Naipakita ang ilang
mensahe ng tula.
Hindi gaanong
napalutang ang
mensahe ng tula.
Hindi naipakita ang
nais na ibigay na mensahe
ng tula.
14 | P a h i n a
Mga Sanggunian
Guimarie, Aida M. 2018. Pinagyamang Wika at Panitikan. Quezon City Rex Bookstore, Inc.
https://brainly.ph/question/1208837
https://markjan-markjan.blogspot.com/2009/08/isang-punong- kahoy-ni-jose-corazon-de.html
https://noypi.com.ph/tula/#pag-ibig
Julian, Ailene Baisa. 2017.Pinagyamang Pluma. Quezon City: Phoenix
Publishing House, Inc.
15 | P a h i n a
Susi sa Pagwawasto
Magsanay ka 1. f
2. b
3. d
4. a
5. c
Pinatnubayang Pagsasanay 1
1. c
2. c
3. a
4. d 5. c
6. c
7. a
8. c
9. a
10. d
Pinatnubayang Pagsasanay 2
A.
1. a
2. d 3. c
4. f
5. e
B.
1. x 2. Magkakaiba ang kasagutan ng mga mag-
aaral.
3. √
4. √
5. √
Pang-isahang Pagsasanay
Magkakaiba ang kasagutan ng mga mag-aaral.
Pagsusulit Magkakaiba ang kasagutan ng mga mag-aaral.
Pangwakas
Magkakaiba ang kasagutan ng mga mag-aaral.
16 | P a h i n a
Pasasalamat
Ipinaaabot ng Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales
ang taos-pusong pasasalamat sa mga sumusunod, na nakapag-ambag ng
tagumpay para sa paghahanda, pag-unlad, pagtiyak ng kalidad, paglimbag
at pamamahagi ng Ikalawang Markahang Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto sa lahat ng asignatura sa iba’t ibang antas bilang
tugon sa pagbibigay sa mag-aaral ng naaangkop na kagamitang
pampagkatuto hango sa Pinakamahalagang Kasanayang Pampagkatuto
(MELCs) - ayon sa mga pagsasanay na nakabatay sa mga pamantayan ng
pinatnubayang kasanayan at tuwirang pagtuturo:
Una, ang Learning Resource Development Team na binubuo ng mga
manunulat, tagaguhit at taga-anyo, sa kanilang iginugol na panahon at
kakayahan upang makabuo ng iba’t ibang kinakailangang kagamitang
pampagkatuto.
Ikalawa, ang mga tagapatnugot sa nilalaman, tagasuring pangwika, at
mga tagasuring pandisenyo na maingat na nagwasto at bumuo sa lahat ng
Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto upang matiyak ang
kawastuhan at katugunan sa mga pamantayan ng Kagawaran ng
Edukasyon;
Ikatlo, ang Panlalawigang Pamahalaan ng Zambales sa kanilang
patuloy na paglalaan ng tulong-pinansyal upang mapunan ang gugugulin sa
paglilimbag ng mga kagamitang pampagkatuto na magagamit ng mga
magulang at mag-aaral sa tahanan.
Ikaapat, ang mga gurong tagapatnubay at mga guro sa bawat
asignatura sa kanilang malapit na pakikipag-ugnayan sa mga punongguro,
sa kanilang lingguhang pamamahagi at pagbabalik ng mga Kagamitan sa
Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto at sa kanilang madalas na
pagsubaybay sa pag-unlad ng mag-aaral sa lahat ng paraan; at
Panghuli, ang mga magulang at iba pang pantahanang tagapagdaloy
sa kanilang pagbibigay sa mag-aaral ng kinakailangang patnubay at gabay
upang maisagawa ang mga gawain at upang patuloy na matulungan ang
bawat mag-aaral na maging responsableng indibiduwal sa hinaharap.
Sa inyong patuloy na paghahatid ng kaalaman sa mapanghamong
panahon ay lubos na makamit ang sama-samang pagpupunyagi at matibay
na malasakit na pagsilbihan ang ating mag-aaral na Zambaleño.
Muli, ang aming walang hanggang pasasalamat!
Tagapamahala
Para sa katanungan o karagdagang puna,
maaaring sumulat o tumawag sa:
Schools Division of Zambales
Zone 6, Iba, Zambales
Tel./Fax No. (047) 602 1391
E-mail Address: [email protected]
Website: www.depedzambales.ph