liz - vicar-calapan.com€¦  · web viewnakapaglatag ng mga bagong pagtatalaga ng sarili, at...

73
ANG AVC AT ANG PLANONG PASTORAL Marami nang pagtatangka at konkretong pagsisikap upang magkaroon ng komprehensibong programang pastoral para sa Apostolic Vicariate of Calapan. Maaari itong tingnan mula sa dalawang punto de vista. Sa isang banda, ito ay maituturing na kalakasan, sapagkat nangangahulugan ito ng buhay na diwang pastoral na may kakayahang mag-angkop ng sarili sa nagbabagong sitwasyon. Ngunit sa kabilang banda, ito ay maituturing na kahinaan, sapagkat tila nahihirapan tayong ipagpatuloy at panindigan ang mga nabuong desisyon. Ang mga lumitaw na suliranin ay naging sanhi ng pagbibitaw at tuluyang pag-iiwan sa programa. Sa alinmang pagtingin, nananatili ang hamon na ang kasalukuyang planong pastoral, ang Hapag ng Pamilyang Mindoreno, ay ipatupad. Anu-ano ba ang ating pinagdaanan sa larangang ito? Noong 1976 isinagawa ng ating mga pari at pinunong layko ang Pastoral Planning Conference sa St. Augustine Major Seminary, Tagaytay City. Dalawang malaking desisyon ang nabuo noon: ang una ay ang pagtangkilik sa BEC bilang priyoridad na programa ng buong Bikaryato at ang ikalawa ay ang 6-month catechetical training. Kaugnay ng una, nagkaroon ng mga seminar sa mga pamayanan na nagbunga ng pagkamulat at kasiglahan sa maraming pamayanan. Unti-unting nahinto ang seminar; at tila ang isang dahilan ay ang puna na puro seminar lamang ang nangyayari at walang nabubuong BEC. Nakadagdag sa suliranin ang pagtuturing ng ilan sa BEC bilang isa sa mga organisasyon, sa halip na kilalanin bilang bagong anyo ng Simbahan. Kaugnay ng ikalawa, nagkaroon ng tatlong 6-month courses para sa katekista, at ang iba namang mga katekista ay nagsagawa ng 3-term courses na tigdadalawang buwan. Muli, napahinto ang programa at kamakailan lamang ito ipinagpatuloy. Noong 1982 isinagawa ang Diocesan Planning sa tulong ng SAIDI (Southeast Asian Inter-disciplinary Institute). Muli, ito ay dinaluhan ng mga pari at mga pinunong layko mula sa lahat ng parokya ng Oriental at Occidental Mindoro. Sa

Upload: others

Post on 24-Oct-2020

5 views

Category:

Documents


0 download

TRANSCRIPT

Liz

ANG AVC AT ANG PLANONG PASTORAL

Marami nang pagtatangka at konkretong pagsisikap upang magkaroon ng komprehensibong programang pastoral para sa Apostolic Vicariate of Calapan. Maaari itong tingnan mula sa dalawang punto de vista. Sa isang banda, ito ay maituturing na kalakasan, sapagkat nangangahulugan ito ng buhay na diwang pastoral na may kakayahang mag-angkop ng sarili sa nagbabagong sitwasyon. Ngunit sa kabilang banda, ito ay maituturing na kahinaan, sapagkat tila nahihirapan tayong ipagpatuloy at panindigan ang mga nabuong desisyon. Ang mga lumitaw na suliranin ay naging sanhi ng pagbibitaw at tuluyang pag-iiwan sa programa. Sa alinmang pagtingin, nananatili ang hamon na ang kasalukuyang planong pastoral, ang Hapag ng Pamilyang Mindoreno, ay ipatupad.

Anu-ano ba ang ating pinagdaanan sa larangang ito? Noong 1976 isinagawa ng ating mga pari at pinunong layko ang Pastoral Planning Conference sa St. Augustine Major Seminary, Tagaytay City. Dalawang malaking desisyon ang nabuo noon: ang una ay ang pagtangkilik sa BEC bilang priyoridad na programa ng buong Bikaryato at ang ikalawa ay ang 6-month catechetical training. Kaugnay ng una, nagkaroon ng mga seminar sa mga pamayanan na nagbunga ng pagkamulat at kasiglahan sa maraming pamayanan. Unti-unting nahinto ang seminar; at tila ang isang dahilan ay ang puna na puro seminar lamang ang nangyayari at walang nabubuong BEC. Nakadagdag sa suliranin ang pagtuturing ng ilan sa BEC bilang isa sa mga organisasyon, sa halip na kilalanin bilang bagong anyo ng Simbahan. Kaugnay ng ikalawa, nagkaroon ng tatlong 6-month courses para sa katekista, at ang iba namang mga katekista ay nagsagawa

ng 3-term courses na tigdadalawang buwan. Muli, napahinto ang programa at kamakailan lamang ito ipinagpatuloy.

Noong 1982 isinagawa ang Diocesan Planning sa tulong ng SAIDI (Southeast Asian Inter-disciplinary Institute). Muli, ito ay dinaluhan ng mga pari at mga pinunong layko mula sa lahat ng parokya ng Oriental at Occidental Mindoro. Sa tulong ng SAIDI technology, natukoy ang ugat na suliranin na bumabagabag sa AVC na walang iba kundi ang krisis sa pagtanggap at pagpapatupad ng pamiminuno. Nabuo ang pananaw, Pamayanang Kristiyano ng Mindoro na nagkakaisang sumasamba, naglilingkod, at nagpapatotoo kay Kristo. Nailatag din ang misyon o pagtatalaga ng sarili. Nabuo ang pangunahing tunguhin, ‘Maisulong ang pamunuang nakasentro kay Kristo at ang pagtutuwang sa pananagutan ng Obispo, mga pari at mga lider-layko.’ Natukoy din ang mga estratehiya sa pagpapatupad ng programa at ang mga itatayong opisina para sa implementasyon ng programa. Sa paghaharap ng programa noong 1983, ito ay tinanggihan ng yumaong Obispo sa dahilang ayaw raw niya ng di-perpektong programa para sa kanyang Bikaryato. Dahil sa pahayag na iyon, hindi nakausad ang programa at ang mga pagtatangkang pulutin ang mga elemento niyon ay hindi nagtagumpay.

Bilang pagtugon sa tagubilin ng PCP II na ang bawat Simbahang Lokal ay magsagawa ng plano upang maisakatuparan ang mga dekreto nito, isinagawa sa AVC ang Participatory Action Research (PAR) noong 1994 sa tulong ng Asian Social Institute. Nirebisa ang pananaw, “Buhay na Sambayanan ng mga alagad ni Cristo, nagsasabuhay ng Salita ng Diyos at pinaghaharian ng katarungan, kalayaan, kapayapaan at pagmamahalan”. Nakapaglatag ng mga bagong pagtatalaga ng sarili, at tumukoy ng tiyak na tunguhin, Sapagkat nakita na ang mga paghuhubog ay watak-watak at hindi naaangkop sa kasalukuyang mga pangangailangan, napagkasunduan na maging priyoridad ang “Bumalangkas at magtaguyod ng isang angkop na sistema at epektibong programa ng paghuhubog sa kabuuan ng tao na magpapalakas sa pananampalataya at magpapatatag ng Pamayanang Kristiyano”. Ang mga parokya ay bumuo rin ng kani-kanilang programang pastoral. Napagkasunduan na dalawang opisina ang patatatagin: ang formation ministries at service ministries.

Karugtong ng pagdiriwang ng Dakilang Jubileo, inilunsad sa AVC ang Dekada ng Pamilyang Mindoreno (2001-2010). Binuo ang isang seminar (FRES) para sa mga parokya.

Sa pagpupulong ng Episcopal Council na ginanap sa St. Augustine Major Seminary sa Tagaytay noong 2002, napagtuunan ng pansin ang dalawang malaking larangan: ang istruktura ng AVC at ang programang pastoral. Naunang tinalakay ang istruktura, kayat nabuo ang iba’t ibang konseho ng Obispo, nilinaw ang iba’t ibang opisina, nilinaw ang kaayusan ng VF, at naitayo ang PAPASCO at PAFINCO sa lahat ng parokya. Nilinaw rin ang mga roles and functions ng lahat ng opisina at nilinaw rin ang mga patakaran na gumagabay sa ating buhay bilang isang Simbahan. Malaking hakbang para rito ay ang First Diocesan Administrative Assemby na ginanap sa St. Augustine Seminary sa Calapan City noong Setyembre 5-6, 2005. Hawak natin ngayon ang AVCAM (Apostolic Vicariate of Calapan Administrative Manual), na naglalaman ng mga patakarang umiiral sa ating Simbahang Lokal.

Ang naiwang usapin noong 2002 ay ipinagpatuloy noong 2004. Sa pagpupulong ng Episcopal Council, Formation at Service Ministries, VF secretariats, at Council of the Laity, inusisa ang mga programang pastoral sa AVC. Nakita ang mga kalakasan at kahinaan nito. Ang konkretong bunga nito ay ang pagrebisa ng goal na itinakda noong 1994. Sa ngayon, ang ating tunguhin ay, “Magsagawa ng ‘integral evangelization’ tungo sa pagtatatag ng Munting Kapitbahayang Kristiyano (MKK) sa Bikaryato Apostoliko ng Calapan”. Hiniling ng kalipunan na bumuo ng core program para sa AVC. Sa presbyteral assembly noong Enero 2005 napangalanan ang core program bilang Hapag ng Pamilyang Mindoreno. Ito ay naglalayuning sambutin at ipagpatuloy ang mga adhikain ng Dekada ng Pamilyang Mindoreno. Inaasahan na ang core program na ito ay siyang pagbubuhusan ng lakas at kakayahan ng buong AVC. Ang tunguhin at mga estratehiya ay maaaring mabago, ngunit ang pinapangarap ay hindi na mababago o mapapalitan.

ANG V-M-G NG AVC

Ang Vision Statement

Ang vision ng alinmang grupo ay ang mataas nilang pangarap. Ang nagkakaisang pangarap ang siyang nagbubuklod sa kanila. Hindi magaganyak na makiisa sa grupo ang sinumang may ibang pinapangarap, lalo na’t kung ito’y direktang sumasalungat sa pangarap ng mga kasamahan.

Ang vision ay nagsisilbing inspirasyon sa buong grupo. Nagagawa ng mga miyembro na magtiis at magsakripisyo alang-alang sa ikatutupad ng pangarap na ito. Sa oras ng mga kahirapan at pagsubok, ang vision ay nagpapalakas ng loob.

Itinuturing natin ang vision bilang kalooban ng Diyos para sa grupo. Ito ang Lupang Pangako para sa kanila. Kaya’t ang vision ay hindi nababago sa paglipas ng panahon.

Ang nabuong vision ng AVC noong 1994 ay ang sumusunod: BUHAY NA SAMBAYANAN NG MGA ALAGAD NI CRISTO NA NAGKAKAISANG NAGSASABUHAY NG SALITA NG DIYOS AT PINAGHAHARIAN NG KATARUNGAN, KALAYAAN, KAPAYAPAAN AT PAGMAMAHALAN.

Ang Mission Statement

Ang mission statement ay naglalaman ng pagtatalaga ng sarili ng mga bumubuo ng grupo na nananangan saiisang pangarap. Itinataya ng grupo ang sarili upang ipaglaban ang katuparan niyon.

Kung ang vision ay itinuturing nating kalooban ng Diyos, ang mission statement naman ay ipinapalagay nating siyang tugon sa niloloob ng Diyos. Narito ang mission statement ng AVC:

Kaming bumubuo ng sambayanan ng AVC, sumusunod sa kalooban ng Ama, nakaugat kay Cristo at naglalakbay sa patnubay ng Banal na Espiritu, at tumutugon sa tawag ng pagpapanibago ng Simbahan at lipunan tungo sa kaganapan ng Kaharian ng Diyos, ay sama-sama at buong pusong nagtatalaga ng sarili sa mga sumusunod:

1.Paninindigan at pagyayamanin namin ang isang pananampalatayang isinasabuhay sa aktibong pagpapalaganap ng Mabuting Balita, sama-samang pagsambang nakaugat sa maka-Pilipinong kultura at matapat na paglilingkod sa kapwa lalo na sa mga dukha.

2.Patuloy namin huhubugin ang aming sarili sa kaalaman, kasanayan, ugnayan, at pagkatao, at itataguyod namin ang tawag ng Diyos sa bawat isa.

3.Bibigyang-dangal namin ang isang simpleng pamumuhay, pangangasiwaan at pangangalagaan ang mga kaloob ng Diyos na kakayahan, lakas, talino panahon at yaman at ibabahagi ang mga ito sa higit na nangangailangan.

4.Patatatagin namin ang mga pamilya sa pamayanan bilang pundasyon ng maka-Diyos at makataong pagpapahalaga at bilang pangunahing tagapagtaguyod ng pagpapanibago ng sambayanan.

5.Pangangalagaan namin ang kapakanan at karapatan ng mga kabataan, kikilanlin ang kanilang angking talino, lakas at kakayahan, at bibigyang-laya sila sa mapanagutang pagkilos sa pagpapanibago at pagbibigay-buhay sa sambayanan.

6.Magiging kaagapay kami ng mga maralita upang sila’y makaangat sa kahirapan ng buhay.

7.Magiging kaagapay kami sa pagpapairal ng pantay na pagtingin sa mga kapatid na Mangyan bilang kapwa-tao; itataguyod at kikilanlin namin ang kanilang kakayahang makapagsarili.

8.Igagalang at pagyayamanin namin ang kakanyahan,kabanalan at kagandahan ng kulturang Mangyan.

9.Kikilanlin at itataguyod namin ang kasiguruhan ng karapatan ng mga Mangyan sa lupaing ninuno.

10.Makikisangkot kami sa larangang pansimbahan, panlipunan at pampamahalaan upang isulong ang mapagpalayang sistema at balangkas na kumikilala sa dangal ng tao at nagtataguyod ng mga karapatang pantao, katarungang panlipunan at kagalingang panlahat.

11.Itataguyod namin ang malaya, mapayapa at makatotohanang ugnayan sa mga kapatid na may ibang relihiyon at ideolohiya.

12.Itataguyod namin ang karapatan at pananagutan ng tao sa pangangalaga, pagpapaunlad at makatarungang pamamahagi at paggamit ng lupa, makataong pag-agapay sa relokasyon ng mga iskwater at pag-iibayuhin namin ang organisadong paghadlang sa di-makatarungan at di-makatuwirang ‘conversion’ ng lupang pansakahan at lupaing ninuno.

13.Pag-iibayuhin namin ang relasyon sa kalikasan, pangangalagaan ang lahat ng nagtataguyod ng buhay, at susugpuin ang lahat ng sumisira dito.

14.Itataguyod namin ang isang alternatibong paraan ng pamamahayag na magiging kasangkapan sa pagpapahayag ng Mabuting Balita at maka-Cristong pagpapahalaga.

Ang Goal

Maraming dapat isagawa upang marating ang vision. Hindi natin kayang pagsabay-sabayin ang lahat ng gampanin. Kailangan nating pumili kung saan natin ibubuhos ang ating kakayahan at panahon. Ang ganitong pagpili ay hindi nangangahulugan na binabale-wala natin ang ibang pangangailangan. Ang sinasabi nati’y limitado ang ating kakayahan,kaya’t kailangang magtakda ng priyoridad.

Ang ganitong tunguhin ay ipinahahayag natin bilang goal. Ang goal ay hindi kasinlawak ng vision. Ito ay maaaring magbago sa paglipas ng panahon. Kung maisakatuparan ang nakatakdang goal, ito’y nangangahulugan ng isang hakbang palapit sa minimithing vision.

Nabuo ang goal ng AVC noong Taon 2004 sa ganitong pananalita: MAGSAGAWA NG INTEGRAL EVANGELIZATION TUNGO SA PAGTATATAG NG MUNTING KAPITBAHAYANG KRISTIYANO (MKK) SA APOSTOLIC VICARIATE OF CALAPAN.

May dalawang mahalagang terminolohiya sa goal na ito. Ang una ay ang pagsasagawa ng integral evangelization. Ang evangelization ay nangangahulugan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita. Ito ang pangunahing atas ni Jesus sa kanyang mga alagad na minana ng Simbahan at ng bawat isang miyembro nito.

Ang pagiging ‘integral’ ng evangelization ay nangangahulugan ng pagiging buo. Ibig sabihin, hindi natin pinipili ang ilang aspeto lamang ng Mabuting Balita; ipinahahayag natin kahit ang mga aspetong mahirap tanggapin ng mga tao. Ang pagiging buo ay nangangahulugan din na ang Mabuting Balita ay tumutugon sa buong pagkatao—sa kanyang kaligtasang pangkaluluwa at sa kanyang katiwasayang pangkatawan. Sa ikatlong antas, ang pagiging buo ay nangangahulugan din na ating isinasaalang-alang ang tao sa kanyang indibidwal na kalagayan at ang tao bilang bahagi ng komunidad. Hindi natin inilalayo ang tao sa kanyang sitwasyon, kundi isinasaalang-alang natin ang tao sa gitna ng mga realidad sa kanyang buhay.

Ang ikalawang mahalagang termino sa goal ay ang pagtatatag ng Munting Kapitbahayang Kristiyano o MKK. Ito ay dating tinatawag sa Mindoro na BCC (Basic Christian Community) at nitong bandang huli, BEC (Basic Ecclesial Community). Ang BEC ay nagbibigay-diin na ang maliit at batayang komunidad ay tunay na ‘ecclesial community’. Ito ay isang antas ng pagiging Simbahan, at nagbibigay ng bagong anyo sa Simbahan. Hindi ito isang organisasyon o samahan lamang.

Ang napiling terminolohiya na ginagamit sa AVC ay Munting Kapitbahayang Kristiyano (MKK). Sayang at ito’y hindi gaanong nagpapalitaw sa pagiging Simbahan nito. Mahalaga na sa pag-unawa ay hindi mawaglit ang pagiging Simbahan, bagamat may mga limitasyon ito. Ang nabigyang-diin ay ang pagiging magkakapitbahay at angpagiging Kristiyano; ibig sabihin, binubuhay ng diwang maka-Cristo. Ang pang-uring ‘munti’ ay nangangalaga sa personal na ugnayan, na siyang kalimitang nakakaligtaan kung ang grupo ay masyadong malaki.

Terminal Performance Objectives

Mapapansin na maging ang goal, bagamat hindi kasinlawak ng vision, ay malawak pa rin. Upang maging malinaw kung ano ang ating pagtutulung-tulungan, mahalaga na matukoy kung ano ang pamantayan ng ating mga pagkilos. Ito ay nagdadala sa atin sa Terminal Performance Objectives (TPO). May apat na elemento ito: C – condition; A – actor; B – behavior; at D – degree.

C: Sa loob ng anim na taon mula sa Hulyo 2006 hanggang Abril 2012, sa pangunguna ng Obispo at katulong na rin ang kanyang Vicar General at sa pagsuporta ng Finance Council ng AVC

A: ang mga pari at mga laykong pinuno na nasa mga komisyon, VF, parokya, seminaryo at mga pansimbahang opisina sa AVC na nagkakaisa at nagtutulungan

B: ay magsasagawa ng “integral evangelization” tungo sa pagtatatag ng MKK.

D: Ang pagsasagawa ng “integral evangelization” tungo sa pagtatatag ng MKK ay maituturing na naisakatuparan kung:

1.Sila ay magpapakilala kay Jesus at magdadala ng kanyang Mabuting Balita sa lahat ng pamayanan at sektor ng lipunang Mindoreno;

2.Sila ay magpapatatag ng pamilyang Mindoreno ayon sa mga pinahahalagahan ng Kaharian ngDiyos tulad ng pag-ibig, katarungan, kalayaan, at pagkakaisa;

3.Sila ay tutugon, ayon sa mensahe at pamantayan ni Jesus, sa mga usapin at pangangailangang panlipunan at pangkalikasan na kinakaharap ng mga Mindoreno;

4.Sila ay magpapalalim ng “sacramental and liturgical life” ng mga mananampalataya;

5.Sila ay magsusulong ng “integral formation” ng mga kasalukuyang manggagawa ng Simbahang Lokal ng AVC;

6.Sila ay magmumulat sa mga mananampalataya na suportahan ang mga programang pastoral.

Enabling Objectives

Hindi mararating ang Terminal Performance Objectives sa isa lamang pagkilos. Kinakailangan ang marami at magkakaugnay na pagkilos. Ang mga konkretong gawain o estratehiya ay tinatawag nating enabling objectives.

1. Ang pagpapakilala kay Jesus at ang pagdadala ng kanyang Mabuting Balita sa lahat ng pamayanan at sektor ng lipunan ng AVC ay magaganap kung:

a.sila ay magsasagawa ng evaluation ng lahat na umiiral na formation program sa AVC

b.sila ay maghahandog ng Biblical recollections para sa mga magulang at mga mag-aaral (e.g. first communicants, graduating class)

c.sila ay maghahandog ng Biblical recollections sa mga pamayanan sa panahon ng Kuwaresma at sapaghahanda para sa pagdiriwang ng kapistahan ng parokya

d.sila ay magpapalaganap ng pagluluklok, pagbabasa, pagninilay at pagbabahaginan ng Salita ng Diyos sa mga tahanan, mga opisina at mga paaralan

e.sila ay maghahanda at patuloy na magpapadaloy ng seminar modules tungkol sa Biblia

f.sila ay maghahanda at patuloy na magpapadaloy ng Bible sharing at Bible Study sa mga parokya, sa mga pamayanan at sa mga religious organizations

g.sila ay maghahanda at magbibigay ng mga biblical homilies

h.sila ay manghihikayat at maghuhubog ng mga laykong kaagapay ng Biblical Apostolate para sa pagpapadaloy ng Lectio Divina, Basic Bible Seminar, Bibliodrama, Praying with the Word (e.g. Holiness Sessions) at Bible Camps

i.sila ay magbibigay ng angkop at sapat na avenue upang ang mga paghuhubog na kanilang isinasagawa ay dumaloy sa pagpapanibago ng sarili, ng mga pamilya, at ng buong lipunang Mindoreno

j.sila ay makikipamuhay sa piling ng mga ordinaryong mananampalataya at maglalaan ng panahon para sa personal na pakikipag-usap sa kanila tungkol sa buhay at pananampalataya

k.sila ay magsasagawa ng mga paghuhubog sa pananampalataya at maka-Cristong pagpapahalaga sa mga lider ng barangay at ng lipunang Mindoreno na nasa labas ng istruktura ng Simbahan

2. Ang pagpapatatag ng pamilyang Mindoreno ayon sa mga pinahahalagahan ng Diyos tulad ng pag-ibig, katarungan, kalayaan at pagkakaisa ay magaganap kung:

a.sila ay magsasagawa ng family profiling sa bawat pamayanan

b.sila ay magtatakda ng mga grupo ng kapitbahayan

c.sila ay magsasagawa ng evaluation at revision ng mga umiiral na formation program para sa pamilya

d.sila ay maghahanda at patuloy na magpapadaloy ng mga seminar at recollection modules na pampamilya

e.sila ay maglalatag at magpapatupad ng programa para sa pangangalagang pastoral sa mga pamilyang nasa alangang katayuan

f.sila ay magbibigay ng seminars/recollections sa kabataan tungkol sa Christian family values

g.sila ay maghahandog ng angkop na paghuhubog para sa mga magkasintahan

h.sila ay maghahanda ng mga tagapagpadaloy ng pre-Cana at post-Cana seminars at ng FRES sa mga parokya at pamayanan

i.sila ay mag-aayos ng kasal ng mga nagsasama nang walang basbas ng Simbahan

j.sila ay maghahanda at magpapadaloy ng mga biblical seminars/recollections para sa iba’t ibang miyembro ng pamilya: ama, ina, dalaga’t binata, mga kabataan

k.sila ay magtatayo ng family counseling center sa bawat parokya na may tiyak na mga taong may kasanayan at kakayahang gumabay sa mga pampamilyang pangangailangan

l.sila ay magtatanggol sa pamilya laban sa panghihimasok ng mga patakaran ng pamahalaan na labag sa turo ng Simbahan

m.sila ay makikipag-ugnayan sa lahat ng samahang kumikilos para sa pamilya

n.sila ay magbubuo at maghuhubog ng Diocesan Core Team of Family and Life

3. Ang pagtugon, ayon sa mensahe at pamantayan ni Jesus, sa mga usapin at pangangailangang panlipunan at pangkalikasan na kinakaharap ng mga Mindoreno ay magaganap kung:

a.sila ay mangangatawan at magsusulong ng mga pagpapahalaga ni Jesus sa pagsasagawa ng mga programang panlipunan at pangkalikasan

b.sila ay maglalatag at magsusulong ng programa upang maibsan ang kahirapan ng mga mananampalataya sa lahat ng pamayanan ng AVC

c.sila ay maglalatag at magsusulong ng programa para sa mga maysakit, mga bilanggo, mga parolado at kanilang pamilya

d.sila ay maghahanda at patuloy na magpapadaloy ng mga paghuhubog para sa buhay-pulitika, para sa pagbibigay-lakas sa mga tao, at para sa pagbubuo ng mga pamayanan

e.sila ay makikilahok at makikisangkot sa mga usapin at pagkilos ng mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang programa at proyekto nito

f.sila ay patuloy na magbibigay-kamalayan tungkol sa usapin ng mga katutubo, ng kalikasan (kasama ang pagmimina at pagtotroso), ng kapayapaan, ng turismo at ng katahimika’t kaayusan (paglaban sa bisyo at mga illegal na gawain)

g.sila ay makikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at sa iba’t ibang grupong kumikilos para sa pagsusulong ng mga karapatang pantao, ng pangangalaga sa mga bata at kababaihan

h.sila ay maglalatag at magsasagawa ng programa para sa mga pamilya ng mga migranteng Mindoreno na nasa ibang lalawigan o nasa ibang bansa.

i.sila ay maglalatag at magsusulong ng programa para sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang batayang sektor ng lipunang Mindoreno

j.sila ay bubuo ng sapat na bilang ng mga manggagawa sa lahat ng parokya para sa iba’t ibang usaping panlipunan

k.sila ay magtatatag ng “service center” sa lahat ng parokya

l.sila ay magtatatag ng “Socio-Pastoral Institute”

4. Ang pagpapalalim ng “sacramental and liturgical life” ng mga mananampalataya ay magaganap kung:

a.sila ay maglalatag ng malinaw na liturgical instructions para magkaroon ng unity at uniformity sa gawaing panliturhiya

b.sila ay magsasaayos ng sacramental catechesis sa mga paaralan at parokya

c.sila ay maghuhubog ng mga professional at well-trained catechists (hindi volunteer catechists)

d.sila ay maghuhubog ng mga tao para sa iba’t ibang paraan ng pananalangin

e.sila ay magsasagawa ng on-going formation on liturgy and sacraments para sa lahat ng may natatanging papel sa pagdiriwang (i.e., pari, lectors, extraordinary ministers of Holy Communion, commentators, mass servers, choir, instrumentalists, etc.)

f.sila ay magsusulong ng SCAP sa lahat ng pamayanan

g.sila ay susubaybay sa paggamit ng musika sa liturhiya

h.sila ay maglalatag at magsasagawa ng liturgical activities na regular na kasasangkutan ng mga Catholic schools

i.sila ay magpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng mga simbahan at kapilya sa buong AVC

j.sila ay magtatakda ng sapat na pagkakataon para sa mga sakramento ng pakikipagkasundo, binyag at kasal

5. Ang pagsusulong ng “integral formation” ng mga kasalukuyang manggagawang pari at layko sa Simbahang Lokal ng AVC ay magaganap kung:

a.sila ay magsasagawa ng sama-samang pag-aaral para sa mas malalim at nagkakaisang pang-unawa sa integral evangelization

b.sila ay magsasagawa ng pastoral reflection sa mga kaganapan sa loob ng Simbahang local bilang paghahanda sa sama-samang pagkilos

c.sila ay magsasagawa ng retreats and recollections na nakasentro sa Salita ng Diyos

d.sila ay magbabasa, nagninilay, nagbabahaginan at nagsasabuhay ng Salita ng Diyos

e.sila ay magtataguyod ng magandang ugnayan sa isa’t isa, ng shared leadership at team spirit

f.sila ay maghahanda at patuloy na magsasagawa ng leadership seminars para sa adult and youth leaders

g.sila ay maghahanda at magpapatupad ng on-going pastoral formation program para sa kaparian

h.sila ay tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga laikong manggagawa (tulad ng workers’ manual, insurance, pabahay, cooperatives, etc.)

i.sila ay magtatayo ng “school for lay formation”

6. Ang pagmumulat sa mga mananampalataya na suportahan ang mga programang pastoral ng AVC ay magaganap kung:

a.sila ay magsusulong ng bokasyon ng layko

b.sila ay makatutuklas ng “skills” at “charisms ng mga layko at magpapaunlad sa mga ito

c.sila ay bubuo ng mga grupong may kakayahan sa paghuhubog sa iba’t ibang larangan ng buhay at sa iba’t ibang sector ng Simbahan

d.sila ay maghahanda at magpapadaloy ng seminar modules para sa pagmumulat ng kamalayan ng mga mananampalataya para sa pakikisangkot at pakikibahagi sa buhay ng Simbahan

e.sila ay magtatakda ng malinaw at epektibong sistema ng pagbabahaginan ng kayamanan at kakayahan sa mga pamayanan at parokya

f.sila ay magtatakda ng mga pamamaraan para sa paglikom ng sapat na pondo bilang suporta sa mga programang pastoral ng parokya at ng AVC

g.sila ay makapagpapasibol ng mga bagong manggagawa para tumulong sa iba’t ibang programa ng Simbahan

h.sila ay maghahanda at magpapatupad ng programa para sa pangangalap, pangangalaga at pagsuporta ng bokasyon sa pagpapari.

Magkakaiba ang katayuan ng mga parokya. Bawat parokya ay hahanap ng angkop na pamamaraan para maisakatuparan ang planong ito. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pamamaraan, ang diwa at direksiyon ay hindi dapat magkaiba-iba.

HAPAG NG PAMILYANG MINDORENO

(core program ng apostolic vicariate of calapan)

Ano ba ang tinatawag na Core Program?

Ang core program ay siyang pinakapuso ng lahat ng programa. Ito ang nagbibigay ng wastong diwa at buhay sa iba pang mga programa. Maaaring tingnan ang core program bilang ubod ng lahat ng programa, anupa’t kung aalisin ang sari-saring elemento ng ibang programa, ang matitira ay ang core program.

Bakit kinailangan ng AVC na bumuo at maglunsad ng Core Program?

Marami nang pagkilos ang sinimulan sa AVC. At marami ring pagpapalit ng programa ang nangyari. Nahihirapan tayong makita ang bunga, at dahil dito’y nakadarama ng pagod at pagkalito ang maraming manggagawa. Inaasahan na sa pamamagitan ng core program ay magiging malinaw kung ano ang dapat manatili sa paglipas ng panahon. Ang mga pamamaraan ay maaaring mabago, ngunit ang pinapangarap at ang diwa ay dapat manatili; ang estratehiya ay maaaring mapalitan, ngunit ang mga pagpapapahalagang isinusulong ay iyon pa rin.

May dalawang pangunahing layunin ang core program. Una, ang makapagbigay ng kaisahan sa lahat ng programa at inisyatibang pastoral sa AVC. Mahalaga ito upang madaling mapag-ugnay ang mga gawain at hindi magkasalungatan ang mga pagsisikap at inisyatiba. Ikalawa, ang makatiyak na ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa AVC ay buo (hindi pinipili ang maaalwan at kinasanayang mga elemento), timbang (hindi nasosobrahan ang isang mukha sukdulang makaligtaan ang ikalawa) at tunay na nagbibigay ng bagong buhay (hindi nagpapahirap lamang nang wala namang kabutihang napapala).

Ang core program ay siyang garantiya na ang tunguhin ng AVC ay naisasakutaparan—Magsagawa ng ‘integral evangelization’ tungo sa pagtatatag ng mga munting kapitbahayang Kristiyano (MKK) sa AVC. Sa pamamagitan nito, inaasahan nating mararanasan ang isang antas ng katuparan ng ating matayog na pangarap na: Buhay na sambayanan ng mga alagad ni Cristo na nagkakaisang nagsasabuhay ng Salita ng Diyos at pinaghaharian ng katarungan, kalayaan, kapayapaan at pagmamahalan.

Ano ang tawag sa Core Program ng AVC?

Ang core program ng AVC ay tinatawag na HAPAG NG PAMILYANG MINDORENO. Nakapaloob dito ang tatlong mahahalagang sangkap: ang Hapag, ang Pamilya, at ang pagiging Mindoreno.

Ano ang kahulugan ng “Hapag” sa Core Program ng AVC?

May tatlong pangunahing kahulugan ang “Hapag” sa core program ng AVC. Una, ito ay tumutukoy sa Hapag-kainan. Sa ganitong pakahulugan, ang “Hapag” ay sumasagisag sa lahat ng pangangailangang materyal at temporal ng mga Mindoreno. Ikalawa, ang “Hapag” ay tumutukoy sa Hapag ng Eukaristiya. Sa ganito namang pakahulugan, ang “Hapag” ay sumasagisag sa lahat ng pangangailangang espiritwal ng mga Mindoreno. Ikatlo, angHapag ng Salita ng Diyos. Bagamat kasama ang pangangailangan ng Salita ng Diyos sa mga pangangailangang espiritwal, minarapat nating ibukod ang Hapag ng Salita ng Diyos upang bigyang-diin at patingkarin ang halaga nito sa pagsusulong ng ating core program.

Ang tatlong Hapag ng core program ay nakaugat sa ministeryo ni Jesus sa kanyang pagiging Propeta, Pari at Hari. Ang malalim na inspirasyon nito ay ang Hapag ng Huling Hapunan kung saan si Jesus ay nagturo, naglingkod at nagbigay ng kanyang sarili para sa ating ikaliligtas.

Ano ang kahalagahan ng pang-uring Mindoreno para sa Core Program ng AVC?

Mahalaga ang pang-uring Mindoreno sapagkat ito’y nagbibigay-diin na ang core program ay hinabi sa karanasan ng Simbahang Lokal sa Silangang Mindoro at nagsisikap tumugon sa mga partikular na pangangailangan ng mga Mindoreno. Ito ang pagtutugmang ginagawa ng AVC sa programang iniwan ni Jesus at ng realidad ng buhay ng mga taga-Mindoro.

Saklaw ng core program ang mga naninirahan sa Silangang Mindoro, tubo man sila rito o mga dayo. Hinahangad nitong abutin ang mga tubong-Silangang Mindoro na pansamantala o permanenteng naninirahan sa labas ng Mindoro. Hindi nito saklaw ang mga naninirahan sa Kanlurang Mindoro, sapagkat iginagalang natin ang kanilang sariling programang pastoral.

Ano ang kahalagahan ng Pamilya sa Core Program ng AVC?

Tatlong bagay ang nais bigyang-diin. Una, na ang tutok ng core program ay ang buhay-pamilya. Kinikilala natin ang kahalagahan ng pamilya sa buhay at paglago ng bawat isa. Ikalawa, na ang pangunahing pangyayarihan ng core program ay ang pamilya. Sa pamilya unang mararanasan ang pagtugon sa mga pangangailangang materyal at espiritwal. Ikatlo, na ang buong pamilya ay sangkot sa pagsasakatuparan ng core program, bagamat kinikilala natin ang magkakaibang papel na gagampanan ng bawat isa, ayon sa kanilang natatanging katayuan, kakayahan, at kahandaan.

Ang pariralang Pamilyang Mindoreno ay nagpapahayag ng pagkilala at pagpapatuloy ng Dekada ng Pamilyang Mindoreno, o DPM (2001-2010).

Kailan magsisimula at kailan matatapos ang Core Program?

Pormal na magsisimula ang core program sa Hulyo 2006, sa pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng pagkatatag ng Apostolic Vicariate of Calapan. Bagamat ang DPM ay matatapos sa 2010 ang core program ay magpapatuloy. Ito’y tatanggap ng mga pagbabago upang mabisang makatugon sa nagbabagong mga pangangailangan.

Ano ang pangunahing kasangkapan ng Core Program ng AVC?

Ang pangunahing kasangkapan ng core program ng AVC ay ang Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos sa Banal na Kasulatan ang magpapakilala kay Jesus na siyang nasa likod ng ating mga pagsisikap. Ang Salita ng Diyos ang pag-uugatan ng ating mga pagkilos, ang magdadalisay ng ating mga motibasyon at magpapalakas sa ating loob. Ang Salitang Diyos ang nagbubukas ng pinto para sa iba’t ibang paglilingkod upang matugunan ang pangangailangang temporal ng ating kapwa at upang may mapagsaluhan sa Hapag-Kainan ang mga pamilya at magkakapitbahay. Ang Salita ng Diyos ang magbibigay-sigla sa pagdiriwang ng buhay na ang tugatog ay ang pagdiriwang ng Banal na Misa at ang pagsasalo sa Hapag ng Eukaristiya.

Anu-ano bang mga konkretong kagalingan ang hinahangad nating mangyari at maranasan sa pamamagitan ng Core Program?

Hinahangad natin ang kaganapan ng buhay, ang buhay na ganap at kasiya-siya (Jn 10:10), ng bawat Mindoreno. Ang mga palatandaan nito ay kabanalan, kapayapaan at pagkakaisa. Bagamat ang habol natin ay pagpapanibago ng bawat isa, hinahangad din natin ang pagbabago ng kapaligirang ating ginagalawan, lalo na ang pamilya at pamayanan. Gayundin, hangad nating makalikha ng mga bagong ugnayan at bagong kaayusan upang ang pagpapanibago ay mangyari at maipagpatuloy.

Paano ba natin matatamo ang kabanalang pinapangarap ng ating Core Program?

Ibinubukas sa atin ang daan ng kabanalan sa pamamagitan ng Hapag ng Salita ng Diyos. Ang Hapag ng Salita ng Diyos ang nagtuturo ng nilalaman ng kabanalan, ang nagbibigay ng huwaran sa pagpapakabanal, at ang nag-aakay sa wastong pamamaraan ng kabanalan.

Ipinahayag ng Ikalawang Konsilyo Batikano na tinatawag tayong lahat sa kabanalan. Nasa puso ng bawat isa ang binhi ng kabanalan, salamat sa Binyag na tinanggap natin.

Nakaugat ang kabanalan sa radikal na pagpili sa Diyos at sa pagkilala kay Jesus. Hinihingi ng kabanalan ang patuloy na pagpapanibago ng ating sarili hanggang sa tayo’y lubusang makatulad ni Jesus. Kayat ang kabanalan ay salungat sa mababaw na pagkilala sa Diyos, salungat sa mababang pamantayan ng moralidad, at sa matamlay na pagsasabuhay ng pananampalataya. Nakikita ang kabanalan sa bagong pamumuhay ayon sa turo at halimbawa ni Jesus at ipinahahayag sa mga konkretong gawa ng pag-ibig at paglilingkod at sa masiglang pakikiisa sa pagdiriwang ng Eukaristiya.

Paano ba natin matatamo ang kapayapaang pinapangarap ng ating Core Program?

Ibinubukas sa atin ang daan ng kapayapaan sa pamamagitan ng Hapag-Kainan. Sa tulong ng Salita ng Diyos ay nauunawaan natin ang tunay na nilalaman ng kapayapaang hinahangad at ipinagkakaloob sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang kapayapaan ay bunga ng wastong relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa sarili, at sa kalikasan. Ito ay batay sa katarungan na nagbibigay sa bawat isa ng para sa kanya. Resulta ito ng pagtatagumpay sa lahat ng uri ng kasamaan na umaalipin at bumibilanggo sa atin. Nakakamit lamang ang kapayapaan pagkatapos ng mga sakripisyo at pagbibigay-buhay, sa diwa ng pakikiisa kay Jesus.

Bagamat ang kaganapan ng kapayapaan ay nasa Kaharian ng Diyos, nais nating maranasan ito dito pa man sa ating buhay sa Mindoro. Hangad nating tularan ang ginawang pangangalaga ni Jesus sa katawan at buhay ngtao at sa kanyang pagtugon sa mga pangangailangang temporal nang hindi hiwalay sa aspetong espiritwal nito.

Paano ba natin matatamo ang pagkakaisang pinapangarap ng ating Core Program?

Ibinubukas sa atin ang daan ng pagkakaisa sa pamamagitan ng Hapag ng Eukaristiya. Sa tulong ng Salita ng Diyos ay nalalaman natin na ang malalim na hangarin ng Diyos para sa atin ay ang tayo’y mabuhay na nagkakaisa kasama ang ating kapwa. Ang ating palagiang pagsasalu-salo sa Hapag ng Eukaristiya ang nagdadala sa atin sa pagkakaisa.

Sa pagsasalo sa iisang Hapag, kinikilala natin na tayo’y magkakapatid at anak ng iisang Ama sa bisa ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Sa ating palagiang pag-alaala sa ginawang pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili, ibinabalik tayo sa pagkakasundo na nakamit sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at Muling Pagkabuhay.

Ang pagkakaisang ating nararanasan at ipinahahayag sa paligid ng Hapag ng Eukaristiya ang siya nating baon at gabay sa pagsasalo sa hapag ng araw-araw na pamumuhay. Ito rin ang ating dala-dala sa pakikipagdialogo sa mga taong hindi natin kapanalig.

Sinu-sino ba ang pangunahing mga tagapagpaganap ng Core Program ng AVC?

Ang Obispo at ang kaparian ng AVC ang inaasahang magiging pangunahing tagapagpaganap ng core program. Sila ang magbibigay ng direksiyon upang hindi tayo magkanya-kanya ng pagkilos. Sila ang magpapasigla sa lahat ngnakikisangkot sa programa, at sila ang magpapalago at mag-oorganisa ng iba’t ibang kaloob na ibinigay ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya para sa sama-sama at magkakaugnay na paglilingkod tungo sa ikauunlad ng ating Simbahan.

Ang mga pinunong layko sa diocesan, VF, parochial at pamayanan levels ay inaasahang magiging masugid na mga katuwang sa pagsusulong ng core program. Ang mga pinuno at miyembro ng mga komisyon at mga lupon ay inaasahang mag-aangkop ng kanilang mga programa sa core program.

Ang kabataan, na bumubuo ng malaking bahagi ng ating Simbahang Lokal, ay inaasahang magiging katuwang sa pagsusulong ng core program. Kinikilala natin ang kanilang mga kakayahan at ang kanilang pagiging malikhain.

Ang AVC Parochial Schools na sadyang itinayo para makatulong sa ebanghelisasyon, ay inaasahang magsusulong ng core program habang isinasagawa ang pormal na edukasyon ng kabataan.

Ang iba’t ibang religious organizations, sa kabila ng natatanging dahilan ng kanilang pagkakatatag, ay inaasahang magkakarga ng diwa ng core program at magsusulong nito sa loob at labas ng organisasyon.

Ang women religious, sa kabila ng kanilang natatanging charisms ay inaasahang magdadala ng core program sa kani-kanilang apostolado sa AVC.

Paano makikibahagi ang bawat Mindoreno sa pagsusulong ng Core Program ng AVC?

May tatlong mahahalagang paraan na kayang gawin ng bawat isa: Una, kapatiran at pag-aayos ng mga relasyon na nakabatay sa bukas at matapat na pag-uusap ng magkakapatid at mga anak ng iisang Diyos. Ang bagong buhay na iniaalok ni Jesus—ang buhay na pag-iibigan na nakaugat sa pakikipag-isa sa Diyos, ay nagiging kapani-paniwala lamang sa sukat na ito’y konkretong nararanasan. Sa lahat ng antas ng pagsasama-sama—sa pamilya, sa paggawa at sa pagsamba, mahalaga ang maayos na ugnayan. Walang ibang makagagawa nito para sa atin kundi tayo mismo.

Ikalawa, pagtapong sa iba’t ibang pangangailangan ng tatlong Hapag, na nakabatay sa pagpapasalamat sa mga kaloob na natanggap natin mula sa Diyos. Ang pagtapong para sa Hapag ay hindi lamang sa pamamagitan ng salapi; ang pagbabahagi ng kakayahan, ng panahon, at mga panalangin ay pawang makabuluhan at mahalagang tapong. Itinuturo ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas na walang napakadukha para makapagsabing wala siyang maibibigay. Nagtatapong tayo hindi sa dahilang labis ang nasa atin; sa halip, nagbabahagi tayo mula sa ating karukhaan.

Ikatlo, pagsaknong sa mga gawaing panghapag na nakabatay sa pagiging katiwala ng Diyos. Ang may pasaknong ay ang Diyos na patuloy na tumatawag at nagpapadala ng mga manggagawa sa kanyang anihin. Habang tayo’y bata pa sa pananampalataya, ang lahat ay ginagawa ng iba para sa atin; may sapat na tayong lakas upang umusad tungo sa responsableng pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Tayong mga Mindoreno ang pinagkakatiwalaan ng Diyos para sa ating Simbahang Lokal; ito’y sama-sama nating pananagutan.

Ang tatlong ito ay hindi minsanang gagawin, kundi bahagi ng regular nating buhay-pananampalataya. Ang mga ito ang tatak ng mananampalatayang Katoliko na nais nating makita sa bawat Mindoreno.

Paano ba dadaloy ang Core Program?

Ang core program ay hindi dapat unawain bilang isang serye lamang ng mga paghuhubog. Totoong mahalagang elemento ang mga paghuhubog, ngunit ang buod nito ay ang bagong buhay ayon sa turo at halimbawa ni Jesus. Kaya naman, ang core program ay dala-dala natin saanman tayo naroon at anuman ang ating ginagawa.

Ang pagdaloy ng Core Program ay tinitingnan natin sa iba’t ibang antas: sa diocesan level, sa VF level, sa parochial level, at sa pamayanan level. Ang ugnayan ng iba’t ibang level ay ginagabayan ng tatlong prinsipyo.

Una, ang principle of subdidiarity. Hahayaan ang lower level na gawin ang kanilang kaya. Kung sa lower level ay walang pagkilos, o kung ang pagkilos ay matamlay o naiiba ang direksiyon, tutulungan ito ng immediately higher level. Inaasahan na bukas ang linya ng komunikasyon ng iba’t ibang levels upang maiparating sa kinauukulan ang mga puna at mga mungkahi. Ang bukas na pag-uusap ay itinuturing na mahalagang bahagi ng pagpapatupad ng Core Program.

Iniiwasan ang lubusang pag-asa at paghihintay ng manggagaling sa diocesan-in-charge. Nagtitiwala tayo sa kakayahan ng ibang levels; at ayaw nating patayin ang mga inisyatiba sa lower levels. Ang diocesan level ay siyangnagbibigay ng direksiyon upang ang mga inisyatiba sa ibaba ay hindi sumabog.

Ikalawa, ang principle of co-responsibility. Sapagkat tayo’y bahagi ng isang kabuuan, mahalaga na ating isinasaalang-alang ang pagkilos ng ating mga kasamahan. Hindi sapat na mayroon tayong ginagawa sa iba’t ibang level; mahalaga na ang ating ginagawa ay kaugnay ng ginagawa ng iba at maaaring gawing pundasyon ng mga susunod na pagkilos. Nasasayang ang maraming pagsisikap kung ang mga ito’y iniiwan dahil hindi na magawang itugma sa kabuuan.

May mga targets ang core program na hindi sana binabale-wala. Bagamat tinatanggap natin na hindi lubusang magkakasabay-sabay, mahalaga na hindi gaanong nahuhuli ang alinmang parokya. Nahihirapan tayong magtulungan kung masyadong malayo ang agwat ng narating ng bawat isa.

Ikatlo, ang principle of accountability. Bawat level ay may pananagutan sa itaas at sa ibaba. Tinatanggap ng lower level ang paggabay ng nakatataas; samantala, pinakikinggan ng higher level ang hinaing ng nasa ibaba.

Ano ba ang inaasahan sa Diocesan Level?

Una, sa pamamagitan ng Core Team ay mabubuo ang core program. Sila ang magbibigay ng direksiyon at magtatakda ng mga pamantayan ng pagkilos para sa core program. Sila rin ang mangangasiwa sa pagpapatupad at pagtatasa nito. Sila ang magbabantay na ang mga pagpapahalagang isinusulong ng core program ay hindi nasasagasaan o naisasantabi. Sila rin ang magtitiyak na maysapat na tao at pondong magagamit para sa pagsusulong ng core program.

Ikalawa, sa paggabay ng Core Team, ang diocesan commissions ang maghahanda ng mga kagamitan para sa pagsusulong ng core program. Ang DFT ang mangangasiwa sa paghuhubog ng mga pangunahing tagapagpatupad ng core program at sa pagbibigay sa kanila ng malinaw na oryentasyon tungkol dito. Sila rin ang maghahanda ng Formation Program for Hapag implementors. Ang DFT rin ang mamamahala sa dokumentasyon ng mga kaganapan.

Sa tulong ng Core Team, ang diocesan commissions ay mag-aangkop ng kanilang mga programa. Inaasahan na ang kanilang programa ay hindi magiging magkakakahiwalay kundi magkakaugnay, at nagiging instrumento ng pagsusulong ng core program. Mahalaga na ang mga gawain ng komisyon ay sumusunod sa mga pamantayan na itinakda ng Core Team.

Ikatlo, sa tulong ng Core Team ang diocesan Councils ay mag-aangkop ng mga patakaran, pamamaraan at estratehiya upang makasuporta sa Core Program. Ang mga programa noong nakaraan ay hindi umusad dahil hindi magkatugma ang values ng decision makers at ng program implementors. Magkaiba ang prioridad ng decision makers at ang mga nagpapatupad ng pastoral programs kayat hindi nagkakatulungan.

Ano ba ang inaasahan sa VF level?

Sa direksiyon ng DCT, ang VF ang mag-oorganisa ng training program para sa parochial leaders. May mahahalagang dahilan kung bakit ang formation ay sa level na ito ginagawa. Una, marami ang parokya, at kakain ng mahabang panahon kung iisa-isahin ang parokya. Ang ganitong pamamaraan ay nakatitipid sa oras, sa material at human resources. Ikalawa, lumalawak ang pananaw ng mga lider kung may nakakasamang lider mula sa ibang parokya. Ikatlo, ang sama-samang paghuhubog ay nagbubukas sa magkakasabay na pagkilos at sa pagtutulungan lalo na sa mismong magkalapit na parokya.

Ang Vicar Forane, ang VF Secretariat at ang VF Pastoral Council ang pangunahing katuwang ng Core Team sa pagpapatupad ng Core Program sa kani-kanilang Vicariate Forane. Sila ang susubaybay kung ang mga gawain ay naisasagawa sa itinakdang iskedyul. Sila rin ang magpapaabot sa Core Team ang mga puna at mungkahi para sa ikauunlad ng Core Program.

Ano ba ang inaasahan sa Parochial Level?

Sa parochial level nagaganap ang tunay na pagkilos para sa core program. Sa pangunguna ng Parish Priest at sa pagtuwang ng kanyang mga Vicars, mga madre, PAPASCO at PAFINCO, ang parokya ay magsasagawa ng strategic planning kung paano isasakatuparan ang core program sa parokya.

Kritikal ang ating pagsisimula. Hindi inaasahan na maglulunsad agad ng maraming programa at gawain. Mahalagang makita ang mga kasalukuyang ginagawa at tingnan kung paano iaangkop ang mga ito sa diwa, oryentasyon, at mga pagpapahalaga ng core program.

Titiyakin ng Parish Priest na may sapat na bilang ng manggagawa para sa parokya. Ang sapat na bilang ay bataysa pangangailangan; paglaki ng parokya, pagdaming manggagawa ang kailangan. Mahalagang alalahanin na ang mga parish leaders ay volunteer workers, at part-timers. Dahil dito, mas maraming tao ang kailangan. Tinataya na habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng core program ay lilitaw ang maraming pangangailangan na kakayanin lamang matugunan kung may full-time pastoral worker(s) ang parokya.

Ang Parish Priest ang mangangasiwa sa on-going formation at animation ng mga lider ng parokya na inaasahang magiging pangunahing tagapagpatupad ng core program. Siya ang magpapastol sa kanila upang sila rin ay maging pastol para sa iba.

Isang pinahahalagahan ng core program ay ang makarating ito kahit sa pinakamalayong pamayanan ng parokya. Ang bawat parokya ay inaasahang may malinaw na plano at iskedyul para sa kanila.

Sapagkat ang core program ay nakapaloob sa lahat ng ginagawa, hindi ito dapat mawala o ipagpaliban dahil sa mga natatanging pagdiriwang tulad ng Pasko, Mahal na Araw, at kapistahan ng patron ng parokya. Sa halip, ang mga pagdiriwang na ito ay inaasahang magiging konkretong okasyon ng pagsusulong ng core program.

Ano ba ang inaasahan sa Pamayanan Level?

Narito ang mukha ng mga munting kapitbahayang Kristiyano (MKK) na ating pinapangarap. Nais nating lumikha ng isang kapaligiran kung saan:

*ang mga tao’y nag-uusap nang tapat (malayang nakapagsasalita at handang makinig), dahil sila’y nagtitiwala at tumatanggap sa isa’t isa;

*ang mga tao’y nagninilay, nagbabahaginan at nagsasabuhay ng Salita ng Diyos, dahil sila’y nananalig at sumusunod kay Cristo;

*ang mga tao’y nagpapatawaran, nagkakasundo at naghihilom ng sugat ng isa’t isa, dahil sila’y nagmamahalan;

*ang mga tao’y nagdiriwang ng buhay at ng mga sakramento, dahil sila’y magkakapatid at mga anak ng iisang Ama;

*ang mga tao’y nagbabahaginan, nagtutulungan at tumutugon sa mga usapin ng kanilang buhay, dahil sila’y nagmamalasakt at nakadarama na sila’y kabilang at kasama;

*ang mga tao’y bukas at nakikipag-ugnayan sa kapwa-MKK at sa mas malaking sambayanan, dahil sila’y bumubuo ng iisang Simbahang naglalakbay tungo sa Kaharian sa patnubay ng Espiritu Santo.

Nota Bene: Ang ganitong diwa at larawan ang inaasahang madarama at makikita sa lahat ng antas ng ating Simbahang Lokal, at sa lahat ng grupo sa loob ng AVC. Kung ang diwa ng MKK ay ating nadadala at nadarama saanman tayo naroroon, tumagos na ang core program sa buong AVC.

ANG GAWAING PAGHUHUBOG

PARA SA HAPAG NG PAMILYANG MINDORENO

Ang pagsulong ng core program ay nakasalalay sa patuloy na paghuhubog. Matamlay ang pagkilos ng sinumang kulang sa paghuhubog; hindi niya alam kung ano ang gagawin, at kung alam man ang gagawin, ligaw siya kung paano ito isasagawa. Maaaring sumaknong sa mga gawaing pansimbahan kahit ang isang walang paghuhubog; ngunit ang pagsaknong niya’y pansamantala dahil sa pananawa. Maaaring tumapong sa mga pangangailangan ng Simbahan kahit ang walang paghuhubog, ngunit sa kalaunan ay tatanggi na siya, hindi sa dahilang siya’y maramot, kundi sa dahilang hindi niya nauunawaan ang punto ng patuloy na pagtapong. Maaaring manalangin at magsimba ang kahit ang walang paghuhubog, ngunit matamlay ang kanyang partisipasyon, dahil hindi naman niya kilala ang Diyos na kanyang sinasamba. Maaaring mailagay sa pamunuan kahit ang isang taong kapos sa paghuhubog, ngunit ito’y magmumukhang parusa sa kanya sapagkat iniatang sa kanya ang hindi naman niya kayang gawin. Nagkakawala ang ating mga manggagawa dahil hindi na nila makita ang kahulugan ng kanilang ginagawa. Burn-out ang inaabot ng sinumang nagtatatangkang maglingkod nang hindi naman nakakakita sa mukha ni Jesus na nagpakasakit, namatay at muling nabuhay para sa ikaliligtas ng lahat.

Hindi sapat na maunawaan ng ating isip ang Mabuting Balita ng pagliligtas ni Jesus; kailangang ito’y matanggap ng ating puso upang ito’y maging batayan ng ating desisyon para sa lubusang pagsaknong sa integral evangelization. Hindi sapat na malaman ng ating isip ang mga gawaing dapat gampanan; kailangang makumbinsi tayo na ito ang nararapat gawin, at kailangang madalisay ang ating mga motibasyon. Hindi sapat na itadhana ng mga patakaran ang mga gampanin; kailangang ang ating mga pagpili, ang ating mga prioridad, ang ating mga pagkilos at ang ating mga ugnayan ay bunga ng ating malayang desisyon alang-alang sa pagtugon at pagsunod kay Jesus. Para ito’y mangyari, hindi sapat ang minsan o dalawang ulit na paghuhubog; kailangan ang patuloy na paghuhubog.

Nababalam at kung minsan ay tuluyang napapatigil ang paghuhubog sa mga parokya dahil sa pagsandal natin sa mga ‘magaling’ na tagapaghubog na hindi naman natin matagpuan. Kung minsan pa nga, umaasa tayo sa dating ng mga tagapaghubog na tagalabas ng parokya, mga ‘imported’ mula sa labas ng AVC. Kinikilala ng ating core program na ang pinakamabisang tagapaghubog ay ang ating Panginoong Jesu-Cristo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng Banal na Salita. Laging nakahanda ang Salita ng Diyos; kailangan lamang nating magbukas ng sarili at magpaubaya sa paghuhubog at pag-aakay na gagawin Niya sa atin.

Ang formation component ng ating core program ay nakabatay sa tatlong haliging paniniwala. Una, na ang pangunahing paghuhubog na kinakailangan ay paghuhubog sa Banal na Salita. Nagpapaubaya tayo sa Salita para hubugin ang ating isip, puso, at diwa, ang ating mga pagpapahalaga at motibasyon. Layunin ng paghuhubog sa Salita ang patuloy na pagpapanibago ng sarili hanggang sa ganap na makatulad ni Jesus sa dalisay na pag-ibig, sa pagsunod sa kalooban ng Ama, at sa pagmamalasakit para sa Kaharian. Ikalawa, na ang gawaing paghuhubog sa Salita ay hindi maihihiwalay sa ating ministeryo bilang mga pari. Sinasabi ng Ikalawang Konsilyo Vaticano na huwag sanang mangyari na tayo’y nagpapahayag ng Salita nang walangnaunang pakikinig dito. Ang paghuhubog sa Salita ay hindi limitado sa homiliya, gaano man ito kahalaga; sa halip, inaasahan na tayong mga pari ang magiging pangunahing tagapaghubog sa Salita ng ating mga lider-layko ng parokya upang makayanan nilang maghubog ng kapwa-layko sa mga pamayanan at sa mga miyembro ng kani-kanilang samahan. Ikatlo, na ang tinanggap nating paghuhubog sa seminaryo ay sapat nang pundasyon upang maging tagapagpadaloy ng paghuhubog sa Salita. Gayunman, kinikilala rin natin ang pangangailangan ng bagong diin, mula sa pagiging technical and exegetical, tungo sa pagiging practical and pastoral. Hindi natitigil ang paghuhubog sa pagkakaroon ng tama at malinaw na paniniwalaan; hangad natin na ito’y dumaloy sa matuwid na pamumuhay. Hindi natin habol na ang ating mga mananampalataya ay maging exegetes, ang hangad natin sa kanila ay maging tagapagsabuhay ng salita, maging tagapagpapatooo ng Mabuting Balita at tapagpahayag nito, na ang pinag-uugatan ay ang personal at buhay na pakikipagtagpo sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang formation component ng ating core program ay tinitingnan natin sa tatlong antas. Una, ang on-going formation nating mga pari. Bagamat naniniwala tayo sa ating kakayahan para sa auto-formation, kinikilala rin natin ang sama-samang paghuhubog sa tulong ng mga facilitators. Kinakailangan nating matuto ng iba’t ibang pamamaraan ng pagpapahayag ng Salita at ng iba’t ibang paraan ng pagpapadaloy ng paghuhubog sa Salita. Magandang ‘samantalahin’ ang pagkakataon na napakalaki pa ng pagtitiwala ng mga layko sa ating kakayahang gumabay sa ating buhay-pananampalataya. Ngunit pinaaalalahanan tayo ng mabigat na pananagutan, “Hindi makapag-aakay ng bulag ang kapwa-bulag.”

Ikalawa, ang on-going formation ng ating mga lider-layko, mula sa hanay ng katatandaan at maging sa hanay ng kabataan. Mahalagang makalikha ng isang bagong larawan ng lider-layko, hindi gaanong katuwang ng pari sa pamamahala kundi katuwang ng pari sa pagpapahayag ng Mabuting Balita; hindi gaanong tagapagpatupad ng mga gawain, kundi tagapangalaga ng kawan ng Diyos. May tatlong direksiyon ang paghuhubog sa kanila—tungo sa patuloy na pagpapanibago ng sarili bunga ng pagtanggap kay Jesus, tungo sa pagpapalakas sa kanila para maging lingkod ng Salita, at tungo sa pagpapalakas sa kanila upang maging pastol. Kritikal ang bagong sistema ng ugnayan at pagtutulungan ng pari at layko na magpapadama na sila’y pinagtitiwalaan at sinusuportahan sa kanilang mga pagsisikap na makatulong sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos. Mahalagang makalikha ng mga oportunidad para mapalitaw at mahasa ang kakayahan ng mga tao sa parokya, at makabuo ng istruktura upang ang mga paglilingkod ay hindi magkabanggaan o kaya’y sumabog. Mahalaga ring patuloy na makakita ng mga bagong katuwang para sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Kinakalawang ang ating mga kakayahan kung hindi patuloy na nagagamit ang mga ito (principle of disuse) at nasasayang ang ating mga ginagawa kung ang mga ito’y hindi nailalagay sa loob ng malaking larawan. Nagbibigay tayo ng palugit sa mga pagkakamali at sa di-gaanong pulidong pagkaganap ng mga baguhan; lahat tayo ay nagsimula na nangangapa at nagkakandarapa.

Ikatlo, ang formation na ginaganap sa ating mga pamayanan. Malalim na hangarin ng ating core program ang ito’y makarating sa lahat ng pamayanan, maging sa pinakaliblib na sulok ng ating mga parokya. Kinikilala natin ang kanilang pagkauhaw sa Salita ng Diyos, ang kanilangkarapatang makatanggap ng paghuhubog, at ang panganib na ang mga tao’y tumalikod sa pananampalatayang Katoliko. Kinikilala rin natin ang magkakaibang antas na narating ng ating mga pamayanan; at ibinabagay natin sa kanilang antas ang nilalaman at pamamaraan ng paghuhubog.

Tinitingnan natin nang sabay-sabay ang tatlong antas na ito; hindi kailangang maging eksperto muna ang mga pari bago maghubog sa mga lider-layko. At hindi rin kailangang maging eksperto muna ang mga lider-layko bago magsimulang maghubog sa kapwa-layko. Ang ganitong set-up ay naglalagay sa atin sa vulnerable situation, sapagkat makikita natin at ng iba ang ating mga kahinaan at kakapusan ng kaalaman at kasanayan. Hindi kailangang magkunwaring alam natin ang lahat; walang masamang aminin sa harap ng iba na tayo rin ay naghahanap, nag-aaral, at patuloy na tumutuklas ng yaman ng Salita ng Diyos. Ang ganitong karanasan ay naglalagay sa atin sa tamang lugar upang hindi maniwala ang sinuman na siya’y nakahihigit sa iba kundi kapwa-mag-aaral sa larangan ng ministeryo ng Salita. Nagdadala ito sa atin sa higit na pagtitiwala sa kapangyarihan ng Salita. Gayundin, ang ating sama-samang kamalayan ng ating kakapusan ay nagdadala sa atin sa pagtutulungan; nagbabahaginan tayo ng limitadong nasa atin upang mapagyaman ang nasa isa’t isa.

MGA BATAYANG PRINSIPYO

NG PAGHUHUBOG SA KONTEKSTO NG ATING CORE PROGRAM

Hindi maaaring maliitin ang kahalagahan ng patuloy na paghuhubog ng mga tao sa pagsusulong ng ating core program. Ngunit ang paghuhubog na ito, upang maging mabisa, ay dapat kumilala sa ilang batayang prinsipyo. Maaaring ito’y bumabangga sa ating kinasanayan, kayat ang lahat ng sangkot sa gawaing ito ay kailangang magkaroon ng iisang pagtingin upang magkatulung-tulong.

Una, ang paghuhubog ay kumikilala sa gulang ng mga tao. Tatlong pangunahing grupo ang ating kinikilala: mga bata, kabataan, at katatandaan. Bagamat puwede pang gumawa ng mas maraming kategoriya, sapat na muna ang tatlo upang bigyang diin ang magkakaibang pangangailangan ng bawat grupo.

Sa ganitong pagtingin, hindi sapat na ang formation commissions ay may kanya-kanyang programang ipinapatupad. Ang mas malaking hamon ay magkatulung-tulong upang tiyakin na naisasagawa nang maayos at masinop ang formation sa bawat age bracket. Hindi natin pinagsasama-sama ang magkakaibang age level upang igalang ang kanilang kakayahan at pangangailangan. Hindi natin sila pinagsasama-sama para lamang dumami ang bilang; ang habol natin ay hindi bilang ng hinuhubog kundi kalidad ng paghuhubog.

Ang patuloy na paghuhubog ay hindi pag-uulit ng formation sessions. Maaaring ang tema ay magkakatulad, ngunit ang paraan ng pagpapahayag at ang hamon para sapagsasabuhay ay iniaayon natin sa kakayahan at konteksto ng mga hinuhubog.

Ikalawa, ang paghuhubog ay kumikilala sa katayuan ng mga tao. Sapagkat ang paghuhubog ay para sa buhay at hindi gawaing pangkaisipan, mahalagang isaalang-alang ang karanasan ng mga hinuhubog. Hamon sa ating formation programs na ito’y tulong sa kanila at hindi dagdag na pasanin na wala namang ibubunga sa kanilang buhay.

Kaugnay nito, mahalaga na ang namumuno ay kinuha sa komunidad, at hindi dayo o hiram mula sa ibang lugar.

Ikatlo, ang paghuhubog ay nagbubukas sa sariwang karanasan. Bagamat binibigyang-diin natin na ang paghuhubog ay isagawa sa sariling konteksto, mahalaga ang pagtataas ng kamalayan upang ang mga tao’y mangarap ng bagong kaayusan. Makatutulong ang pagsama sa tagaibang lugar, ang pagmamasid at pagdanas ng ibang buhay sa labas ng sariling pamayanan, ang pagbabahagi ng taga-ibang pamayanan. Ang ganitong pamamaraan ay may karagdagang bentahe na nagkakaugnay-ugnay ang mga taong hindi dating magkakakilala.

Ikaapat, ang paghuhubog ay nagpapakilala kay Jesus, sa kanyang pagkatao at pagkadiyos, sa kanyang mga ginawa at pagtuturo, at sa kanyang misyon. Dahil dito, ang paghuhubog ay nagbubunga ng natatanging relasyon kay Jesus bilang kaibigan at disipulo, na nauuwi sa pagtulad at pagsunod sa kanya.

Ikalima, ang paghuhubog ay nakabatay sa Banal na Kasulatan. Gaano man kaganda ang mga teoriya ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larangan, ang mga ito’y tulonglamang at hindi kapalit ng mga pagtuturo ni Jesus. Ang Salita ng Diyos ay hindi lamang dekorasyon sa ating paghuhubog, kundi siyang pinagkukunan ng mga pagpapahalaga, paninindigan at priyoridad na ating ikinikintal sa isip at diwa ng mga tao.

Ikaanim, ang paghuhubog ay nagpapalalim ng diwang misyonero. Ang paghuhubog ay hindi pagpaparami o pagpapalawak ng nalalaman. Ang inaasahang bunga ng paghuhubog ay ang kahandaang kumilos ayon sa pananampalataya, magpalaganap ng pananampalataya, bumuo ng komunidad para sa Diyos, at sumuporta sa mga gawain ng Simbahan.

Ikapito, ang paghuhubog ay nasa serbisyo ng Kaharian ng Diyos. Ang pangkalahatang layunin ng paghuhubog ay maranasan ang kaharian dito pa man sa lupa. Hindi ito naghahanda para sa isang malayo at matagal na kinabukasan, kundi ito’y kasangkapan sa pag-aayos ng ating buhay, upang maranasan ang bagong langit at bagong lupa. Ang pagkilos bunga ng paghuhubog ay hindi lamang para sa Hapag ng Eukaristiya, kundi para sa Hapag-kainan na tumutukoy sa pangangalaga sa buhay ng tao.

Ang lahat ng nasa formation commissions ay dapat mag-usap at sama-samang magplano para sa pagtatakda ng goals at strategies sa bawat level. Ang mga ito ang pagtutulung-tulungan ng mga formation commissions and committees na isakatuparan. Halimbawa, ang pagtanggap ng kumpil ng nasa ikaanim na baitang ay magandang tingnan bilang pag-iiwan sa pagiging bata at pagpasok sa antas ng kabataan. Ang paghuhubog, kung gayon ay hindi lamang nakatuon sa pagtanggap ng sakramento, kundi sa pagharap sa buhay-kabataan. Ang youth ministry ay maaaring mag-organisa ngmakahulugang pagtanggap sa kanila at lumikha ng pagkakataon kung saan ang pagiging “confirmed” ay magkakaroon ng pagsasabuhay. Ang mga magulang ay magkakaroon din ng papel sa pag-aakay sa mga anak na nakumpilan; sila rin ay magkakaroon ng kamalayan sa nagbabago nilang papel sa pagtanda ng kanilang mga anak.

ANG DIOCESAN COMMISSIONS

AT PAROCHIAL COMMITTEES

AT ANG CORE PROGRAM NG AVC

Bawat diocesan commission at parochial committee ay may sariling programang nais ipatupad. Sapagkat ang mga ito’y nailatag na bago pa man mabuo ang core program tiyak na may pag-aangkop na kailangang gawin. Ang pag-aangkop ay hindi basta pagdadagdag o pagbabawas ng gawain; mas mahalaga ang pagpasok sa diwa ng Core Program at pag-aangkin ng mga pagpapahalaga na isinusulong nito.

Kasama sa mga pagpapahalaga na dapat inaangkin at pinagtutulungang isulong ay ang sumusunod:

*pag-uugat ng lahat ng gawain sa Salita ni Jesus. Ito ay upang matiyak na ang gawain ay hindi pansariling kagustuhan lamang, kundi may batayan sa buhay at turo ni Jesus. Sa pagkakaroon ng matibay na pundasyon, nagiging matatag ang programa sa harap ng mga kahirapan at pagbatikos. “Ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap—iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.”

*patuloy na paghuhubog sa Salita ng Diyos. Ang layunin nito’y upang patuloy na makilala si Jesus na nais nating sundin, tularan, at paglingkuran. Bagama’t ginagamit natin ang kaalaman at teknolohiya na mula sa iba’t ibang siyensiya, hindi natin ipagpapalit ang karunungang nagmumula sa Banal na Kasulatan. Mahalagang makilala natin na ito’y panghabang-panahon at hindi kukupas

*pagsasabuhay ng Salita ng Diyos. Ang paghuhubog ay tinitiyak nating dumaloy sa konkretong mga gawa ng pag-ibig at paglilingkod. Ang pagkilos na ito ay maaaringtingnan na paglaban sa iba’t ibang anyo at porma ng kasamaan upang ang tao ay maging higit na malaya at mapayapa. May puwang sa isahan at maramihang pagkilos.

*wastong pagpapahalaga sa pamilya. Ang mga aplikasyon ng natutuhan ay inilalagay sa konteksto ng pamilya. Ang mga paghuhubog ay inaasahang magbibigay-puwang sa pagsasama-sama ng mag-asawa, ng magulang at anak. Tinitimbang natin ang pagpapahalaga sa sariling pamilya at sa pamilya ng iba, lalo na ang mga kapitbahay. Mahalaga rin na may mga pagkilos, pagdarasal at paghuhubog na nangyayari sa konteksto ng magkakapitbahay. Inaasahang ang mga manggagawalang pastoral ay nag-aayos ng kani-kanilang pamilya.

*wastong ugnayan at pagpapalagayang-loob. Nais nating ipadama sa lahat na sila’y kabilang at hindi isinasantabi. Nais nating ang binibigyan ng paghuhubog at pinaglilingkuran at magkakasama sa pagdiriwang ay maging magkakakilala, may palagayang-loob sa isa’t isa na ang batayan ay ang pagiging mga anak ng iisang Diyos. Ang magkakasama sa gawain ay hindi sana maging dagdag na pasanin para sa isa’t isa. Hindi natin pinatatagal ang mga di-pagkakaunawaan at hidwaan sapagkat ito’y nagsisilbing lason sa buhay-pananampalataya.

*pagtapong sa pangangailangan at pagsaknong sa mga gawain. Nais nating mamulat ang lahat sa pagtapong upang matugunan ang mga pangangailangan at sa pagsaknong sa mga gawain. Binibigyang-diin natin ang kalayaang magpasiya kung magkano ang itatapong sapagkat magkakaiba naman ang kakayahan. Naniniwala tayo na ang lahat ay may maibibigay. Iniiwasan natin ang dole-out system sa mga gawain. Naniniwala tayo na kahitpamparokya ang mga paghuhubog, may personal din itong kapakinabangan.

*buhay-panalangin. Anumang paglilingkod ang ginagawa ay binubuhay ng panalangin, ng palagiang pakikipag-ugnayan sa Diyos. “Wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” Mahalagang tularan si Jesus na bago magsagawa ng anumang gawain ay nakipag-usap muna sa Ama. Mahalagang maging buhay ang diwa ng pagpapasalamat. Mahalaga ring maging maulinigin sa ipinahihiwatig ng Diyos. Mahalagang matuto ang mga manggagawa ng pananalangin sa tulong ng Salita ng Diyos. At pinagtutulung-tulungan nating ipakita at ipaunawa ang kagandahan ng Banal na Misa bilang batayan, sentro at tugatog ng buhay-Kristiyano.

*sama-samang pagkilos at pagtutuwang sa pananagutan. Hindi magtagumpay ang marami nating programa dahil tayo mismo ang hindi magkasundo. Nagmumukha tayong magkakalaban kung hindi tayo magkakasama. Magkakaiba ang ating parating kung hindi tayo nag-uusap at nagkakaunawaan. Itinatag ang mga commission at ang mga committee upang mapadali ang gawain, nang hindi naisasakripisyo ang pagkakaisa. ‘Ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan.’ Inaasahan na ang bawat komisyon at komitiba ay bukas sa mungkahi ng ibang komisyon at komitiba, sapagkat sa ating ginagawa ay may nakikita tayong implikasyon sa iba. Sa halip na tayo ang magpakahirap na gawin ang hindi naman linya ng ating pangunahing pananagutan, mas makatutulong na ito’y ipagkatiwala sa ibang grupo. Mahalagang matukoy ang mga punto ng ating pagtatagpo. Dapat maging bahagi ng programa ng commission at committee ang direktang pakikipag-ugnayan sa ibang commission at committee.

*pagbibigay-pansin sa mga nasa liblib na lugar. Marami sa ating mga programa ay napapakinabangan ng mga malapit sa sentro (both geographically at psychologically). Ang pagbababa ng programa ay may malinaw na mekanismo kung paano mararating ang mga di-suki ng parokya at mga nasa liblib na pamayanan. Habang nananawa na ang iba sa paulit-ulit na paghuhubog, gutom na gutom naman ang iba sa pagkarinig ng Salita ng Diyos, kung kayat kinakagat nila kahit hindi Katoliko ang nagsusubo nito sa kanila.

*pagpapalitaw ng mga bagong manggagawa habang isinasagawa ang paghuhubog. Binabagabag tayo ng kakulangan ng manggagawa, kayat kailangan na tayo’y maging mapagmatyag sa paglitaw ng mga kakayahan. Hindi natin kaagad ipinagkakatiwala sa baguhan ang mabibigat na gawain, at binibigyan natin ang mga baguhan ng puwang para sa pagkakamali. Ang ating mga beteranong manggagawa ay dumaan din sa agam-agam ng pagsisimula.

*dokumentasyon ng programa. Hindi nagtutuluy-tuloy ang maraming gawain dahil walang record ang mga naunang nagawa na, kung ano ang naging resulta, at kung ano ang lumitaw na mga suliranin. Mahalaga na ang bawat komisyon ay may taunang ulat tungkol sa mga gawain.

*kaayusan ng mga pagpupulong. Sapagkat maraming pagpupulong at paghuhubog na isinasagawa, sana’y matiyak na may laman ang bawat pagpupulong. Ang pagpapatawag ng pagpupulong/paghuhubog sa diocesan at VF levels ay hindi sana magkakapatong upang hindi mabigatan ang mga parokya at upang magkatulungan ang mga commissions.

*Core Team para sa bawat commission. Nahihirapan sa pagkilos ang ating mga diocesan commissions dahil sa kakulangan ng mga maaasahang katuwang. Mahalaga na may Core Team ang bawat commission sa diocesan level upang maging katuwang sa pagpaplano at sa pagsubaybay sa pagsasakatuparan ng plano. Hindi kakayanin na ang lahat ay maging regular na empleyado/a ng AVC. Ang mga volunteers na mapipiling katuwang ay ipakikiusap sa parishes na pagmumulan na ilibre sila sa parokya. Hindi magiging epektibo ang ating volunteer workers kung sila’y kumikilos sa iba’t ibang level; mahalaga lamang na kaya nilang sumuporta sa parochial level sa halip na magmukhang outsider at superior sa mga manggagawa ng parokya. Ang pipiliing mga katuwang ay dapat may tunay na kakayahan, may wastong oryentasyon, suportado ng asawa/magulang sa pakikisangkot sa mga gawain ng Simbahan, at hindi aasa sa anumang financial remuneration. Ang suporta sa mga volunteer workers ay maibibigay sa ibang paraan. Upang hindi gaanong mabigatan ang alinmang parokya, mahalagang ang volunteer workers ng iba’t ibang commission ay hindi magmumula sa ‘yon at ‘yon ding parokya.

ANG YOUTH MINISTRY

AT ANG CORE PROGRAM NG AVC

Sapagkat ang kabataan ay bahagi ng pamilyang Mindoreno, maaaring ipalagay na sila’y kasama sa usaping pampamilya. Hindi kumpleto ang pamilya kung ang ating pag-uusapan ay mga magulang at matatanda lamang. Ang buong pamilya ay binubuo ng magulang at mga anak.

Gayunman, maraming maisasakripisyo kung hindi bibigyan ng tanging pansin ang mga kabataan.

Una, napakarami ng kanilang bilang. Malaking bahagi ng ating Simbahan ay kabataan. Kung gayon, ang paglilingkod sa Simbahan ay hindi maaaring magpabaya sa kanila. Hindi maaaring ituon lamang ang pansin sa mga magulang at maghintay na ang kabataan ngayon ay tumanda muna. Hindi rin maiaasa na ang mga magulang lamang ang magtuturo sa kanila.

Ikalawa, ang kabataan ay nasa ‘transitory’ phase ng kanilang buhay. Kung lubhang mabagal ang ating pagkilos at paglilingkod sa kabataan, maaaring lumampas sila sa yugtong ito nang hindi man lamang naaabot ng ating youth ministry. Kailangan ang puspusang pagkilos para marating natin silang lahat. Napakalaking puwersa ang mawawala kung pababayaan natin silang ‘natutulog’ at hindi natin sila isasangkot sa pagsusulong ng ating Core Program. Kailangang maabot ang lahat ng kabataan, nag-aaral man sila o hindi.

Ikatlo, ang mga kabataan ay may tanging pangangailangan na dapat tugunan; ang mga ito’y hindi mabibigyan ng sapat na pansin kung ang kanilangpaghuhubog ay kasama ng matatanda. At may naiibang pamamaraan para sa mabisang paghuhubog sa kanila. Sa pag-iiwan nila sa pagiging bata, at bago nila pasukin ang daigdig ng matatanda, dinaranas ng kabataan ang maselang yugto ng buhay. Marami at matataas ang kanilang pangarap, na kung hindi magagabayan ay maaaring magdala sa ibang landas. Marami silang mga tanong at pagkalito, na kung hindi matutugunan ay maaaring magdala sa pagkawala ng pananalig. Kailangan ang solido at kapani-paniwalang pagtuturo upang sila’y maakay.

Ikaapat, kinikilala natin ang bisa ng kabataan sa paghuhubog sa kapwa-kabataan. Kung ang kabataan man ay may mga pagkukulang (kahit matanda ay mayroon) mayroon silang kakayahang magtalaga ng sarili para sa isang pangarap na tunay na makahulugan para sa kanila. Kung si Jesus ay tunay nilang makikilala, kakayanin nilang ipakilala siya sa iba at maglingkod para sa pagtataguyod ng kaharian ng Diyos.

Ang ating kabataan ay hindi pa kayang sumuporta sa mga pangangailangan ng kanilang paghuhubog; umaasa pa sila sa kanilang magulang. At kung ang mga magulang mismo ay hindi pa mulat sa buhay-Simbahan—na siyang katayuan ng maraming magulang sa ngayon—hindi natin maasahan na sila’y magiging bukas sa pagtustos sa pangangailangan ng anak. Kailangan ang suporta ng parokya/Simbahan para rito.

Mahalaga ring kilalanin na ang leadership sa youth ministry ay hindi kasing-stable ng leadership sa matatanda. Ang hinubog nating mga lider ay maaaring mag-asawa kaagad, at dahil dito ay iiwan nila ang youth ministry. Ang iba ay tatawagin sa trabaho sa ibang lugar, kayat kailangan nilang iwan ang sariling pamayanan at parokya. Ang iba pa rin aymagkakaroon ng pagkakataong makapag-aral. Ang ganitong realidad ay hindi sana magpahina ng loob sa pag-agapay sa kanila; sapagkat bahagi ng layunin ng youth ministry ay ihanda ang kabataan sa matatag na kinabukasan.

Mahalaga ang agarang pagpapalit ng mga namumuno upang hindi magkaroon ng vacuum sa leadership. Kayat kailangan na may malawak na mapamimilian kung sakaling dumating ang ganitong pagkakataon.

Ibinabagay natin sa pag-iisip at hilig ng kabataan ang paraan ng paghuhubog sa kanila. Kayat minamarapat na ang maghuhubog sa kanila ay may kasanayan sa pangangasiwa sa kabataan, at kayang magsalita ng linguahe ng kabataan, nang hindi naman nagpapadala sa kanilang kapritso. Mahalaga na ang paghuhubog sa kanila ay may kasamang pagkilos upang ang kanilang natutuhan ay nahahasa at naisasalin kaagad sa tunay na buhay. Mahalaga ang paghamon sa kanilang kakayahan, ngunit mahalaga rin ang pagbibigay ng espasyo para sa kanilang pagkakamali.

Ang vision ng PCP II para sa kabataan ay ‘Youth serving youth’. Ito rin ang nais nating mangyari, na ang kabataan ay maging tagapagsulong ng Hapag ng Pamilyang Mindoreno.

Ang AVC Commission on Youth ay kailangang makipag-ugnayan sa AVC-PS at sa kanilang campus ministry para sa iisang pagkilos. Kailangan din ang pakikipag-ugnayan nito sa Comission on Family and Life para sa magkatugmang paghuhubog para sa pamilya, sa Commission on Catechesis para sa angkop na nilalaman ng pagtuturo, sa Commission for the Biblical Apostolate, Commission for Liturgy at Commission for Service para sa mga konkretong larangan ng kanilang apostolado.

ANG PAGLILINGKOD

SA HAPAG NG SALITA NG DIYOS

Sapagkat ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, ang Salita ng Diyos ay kailangang maipahayag sa tuwina, napapanahon man o hindi. Ang atas ni Jesus ay dalhin ang Mabuting Balita sa buong daigdig. Para sa atin, ito ay nangangahulugan ng pagpapahayag nito sa lahat ng pamayanan at sektor ng Silangang Mindoro; nangangahulugan din ito ng pagdadala ng Mabuting Balita sa daigdig ng pamilya, sa daigdig ng edukasyon, sa daigdig ng ekonomiya at kalakalan, sa daigdig ng pulitika. Sa madaling salita, kung susundin ang atas ni Jesus, ang Mabuting Balita ay dapat tumagos sa iba’t ibang larangan ng ating pamumuhay. Ang layunin ay para maakay tayo sa wastong pagkilos, makapamuhay ayon sa kalooban ng Diyos, maging banal, at sa katapusan, magkamit ng walang hanggang kaligtasan.

Ang Hapag ng Salita, na isa sa mga hapag ng ating Core Program (Hapag ng Pamilyang Mindoreno) ay kumikilala sa iba’t ibang paraan ng pagpapahayag ng Salita: ang pagiging saksi at ang hayagang pangangaral ng Salita ng Diyos. Kinikilala natin ang kapangyarihan ng media sa pagdadala ng balita ng ating kaligtasan sa mas maraming tao.

Ibinubukas natin ang Hapag ng Salita sa iba’t ibang anyo at paraan. Isinasaalang-alang natin ang natatanging katayuan ng tagapagdala ng Mabuting Balita at ang konteksto ng pinagpapahayagan. Bawat anyo ay may kanya-kanyang tiyak na layunin.

BIBLE PROMOTION. Marami ang marunong bumasa, ngunit ang kanilang pagbabasa ay limitado sa ilang anyo ng literatura. Ang kakayahan sa pagbabasa ay kailangang maibadling sa pagbabasa ng Biblia. Mahalagang mapalaganap ang pagbabasa ng Biblia at, kaugnay nito, ang pagkakaroon ng Biblia sa bawat pamilya; at kung maaari, ang bawat isang miyembro ng pamilya ay magkaroon din. Simple ngunit makahulugang apostolado ang pamamahagi ng Biblia. Ang walang kaalaman sa Biblia ay hindi maaasahang mamumuhunan para bumili ng sariling Biblia.

EVANGELIZATION THROUGH PERSONAL CONTACT. Sapagkat ang marami sa ating mananampalataya ay hindi dumadalo sa mga pagtitipon na may kinalaman sa pagpapahayag ng Mabuting Balita, isinasagawa ang evangelization sa pagdalaw sa mga pamilya sa kani-kanilang tahanan. May angkop na paghahanda para rito upang ang pagdalaw ay hindi maging ordinaryong pangangapitbahay. Nasimulan na sa AVC ang CETP (Catholic Evangelization Training Program) ngunit pansamantalang napahinto.

CATECHESIS. Kailangan ang sistematikong pagpapahayag ng ating pananampalataya. Mahirap isalin sa buhay ang pananampalataya kung hindi natin nauunawaan ang ating sinasampalatayanan at kung hindi natin nakikita ang pag-uugnay ng mga elemento nito.

Kinikilala natin ang pangangailangan at kakayahan ng iba’t ibang grupo, kaya mayroon tayong children’s catechesis, youth catechesis, at adult catechesis. Kinikilala rin natin ang iba’t ibang paksa na nangangailangan ng tanging pag-aaral, kaya tayo’y may pre-sacramental catechesis, biblicalcatechesis, family catechesis, prayer catechesis at iba pa. Ang ating isinasagawang formation programs sa ating mga parokya ay kahanay ng catechesis.

HOMILY / LITURGICAL PREACHING. Pinasisigla natin ang buhay-pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita at pag-uugnay nito sa ating pang-araw-araw na buhay. Nililiwanag natin ang karanasan ng mga tao gamit ang Salita ng Diyos, at hinihikayat natin sila na gawin itong gabay sa kanilang pamumuhay. Ito ang isinasagawa ng mga inordenang ministro ng Salita—Obispo, pari, at diyakono sa konteksto ng Misa at pagdiriwang ng mga sakramento.

BIBLE SHARING. Naipahahayag ang Mabuting Balita kung ang Salita ng Diyos ay nagkakaroon ng buhay sa ating sariling karanasan. Lumalalim ang ating pananampalataya kung ito’y ating naibabahagi.

RECOLLECTIONS & RETREATS. Ipinahahayag natin ang Salita ng Diyos upang palalimin ang pananampalataya ng mga tao. Ang mas mahabang panahon ng pagharap sa Salita ng Diyos sa diwa ng pananalangin ay nagbibigay ng pagkakataon upang ang Salita ay maangkin at maging daan ng pagpapanibago ng sarili. Marami sa mga pari ay may training para sa recollection facilitation. Wala tayong ibinibigay na training for retreat directors; pero sa labas ng AVC ay mayroon.

COUNSELING. Ang Salita ng Diyos ay ipinahahayag sa mga taong nasa mahirap na katayuan upang sila’y maakay sa wastong desisyon at matinong pamumuhay. May mga training for counselors sa labas ng AVC.

PROCLAMATION OF THE WORD THROUGH BROADCAST MEDIA. Sa panahon na ang mga tao ay nabubuyo sa radyo at telebisyon, mahalagang magamit ang mga ito sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Mahalagang maipahayag ang Salita sa kaaya-ayang paraan nang hindi nawawala ang sustansiya nito.

PUBLICATION. Maraming magagandang kaisipan at pangangaral ang nakakalimutan dahil sa ito’y minsan lamang narinig. Makatutulong kung ang mga ito ay nababalik-balikan. Ang paglilimbag ng mga artikulo o anumang may kinalaman sa Salita ng Diyos ay nakatutulong upang mapalaganap ang kaalaman sa Salita.

TRANSLATION. Karamihan sa babasahin tungkol sa Salita ng Diyos ay nasa wikang banyaga. Mahalagang maisalin ang mahahalagang literatura tungkol dito upang mabasa ng mas nakararami.

Anumang paraan ang gamitin, at alinmang anyo ng pagpapahayag ng Salita ang ihain, may tumutuhog na magkakaparehong layunin: mas malalim na pagkakilala kay Jesus, mas malalim na pagkakilala sa sarili sa liwanag ng plano ng Diyos, mapatibay ang relasyon sa Diyos na nagdadala sa aktibong pakikiisa sa gawain ng Simbahan sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos.

Upang mapanindigan at maging mabisa ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos, mahalaga na ito ay nagmumula sa pananampalataya. Kung sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos ang pangunahing layunin ay kumita, nahaharap tayo sa malaking problema. Totoo na ang mga manggagawa ay may karapatan sa kanilang sahod, ngunit kung ang pagkita ang pangunahing motibasyon at hindi angpananampalataya, nababawasan ang kagandahang ng Mabuting Balita. Paano maipakikilala si Jesus ng sinumang hindi nakakakilala sa kanya? Paano makapag-aakay ang sinumang hindi tumatahak sa wastong landas? Paano makapagpapasigla sa pananampalataya ang sinumang hilahod ang mga paa sa pagsasabuhay nito?

ANG PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

SA KONTEKSTO NG PANLINGGONG

PAGSAMBA

SA MGA PAMAYANAN

Ang ideal na pagdiriwang sa mga pamayanan kung Linggo ay ang pagdiriwang ng Misa sa pangunguna ng pari. Sa ganitong pagdiriwang, ang pari ay nagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng homiliya at nagbibigay ng Banal na Komunyon.

Sa dahilang hindi kayang gampanan ng mga pari na ang lahat ng pamayanan ay mamisahan kung Linggo, mayroon tayong pagdiriwang ng SCAP (Sunday Celebration in the absence of the Priest). Dito ay may pagdiriwang ng Salita ng Diyos at pagbibigay ng Banal na Komunyon sa pamamagitan ng Extraordinary Minister of Holy Communion (EMHC)..

Kung walang makapaglingkod na EMHC, mahalagang ang mga pamayanan ay makapagdiwang pa rin ng Salita ng Diyos.

Ang dalawang huling konteksto ang nais nating tugunan. Nais natin na kahit walang pari, ang Salita ng Diyos ay naipapahayag nang wasto at malinaw upang maunawaan ng mga tao ang ating pananampalataya at magsilbing gabay sa kanilang pamumuhay. Pinapangarap ng ating Simbahang Lokal na makapaghanda ng mga Lay Ministers of the Word para sa ganitong layunin; sila ay maaaring babae o lalaki.

ANG EMHC BILANG

LAY MINISTERS OF THE WORD

Ang mga EMHC mismo ay maaaring maging lay minister of the Word sa konteksto ng pagdiriwang ng SCAP. Sila ay magkakaroon ng training para sa gawaing ito. Ang pagpapahayag ng LMW ay dapat kaugnay ng pagpapahayag ng Kura-Paroko; kayat ang ideal ay magkakasama silang naghahanda. Kung hindi ito magagawa, ang EMHC ay dapat may nakasulat na gabay sa pagpapahayag.

Kung ang EMHC ay walang kakayahang magpahayag ng Salita ng Diyos, ang ministeryo ay ipagkakatiwala sa LMW.

ANG LAY MINISTERS

OF THE WORD

Ang pagkakaroon ng LMW ay tugon sa nakikitang pangangailangan sa ating mga pamayanan. Sapagkat uhaw ang ating mga mananampalataya sa Salita ng Diyos. Ang buwanang misa sa mga pamayanan ay hindi sapat upang matugunan ang pagkauhaw na ito. Kailangan ang mas madalas na pagdiriwang ng Salita ng Diyos.

Kaugnay ng ating Hapag ng Salita ng Diyos, nais nating ihain ang hapag sa mas nakararami. Sa pangunguna ng ating Obispo, itinatatag natin ang Lay Ministers of the Word (LMW). Bilang bagong ministeryo, nangangailangan ito ng buong suporta ng mga pari at ng pamayanan. Mahalaga ang maingat na pagpili upang ang mga bibigyan ng tungkulin ay tunay na karapat-dapat.

Tulad ng ibang ministeryo ng Salita, ang LMW ay dapat kakitaan ng pananampalataya, matuwid na pamumuhay, at kakayahang magpahayag.

DIWANG – BUHAY

NG HAPAG NG EUKARISTIYA

(Daan ng Pagkakaisa)

SA

HAPAG NG PAMILYANG MINDORENO

RATIONALE:

Kapansin-pansin ang kakulangan ng buhay na pagdiriwang ng Eukaristiya sapagkat malinaw ang katotohanan na ang mga sumisimba ay may ibat-ibang baong damdamin batay sa kanilang mga karanasan sa buhay sa pamilya man o mga kapitbahay. May usapin ng di pagkakasundo ng ilan o maaring di nila kapalagayang loob ang maaring nakakatabi sa simbahan. Maaari rin namang naaalangan sila na pumasok sa simbahan o makisalamuha ng lubos dala ng damdaming di sila gaanong tinatanggap bunga ng kanilang kalagayan sa buhay o dili naman kaya’y di nila gaanong tanto ang kahulugan ng mga ginagawa sa mga pagdiriwang. Nakakaapekto ang ganitong mga kalalagayan at mahirap nating makamit ang hinihingi ng tamang pagsamba kung di natin aagapan ang ganitong sitwasyon. Ayon din sa hinahangad ng Vatican II mahalaga na magkaroon ng aktibong pakikisangkot ang mga mananampalataya.

Nararamdaman din sa tahanan ang kakulangan ng magandang ugnayan at pagkakaisa ng bawat kasapi ng pamilya. Kung sakaling magkasama-sama man ay naroroon pa rin ang kadalasang pagtatago ng damdamin na nakakaapekto sa tunay na pagdiriwang ng buhay pamilya.

Malinaw rin na ang sitwasyon ng magkakapitbahay ay may usapin ng pagkakaiba-iba at kadalasa’y nagiging punto ng kahirapan ng tunay at makabuluhang pagdiriwang.Kung may mga okasyon man sa isang pamayanan, maipon man ang magkakapitbahay mababanaag pa rin at mararamdaman ang kahungkagan ng pagsasama bunga ng mga di naaayos na nasirang ugnayan o di kapalagayang loob o iba pang dahilan na mukhang naiisantabi na lamang at hinahayaang hilumin ng lumilipas na panahon.

Nais ngayon nating tugunan ang ganitong mga nagaganap kaya’t minarapat na ilunsad ang programang ito na pinangalanang DIWANG – BUHAY.

KAHULUGAN:

DIWANG – BUHAY , Dalawang salita na mayroon ding dalawang malalaking kahulugan.

Una: pinaikling salita ng “pagdiriwang ng Buhay. Malinaw na ang Liturhiya ay Buhay at ang Buhay ay liturhiya kaya ito ang ipinagdiriwang sa tuwing tayo ay dumadalo ng Banal na Misa, ang ating Buhay. Maging sa loob ng pamilya at sa mga kapitbahay mahalaga ang makatotohanang pagdiriwang ng Buhay.Ang mararamdamang tunay na maligaya ang buhay pamilya at ang buhay ng magkakapitbahay.

Pangalawa: ito’y tumutukoy sa pagbibigay ng katuturan at kahulugan ng buhay upang magkaroon ng higit na pagpapahalaga at pag-aangat ng antas ng dangal.

May tatlong mahahalagang napapailalim sa programang ito ayon na rin sa mga naisaad na:

DIWANG – SIMBAHAN – pagdiriwang sa simbahan

DIWANG – TAHANAN - pagdiriwang sa tahanan

DIWANG – KAPITBAHAYAN - pagdiriwang ng magkakapitbahay

SAKLAW:

Bagamat ang pinakasentro ng programa ay ang HAPAG NG EUKARISTIYA, minarapat na sakupin nito ang mga elemento na makakaapekto kung di bibigyan ng pansin. Ayon na rin sa kahulugan na naisaad sa itaas kung ano ang DIWANG – BUHAY, ito’y umabot hanggang sa tahanan at kapitbahayan na talagang batayan kung tunay nga bang nagiging sentro ng pagkakaisa ang eukaristiya. Magandang tingnan na ang anumang pagdiriwang sa tahanan at kapitbahayan ay siyang nagdadala ng tunay na anyo ng eukaristiyang ipinagdiriwang sa simbahan kaya’t ito’y di maaaring paghiwalayin.

Ang DIWANG – BUHAY ay hindi lumalabas sa kanyang saklaw manapa’y nagbigay ng puwang upang maipagdiwang ang nagiging bunga ng pagbabasa ng Salita ng Diyos sa programang BASALITA na magbubunsod naman sa higit na pagsasagawa ng anumang gawain na itinakda ng programang LINGKOD – BUHAY.

LAYUNIN:

1. Magkaroon ng makabuluhang pagdiriwang ng Eukaristiya, sapagkat malinaw na ang Eukaristiya ang culmen et fons.. rurok at bukal ng makalangit na biyaya.

2. Magkaroon ng isang madiwang pagdiriwang ng Buhay sa tahanan at sa mga magkakapitbahay kasama ang pagtanggap kay Jesus na siyang magbibigay katuturan at kahulugan ng buhay.

3. Maipadama ng bawat isa na sila ay mahalaga at nagpapahalaga, pinalalakas at nagpapalakas ng damdamin at pananampalataya, tinutulungan at tumutulong upang maging katanggap-tanggap na kasapi ng pagdiriwang sa simbahan, tahanan, at kapitbahayan.

4. Magkaroon ng tamang kamalayan ang lahat ng mga tumatanggap at gumaganap sa mga pagdiriwang ng mga sakramento, debosyon at mga sakramental.

MUNGKAHING GAWAIN:

DIWANG – SIMBAHAN

Sa bahagi ng kaparian.

1.Tumayo sa may pintuan ng Simbahan upang mag welcome ng mga tao, maaaring

Ngumiti, kumamay ayon sa kultura ng lugar at hinihingi ng pagkakataon.

2. Makipagkwentuhan man lamang ng kahit bahagya

sa mga taong maaaring sa iyong palagay ay may

kakaibang damdamin o may problema.

3. Bigyan ng pansin ang mga itinuturing na mukhang

mahirap ang buhay na dumarating para sumimba.

Iba pang maaaring gawin:

1.Lumikha ng lupon ng mga ushers na siyang aakay na may pagmamalasakit sa mga taong sa tingin ay madalang makadalo sa misa.

2.Magkaroon ng mga action songs at welcoming activities para sa ikagaganda ng diwa ng bawat isa.

3.Magpatugtog ng mga awiting masisigla sa panahon na maaaring gawin ito bago at pagkatapos ng misa kung hindi ito lalabag sa panahon ng Simbahan (cf. Ordo, Liturgical Seasons at GIRM)

4.Laging bigyan ng pagpapahalaga ang kaayusan ng loob at labas ng simbahan batay sa batas ng liturhiko upang makatulong sa kasiglahan ng pagdiriwang at disposisyon ng damdamin at isipan ng lahat ng natitipon.

5.Ayusin ang mga pagdiriwang ng iba pang mga sakramento, mga debosyon at sakramental.

Sa panahon ng Misa:

1.Maging creative sa misa subalit huwag kakalimutan na igalang ang mga bahagi nito

2.Ipagdiwang ang Misa ayon sa kung ano ang itinagubilin ng batas at maging tapat sa kung ano ang mga kahulugan at nais iparating ng mga bahagi nito. Tandaan na may mayamang kahulugan ang mga bahagi nito upang makatugon sa mga usaping kabanalan at pagkakaisa ng natitipong sambayanan. (halimbawa ang pagkakaroon ng daily homily)

3.Laging isaaalang-alang ang prinsipyo ng buo at aktibong pakikisangkot ng sambayanan sa pagdiriwang.

4.Ayusin ang lahat ng pagkilos ng namiminunong pari, mga ministrong gumaganap at ng natitipong sambayanan habang patuloy na ginaganap ang misa.

5.Pahalagahan ang aplikasyon ng music sa pagdiriwang.

DIWANG – TAHANAN

Sa bahagi ng mga magulang:

1.gumawa ng lugar dalanginan kung saan maaaring maipon ang lahat sa

pananalangin kung sakaling wala pa at kung meron na ay pag ibayuhin ito.

2.pangunahin ng pananalangin at magtakda ng tamang panahon na kung saan ay

higit na naiipon ang mga kasapi ng pamilya.

3.pahalagahan ang sama-samang pananalangin bago at pagkatapos kumain.

4.kung may mga okasyon sa pamilya, may pasinaya man o wala huwag kaligtaan na

manalangin muna at bigyan ng tunay na pagpapahalaga ang bawat isa.

Sa bahagi ng mga anak:

1. tumutulong sa usapin ng katapatan sa magulang at mga kapatid upang makamit ang kapalagayang loob.

2. ilaan ang sarili sa naitakdang panahon ng pananalangin ng pamilya sa pangunguna ng mga magulang.

3. makiisa sa mga gawain lalo’t higit sa ikagaganda ngrelasyon ng bawat isang kasapi ng pamilya.

DIWANG – KAPITBAYAHAN

1.ayusin ang relasyon sa kapitbahay at gawing si Kristo ang sentro ng ugnayan.

(pababahaginan ng mga pagkain etc.)

2.manguna sa pananalangin sa tuwing may mga pagdiriwang o okasyon na nagaganap.

3.hikayatin ang mga kapitbahay sa pagdalo ng Banal na Eukaristiya lalo’t higit kung ito’y gaganapin sa pamayanan.

4.palakasin ang mga bahaginan at ang pagdarasal ng mga magkakapitbahay.

(maaaring ibalik ang pagdarasal ng santo rosaryo o iba pang mga katulad nito)

5.Kung walang Banal na Misa, pahalagahan ang papel na ginagampanan ng mga EMHC na SCAP kung araw ng Linggo.

MGA SANGKOT AT TAGAPAGPAGANAP

Sapagkat ito’y usapin ng pagdiriwang ng buhay sa simbahan tahanan at kapitbahayan nararapat lamang na ang mga sumusunod ay sama-samang magtutulung-tulong;Pangunahin lagi ay ang mga kaparian o bawat kura paroko at katulong nito sa makabuluhang pagdiriwang ng Misa. Kasama na ang lahat ng mga gumaganap sa Banal na Misa. Pagdating sa tahanan nariyan ang mga magulang at mga anak at sa usapin ng magkakapitbahay ang mga pinunong layko (EMHC) at mga nasa organisasyon.

LINGKOD-BUHAY NG HAPAG-KAINAN

SA HAPAG NG PAMILYANG MINDORENO

Panimula at mga Kadahilanan

Bagamat sa Hulyo 2006 pa ang paglulunsad ng Core Program sa buong Bikaryato, minarapat na ng Diocesan Service Commission na gumawa ng konkretong mukha at larawan ng Hapag-Kainan na nagpupuno sa Hapag ng Salita ng Diyos at ng Hapag ng Eukaristiya sa paghahanda at patuloy na pagpapatupad ng Core Program. Ito ay pinangalanang Lingkod-Buhay.

Bakit tinawag itong Lingkod-Buhay? Dalawa ang mahahalagang dahilan. Una, ang buhay ng tao ang sentro ng mga nilikha ng Diyos. At dahil tao ang sentro ng sangnilikha, plano at kalooban ng Diyos na maging ganap ang buhay ng tao patungo sa kaluwalhatian ng kanyang Kaharian dito sa lupa. Ikalawa, nilikha ng Diyos ang tao hindi lamang para sa pansariling kapakanan at kagalingan, bagkus ito’y para rin sa kagalingan ng ibang pamilya tungo sa kagalingang panlahat. Kaya nga, pananagutang moral ng bawat isa ang maglingkod para sa kaganapan ng buhay ng iba. Ang layunin ng temporal na mga bagay sa mundong ito ay para sa kagalingan ng lahat at hindi sa pansariling kapakanan lamang.

Ano ang pangunahing binibigyang-pansin at pagtugon ng Lingkod-Buhay? Ang temporal na kagalingan ng pamilya ang pangunahing binibigyang-pansin ng Lingkod-Buhay ayon sa liwanag ng Hapag ng Salita ng Diyos na siyang ugat ng lahat ng ating pagkilos. Ito ay tumutukoy sa temporal na mga pangangailangan katulad ng pagkainsa mesa, bahay at hanapbuhay, edukasyon at kalusugan, pagkalinga sa kalikasan, at mabuting pamamahala ng pamahalaan. Tayo ay naniniwala na higit na magiging masigla ang pagdiriwang ng Hapag ng Eukaristiya at higit na magiging buo ang pagpapahaya