speech delivered by chief justice maria lourdes p. a...

Download Speech delivered by Chief Justice Maria Lourdes P. A ...sc.judiciary.gov.ph/aboutsc/justices/cj-sereno/2014/CJ Sereno... · attitude na ningas-kugon sa mga namamahala nito. Magaganap

If you can't read please download the document

Upload: dinhtuyen

Post on 06-Feb-2018

237 views

Category:

Documents


13 download

TRANSCRIPT

  • 1

    Speech delivered by Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno during the 103rd Commencement Exercises of the University of the Philippines (UP) Diliman on April 27, 2014 at the University Amphitheater, UP Diliman, Quezon City

    Kagalang-galang na pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, Dr. Alfredo E.

    Pascual, kagalang-galang na mga rehente ng Unibersidad ng Pilipinas; kagalang-

    galang na Chancellor ng UP Diliman, Dr. Michael L. Tan; ang mga pinuno ng

    ibat-ibang opisina kalakip ng UP system at ng UP Diliman; ang mga guro at

    kawani ng Unibersidad ng Pilipinas; higit sa lahat, ang mga nagsipagtapos at

    magsisipagtapos sa araw na ito at ang mga nagmamahal sa inyo, ipinaaabot ko

    po ang aking taus-pusong pagbati sa inyong lahat sa araw ng inyong tagumpay.

    Kung mamarapatin niyo po, gusto ko lang po bigyan ng kaibang

    pagpupugay ang mga kapatid ko sa law school. (No audio from 2:30 to 2:39)at

    sa mga katabing gusali.

    Maaaring dalawa o higit pa po ang kuru-kuro niyo sa maaaring sabihin

    ng Punong Mahistrado sa mga magtatapos ng pag-aaral sa Unibersidad ng

    Pilipinas. Ang una pong hula ko na sinasabi ng iba sa inyo ngayon, Napaka-

    boring o nakababagot pakinggan ang isang huwes kahit alumna pa siya ng

    pinaka-exciting na unibersidad sa buong Pilipinas kasi napakaseryoso ng

    sasabihin niya sa mga magtatapos ng pag-aaral dahil siya ay huwes. O kaya,

  • 2

    Baka naman may bago siyang perspektiba na makakatulong sa aking pag-

    unawa sa aking kinabukasan o kaya sa kasalukuyang nangyayari sa ating

    bansa.

    Ang balita ko po sa inyo, seryoso, makakatulong sa kinabukasan, at may

    kinalaman sa pangkasalukuyang pangyayari ang pag-uusapan natin ngayong

    hapon. Ngunit hindi po ito nakababagot, kundi exciting o nakakapagpabilis ng

    dugo ang pag-uusapan natin ngayon. At masasabi ko po sa inyo dahil kasama

    ko kayong mga iskolar at pag-asa ng bayan, doble po ang aking gana na

    patunayan sa inyo kung bakit tayo dapat ma-excite sa kinabukasan ng ating

    bayan. (claps) Salamat po. Marunong po silang sumunod sa prompt. (laughs)

    Noon po, imposible na malaman kung magkano o gaano kalaki ang

    pagdarambong sa kaban ng bayan. Wala pong mga whistleblowers. Kung

    mayroon man, panaka-naka at bagamat mayroon na pong COA o Commision on

    Audit, wala pong masusing pag-o-audit ang ginagawa sa mga pondong

    ipinagkatiwala ng ating pamahalaan sa mga opisyales nito. Wala pong gaanong

    interes na pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng accountability sa

    gobyerno, kung gaano ba katapat ang pagsunod sa mga alituntunin ng

    Konstitusyon.

    Alam po ng lahat na ang mga mansiyon ng mga matataas na opisyales ay

  • 3

    hindi po nila kayang ipagawa sa lehitimong kita, lalo na pot maraming mga

    querida o pamilya. Ngunit kakaunti lamang po ang makapagtataas ng boses

    laban sa garapalang pamumuhay nang magara. Kahit anong ingay po ng ilang

    mga peryodista, mananalo at mananalo pa rin po ang ganoong mga pulitiko sa

    mga halalan at napakaliit po ng tyansa na sila ay maipakulong.

    Iba na po ang ihip ng hangin ngayon. Ngayon, hindi lang po dumadami

    ang mga whistleblowers, nagiging masigasig na po ang government auditors, at

    hindi po nagsasawa ang mga taong-bayan na hilingin na managot ang dapat

    managot sa hindi lamang kapabayaan kundi maaaring tahasang pagnanakaw

    sa ating bayan.

    Hindi ko po masasabi ang kahihinatnan ng lahat ng mga imbestigasyon,

    akusasyon, at mga kasuhan sa Korte ngayon sapagkat bilang huwes, hindi ko

    maaaring husgahan ang sala ng isang akusado hanggat napatunayan na ang

    ebidensiya sa hukuman. Ngunit ang masasabi ko po, ano man ang magiging

    kararatnan ng mga judicial processes na dadaanan, kailangan po ng walang

    humpay na pagbabantay ng taong-bayan hindi lamang sa kaban ng bayan,

    kundi sa paggawa ng mga tungkuling iniatas ng ating Konstitusyon sa mga

    opisyales ng pamahalaan mula po sa pinakamababang huwes hanggang sa

    matataas na mahistrado ng Korte Suprema, mula po sa maliliit na clerk ng

  • 4

    Bureau of Internal Revenue hanggang district officers at higit pa, mula sa mga

    administrative officers ng dalawang kamara ng lehislatura hanggang sa

    mismong mga mambabatas.

    Hindi po dahil inaakusahan natin ang kahit sino na hindi gumagawa ng

    kanilang mga trabaho wala po tayong ganoong akusasyon ngunit dahil

    matindi po ang pagnanasa ng sambayanang Pilipino sa tunay, malawakan, at

    malalimang pagbabago. Hindi na po tayo pumapayag sa business as usual. Hindi

    na po tayo papayag sa mga manggagawang papatay-patay.

    Ang kagustuhan ng lahat ay makita ang matibay na progreso at

    kaganapan sa ating bansa pagkat natitikman na po natin, bahagyang

    nalalasahan na po ng ating mga dila ang tamis ng bagong Pilipinas isang

    Pilipinas kung saan ang mga mamamayan ay mararangal, masisipag, at

    matatalino, isang bansang maaaring ipagyabang hindi lamang sa angking

    kakayanan ng kanyang mga mamamayan sa ibat-ibang larangan anumang

    sulok ng mundo ngunit dahil ito ay isang bayan na malayo na ang narating mula

    sa kabayanihan na ipinakita niya noong siya ang unang lahi sa modernong Asya

    na nagtaguyod ng rebolusyon laban sa lahing puti. Mula sa kagitingin ng

    pakikidigma sa mga Hapones at pagbangon ng bansa lalo na ng Maynila sa

    pagkapulbos niya sa World War II kung saan ipinakita niya sa buong mundo

  • 5

    ang kawalan niya ng takot sa mga tangke ng giyera sa pinaka-unang People

    Power sa buong mundo.

    Marami na po tayong nagawang nakakahanga. Maaring nakakalimutan

    lang po natin. At marami pa rin tayong kadakilaang magagawa na higit na

    kahanga-hanga. Halimbawa na lamang po, ngayon lang po ako nakakakita ng

    napakadaming mga kabataang gustong maglingkod sa gobyerno sa ibat-ibang

    kapasidad, o kaya maging tourist guide dahil sa umaapaw ang pride nila sa

    kagandahan ng likas na yaman ng Pilipinas o sa yaman ng kasaysayan nito, o

    kayay maging national scientist dahil gusto nilang pag-aralan ang libu-libong

    hindi pa nasisiyasat na species ng halaman, hayop, at marine life sa Pilipinas, o

    maging environmentalist para pangalagaan ang kinabukasan ng yamang

    natural nito, o kaya maging winning athlete sa ibat-ibang paligsahan para

    mabitbit ang bandera ng Pilipinas. At ilan po sa matatapang nating mga

    kabataan ang umakyat sa Mt. Pulag at iba pang matatayog na bundok sa bansa

    at nagkaroon ng epiphany na ang pagtapak pala sa tuktok ng bundok ay para

    ring pagkamit ng matatayog na pangarap sa buhay kasama na ang mga

    pangarap para sa ating mahal na bansa. Bumubukal ang pagmamahal natin sa

    ating bayan sa bawat paghimas, bawat pagmasid at paglalarawan sa sining at

    literatura sa marikit at makulay na kalikasan ng ating bayan. At higit pa rito

  • 6

    ang kaya niyong gawin. Alam kong isang libong hugis at anyo ng kadakilaan at

    pagmamahal sa bayan ang inyong ipinamamalas ngayon at kaya niyo pang

    ipamalas, mga mahal kong kabataan.

    Sa amin pong banda sa hudikatura, mayroon po kaming isang proyekto

    na ang tawag namin ay Hustisyeah! upang bawasan ang sandamakmak na mga

    kaso sa aming mga korte. Kinailangan po naming hingin ang tulong ng mga

    volunteer na lawyers at law students. Hindi ko po inakala na ang kanilang

    exposure sa aming mga korte ay hindi lamang iilan sa mga law students ang mga

    ngayon ay nangangarap na maging huwes o kaya kahit clerk of court man

    lamang. Ang clerk of court po ay ang aming court manager. Naiintindihan po

    nila na ang hustisya ay hindi isang theoretical concept lamang ngunit upang

    mabuhay, kailangan din ng dugong buhay na ibubuhos sa pang-araw araw na

    pagaasikaso sa mga asunto na nakapila sa aming mga korte, ang pagsisigurado

    na ang mga notices at subpoena ay nakararating sa mga abogado at mga testigo,

    ang pagbantay sa karapatan ng mga nasasakdal, ang mabilis at masusing

    pagtapos ng transcript o stenographic notes sa bawat hearing, at ang

    malalimang pagsusuri sa bawat kaso upang maging wasto at makatarungan

    ang desisyon ng korte.

    Ang leksyon, hindi po pala biru-biro ang pagpapalaganap ng hustisya sa

  • 7

    ating bayan. Hindi po ito gawa ng mga bata. Hindi po katanggap-tanggap ang

    attitude na ningas-kugon sa mga namamahala nito. Magaganap lang ang

    hustisya at maitatatag lamang natin ang ating bayan kung bawat isa sa atin, bata

    man o matanda, estudyante man o katatapos pa lamang, ay huhugot ng ibayong

    kadakilaan at kabayanihan sa pinaka-ibuturan ng ating kaluluwa at ibibigay

    nang walang pag-iimbot ang ating mga buong sarili sa ating bayan.

    Dati po nakalulungkot na marami sa magagaling na graduates ng UP

    College of Law, ang sasabihin ay, Gusto kong maging lawyer sa top law firm sa

    Makati kasi yayaman ako nang husto. Ngayon, ang mga magagaling, ang

    itinatanong, Paano ako makapagsisilbi nang husto sa aking bayan?

    Kayat aking mga kaibigan, kayo na kasingbata lamang o mas bata pa sa

    aking mga anak, huwag niyong sayangin ang inyong kabataan, ang inyong

    lakas, ang kaningningan ng inyong mga mata, [at] ang inyong ideyalismo at

    pagkamalikhain sa mga pangarap na walang sasay, ngunit mangarap kayo ng

    napakagandang pangarap para sa ating bayan. Kung anumang kakulangan ang

    nangyari sa mga henerasyon ng inyong mga magulang, mga lolot lola, at

    kaninuninuan, punan niyo. Higitan niyo ang kabayanihan nila sa Tirad Pass.

    Lagpasan niyo ang sakripisyo nila sa Death March. Mas galingan niyo ang

    kakaibang diwa na ipinakita nila sa EDSA People Power pagkat nasa inyong

  • 8

    mga kamay ang pagkakataon. Nasa inyong mga kamay ang oras. Nasa inyong

    mga kamay ang katawan at ang lakas. At higit sa lahat, nasa inyo ang mga boses

    na sisigaw [ng], Tama na. Tama na ang katiwalian. Tama na ang lamangan.

    Tama na ang kaswapangan. Panahon na para ang katarungan ang manaig.

    Panahon na upang kung ano lang ang tama ang gagawin ng bawat isa sa atin.

    Natutuwa po ako na marami sa inyong mga kabataan ang nabababawan

    sa mga miyembro ng nakaraang henerasyon na mahilig sa lavish parties, sa

    mga designer bags at shoes. Alam kong natatawa at naaawa po kayo sa kanila

    pagkat alam niyong ang ganyang kababawan ay hindi magdadala ng tunay na

    kagandahan. Hinahanap niyo ang kagandahang nagmumula sa pagpapakatotoo,

    sa pagiging authentic. Hinahanap niyo ang mga namumuno na hindi peke, at

    pinaparamdam niyo ito sa ibat-ibang paraan. Marami po sa inyong mga

    kabataan ay naghahanap ng authentic life of service. At hinihimok ko po kayo,

    ipagpatuloy niyo po ang paghahanap na ito at ang pagpapalaganap ng buhay na

    malalim, buhay na bukas sa katotohanang mapagpalaya, buhay ng pagtataya ng

    sarili, buhay na magpapalaganap sa nobilidad ng Pilipino.

    Sa napakagandang bukas na hinaharap natin, kung tayong mga Pilipino

    ay magbubuklod sa ating hangaring tunay na pagsilbihan ang ating bayan,

    dumaos ka nawa. Naway basbasan ang henerasyon na ito at ang darating pang

  • 9

    mga henerasyon ng kabutihan ng Maykapal, ang Diyos ng katotohanan at pag-

    ibig, ang Diyos na mapagpalaya, ang Diyos na nagmamahal sa bansang

    Pilipinas.

    Mabuhay po kayong lahat, at pagpalain kayo ng Diyos sampu ng inyong

    mga mahal sa buhay. Kalakip po ng damdaming ito ang lahat ng aking

    panalangin para sa ikabubuti ng inyong mga buhay at ang buhay pa ng inyong

    mga minamahal.

    Mabuhay po ang iskolar at bayani ng bayan!