est-reb...ljlqljllw ql +hjho 6d kdols lwr·\ surgxnwr qj olsxqdq vd lvdqj wdngdqj \xjwr qj sdj xqodg...

76
ANG ESTADO AT REBOLUSYON MGA MANGGAGAWA NG LAHAT NG BAYAN, MAGKAISA! V. I. LENIN ANG ESTADO AT REBOLUSYON Ang Marxistang Itinuro tungkol sa Estado at ang mga Tungkulin ng Proletaryado sa Rebolusyon. PALIMBAGANG SENTRAL Disyembre 2005 Ito ang bagong salin ng Ang Estado at Rebolusyon; nirerebisa nito ang salin noong Pebrero 1987 ng Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin sa akdang ito ni Lenin. Bukod sa ilang pag-aayos sa salin at pagwawasto sa ilang tipograpikal na pagkakamali, may mga linyang nalaktawan at hindi naisalin ang nabanggit na unang salin. Hindi kami nakahanap ng edisyon ng tekstong Ingles na inilimbag ng Foreign Languages Press, Beijing noong 1976, kaya’t ang ginamit na edisyong Ingles ay ang edisyon ng International Publishers Co., Inc. ng 1932 at 1943; sinangguni rin namin ang edisyon na nasa Internet na malamang na edisyon ng Foreign Languages Press, Beijing dahil taglay nito, kasama ng sa ibang edisyon, ang mga footnote ng nabanggit na edisyon. Pambansang Kawanihan sa Salin- Pambansang Kagawaran sa Edukasyon Disyembre 2005

Upload: others

Post on 19-Feb-2021

0 views

Category:

Documents


0 download

TRANSCRIPT

  • ANG ESTADO AT REBOLUSYON MGA MANGGAGAWA NG LAHAT NG BAYAN, MAGKAISA! V. I. LENIN ANG ESTADO AT REBOLUSYON Ang Marxistang Itinuro tungkol sa Estado at ang mga Tungkulin ng Proletaryado sa Rebolusyon. PALIMBAGANG SENTRAL Disyembre 2005 Ito ang bagong salin ng Ang Estado at Rebolusyon; nirerebisa nito ang salin noong Pebrero 1987 ng Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin sa akdang ito ni Lenin. Bukod sa ilang pag-aayos sa salin at pagwawasto sa ilang tipograpikal na pagkakamali, may mga linyang nalaktawan at hindi naisalin ang nabanggit na unang salin. Hindi kami nakahanap ng edisyon ng tekstong Ingles na inilimbag ng Foreign Languages Press, Beijing noong 1976, kaya’t ang ginamit na edisyong Ingles ay ang edisyon ng International Publishers Co., Inc. ng 1932 at 1943; sinangguni rin namin ang edisyon na nasa Internet na malamang na edisyon ng Foreign Languages Press, Beijing dahil taglay nito, kasama ng sa ibang edisyon, ang mga footnote ng nabanggit na edisyon. Pambansang Kawanihan sa Salin-Pambansang Kagawaran sa Edukasyon Disyembre 2005

  • NILALAMAN Paunang Salita sa Unang Edisyon Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon KABANATA I ANG MAKAURING LIPUNAN AT ANG ESTADO 1. Ang Estado Bilang Produkto ng Di Mapagkakasundong mga Antagonismo ng mga Uri 2. Espesyal na mga Organo ng Armadong Tauhan, Bilangguan, Atbp. 3. Ang Estado Bilang Instrumento para sa Pagsasamantala sa Aping Uri 4. Ang “Paglalaho” ng Estado at Marahas na Rebolusyon KABANATA II KARANASAN NG 1845-51 1. Ang Bisperas ng Rebolusyon 2. Ang Paglalagom sa Rebolusyon 3. Ang Pormulasyon ni Marx sa Usapin noong 1852 KABANATA III ANG KARANASAN NG KOMUNA NG PARIS NG 1871: ANG PAGSUSURI NI MARX 1. Ano ang Bumubuo sa Kagitingan ng mga Komyunard? 2. Ano ang Ipapalit sa Winasak na Makinarya ng Estado? 3. Ang Abolisyon ng Parlamentarismo 4. Pag-oorganisa ng Pagkakaisa ng Bansa 5. Ang Pagwawasak sa Parasitong Estado KABANATA IV DAGDAG NA MGA PALIWANAG NI ENGELS 1. Ang Usapin ng Pabahay 2. Argumento laban sa mga Anarkista 3. Sulat kay Bebel 4. Puna sa Borador ng Programang Erfurt 5. Ang Paunang Salita ng 1891 sa Ang Digmaang Sibil sa Pransya na sinulat ni Marx 6. Si Engels Tungkol sa Pangingibabaw sa Demokrasya KABANATA V ANG PANG-EKONOMYANG BASE NG PAGLALAHO NG ESTADO 1. Ang Pormulasyon ni Marx sa Usapin

  • 2. Ang Transisyon Mula Kapitalismo Tungong Komunismo 3. Ang Unang Yugto ng Lipunang Komunista 4. Ang Nakatataas na Yugto ng Lipunang Komunista KABANATA VI ANG BULGARISASYON SA MARXISMO NG MGA OPORTUNISTA 1. Ang mga Argumento ni Plekhanov Laban sa mga Anarkista 2. Ang mga Argumento ni Kautsky Laban sa mga Oportunista 3. Ang mga Argumento ni Kautsky Laban kay Pannekoek Dagdag sa Unang Edisyon Mga Tala PAUNANG SALITA SA UNANG EDISYON Nagkakaroon ngayon ng partikular na kahalagahan ang usapin ng estado, kapwa bilang teorya, at mula sa punto de bista ng praktikal na pulitika. Pinabilis at pinatindi nang husto ng imperyalistang digmaan ang transpormasyon ng monopolyong kapitalismo tungo sa monopolyong kapitalismo ng estado. Lalo pang nagiging mas kakila-kilabot ang kakila-kilabot na pang-aapi sa masang manggagawa ng estado, na lalo pang mahigpit na nakikipagkaisa sa mga asosasyong kapitalistang makapangyarihan sa lahat. Ang nangungunang mga bayan – pinag-uusapan natin dito ang kanilang “‘likuran” – ay ginagawang mga bilangguang militar para sa mga manggagawa. Dahil sa walang katulad na kilabot at paghihirap sa matagalang digmaan, hindi na makakatiis ang masa sa kanilang kalagayan at lalong tumitindi ang kanilang galit. Malinaw na namumuo ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Nagkakaroon ng praktikal na kahalagahan ang usapin ng relasyon nito sa estado. Ang mga elemento ng oportunismo, na naipon noong mga dekada ng relatibong mapayapang pag-unlad, ay nakapangibabaw ng tunguhin ng sosyal-sobinismo sa upisyal na mga partidong sosyalista sa buong mundo (sina Plekhanov, Potresov, Breshkovskaya, Rubanovich, at sa anyong bahagyang nakatago, sina G. Tsereteli, Chernov at mga kasamahan nila sa Rusya; sina Scheidemann, Legien, David at iba pa sa Germany; sina Renaudel, Guesde, Vandervelde sa France at Belgium; si Hyndman at ang mga Fabian2 sa England, atbp., atbp.). Ang sosyalismo sa salita, sobinismo sa gawa ay kinatatangian ng napakasama at sunud-sunurang pag-angkop ng “mga lider ng sosyalismo” hindi lamang sa interes ng “kanilang” pambansang burgesya kundi sa interes mismo ng “kanilang” estado – dahil matagal nang pinagsasamantalahan at inaalipin ng mayorya ng tinatawag na Malalaking Kapangyarihan ang napakaraming maliit at mahinang nasyunalidad. Ang imperyalistang digmaan ay isa lamang digmaan para hatiin at muling hatiin ang ganitong klase ng dambong. Imposible ang pakikibaka sa pagpapalaya ng masang anakpawis sa impluwensya ng burgesya sa pangkalahatan, at sa impluwensya ng imperyalistang burgesya sa partikular, kung hindi lalabanan ang oportunistang mga pamahiin tungkol sa “estado”. Unang-una susuriin natin ang mga itinuro nina Marx at Engels tungkol sa estado at tatalakayin nang may kalaliman ang mga aspeto ng kanilang mga itinurong ito na nakalimutan o binaluktot ng

  • oportunismo. Pagkaraa’y susuriin natin laluna ang pangunahing kinatawan ng mga mambabaluktot na ito, si Karl Kautsky, ang pinakatanyag na lider ng Ikalawang Internasyunal (1889-1914), na dumanas ng kalunus-lunos na pagkabangkarote sa pulitika sa kasalukuyang digmaan. Panghuli, lalagumin natin sa kabuuan ang karanasan ng Rebolusyong Ruso ng 1905, at laluna ang rebolusyon ng 1917. Sa ngayon (unang bahagi ng Agosto 1917), malinaw na tinatapos na ng rebolusyon ang unang bahagi ng pag-unlad nito; pero sa pangkalahatan, maiintindihan lamang ang rebolusyong ito sa kabuuan bilang kawing sa kadena ng mga sosyalistang rebolusyong proletaryo na iniluluwal ng imperyalistang digmaan. Sa gayon, hindi lamang nagkakaroon ng praktikal na kahalagahan sa pulitika ang usapin ng relasyon ng sosyalistang rebolusyong proletaryo sa estado, kundi nagkakaroon din ng kahalagahan bilang pinakakagyat na usapin sa ngayon, ang usapin ng pagpapaliwanag sa masa kung ano ang dapat nilang gawin sa kagyat na hinaharap para mapalaya ang sarili sa kapangyarihan ng kapitalismo. Ang May-akda Agosto 1917 PAUNANG SALITA SA IKALAWANG EDISYON Inilalathala nang halos walang pagbabago ang kasalukuyang ikalawang edisyon, maliban sa idinagdag ang ikatlong seksyon sa Kabanata II. Ang May-akda Moscow Disyembre 17, 1918 ANG ESTADO AT REBOLUSYON1 KABANATA I ANG MAKAURING LIPUNAN AT ANG ESTADO 1. ANG ESTADO BILANG PRODUKTO NG DI MAPAGKAKASUNDONG ANTAGONISMO NG MGA URI Sa takbo ng kasaysayan, ang nangyayari ngayon sa mga itinuro ni Marx ay paulit-ulit na nangyari sa mga itinuro ng ibang mga rebolusyonaryong palaisip at lider ng inaaping mga uring nakikibaka para lumaya. Noong nabubuhay ang dakilang mga rebolusyonaryo, walang tigil silang ginigipit ng mapang-aping mga uri, at sinalubong ang kanilang mga itinuturo ng pinakamabangis na paglaban, nagngangalit na pagkamuhi, at pinakamalulupit na kampanya ng kasinungalingan at paninirang-puri. Pagkamatay nila’y tinatangka namang gawin silang mga imaheng di makakapinsala, gawing santo at gawing sagrado

  • ang kanilang mga pangalan bilang “pampalubag-loob” sa mga inaaping uri ’sa layuning linlangin sila, samantalang pinapawalan ng bisa at binubulgarisa ang tunay na nilalaman ng kanilang mga rebolusyonaryong teorya at pinapapurol ang rebolusyonaryong talim ng mga ito. Sa kasalukuyan, ang burgesya at ang mga oportunista sa loob ng kilusang manggagawa ay nakikipagtulungan sa pagpapalabnaw na ito sa Marxismo. Inaalis, binubura at binabaluktot nila ang rebolusyonaryong bahagi ng mga itinuturo nito, ang rebolusyonaryong diwa nito. Pinapatampok nila at pinupuri ang anumang bagay o anumang mukhang katanggap-tanggap sa burgesya. “Mga Marxista” na ngayon (huwag kayong tumawa!) ang lahat ng sosyal-sobinista. Pero dumadalas nang dumadalas na banggitin ng burges na mga propersor na German, na kamakailan lamang ay mga espesyalista sa pandudurog sa Marxismo, si Marx na “kababayang German”, na sabi nila’y nagturo sa mga unyon ng mga manggagawa, na mahusay ang pagkakaorganisa para sa pagsasagawa ng kasalukuyang mapandambong na digma! Sa ganitong kalagayan, ang una nating tungkulin ay buhayin muli ang tunay na mga itinuturo ni Marx tungkol sa estado, dahil napakalaganap ng mga pambabaluktot sa Marxismo. Para sa layuning ito, kakailanganing sumipi nang mahaba-haba sa mga akda nina Marx at Engel mismo. Mangyari pa, pabibigatin ng mahahabang sipi ang teksto at hindi makakatulong para maging popular itong babasahin pero hindi natin maiiwasan ang mga ito. Ang lahat, o anu’t anuman, ang lahat ng esensyal na sipi sa mga akda nina Marx at Engels tungkol sa paksang estado ay dapat sipiin nang buung-buo para makabuo ng independyenteng opinyon ang mambabasa tungkol sa kabuuan ng mga pananaw ng mga tagapagtatag ng syentipikong Sosyalismo at tungkol sa pag-unlad ng mga pananaw na iyon, at para mapatunayan sa pamamagitan ng tuwirang sipi at malinaw na malinaw na maipakita sa lahat ang pambabaluktot sa mga ito ng kasalukuyang nangingibabaw na “Kautskyismo”. Mag-umpisa tayo sa pinakapopular sa mga akda ni Engels, Ang Pinagmulan ng Pamilya, Pribadong Pag-aari at Estado, na ang ikaanim na edisyon ay inilimbag sa Stuttgart noong pa mang 1894. Dapat nating isalin ang mga sipi mula sa orihinal na German dahil sa malaking parte’y di kumpleto, o di lubusang kasiya-siya ang mga salin sa Ruso kahit napakarami. Sa paglalagom ni Engels sa kanyang pagsusuri sa kasaysayan, sinabi niya: “Kung gayon, ang estado ay hindi isang kapangyarihang ipinataw sa lipunan mula sa labas; lalong hindi ito ang ‘realidad ng ideya sa moralidad’, ‘ang larawan at realidad ng rason’, tulad ng iginigiit ni Hegel. Sa halip, ito’y produkto ng lipunan sa isang takdang yugto ng pag-unlad; ito’y pag-amin na ang lipunang ito’y nabulid sa di malulutas na mga kontradiksyon sa sarili, na nahati ang lipunang ito sa di mapagkakasundong mga antagonismo na hindi nito kayang pawiin. Pero para di maupos ng mga antagonismong ito, ang mga uring may magkakatunggaling pang-ekonomyang interes, ang sarili at ang lipunan sa walang saysay na tunggalian, kailangang magkaroon ng kapangyarihang sa wari’y mas mataas sa lipunan na ang tungkulin ay mamagitan sa hidwaan at pananatilihin ito sa balangkas ng ‘kaayusan’; at ang kapangyarihang ito, na lumitaw mula sa lipunan pero inilagay ang sarili sa ibabaw nito, at patuloy na ihinihiwalay ang sarili mula dito, ay ang estado.” (M.p. 177-78, ikaanim na edisyong Aleman.)3 Malinaw na malinaw na ipinapahayag nito ang saligang ideya ng Marxismo tungkol sa istorikong papel at kabuluhan ng estado. Ang estado ay produkto at manipestasyon ng kalagayang di mapagkakasundo ang makauring mga antagonismo. Lumilitaw ang estado saanman, kailanman at hanggang sa antas na obhetibong hindi mapagkakasundo ang makauring mga antagonismo. Gayundin, pinapatunayan naman ng pag-iral ng estado na di mapagkakasundo ang makauring mga antagonismo. Sa pinakaimportante at pundamental na puntong ito mismo nag-uumpisa ang dalawang pangunahing linya sa pambabaluktot ng Marxismo. Sa isang banda, dahil napipilitang tanggapin bunga ng di mapapag-alinlanganang istorikong datos na umiiral lamang ang estado kung may makauring mga antagonismo at tunggalian sa uri, “iwinawasto”

  • si Marx ng mga ideolohistang burges, laluna ang mga ideolohistang petiburges, sa paraang ipinalilitaw na ang estado ay isang organo para pagkasunduin ang mga uri. Ayon kay Marx, hindi makalilitaw o makapananatili ang estado kung posibleng pagkasunduin ang mga uri. Ayon naman sa petiburges at pilistinong mga propesor at publisista, ang estado ay nagiging tagapagkasundo ng mga uri – at madalas ginagawa nila ito sa bisa ng mapagpalang pagtukoy kay Marx! Ayon kay Marx, ang estado ay organo ng makauring paghahari, isang organo para apihin ng isang uri ang isa pang uri; ang layon nito’y likhain ang “kaayusan” na nagliligalisa at nagpapanatili sa pang-aaping ito sa pamamagitan ng pagpapagaan sa banggaan ng mga uri. Sa palagay naman ng mga pulitikong petiburges, ang ibig sabihin ng kaayusan ay ang pagkakasundo ng mga uri, at hindi ang pang-aapi ng isang uri sa isa pang uri; ang ibig sabihin, anila, ng pagpapagaan sa banggaan ay pagkasunduin ang mga uri, at hindi ang pagkakait sa mga uring api ng ilang tiyak na kasangkapan at paraan ng pakikibaka para ibagsak ang mga nang-aapi. Halimbawa, noong Rebolusyon ng 1917, nang lumitaw sa buong kalawakan nito ang usapin ng tunay na kahulugan at papel ng estado bilang praktikal na usaping humihingi ng kagyat na tugon sa malawak at pangmasang saklaw, agad at lubos na nabaon ang lahat ng Sosyalista-Rebolusyonaryo at Menshevik sa petiburges na teorya na “pinagkakasundo” ng “estado” ang mga uri. Punung-puno ng petiburges at pilistinong teorya ng “pagkakasundo” ang di mabilang na resolusyon at artikulo ng mga pulitiko ng dalawang partidong ito. Hinding-hindi maiintidihan ng mga demokratang petiburges na ang estado ay organo ng paghahari ng isang tiyak na uri na hindi mapapagkasundo sa mga kataliwas nito (ang uring kasalungat). Ang aktitud sa estado ay isa sa pinakatampok na mga patunay na ang mga Sosyalista-Rebolusyonaryo at Menshevik ay hinding-hindi mga Sosyalista (na laging iginigiit nating mga Bolshevik), kundi mga demokratang petiburges na gumagamit ng mga pananalitang halos Sosyalista. Sa kabilang banda, napakapino ng “Kautskyistang” pambabaluktot sa Marxismo. “Sa teorya,” hindi ikinakaila na ang estado ay organo ng makauring paghahari o kaya’y na hindi mapagkakasundo ang makauring mga antagonismo. Pero ang kinakalimutan o pinagtatakpan ay ito: kung ang estado ay produkto ng di mapagkakasundong katangian ng makuring mga antagonismo, kung isa itong kapangyarihan nasa ibabaw ng lipunan at “higit na ihinihiwalay ang sarili sa lipunan”, kung gayo’y malinaw na hindi lamang imposible ang paglaya ng inaaping uri kung walang marahas na rebolusyon kundi imposible rin ito kung hindi rin wawasakin ang makinarya ng kapangyarihang pang-estado, na nilikha ng naghaharing uri at kumakatawan sa “pagkakahiwalay” na ito. Tulad ng makikita natin maya-maya, hinalaw ni Marx ang napakalinaw sa teoryang kongklusyong ito mula sa isang kongkretong istorikong pagsusuri sa mga usapin ng rebolusyon. At ang kongklusyong ito mismo ang “kinalimutan” at binaluktot ni Kautsky – tulad ng detalyado nating ipapakita sa susunod. 2. ESPESYAL NA MGA ORGANO NG ARMADONG TAUHAN, BILANGGUAN, ATBP. Pagpapatuloy ni Engels: Kung ikukumpara sa sinaunang organisasyon ng gens, ang unang natatanging katangian ng estado ay ang pagbubuklod ng mga sakop ng estado sa batayang teritoryal…. Para sa atin, mukhang “natural” ang ganoong pagkakabuklud-buklod, pero nangyari lamang ito matapos ng matagalan at mapaminsalang pakikibaka sa lumang anyo ng lipunang tribu o hentil. … Ang pangalawang natatanging katangian ay ang pagtatatag ng kapangyarihang publiko na hindi na absolutong tumutugma sa mamamayang nag-oorganisa ng sarili bilang armadong pwersa. Kailangan ang espesyal na kapangyarihang publikong ito dahil naging imposible na ang kusang kumikilos na armadong organisasyon ng mamamayan, mula nang mahati ang lipunan sa mga uri.… Umiiral ang kapangyarihan publikong ito sa lahat ng estado; hindi lamang ito binubuo ng armadong

  • tauhan kundi pati ng materyal na mga kahugpong nito, ang mga bilangguan at mapamwersang institusyon ng lahat ng tipo, na hinding-hindi matatagpuan sa ang lipunang hentil.”* Ipinaliwanag ni Engels ang konsepto ng “kapangyarihang” iyon na tinawag na estado – isang kapangyarihang lumitaw mula sa lipunan pero naglagay ng sarili sa ibabaw nito at nahihiwalay nang nahihiwalay dito. Ano ang pangunahing bumubuo sa kapangyarihan ito? Binubuo ito ng espesyal na mga organo ng armadong tauhan na may mga bilangguan, atbp. sa kanilang kumand. Makatwirang magbanggit tayo ng espesyal na mga organo ng armadong tauhan, dahil ang kapangyarihan publiko na katangian ng lahat ng estado ay hindi na “absolutong tumutugma” sa armadong mamamayan, na may “kusang kumikilos na armadong organisasyon.” Tulad ng lahat ng dakilang rebolusyonaryong palaisip, sinisikap ni Engels na ituon ng mga manggagawang mulat sa uri ang kanilang atensyon sa pinakabagay na itinuturing ng nangingibabaw na pilistinismo na hindi dapat bigyan ng atensyon, napakakaraniwan at binasbasan ng mga maling palagay na hindi lamang nakaugat nang husto kundi, pwede pa ngang sabihin, tumigas na. Ang regular na hukbo at pulisya ang mga pangunahing instrumento ng kapangyarihang pang-estado. Maaari bang taliwas dito ang mangyari? Hindi maaaring taliwas dito ang mangyari sa pananaw ng malawak na mayorya ng mga Europeano noong katapusan ng ikalabing-siyam na siglo na pinatutungkulan ni Engels, at hindi nakaranas o mahigpit na nakapag-obserba ng isa mang dakilang rebolusyon. Hinding-hindi nila maintindihan kung ano itong “kusang kumikilos na armadong organisasyon ng mamamayan”. Sa tanong kung saan nagmula ang pangangailangan para sa espesyal na mga organo ng armadong tauhan, na nasa ibabaw ng lipunan at nahihiwalay dito (pulisya at regular na hukbo), kiling ang mga pilistino sa Kanlurang Europa at Rusya na sagutin ito sa pamamagitan ng ilang salitang hiniram kay Spencer o Mikhailovsky, sa pamamagitan ng pagtukoy sa kompleksidad ng buhay sa lipunan, pagkakaiba-iba ng tungkulin at iba pa. Mukha namang “syentipiko” ang ganitong pagtukoy, at mahusay na inihehele ang karaniwang tao sa pamamagitan ng pagpapalabo sa pinakaimportante at saligang katotohanan, ang pagkakahati-hati ng lipunan sa di mapapagkasundong mga uring antagonistiko. Kung hindi sa pagkakahati-hating ito, ang “kusang kumikilos na armadong organisasyon ng mamamayan ” ay maiiba sa primitibong organisasyon ng isang kawan ng unggoy na kahoy ang hawak, o primitibong tao, o sa mga taong nabubuklod sa anyong tribu ng lipunan, dahil sa kompleksidad nito, nakatataas na teknik at iba pa, pero posible pa rin. Imposible ito ngayon dahil ang lipunan, sa panahon ng sibilisasyon, ay nahahati sa antagonistiko, at isa pa, sa di mapagkakasundong mga uring antagonistiko, na kapag armado sa paraang “nagkukusa” ay hahantong sa armadong labanan ng mga uring ito. Nabubuo ang estado, nalilikha ang espesyal na kapangyarihan sa anyo ng espesyal na mga organo ng armadong tauhan; at malinaw na ipinapakita sa atin ng bawat rebolusyon, sa pamamagitan ng pagwawasak sa makinarya ng estado, kung paano tinatangkang ibalik ng naghaharing uri ang espesyal na mga organo ng armadong tauhang nagsisilbi sa kanya, at kung paano sinisikap ng aping uri na lumikha ng ganitong klase ng bagong organisasyon, na kayang maglingkod, hindi sa mga mapagsamantala kundi sa pinagsasamantalahan. Sa nabanggit na obserbasyon, sa teoretikal na paraan ay iniharap ni Engels ang mismong usapin na inihaharap ng bawat dakilang rebolusyon sa praktika, nang buong linaw, at sa antas ng aksyong masa – ang usapin ng relasyon ng “espesyal” na mga organo ng armadong tauhan at ng “kusang kumikilos na armadong organisasyon ng mamamayan.” Makikita natin kung paano kongkretong inilalarawan ito ng karanasan ng mga rebolusyon sa Europa at Rusya. Balikan naman natin ang paglilinaw ni Engels. Inililinaw niya na kung minsan, halimbawa, sa ilang parte ng Hilagang Amerika, mahina ang kapangyarihang publikong ito (nasa isip niya ang isang eksepsyon na bihira sa lipunang kapitalista, at

  • nagbabanggit siya ng mga bahagi ng Hilagang Amerika sa panahon bago ito maging imperyalista at nangingibabaw ang malayang kolonista), pero sa pangkalahata’y may tendensya itong lumakas: “Gayunman, mas lumalakas ito [kapangyarihang publiko] sa antas na higit na tumatalas ang makauring mga antagonismo sa loob ng estado, at mas lumalaki ang saklaw at populasyon ng karatig na mga estado. Kailangan lamang nating tingnan ang kasalukuyang Europa, kung saan ganoon na lamang ang antas na naabot ng kapangyarihang publiko dahil sa tunggalian ng mga uri at ribalan sa pananakop kung kaya’t nanganganib na lamunin nito ang buong lipunan at kahit na ang estado mismo.” Sinulat ito noon pa mang unang bahagi ng dekada ’90 ng nakaraang siglo. May petsang Hunyo 16, 1891 ang huling paunang salita ni Engels. Nag-uumpisa pa lamang sa France, at mas mahina pa nga sa Hilagang Amerika at Germany, ang pag-unlad tungo sa imperyalismo – ibig sabihin, ang ganap na dominasyon ng mga trust, lubos na nakapangyayari sa lahat ang malalaking bangko, at ang patakarang kolonyal sa napakalawak na saklaw, at iba pa. Mula noon, napakalaki na ang isinulong ng “ribalan sa pananakop” – laluna’t pagsapit ng simula ng ikalawang dekada ng ikadalawampung siglo, lubusan nang nahati ang buong mundo sa pagitan ng “mga magkakaribal sa pananakop” na ito, ibig sabihin, sa pagitan ng malalaking kapangyarihang mapandambong. Mula noon, lumawak nang husto ang mga armamentong militar at nabal, at inilapit sa halos ganap na kapahamakan ng mapandambong na digmaan ng 1914-17 para sa paghahari sa mundo ng England o Germany, para paghati-hatian ang dambong, ang “paglamon” ng sakim na kapangyarihang pang-estado sa lahat ng pwersa ng lipunan. Noon pa mang 1891, natukoy na ni Engels na ang “ribalan sa pananakop” ang isa sa pinakamahahalagang katangian ng patakarang panlabas ng malalaking kapangyarihan; pero noong 1914-1917, nang ang ribalang ito, na maraming beses na tumindi, ay nagluwal ng imperyalistang digmaan, pinagtakpan ng buhong na mga sosyal-sobinista ang pagtatanggol nila sa mapandambong na patakaran ng “kanilang sariling” uring kapitalista sa pamamagitan ng mga salita tungkol sa “pagtatanggol ng inangbayan”, “pagtatanggol ng republika at rebolusyon”, at iba pa! 3. ANG ESTADO BILANG INSTRUMENTO PARA SA PAGSASAMANTALA SA APING URI Kailangan ang mga buwis at pangungutang ng estado para mamantini ang espesyal na kapangyarihang publikong nasa ibabaw ng lipunan. Sinabi ni Engels na “Sa pagkakaroon ng kapangyarihang publiko at karapatang magpataw ng buwis, ang mga upisyal ay tumatayong mga organo ng lipunan na nasa ibabaw ng lipunan. Hindi sila kuntento sa malaya at boluntaryong respetong iginagawad sa mga organo ng anyong hentil ng gubyerno, kahit na makuha pa nila ito. . . .” Pinagtitibay ang espesyal na mga batas na kaugnay ng pagiging sagrado at katayuang di malalabag ng mga upisyal. Mas may “awtoridad” ang “pinakaabang pulis” kaysa mga kinatawan ng angkan, pero kahit na ang pinuno ng kapangyarihang militar ng isang estadong sibilisado ay ““maaaring managhili sa pinakamababa sa mga pinuno ng angkan dahil sa lubos at walang tutol na respeto na iginagawad sa kanya ng lipunan”. Dito, malinaw na tinatalakay ang usapin ng pribilehiyadong pusisyon ng mga upisyal bilang mga organo ng kapangyarihan pang-estado. Ang pangunahing puntong tinutukoy ay: Ano ang dahilan at bakit nasa ibabaw sila ng lipunan? Makikita natin kung paano sinagot ang teoretikal na usaping ito sa

  • praktika ng Komuna ng Paris ng 1871 at kung paano ito pinalabo ni Kautsky sa reaksyunaryong paraan noong 1912. “Dahil lumitaw ang estado mula sa pangangailangang ampatin ang makauring mga antagonismo, pero dahil lumitaw din ito sa kalagitnaan ng tunggalian ng mga uring ito, sa pangkalahatan ito ay estado ng pinakamakapangyarihan at nangingibabaw-sa-ekonomyang uri, na sa pamamagitan ng estado ay nagiging uring nangingibabaw din sa pulitika, at kung gayo’y nagkakaroon ng bagong mga kasangkapan para pangibabawan at pagsamantalahan ang inaaping uri.” Hindi lamang ang mga sinauna at pyudal na estado ang mga organo para pagsamantalahan ang mga alipin at timawa, kundi “ang modernong representatibong estado ay instrumento ng pagsasamantala ng kapital sa sahurang paggawa. Gayunman, bilang eksepsyon, may mga panahong halos nagbabalansihan ang naglalaban-labang mga uri kung kaya’t ang kapangyarihang pang-estado, na nagmimistulang tagapamagitan sa harap ng lahat, ay nakatatamo ng isang antas ng independensya kaugnay ng dalawa sa sandaling iyon.” Ganyan halimbawa ang mga absolutong monarkiya noong ikalabimpito at ikalabingwalong siglo, ang Bonapartismo ng Una at Pangalawang Imperyo sa France at ang rehimeng Bismarck sa Germany. Isa pa, ganyan din ang gubyernong Kerensky sa republikanong Rusya matapos itong bumaling sa pag-uusig sa rebolusyonaryong proletaryado, at sa sandaling naging inutil na ang mga Sobyet dahil sa pamumuno ng mga demokratang petiburges, samantalang hindi naman sapat pa ang lakas ng burgesya para lansagin ang mga ito. Sa isang demokratikong republika, patuloy ni Engels, “di tuwirang ginagamit ng kayamanan ang kapangyarihan nito, pero sa higit na mas mabisang paraan” una, sa pamamagitan ng “tuwirang katiwalian ng mga upisyal” (Amerika); at ikalawa, sa pamamagitan ng “pakikipag-alyansa ng gubyerno sa stock exchange” (France at Amerika). Sa kasalukuyan, ang dalawang paraang ito ng pagsasanggalang at paggigiit ng kapangyarihan sa lahat ng kayamanan sa lahat ng klase ng demokratikong republika ay “napaunlad” ng imperyalismo at dominasyon ng mga bangko sa isang sining na pambihira sa kapinuhan. Halimbawa, kung sa pinakaunang mga buwan ng demokratikong republika ng Rusya, o masasabi pa ngang sa panahon ng pulot-gata ng pagkakaisa ng mga “Sosyalista” – ang mga Sosyalista-Rebolusyonaryo at Menshevik – sa burgesya – sinabotahe ni G. Pachinsky ang bawat hakbang sa gabineteng koalisyon na pumipigil sa mga kapitalista at sa kanilang pandarambong sa digma, sa kanilang pandarambong sa kabangyaman ng bayan sa pamamagitan ng mga kontrata sa hukbo; at kung pagkatapos magbitiw sa gabinete (pinalitan syempre ng isa kaparehong-kapareho ni Palchinsky) “ginantimpalaan” si G. Palchinsky ng mga kapitalista sa pamamagitan ng “magaan” na trabaho, na taun-taon’y 120,000 ruble ang magiging sweldo, anong itatawag dito? Tuwiran o di tuwirang panunuhol? Alyansa ng gubyerno sa kapitalistang mga syndicate, o mapagkaibigang relasyon “lamang”? Ano ang papel na ginagampanan ng mga Chernov, Tsereteli, Avksentyev at Skobolev? “Tuwiran” ba o di tuwirang mga alyado lamang sila ng mga milyonaryong magnanakaw sa kabangyaman? Mas matatag ang kapangyarihan sa lahat ng “kayamanan” sa isang demokratikong republika dahil hindi ito nakasalig sa mahinang bao sa pulitika ng kapitalismo. Ang demokratikong republika ang pinakamahusay na posibleng bao sa pulitika para sa kapitalismo, at kung gayon, kapag nakuha na ng kapital ang napakahusay na bao na ito (sa pamamagitan ng mga Palchinsky, Chernov, Tsereteli at mga tulad nila), napakatibay at napakatatag nitong naitatatag ang kanyang kapangyarihan, kung kaya’t hindi

  • ito mayayanig ng anumang pagbabago ng mga tao man, o mga institusyon, o mga partido sa republikang burges. Dapat din nating banggitin na tiyak na tiyak na itinuturing ni Engels na isang instrumento ng paghaharing burges ang unibersal na pagboto. Aniya, sa malinaw na paglalagom ng mahabang karanasan ng Sosyal-Demokrasyang German, ang unibersal na pagboto ay “isang sukatan ng paghusto sa gulang ng uring manggagawa. Hindi ito maaari, at hindi kailanman magiging anupaman ito kundi ganoon, sa modernong estado....” Ang mga demokratang petiburges, tulad ng mga Sosyalista-Rebolusyonaryo at Menshevik sa atin, at gayundin ang kanilang kambal na kapatid, ang mga sosyal-sobinista at oportunista sa Kanlurang Europa – lahat sila’y umaasa ng “higit” mula sa unibersal na pagboto. Taglay nila mismo, at itinatanim nila sa isip ng mamamayan, ang maling ideya na kaya talagang salaminin ng unibersal na pagboto “sa modernong estado” ang kapasyahan ng mayorya ng anakpawis at tiyakin ang pagtatamo nito. Dito, maaari lamang nating banggitin ang maling ideyang ito, at ipakita lamang na ang malinaw na malinaw, eksakto at kongkretong pahayag ni Engels ay binabaluktot sa bawat hakbang sa propaganda at ahitasyon ng “upisyal” (ibig sabihin, oportunista) na mga partidong Sosyalista. Maglalahad ng detalyadong pagsusuri sa buong kahungkagan ng ideyang ito na isinasantabi ni Engels, sa ating karagdagang paglalahad sa mga pananaw nina Marx at Engels tungkol sa “modernong” estado. Nagbibigay si Engels ng pangkalahatang pagbubuod ng kanyang mga pananaw sa pinakapopular niyang akda sa sumusunod na mga salita: Kung gayon, hindi umiral nang panghabampanahon ang estado. May mga lipunang gumana nang wala nito, nang walang ideya ng estado at kapangyarihang pang-estado. Sa isang takdang yugto ng pag-unlad ng ekonomya, na di maiiwasang nakatali sa pagkakahati-hati ng lipunan sa mga uri, kinailangan ang estado dahil sa pagkakahati-hating ito. Mabilis tayong nalalapit sa yugto ng pag-unlad ng produksyon kung saan hindi lamang mawawala ang pangangailangang umiral ang mga uri kundi magiging positibong hadlang pa sa produksyon. Tiyak na maglalaho ang mga uring ito tulad ng di maiiwasang paglitaw ng mga ito sa mas naunang yugto. Kasabay ng mga ito, tiyak ring maglalaho ang estado. Ang lipunan na mag-oorganisa muli ng produksyon batay sa malaya at pantay-pantay na pagsasamahan ng mga prodyuser ang maglalagay ng buong makinarya ng estado sa dapat nitong kalagyan sa panayong iyon: sa museo ng mga antigo, katabi ng suliran (spinning wheel) at tansong palakol.” Napakadalang na mabasa ang siping ito sa propaganda at ahitasyon ng kontemporaryong Sosyal-Demokrasya. Pero kung masalubong man natin ito, sa kalahata’y sinisipi lamang ito sa paraang katulad ng pagyuko sa imahen, ibig sabihi’y ginagawa lamang para magpakita ng upisyal na respeto kay Engels, at walang anumang pagsisikap na unawain ang lawak at lalim ng rebolusyonaryong aksyon na nasa likod ng paglalagak ng “buong makinarya ng estado sa museo ng mga antigo.” Sa karamihan ng pagkakataon, hindi man lamang natin kakitaan ng pagkakaunawa sa tinatawag ni Engels na makinarya ng estado. 4. ANG “PAGLALAHO” NG ESTADO AT MARAHAS NA REBOLUSYON Popular na popular ang mga sinabi ni Engels tungkol sa “paglalaho” ng estado kaya’t madalas na sinisipi, at malinaw na malinaw na ipinapakita ng mga ito ang esensya ng nakagawiang pagpapalabnaw kung saan pinagmumukhang oportunismo ang Marxismo kung kaya dapat nating talakayin nang detalyado. Sipiin natin ang buong bahagi na pinagkunan ng mga ito.

  • “Inaagaw ng proletaryado ang kapangyarihang pang-estado at pagkatapos ay itinatransporma ang mga kagamitan sa produksyon bilang pag-aari ng estado. Pero sa paggawa nito, winawakasan nila ang kanilang pagiging proletaryado, winawakasan ang lahat ng pagkakaiba sa uri at makauring mga antagonismo at winawakasan din ang estado bilang estado. Sa pag-inog ng makauring mga antagonismo, kailangan ng dating lipunan ang estado, ibig sabihin, ang organisasyon ng mapagsamantalang uri sa bawat panahon para imantini ang kanyang panlabas na kundisyon sa produksyon; samakatwid, kailangan niya ito laluna para pwersahang panatilihin ang pinagsasamantalahang uri sa kundisyon ng pang-aapi (pagkaalipin, pagkatali sa lupa o pagkatimawa, sahurang paggawa) na itinatakda ng umiiral na moda ng produksyon. Ang estado ang upisyal na kinatawan ng buong lipunan, pagkakakonsentra nito sa isang litaw na korporadong organo, pero ganyan lamang ito hangga’t estado ito niyong uri na siya mismo, sa kanyang kapanahunan, ang kumakatawan sa buong lipunan: sa sinaunang panahon, ang estado ng mamamayang nagmamay-ari ng mga alipin; noong Kapanahunang Midyebal, ang estado ng pyudal na nobilidad; sa ating panahon, ang estado ng burgesya. Sa panahong magiging tunay na kinatawan na ito sa wakas ng buong lipunan, ginagawa na ng estado na kalabisan ang sarili. Sa sandaling wala nang uri sa lipunan na kailangang lupigin, sa sandaling mapawi na rin ang mga salpukan at kalabisang iniluluwal ng mga ito, kasabay ng makauring dominasyon at ng pakikibaka para sa indibidwal na pag-iral na nakabatay sa dating anarkiya ng produksyon, wala nang susupilin, at hindi na kakailanganin ang espesyal na pwersang mapaniil, ang estado. Ang unang akto kung saan ang estado ay nagiging tunay na kinatawan ng buong lipunan – ang pag-agaw sa mga kagamitan sa produksyon sa ngalan ng lipunan – ang aktong ito mismo ang siya ring huling independyenteng akto nito bilang estado. Nagiging kalabisan ang panghihimasok ng isang kapangyarihang pang-estado sa mga relasyong panlipunan sa sunud-sunod na larangan, at pagkatapos ay kusa nang namamahinga. Ang pangangasiwa sa mga bagay at ang pagdidirihe sa mga proseso ng produksyon ay hahalili sa paggugubyerno sa mga tao. Hindi ‘pinapawi’ ang estado, naglalaho ito. Mula sa paninindigang ito natin dapat suriin ang mga pananalitang “malayang estado ng mamamayan” – kaugnay kapwa ng pansamantalang pangangatwiran sa paggamit nito sa ahitasyon at sa ultimong syentipikong kakulangan nito – gayundin, ang hinihingi ng tinatawag na mga Anarkista na pawiin ang estado sa loob ng magdamag.” (Anti-Duhring. Ang Rebolusyon sa Syensya ni Ginoong Eugen Duhring, pp. 301-03, ikatlong ed. Aleman.)4 Maaaring sabihin nang walang kaba na magkamali, na sa argumentong ito ni Engels, na ubod nang yaman sa ideya, isa punto lamang ang naging integral na bahagi ng kaisipang Sosyalista sa hanay ng modernong mga partidong Sosyalista – ang punto na ayon kay Marx ay “maglalaho” ang estado, na iba sa Anarkistang doktrinang “mapapawi” ang estado. Ang pagkakapon sa Marxismo sa ganitong paraan ay nagiging oportunismo ito dahil ang ganitong “interpretasyon” ay mababakasan lamang ng malabong ideya ng mabagal, pantay at unti-unting pagbabago na walang igpaw at unos, at walang rebolusyon. Walang dudang pagtatakip, kung hindi ma’y negasyon sa rebolusyon ang ibig sabihin ng kasalukuyang popular na konsepto, kung maaari ngang sabihing gayon, ng “paglalaho” ng estado. Gayunman, ang ganyang “interpretasyon” ang pinakakrudong pambabaluktot sa Marxismo, na kapakipakinabang lamang sa burgesya; sa teorya, nakabatay ito sa pagbalewala sa pinakaimportanteng mga sirkunstansya at konsiderasyong tinukoy sa mga pangungusap mismo na nagbubuod sa mga ideya ni Engels na kasisipi lamang natin nang buo. Unang-una, sa simula mismo ng argumento ni Engels, sinabi niya na sa pag-agaw sa kapangyarihang pang-estado, “winawakasan” nga ng proletaryado ang “pagiging estado ng estado” sa pamamagitan ng aktong iyon mismo. “Hindi nakagawian” na pag-isipan ang tunay na kahulugan nito. Sa kabuuan, lubos itong hindi pinapansin o kaya’y itinuturing na “kahinaang Hegelian” sa bahagi ni Engels. Sa katunayan naman, inilalahad ng mga salitang ito sa maikli’t malinaw na paraan ang karanasan

  • ng isa sa mga pinakadakilang proletaryong rebolusyon – ang Komuna ng Paris ng 1871, na mas detalyado nating tatalakayin sa angkop na bahagi. Sa katunayan, tinatalakay dito ni Engels ang pagwawasak ng rebolusyong proletaryo sa estadong burges, samantalang tinutukoy naman ng salita tungkol sa “paglalaho” nito ang mga labi ng pagiging proletaryong estado pagkaraan ng Sosyalistang rebolusyon. Ayon kay Engels, hindi “naglalaho” ang estadong burges kundi “winawakasan” ito ng proletaryado sa proseso ng rebolusyon. Ang proletaryong estado o mala-estado ang siyang naglalaho pagkaraan ng rebolusyon. Ikalawa, ang estado ay isang “espesyal na pwersang mapaniil”. Inilalahad ni Engels dito nang buong linaw ang kanyang napakaganda at napakalalim na depinisyon. Nangangahulugan ito na ang “espesyal na pwersang mapaniil” ng burgesya para supilin ang proletaryado, para supilin ng sandakot na mayaman ang milyun-milyong manggagawa, ay dapat palitan ng isang “espesyal na pwersang mapaniil” ng proletaryado para supilin ang burgesya (ang diktadura ng proletaryado). Ito ang siya mismong bumubuo ng pagwawasak ng “estado bilang estado”. Ito ang siya mismong bumubuo ng “akto” ng “pag-agaw sa mga kagamitan sa produksyon sa ngalan ng lipunan”. At malinaw na hinding-hindi maaaring mangyari sa anyo ng “paglalaho” ang ganyang pagpapalit sa isang (burges na) “espesyal na pwersang mapaniil” ng isa pang (proletaryong) “espesyal na pwersang mapaniil”. Ikatlo, kaugnay ng “paglalaho”, o kaya sa mas buhay at makulay na “kusang pamamahinga”, napakalinaw at tiyak na ang tinutukoy ni Engels ay ang panahong pagkaraang “maagaw [ng estado] ang mga kagamitan sa produksyon sa ngalan ng buong lipunan”, ibig sabihin, pagkatapos ng Sosyalistang rebolusyon. Alam nating lahat na ang pampulitikang anyo ng “estado” sa panahong iyon ay ang ganap na demokrasya. Pero hindi naiisip ng kahit sino sa mga oportunista na walang kahihiyang nambabaluktot kay Marx, na kapag tinatalakay rito ni Engels ang “paglalaho” o “kusang pamamahinga” ng estado, ang tinutukoy niya ay ang demokrasya. Sa unang tingin, mukhang napakakakatwa nito. Pero ito’y “hindi naiintidihan” ng mga tao lamang na hindi nakapagsuri sa katotohanang ang demokrasya ay isa estado din, at bunga nito, maglalaho din ang demokrasya kapag maglaho ang estado. Ang estadong burges ay “mawawakasan” lamang ng isang rebolusyon. Sa pangkalahatan, maaari lamang “maglaho” ang estado, ibig sabihi’y ang pinakaganap na demokrasya. Ikaapat, matapos balangkasin ni Engels ang kanyang bantog na proposisyong “maglalaho ang estado,” agad niyang kongkretong ipinaliwanag na ang proposisyong ito ay nakatuon din laban sa mga oportunista at Anarkista. Sa pagsasagawa ni Engels nito, pinatampok niya ang kongklusyong hinango sa kanyang proposisyon kaugnay ng “paglalaho” ng estado na nakatuon laban sa mga oportunista. Maaaring ipusta na sa bawat sampung libong nakabasa o nakarinig ng tungkol sa “paglalaho” ng estado, lubusang hindi alam, o kaya’y hindi naaalala, ng 9,990 na hindi lamang laban sa mga Anarkista itinuon ni Engels ang kanyang kongklusyon sa proposisyong ito. At mula sa natitirang sampu, malamang na hindi alam ng siyam ang kahulugan ng “malayang estado ng mamamayan”, o kung bakit pagtuligsa sa mga oportunista ang pagtuligsa sa islogang ito. Ganito nasusulat ang kasaysayan! Ganito di halatang pinalalabnaw ang isang dakilang rebolusyonaryong doktrina at iniaangkop sa umiiral na pilistinismo. Ang kongklusyong nakatuon laban sa mga Anarkista ay ilang libong beses nang inulit-ulit, binulgarisa, ipinilit sa mga tao sa pinakakrudong paraang posible hanggang naging sintigas ng prehuwisyo; samantalang pinagtakpan naman at “kinalimutan” ang kongklusyong nakatuon laban sa mga oportunista! Ang “malayang estado ng mamamayan” ay isang kahilingan sa programa ng mga Sosyal-Demokrata ng Germany at kanilang islogan sa dekadang 1870. Walang sustansya sa pulitika ang islogang ito maliban sa mayabang na pagpapaliguy-ligoy na panggitnang uri sa ideya ng demokrasya. Sa antas na tinutukoy nito sa paraang ligal ang demokratikong republika, nakahanda si Engels na “bigyang matwid” ang paggamit nito “sa ilang pagkakataon” sa punto de bista ng propaganda. Pero ang islogang ito’y oportunista dahil naglalahad ito hindi lamang ng pinalabis na pananaw ng kagandahan ng demokrasyang burges kundi pati na ng kawalan ng pagkakaunawa sa Sosyalistang kritisismo sa lahat ng

  • estado sa kabuuan. Pinapaburan natin ang demokratikong republika bilang pinakamahusay na anyo ng estado para sa proletaryado sa ilalim ng kapitalismo; pero wala tayong karapatang kalimutan na pagkaalipin sa sahod ang kapalaran ng mamamayan kahit na sa pinakademokratikong republikang burges. Isa pa, ang lahat ng estado ay isang “espesyal na pwersang mapaniil” para sa panunupil sa aping uri. Dahil dito, walang estado na “malaya” o kaya’y isang “estado ng mamamayan”. Paulit-ulit na ipinaliwanag ito nina Marx at Engels sa kanilang mga kasama sa partido noong dekadang 1870. Ikalima, may argumento tungkol sa kabuluhan ng marahas na rebolusyon ang akdang ito mismo ni Engels, na sa alaala ng lahat ay may argumento tungkol sa “paglalaho’ ng estado. Kay Engels, nagiging mistulang papuri sa marahas na rebolusyon ang istorikong pagsusuri ng papel nito. Mangyari pa, ito’y “hindi naaalala ng kahit sino”; hindi itinuturing ng kontemporaryong mga partidong Sosyalista na mainam ang pag-uusap o pag-iisip man lamang sa kahalagahan ng ideyang ito, at sa kanilang pang-araw-araw ng propaganda at ahitasyon sa hanay ng masa, wala itong kahit anong papel na ginagampanan. Pero napakahigpit itong nakatali sa “paglalaho” ng estado sa isang magkatugmang kabuuan. Narito ang argumento ni Engels: “Gayunman, ang puntong may iba pang papel sa kasaysayan (bukod sa papel ng buktot na kapangyarihan) ang pwersang iyon, isang rebolusyonaryong papel; ang punto, sa mga salita ni Marx, na ito ang komadrona ng bawat lumang lipunang nagbubuntis ng bago; ang punto na ito ang instrumento na nakakatulong ang kilusang panlipunang igiit ang sarili at wasakin ang patay at naninigas nang mga anyong pampulitika – tungkol sa puntong ito, walang sinasabi si Ginoong Duhring. Nagbubuntung-hininga at dumadaing na tinanggap lamang niya ang posibilidad na marahil ay kakailanganin ang pwersa para ibagsak ang sistemang pang-ekonomya ng pagsasamantala – sa kasawiang palad! dahil ang lahat ng paggamit ng pwersa ay tiyak na nakakademoralisa sa gumagamit nito. At ganito, sa kabila ng napakalaking pagsulong na moral at ispiritwal na ibinunga ng lahat ng matagumpay na rebolusyon! At ganito, sa Germany, kung saan ang marahas na banggaan – na maaari ngang maipwersa sa mamamayan – ay may bentahe sa pagpawi man lamang ng pagkaalipin na nanuot sa pambansang kamalayan dahil sa kahihiyan sa Tatlumpung Taong Digmaan. At inaangkin ng mentalidad na ito ng pastor – nakakabagot, walang kalatuy-latoy at baog – ang karapatang ipataw ang sarili sa pinakarebolusyonaryong partidong nakilala sa kasaysayan!” Paano maikukumbina bilang iisang doktrina ang papuring ito hinggil sa marahas na rebolusyon, na mapilit na iginigiit ni Engels sa mga Sosyal-Demokrata ng Germany sa pagitan ng 1878 at 1894, ibig sabihin, hanggang mamatay siya, paano maikukumbina ito sa teorya ng “paglalaho” ng estado.. Kadalasa’y ikinukumbina ang dalawang pananaw sa pamamagitan ng eklektisismo, sa pamamagitan ng di prinsipyado, sopista at arbitraryong pagpili (para masiyahan ang mga makapangyarihan), ng argumentong iyon o ito, at siyamnapu’t siyam na kaso sa sandaan (kung hindi man mas madalas pa) ang ideya ng “paglalaho” ang partikular na pinatatampok. Ihinahalili sa diyalektika ang eklektisismo – ito ang pinakakaraniwan at pinakalaganap na penomenon na masasalubong sa kasalukuyang upisyal na babasahing Sosyal-Demokratiko kaugnay ng Marxismo. Mangyari pa, hindi na bago ang ganitong klase ng paghahalili; makikita ito kahit sa kasaysayan ng klasikong pilosopyang Griyego. Kapag pinapalabnaw ang Marxismo para maging oportunismo, ang paghahalili ng eklektisismo sa diyalektika ang

    Ang Tatlumpung Taong Digma (1618-1648), na dulot ng labanan ng mga kapangyarihang Europeano para sa hegemonya sa loob ng pinira-piraso ng pyudalismong Germany at sa dalampasigan ng Dagat Baltic, ay nagresulta sa ganap na pagkawasak ng Germany. Frederick Engels, Anti-Duhring, London and New York, 1933. – Ed.

  • pinakamadaling paraan ng panlilinlang sa masa. Nagbibigay ito ng kasiyahan na ilusyon lamang; parang isinasaalang-alang nito ang lahat ng panig ng proseso, ang lahat ng tendensya sa pag-unlad, ang lahat ng magkakasalungat na salik at iba pa, samantalang ang totoo’y hindi ito nagbibigay ng konsistente at rebolusyonaryong pananaw sa proseso ng pag-unlad ng lipunan. Nasabi na natin sa itaas at mas lubusan pang ipapakita sa susunod na ang estadong burges ang tinutukoy sa itinuturo nina Marx at Engels kaugnay ng katiyakan ng marahas na rebolusyon. Hindi maaaring halinhan ng proletaryong estado (diktadura ng proletaryado) ang estadong burges sa pamamagitan ng “paglalaho”, kundi sa pangkalahatan sa pamamagitan lamang ng marahas na rebolusyon. Ang papuring inihandog para dito ni Engels, na lubusang umaayon sa paulit-ulit na deklarasyon ni Marx (alalahanin ang pangwakas na mga pangungusap sa Karukhaan ng Pilosopya5 at Ang Manipestong Komunista,6 na buong pagmamalaki at hayagang nagproklama ng katiyakan ng marahas na rebolusyon; alalahanin ang Kritika sa Programang Gotha ng 18757 ni Marx kung saan, halos tatlumpung taon matapos ito, walang awang tinuligsa niya ang oportunistang katangian ng programang iyon) – ang papuring ito’y hindi lamang “silakbo ng kasiglahan”, hindi lamang talumpati o polemikong argumento. Nasa ugat ng kabuuang itinuturo nina Marx at Engels ang pangangailangan na sistematikong ikintal sa masa ang pananaw na ito at ang pananaw na ito lamang tungkol sa marahas na rebolusyon. Pinatatampok ng pagkakaligta sa gayong propaganda at ahitasyon kapwa ng kasalukuyang nangingibabaw na agos na sosyal-sobinista at maka-Kautsky ang kanilang pagtatraydor sa mga itinuturo nina Marx at Engels. Imposible ang paghalili ng proletaryong estado sa burges na estado kung walang marahas na rebolusyon. Posible lamang ang pagpawi sa proletaryong estado, ibig sabihin, ang lahat ng estado, sa pamamagitan lamang ng “paglalaho.” Nagbigay sina Marx at Engels ng buo at kongkretong pagpapalawig tungkol sa mga pananaw na ito nang pag-aralan nila nang hiwa-hiwalay ang bawat rebolusyonaryong sitwasyon, nang suriin nila ang mga aral sa karanasan ng bawat indibidwal na rebolusyon. Tatalakayin natin ngayon ang walang dudang pinakaimportanteng bahagi ng kanilang akda. KABANATA II MGA KARANASAN NG 1848-51 1. ANG BISPERAS NG REBOLUSYON Ang mga unang akda ng maunlad na Marxismo – ang Karukhaan ng Pilosopya at ang Manipestong Komunista – ay lumitaw sa pinakabisperas ng Rebolusyon ng 1848. Dahil dito, hanggang sa isang antas ay sinasalamin ng mga ito ang kongkretong rebolusyonaryong sitwasyon ng panahon, kasabay ng Ipinagtibay ang Programang Gotha noong 1875 sa kongreso ng pagkakaisa na ginanap sa Gotha kung saan nagsanib ang dalawang paksyon ng mga Sosyalistang German, ang mga maka-Lassallea at mga maka-Eisennacher, sa bilang Sosyal-Demokratikong Partido ng mga Manggagawa ng Germany. Upisyal na may bias ang programa hanggang sa kumbensyon ng Partido sa Erfurt noong 1891, nang hinalinhan ito ng bagong programa (Programang Erfurt). Ipinailalim nina Marx at Engels ang Programang Gotha sa masusing kritisismo.

  • pagpapahayag ng mga pangkalahatang prinsipyo ng Marxismo. Sa gayon, siguro’y mas diretso sa punto kung susuriin kung ano ang sinabi ng mga awtor ng mga akdang ito tungkol sa estado kagyat bago sila humango ng mga kongklusyon mula sa karanasan ng mga taong 1848-1851. Sinabi ni Marx sa Ang Karukhaan ng Pilosopya: “Sa proseso ng pag-unlad ng uring manggagawa, hahalinhan nito ang lumang burges na lipunan ng isang asosasyon na magpupwera sa mga uri at antagonismo ng mga ito, at hindi na magkakaroon pa ng tunay na kapangyarihang pampulitika, dahil ang kapangyarihang pampulitika ang mismong upisyal na ekspresyon ng antagonismo ng mga uri sa loob ng burges na lipunan.” (p. 182, edisyong German, 1885.)8 Instruktibo na paghambingin ang pangkalahatang paliwanag na ito ng ideya na maglalaho ang estado pagkaraang mapawi ang mga uri, at ang paliwanag na nasa ang Manipestong Komunista, na sinulat nina Marx at Engels makalipas ang ilang buwan – para maging eksakto, noong Nobyembre 1847: “Sa paglalarawan ng pinakapangkalahatang mga yugto ng pag-unlad ng proletaryado, binaybay natin ang humigit-kumulang ay nakatagong gerang sibil, na nangyayari sa umiiral na lipunan, hanggang sumiklab ang gerang iyon sa hayagang rebolusyon, kung saan inilalatag ng marahas na pagbabagsak sa burgesya ang pundasyon para sa paghahari ng proletaryado. “Nakita natin na ang unang hakbang sa rebolusyon ng uring manggagawa ay iangat [promosyon, sa literal na salin] ang proletaryado sa pusisyon bilang naghaharing uri, ipagwagi ang labanan para sa demokrasya. “Gagamitin ng proletaryado ang kanyang paghahari sa pulitika para antas-antas na agawin sa burgesya ang lahat ng kapital, isentralisa ang lahat ng instrumento sa produksyon sa mga kamay ng estado, ibig sabihin, ang proletaryado na organisado bilang naghaharing uri, at palaguin ang kabuuan ng mga produktibong pwersa sa pinakamabilis na paraang posible.”9 (Karl Marx at Friedrich Engels, Manipesto ng Partido Komunista, Awtorisadong Salin sa Ingles ng 1888, London at New York, 1932, pp. 20-30. – Ed.) Dito’y mayroon tayong pormulasyon ng isa sa pinakapambihira at pinakaimportanteng mga ideya ng Marxismo tungkol sa paksa estado, ang ideya ng “diktadura ng proletaryado” (tulad ng taguri nina Marx at Engels dito pagkaraan ng Komuna ng Paris); at gayundin, isang interesanteng-interesanteng depinisyon ng estado na isa rin sa mga “kinalimutang salita” ng Marxismo: “Ang estado, ibig sabihi’y ang proletaryado na organisado bilang naghaharing uri.” Ang depinisyong ito ng estado na hinding-hindi ipinaliwanag sa kasalukuyang propaganda at ahitasyon ng mga upisyal na partidong Sosyal-Demokratiko, ay sadyang kinalimutan, na para bang ganap na di umaayon sa repormismo, at sampal sa mukha ng karaniwang mga maling palagay na oportunista at mga ilusyong pilistino tungkol sa “mapayapang pag-unlad ng demokrasya”. Kailangan ng proletaryado ang estado – inuulit-ulit ito ng lahat ng oportunista, sosyal-sobinista at maka-Kautsky, na nagtitiyak sa atin na ito ang itinuro ni Marx. Pero “kinalilimutan” naman nilang idagdag na, unang-una na, ayon kay Marx, kailangan lamang ng proletaryado ang isang estado na naglalaho, ibig sabihi’y isang estado na sa pagkakabuo ay nag-uumpisa nang maglaho agad, at hindi maaaring hindi maglalaho; at ikalawa, kailangan ng mga manggagawa ang “isang estado, ibig sabihin, ang proletaryado na organisado bilang naghaharing uri”. Ang estado ay isang espesyal na organisasyon ng pwersa: ito ay organisasyon ng karahasan para supilin ang iba pang uri. Anong uri ang dapat supilin ng proletaryado? Natural, ang mapagsamantalang uri lamang, ibig sabihi’y ang burgesya. Kailangan lamang ng anakpawis ang estado para supilin ang paglaban ng mga mapagsamantala, at ang proletaryado lamang ang makakapagdirihe sa pagsupil na ito

  • at makakapagpawagi nito dahil ang proletaryado ang tanging uri na puspusang rebolusyonaryo, ang tanging uring makakapagbuklod sa lahat ng anakpawis at pinagsasamantalahang mamamayan sa pakikibaka sa burgesya, sa ganap na pagbabagsak sa uring ito. Kailangan ng mga nagsasamantalang uri ang pampulitikang paghahari para mapanatili ang pagsasamantala, ibig sabihi’y sa makasariling interes ng mumunting minorya laban sa malawak na mayorya ng mamamayan. Kailangan ng mga pinagsasamantalahang uri ang pampulitikang paghahari para lubusang mapawi ang lahat ng pagsasamantala, ibig sabihi’y sa interes ng malawak na mayorya ng mamamayan laban sa mumunting minoryang binubuo ng mga modernong nagmamay-ari ng alipin – ang mga panginoong maylupa at kapitalista. Inilalarawan pa ng mga demokratang petiburges, ang huwad na mga sosyalista, na ang ipinalit sa tunggalian ng mga uri ay mga pangarap tungkol sa pagkakasundo ng mga uri, pati na ang sosyalistang transpormasyon sa paraang mapangarap – hindi sa anyo ng pagbabagsak sa paghahari ng nagsasamantalang uri kundi sa anyo ng mapayapang pagpapailalim ng minorya sa isang mayorya na mulat sa kanilang mga layunin. Ang petiburges na Utopyang ito, na mahigpit na konektado sa ideyang nasa ibabaw ng mga uri ang estado, ay humantong sa pagtatraydor sa interes ng mga uring anakpawis sa praktika, tulad ng ipinakikita halimbawa sa kasaysayan ng mga rebolusyong Pranses ng 1848 at 1871, at sa karanasan ng partisipasyon ng mga “Sosyalista” sa burges na mga gabinete sa England, France, Italy at iba pang bayan sa katapusan ng ikalabinsiyam at sa simula ng ikadalawampung siglo. Sa buong buhay ni Marx, nilabanan niya ang petiburges na Sosyalismong ito – na muling nabuhay ngayon sa Rusya sa mga partidong Sosyalista-Rebolusyonaryo at Menshevik. Lohikal na pinaunlad ni Marx ang kanyang pagsusuri sa tunggalian sa uri hanggang sa doktrina ng kapangyarihang pampulitika, sa doktrina ng estado. Ang pagbabagsak ng paghaharing burges ay makakamit lamang ng proletaryado bilang partikular na uri na ihinahanda, sa pamamagitan ng kalagayang pang-ekonomya ng pag-iral nito, para sa tungkuling ito, at nabibigyan kapwa ng pagkakataon at lakas para gampanan ito. Samantalang winawasak at pinipira-piraso ng burgesya ang uring magsasaka at lahat ng saray ng petiburgesya, pinagbubuklod, pinagkakaisa at inoorganisa naman ng nito ang proletaryadong urban. Ang proletaryado lamang – dahil sa pang-ekonomyang papel nito sa malawakang produksyon – ang makakapamuno sa lahat ng anakpawis at pinagsasamantalahang masa, na pinagsasamantalahan, inaapi, at dinudurog ng burgesya kung hindi man kasintindi ay mas matindi pa kaysa pagsasamantala, pang-aapi at pagdurog nito sa proletaryado, ngunit walang kakayahan namang maglunsad ng pakikibaka para sa sariling paglaya nang nagsasarili. Ang doktrina ng tunggalian sa uri, na inilapat ni Marx sa usapin ng estado at Sosyalistang rebolusyon, ay di maiiwasang humantong sa pagkilala sa pampulitikang paghahari ng proletaryado, sa diktadura nito, ibig sabihin, sa isang kapangyarihang hindi ibinabahagi kahit kanino at tuwirang nakasalig sa armadong lakas ng masa. Makakamit ang pagbabagsak sa burgesya sa pamamagitan lamang ng pagtatransporma sa proletaryado bilang naghaharing uri, na makakadurog sa tiyak at desperadong paglaban ng burgesya, at makakaorganisa sa lahat ng anakpawis at pinagsasamantalahang masa para sa bagong kaayusang pang-ekonomya. Kailangan ng proletaryado ang kapangyarihang pang-estado, ang sentralisadong organisasyon ng pwersa, ang organisasyon ng karahasan, kapwa para durugin ang paglaban ng mga mapagsamantala at para gabayan ang napakalaking masa ng populasyon – ang uring magsasaka, petiburgesya at mga malaproletaryo – sa pag-oorganisa ng Sosyalistang ekonomya. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon sa partido ng mga manggagawa, ang Marxismo’y nagbibigay ng edukasyon sa taliba ng proletaryado na may kakayahang humawak sa kapangyarihan at mamuno sa lahat ng mamamayan tungo sa sosyalismo, idirihe at organisahin ang bagong kaayusan, tumayo bilang guro, giya at lider ng lahat ng anakpawis at pinagsasamantalahang mamamayan sa tungkuling itatag ang kanilang buhay panlipunan na wala ang burgesya at laban sa burgesya. Kabaligtaran nito,

  • nagluluwal naman sa loob ng partido ng mga manggagawa ang oportunismong nangingibabaw ngayon ng mga kinatawan ng mga manggagawang mas matataas ang sahod, na nahihiwalay sa masang kasapian, mabuti-buti ang “katayuan” sa ilalim ng kapitalismo, at nagbebenta ng kanilang katutubong karapatan kapalit ng isang mangkok ng nilaga, ibig sabihi’y tumatalikod sa kanilang papel bilang mga rebolusyonaryong lider ng mamamayan laban sa burgesya. “Ang estado, ibig sabihin, ang proletaryado na organisado bilang naghaharing uri” – ang teoryang ito ni Marx ay mahigpit na nakaugnay sa lahat ng kanyang itinuturo tungkol sa rebolusyonaryong papel ng proletaryado sa kasaysayan. Ang kulminasyon ng papel na ito ay ang proletaryong diktadura, ang pampulitikang paghahari ng proletaryado. Pero kung kailangan ng proletaryado ang estado bilang espesyal na anyo ng organisasyon ng karahasan laban sa burgesya, halos awtomatikong lumilitaw ang sumusunod na katanungan: Maaari bang isipin na malilikha ang ganoong organisasyon nang hindi muna dinudurog at winawasak ang makinarya ng estado na nilikha ng burgesya para sa sariling gamit? Ganito agad ang kongklusyon sa Manipestong Komunista, at ang kongklusyon ito ang tinatalakay ni Marx nang lagumin ang karanasan ng Rebolusyon ng 1848-51. 2. ANG PAGLALAGOM SA REBOLUSYON Hinalaw ni Marx ang kanyang mga kongklusyon mula sa rebolusyon ng 1848-51 tungkol sa usapin ng estado na ating pinapaksa sa sumusunod na mga obserbasyong nilalaman ng Ang Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Bonaparte: “Pero puspusan ang rebolusyon. Nagdaraan pa ito sa purgatoryo. Sistematiko nitong kinukumpleto ang kanyang tungkulin. Pagsapit ng Disyembre 2, 1851 [araw ng kudeta ni Louis Bonaparte], nakumpleto na nito ang kalahati ng kanyang panimulang gawain. Kinukumpleto ngayon nito ang ikalawang hati. Una, pinerpekto nito ang kapangyarihang parlamentaryo para maibagsak ito. Ngayong nakamit na ito, pineperpekto naman nito ang kapangyarihan ehekutibo, ibinabalik sa dalisay nitong anyo, inihihiwalay ito, at itinatapat laban sa sarili bilang tanging kasiraan, nang sa gayon ay maikokonsentra ang lahat ng kanyang mapangwasak na pwersa laban dito [amin ang pagdidiin]. At kapag natapos na nito ang ikalawang parte ng panimulang gawain, tatalon patayo ang Europa at masayang-masayang sisigaw: Magaling! Magaling! “Ang kapangyarihang ehekutibong ito, na napakalaki ang organisasyong burukratiko at militar, na napakalawak ang makinaryang pang-estado, na napakaraming upisyal na umaabot sa kalahating milyon bukod pa sa hukbo na kalahating milyon din, ang nakakatakot na organo ng mga parasitong ito na nakabalot na parang lamad sa katawan ng lipunang Pranses at sumasakal sa lahat ng hingahan nito ay lumitaw sa panahon ng absolutong monarkiya nang bumabagsak ang pyudalismo, na pinabilis nito. Pinaunlad ng unang Rebolusyong Pranses ang sentralisasyon, pero kasabay nito’y pinaunlad ang lawak, mga katangian at mga alagad ng kapangyarihang panggubyerno. Kinumpleto ni Napoleon ang makinaryang pang-estadong ito. Walang idinagdag ang Monarkiyang Lehitimista at Monarkiyang Hulyo kundi ang mas malaking hatian ng gawain.... “Panghuli, sa pakikibaka ng parlamentaryong Republika sa rebolusyon, napilitan itong palakasin ang mga rekurso at ang sentralisasyon ng kapangyarihang panggubyerno sa pamamagitan ng kanyang mapanupil na mga hakbang. Higit lamang na pinerperkto ng lahat rebolusyon ang makinaryang ito sa halip na wasakin ito [amin ang pagdidiin]. Itinuturing ng mga partidong halinhinang naglalabanan para makapaghari na pangunahing dambong ng nanalo ang pag-agaw sa napakalaking makinaryang pang-estadong ito.” (Ang Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Bonaparte, pp.98-99, ikaapat na edisyon, Hamburg, 1907.)10

  • Sa napakahusay na mga pangungusap na ito, malaki na ang isinulong ng Marxismo kung ikukumpara sa Manipestong Komunista. Doon, ang usapin ng estado ay tinatalakay pa rin sa napakaabstraktong paraan, sa pinakapanlahat na termino at pananalita. Dito, kongkretong tinatalakay ang usapin, at napakapresiso, napakadepinido, napakapraktikal at napakalinaw ng kongklusyon: hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng naunang rebolusyon ay tumulong sa pagpeperpekto sa makinaryang pang-estado, samantalang dapat naman itong lansagin at wasakin. Ang kongklusyong ito ang pangunahin at pundamental na punto sa Marxistang teorya tungkol sa estado. Pero ang pundamental na puntong ito mismo ang hindi lamang lubusang kinalimutan ng mga nangingibabaw na upisyal na partidong Sosyal-Demokratiko, kundi tahasan pa ngang binaluktot (makikita natin sa susunod) ni K. Kautsky, ang nangungunang teoretisyan ng Ikalawang Internasyunal. Sa Manipestong Komunista, nilalagom ang pangkalahatang mga aral ng kasaysayan, na nag-oobliga sa atin na ituring ang estado bilang organo ng makauring paghahari at nagdadala sa atin sa di maiiwasang kongklusyon na hindi maibabagsak ng proletaryado ang burgesya kung hindi muna aagawain ang kapangyarihang pampulitika, kung hindi makakamit ang paghahari sa pulitika, kung hindi itatransporma ang estado bilang “proletaryado na organisado bilang naghaharing uri”; at ang proletaryong estadong ito ay magsisimulang maglaho agad pagkaraang magtagumpay dahil hindi kakailanganin at hindi makakairal ang estado sa lipunang walang makauring mga antagonismo. Hindi tinatalakay dito ang usapin kung paanong mangyayari, sa punto de bista ng istorikong pag-unlad, ang pagpapalit ng proletaryong estado sa burges na estado. Ang usaping ito mismo ang tinalakay at sinagot ni Marx noong 1852. Tapat sa kanyang pilosopiya ng diyalektikong materyalismo, ginamit ni Marx bilang kanyang batayan ang karanasan ng dakilang mga taon ng rebolusyon ng 1848 hanggang 1851. Dito, at sa lahat ng iba pa, ang kanyang itinuturo ay ang paglalagom ng karanasan, tinatanglawan ng malalim na pampilosopyang pananaw sa daigdig at ng mayamang kaalaman sa kasaysayan. Kongkretong inilalahad ang usapin ng estado: paano lumitaw ang burges na estado, ang makinaryang pang-estadong kailangan para sa paghahari ng burgesya? Ano ang mga pagbabagong dinaanan nito, paano ito umunlad sa takbo ng burges na mga rebolusyon at sa harap ng independyenteng mga aksyon ng mga uring api? Ano ang mga tungkulin ng proletaryado kaugnay ng makinaryang pang-estadong ito? Lumitaw ang sentralisadong kapangyarihang pang-estado na natatangi sa lipunang burges sa panahon ng pagbagsak ng absolutismo. Dalawang institusyon ang pinakakatangian ng makinaryang pang-estadong ito: ang burukrasya at pamalagiang hukbo. Sa mga akda nina Marx at Engels, paulit-ulit nilang ipinapakita ang libu-libong hiblang nag-uugnay ng mga institusyong ito sa burgesya. Inilalarawan ng karanasan ng lahat ng manggagawa ang koneksyong ito sa napakalinaw at pinakamabisang paraan. Sa mapait na karanasan mismo ng uring manggagawa, natututuhan nitong kilalanin ang koneksyong ito; ito ang dahilan kung bakit madali nitong nasasapol at matatag na natututuhan ang doktrina na nagbubunyag ng di maiiwasang koneksyong ito, isang doktrinang walang kamuwangan at pabirong itinatatwa, o higit pang pabirong tinatanggap “sa kabuuan” ng mga demokratang petiburges, samantalang kinakalimutan namang humango ng sapat at praktikal na mga kongklusyon. Ang burukrasya at pamalagiang hukbo ay “mga parasito” sa katawan ng burges na lipunan – isang parasitong iniluwal ng panloob na mga antagonismo na nagwawakwak sa lipunan iyon, pero sa esensya’y isang parasitong “sumasakal” sa lahat ng hingahan” ng buhay. Ang pananaw na ito na isang parasitikong organismo ang estado ay itinuturing ng oportunismong maka-Kautsky, na nangingibabaw ngayon sa upisyal na Sosyal-Demokrasya, bilang natatangi at eksklusibong katangian ng Anarkismo. Hindi na kailangang sabihin pa na ang pambabaluktot na ito sa Marxismo ay may napakalaking bentahe sa mga pilistino na nagdulot sa Sosyalismo ng walang kapantay na kahihiyan ng pagmamatwid at

  • paggagayak sa imperyalistang digmaan sa pamamagitan ng paglapat dito ng terminong “pagtatanggol sa inangbayan”; gayunpaman, ito’y isang ganap na pambabaluktot. Nagpatuloy ang pagpapaunlad, pagpapahusay at pagpapalakas ng makinaryang burukratiko at militar sa panahon ng napakaraming rebolusyong burges na nasaksihan ng Europa mula nang bumagsak ang pyudalismo. Sa partikular, ang petiburgesya ang naakit sa panig ng malaking burgesya at naging tapat dito sa pamamagitan pangunahin ng makinaryang ito, na nagbibigay sa nakatataas na saray ng uring magsasaka, maliliit na artisano at mangangalakal ng relatibong komportable, disente at kagalang-galang na mga pwesto na nag-aangat ng nakapwesto sa ibabaw ng mamamayan. Tingnan ang nangyari sa Rusya sa anim na buwan matapos ng Marso 12, 1917. Naging pwesto na ngayon ng mga Cadet, Menshevik at Sosyalista-Rebolusyonaryo ang mga pwesto sa gubyerno na dati’y ibinibigay sa mga myembro ng Black Hundred. Walang sinuman na tunay na nag-iisip na magharap ng anumang seryosong reporma. Ipagpapaliban ang mga repormang ito “hanggang sa pagpulong ng Constituent Assembly”, na siya namang ipinagpaliban hanggang pagkatapos ng gera! Pero hindi ipinagpaliban, hindi hinintay ang Constituent Assembly para mapaghati-hatian ang mga dambong, makuha ang pusisyon ng mga Ministro, Pangalawang Ministro, gubernador-heneral, atbp., atbp.! Sa esensya, ang larong pagbabagu-bago ng kumbinsyon kaugnay ng bubuo sa Probisyunal na Gubyerno ay ekspresyon lamang ng hatian at muling hatiang ito ng “mga dambong”, na nangyayari na sa buong bayan, sa itaas man o ibaba, sa bawat departamento ng sentral at lokal na gubyerno. Ang praktikal na mga resulta ng anim na buwan sa pagitan ng Marso 12 at Setyembre 9, 1917 ay malalagom nang walang anumang pagtatalo bilang: pagsasantabi ng mga reporma, pamamahagi ng mga pusisyon ng mga upisyal, at pagwawasto ng “mga pagkakamali” sa pamamahagi sa pamamagitan ng ilang muling pamamahagi. Pero habang lalong tumatagal ang proseso ng “muling pagpaparte-parte” ng burukratikong makinarya sa iba’t ibang partidong burges at petiburges (sa mga Cadet, Sosyalista-Rebolusyonaryo at Menshevik sa kaso ng Rusya), lalong malinaw na namumulat ang mga aping uri, sa pamumuno ng proletaryado, sa di mapapagkasundong hostilidad nila sa kabuuan ng lipunang burges. Samakatwid, kailangang patindihin ng lahat ng partidong burges, kahit na ng pinakademokratiko at “rebolusyonaryo-demokratiko” sa mga ito, ang mapaniil na mga hakbang ng panunupil laban sa rebolusyonaryong proletaryado, palakasin ang makinarya sa paniniil, ibig sabihi’y ang makinaryang pang-estado ring iyon. Inoobliga ng ganoong takbo ng mga pangyayari ang rebolusyon na “ikonsetra ang lahat ng pwersa nito sa pagwawasak” laban sa kapangyarihan pang-estado, at ituring na ang usapin ay usapin ng pagdudurog at pagwawasak sa makinarya ng estado, at hindi ng pagpeperpekto nito. Hindi lohikal na pagteteorya kundi aktwal na takbo ng mga pangyayari, ang buhay na karanasan ng 1848-51, ang lumikha ng gayong paglalahad ng usapin. Kung gaano kahigpit na kumapit si Marx sa solidong batayan ng istorikong karanasan ay makikita sa pangyayaring hindi pa niya kongkretong tinalakay noong 1852 ang usaping kung ano ang ipapalit sa wawasaking makinaryang pang-estado. Hindi pa napapalitaw ng karanasan ang materyal para sa solusyon ng usaping ito, na ihinapag ng kasaysayan sa kalaunan noong 1871. Noong 1852, ang pwede lamang ilatag nang may kawastuan sa obserbasyong taglay ng syensyang pangkalikasan ay ang pangyayaring lumapit na ang proletaryong rebolusyon sa tungkuling “ikonsentra ang lahat ng pwersa nito sa pagwawasak” laban sa estado, sa tungkuling “wasakin” ang makinarya ng gubyerno. Dito’y maaaring sumulpot ang tanong na: Tama bang magbuo ng heneralisasyon tungkol sa karanasan, mga obserbasyon at kongklusyon ni Marx at ilapat ang mga ito sa larangang mas malawak kaysa kasaysayan ng France sa tatlong taong 1848-51? Para masuri ang usaping ito, alalahanin muna natin ang sinabi ni Engels, at pagkaraa’y suriin ang mga datos. Sa paunang salita ni Engels sa ikatlong edisyon ng Ikalabingwalong Brumaire, sinabi niya: “Higit pa sa alinmang bayan, ang France ay ang bayan kung saan naganap ang istorikong tunggalian ng mga uri hanggang sa mapagpasyang kongklusyon ng mga ito, at kung gayon, dito rin

  • pinakamatalas na naiguhit ang nagbabagong mga anyong pampulitikang kinapalooban ng pag-unlad ng mga pakikibakang ito at kung saan nalalagom ang kanilang mga resulta. Ito ang sentro ng pyudalismo sa Kapanahunang Midyebal, at modelong bayan (mula noong Renaissance) ng isang mahigpit na nagkakaisang monarkiya; sa dakilang rebolusyon, dinurog ng France ang pyudalismo at dito’y itinatag ang ganap na paghahari ng burgesya sa anyong higit na klasiko kaysa alinmang bayan sa Europa. At dito, lumitaw rin ang pakikibaka ng sumisibol na proletaryado laban sa naghaharing burgesya sa napakatalas na anyong hindi pa naranasan kahit saan.” (p. 4, edisyon 1907.) Paso na ang huling pangungusap dahil mula 1871, humupa na ang rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryadong Pranses; gayunman, matagal man ang paghupang ito’y posibleng-posible pa rin na sa nalalapit na proletaryong rebolusyon, muling maipakita ng France na ito ang tradisyunal na tahanan ng tunggalian ng mga uri hanggang katapusan. Gayunman, tingnan natin ang kasaysayan ng mas abanteng mga bayan sa pagtatapos ng ikalabinsiyam na siglo at simula ng ikadalawampung siglo. Makikita natin na nangyayari din ang ganoong proseso nang mas mabagal, sa mas maraming anyo at sa mas malawak na larangan: sa isang banda, ang pag-unlad ng “parlamentaryong kapangyarihan” hindi lamang sa mga bayang republikano (France, Amerika, Switzerland) kundi maging sa mga monarkiya (England, sa isang antas, ang Germany, Italy, mga bayan ng Scandinavia, atbp.); sa kabilang banda, ang labanan para sa kapangyarihan ng iba’t ibang partidong burges at petiburges na pagpaparte-parte at muling nagpaparte-parte ng “dambong” ng mga pwesto ng mga upisyal, samantalang nananatili namang hindi nagbabago ang pundasyon ng kapitalistang lipunan; at panghuli, ang perpeksyon at pagpapalakas ng “kapangyarihang ehekutibo”, ng makinaryang burukratiko at militar nito. Walang kaduda-duda na sa pangkalahatan, ito ang mga katangiang komun sa pinakahuling yugto sa ebolusyon ng lahat ng estadong kapitalista. Sa tatlong taong 1848-51, ipinakita ng France, sa mabilis, matalas at konsentradong anyo, ang lahat ng proseso mismo ng pag-unlad na likas sa buong kapitalistang daigdig. Ipinakita laluna ng imperialismo – ang panahon ng kapital sa pagbabangko, ang panahon ng naglalakihang monopolyong kapitalista, ang panahon ng transpormasyon ng monopolyong kapitalismo tungong monopolyong kapitalismong pang-estado – ang walang kapantay na pagpapalakas ng “makinarya ng estado” at ang walang kapantay na paglaki ng makinaryang burukratiko at militar nito, kasabay ng pagtindi ng mapanupil na mga hakbang laban sa proletaryado, kapwa sa mga bayang monarkikal at sa pinakamalalayang bayang republikano. Walang dudang hahantong ngayon ang kasaysayan ng daigdig, sa di hamak na mas malawak na saklaw kaysa 1852, sa “konsentrasyon ng lahat ng pwersa” ng proletaryong rebolusyon para sa “pagwawasak” ng makinarya ng estado. Kung ano naman ang ipapalit ng proletaryado sa makinaryang ito ng estado, nagbigay ang Komuna ng Paris ng instruktibong datos kaugnay nito. 3. ANG PORMULASYON NI MARX SA USAPIN NOONG 1852 Noong 1907, inilathala ni Mehring sa Neue Zeit11 (Tomo 25, 2, p. 164) ang mga sinipi sa sulat ni Marx kay Weydemeyer na may petsang Marso 5, 1852. Bukod sa iba pang bagay, nilalaman ng sulat na ito ang sumusunod na mahalagang obserbasyon: Idinagdag ni Lenin ang seksyong ito sa ikalawang edisyong Ruso ng Ang Estado at Rebolusyon, 1918. – Ed.

  • “Para naman sa akin, hindi ako ang dapat purihin sa pagkakatuklas na may mga uri sa modernong lipunan, pati na ng tunggalian sa pagitan ng mga uri. Matagal bago pa man sa akin, ipinaliwanag na ng burges na mga istoryan ang istorikong pag-unlad ng tunggaliang ito ng mga uri, at ipinaliwanag naman ng mga ekonomistang burges ang pang-ekonomyang anatomi ng mga uri. Ang ginawa kong bago ay patunayan ang sumusunod: (1) na ang pag-iral ng mga uri ay nakaugnay lamang sa ilang istorikong tunggalian na iniluluwal ng pag-unlad ng produksyon [Historische Entwicklungsphasen der Produktion]; (2) na walang ibang patutunguhan ang tunggalian sa uri kundi sa diktadura ng proletaryado; (3) na ang diktadurang ito mismo ay isang transisyon lamang tungo sa pagpawi ng lahat ng uri at tungo sa lipunang walang mga uri.”12 Sa mga salitang ito, naipahayag ni Marx nang buong linaw, una, ang pangunahin at kongkretong mga pagkakaiba ng kanyang mga itinuturo sa mga itinuturo ng pinakaabante at pinakamalalim na mga palaisip ng burgesya, at ikalawa, ang esensya ng kanyang mga itinuturo tungkol sa estado. Madalas sabihin at isulat na ang pangunahing punto sa mga itinuturo ni Marx ay ang tunggalian ng mga uri. Pero hindi ito totoo. Mula sa kamaliang ito, doon at dito’y madalas lumitaw ang oportunistang pambabaluktot sa Marxismo, ang ganoong pagpapalsipika nito sa diwang katanggap-tanggap sa burgesya. Hindi si Marx ang lumikha sa doktrina ng tunggalian ng mga uri kundi ang burgesya na nauna kay Marx, at sa pangkalahatan ay katanggap-tanggap sa burgesya. Hindi pa Marxista ang kumikilala sa tunggalian ng mga uri lamang; maaaring hindi pa niya nalalampasan ang mga hangganan ng kaisipan at pulitikang burges. Ang paglilimita ng Marxismo sa doktrina ng tunggalian ng mga uri ay nangangahulugan ng pagbabawas sa Marxismo – pagbabaluktot nito at paggawang katanggap-tanggap sa burgesya. Ang Marxista ay ang taong nagpapasaklaw ng pagkilala ng tunggalian ng mga uri sa pagtanggap sa diktadura ng proletaryado. Naririto ang pinakamalalim na pagkakaiba sa pagitan ng isang Marxista at isang karaniwang petiburges o malaking burges. Sa pinakabatayang ito kailangang sukatin ang tunay na pagkakaunawa at pagtanggap sa Marxismo. Nang iharap ng kasaysayan ng Europa sa uring manggagawa ang usaping ito sa praktikal na paraan, hindi nakakapagtaka na napatunayang miserableng mga pilistino at demokratang petiburges na nagtatatwa sa diktadura ng proletaryado hindi lamang ang lahat ng oportunista at repormista kundi pati ang lahat ng “maka-Kautsky” (mga taong nag-uurong-sulong sa pagitan ng repormismo at Marxismo). Ang pampleto ni Kautsky, Ang Diktadura ng Proletaryado, na inilathala noong Agosto 1918, ibig sabihin, matagal na matapos mailathala ang unang edisyon ng aklat na ito, ay isang napakahusay na halimbawa ng petiburges na pambabaluktot ng Marxismo at napakasamang pagtataksil sa Marxismo sa praktika, habang ipokrito namang kinikilala ito sa salita (sangguniin ang aking pampleto, Ang Proletaryong Rebolusyon at ang Taksil na si Kautsky, Petrograd at Moscow, 1918). Ang kasalukuyang oportunismo sa katauhan ng prinsipal na kinatawan nito, ang dating Marxistang si K. Kautsky, ay lubos na napapaloob sa karakterisasyon ni Marx ng burges na pusisyon na binabanggit sa itaas, dahil nililimita ng oportunismong ito sa larangan ng relasyong burges ang pagkilala sa tunggalian ng mga uri. (Sa loob ng larangan ito, sa loob ng balangkas nito, wala kahit isa mang edukadong liberal ang tatangging kilalanin “sa prinsipyo” ang tunggalian sa uri!) Hindi pinatutungo ng oportunismo ang pagkilala sa tunggalian ng mga uri hanggang sa pangunahing punto, hanggang sa panahon ng transisyon mula kapitalismo tungo sa Komunismo, hanggang sa panahon ng pagbabagsak at ganap na pagpapawi sa burgesya. Ang totoo’y di maiiwasang ang panahong ito ay maging panahon ng pambihira sa dahas na mga tunggalian ng mga uri sa pinakamatatalas na posibleng anyo nito, at samakatwid, sa panahong ito, ang estado’y di maiiwasang maging isang estado na demokratiko sa bagong paraan (para sa proletaryado at walang pag-aari sa pangkalahatan) at diktaduryal sa bagong paraan (laban sa burgesya). Dagdag pa, ang esensya ng mga itinuturo ni Marx tungkol sa estado ay mauunawaan lamang ng mga nakakaintindi na kailangan ang diktadura ng iisang uri, hindi lamang para sa alinmang makauring

  • lipunan sa pangkalahatan, hindi lamang para sa proletaryado na nagbagsak sa burgesya, kundi pati rin para sa buong istorikong kapanahunan na naghihiwalay ng kapitalismo sa “lipunan walang mga uri”, sa komunismo. Napakaraming iba’t ibang anyo ng estadong burges pero pare-pareho ang esensya ng mga ito: sa iba’t ibang paraan, ang lahat ng estadong ito sa huling pagsusuri ay tiyak na diktadura ng burgesya. Tiyak na magkakaroon ng napakaraming iba’t ibang anyo sa pulitika ang transisyon mula sa kapitalismo tungo sa komunismo, pero tiyak ding iisa ang esensya ng mga ito: ang diktadura ng proletaryado. KABANATA III ANG KARANASAN NG KOMUNA NG PARIS NG 1871: ANG PAGSUSURI NI MARX. 1. ANO ANG BUMUBUO SA KAGITINGAN NG MGA KOMYUNARD? Alam ng lahat na noong taglagas ng 1870, ilang buwan bago ang Komuna, binalaan ni Marx ang mga manggagawa ng Paris na ang anumang pagtatangkang ibagsak ang gubyerno ay kahangalang bunga ng desperasyon. Pero nang ipwersa sa mga manggagawa ang isang mapagpasyang labanan noong Marso 1871 at tinanggap nila ito, nang maganap na nga ang pag-aalsa, buong-siglang tinanggap ni Marx ang proletaryong rebolusyon sa kabila ng di paborableng mga palatandaan. Ang aktitud ni Marx ay hindi ang pagmamarunong na pagkokondena sa kilusang “wala sa panahon” tulad ng ginawa ng bantog sa kasamaang si Plekhanov, ang Rusong nagtaksil sa Marxismo na mapanghimok na sumulat noong Nobyembre 1905 tungkol sa pakikibaka ng mga manggagawa’t magsasaka, pero pagkaraan ng Disyembre 1905, ay sumigaw sa paraang liberal: “Hindi sila dapat nag-alsa.” Gayunman, hindi lamang tuwang-tuwa si Marx tungkol sa kagitingan ng mga Komyunard, na tulad ng ipinahayag niya ay “sumalakay sa langit”. Bagamat hindi nakamit ng rebolusyonaryong kilusan masa ang layunin nito, nakita niya rito ang isang napakahalagang istorikong eksperimento, isang antas ng pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, isang praktikal na hakbang na mas mahalaga kaysa daan-daang programa at talakayan. Suriin ang eksperimentong ito, hanguin ang mga aral sa taktika, muling suriin ang kanyang teorya sa bagong diwang naibibigay nito – ganito ang pagkakalahad ng usapin para kay Marx. Ang tanging “pagwawastong” nakita ni Marx na kailangang gawin sa Manipestong Komunista ay ibinatay niya sa rebolusyonaryong karanasan ng mga Komyunard ng Paris. May petsang Hunyo 24, 1872 ang huling paunang salita ng bagong edisyong German ng Manipestong Komunista, na may lagda ng dalawang may-akda. Sa paunang salitang ito, sinabi ng mga may-akda, sina Karl Marx at Frederick Engels, na “sa ilang lugar ay paso na” ang programa ng Manipestong Komunista. Sinabi rin nila na: “Isang bagay ang partikular na pinatunayan ng Komuna, at iyon ay “hindi maaaring simpleng panghawakan ng uring manggagawa ang yari nang makinaryang pang-estado at gamitin ito para sa sariling layunin.”13 "Hindi sila dapat nag-alsa" – mga salita ni G. Plekhanov tungkol sa armadong pag-aalsa ng Disyembre 1905.

  • Kinuha ng mga may-akda ang mga salitang may panipi mula sa libro ni Marx na Ang Digmaang Sibil sa France. Kung gayon, itinuring nina Marx at Engels na ganoon kahalaga ang isang prinsipal at pundamental na aral sa Komuna ng Paris kung kaya’t ipinasok nila ito bilang mahalagang pagwawasto sa Manipestong Komunista. Talagang ganoon at ang mismong napakahalagang pagwawastong ito ang binaluktot ng mga oportunista, at ang kahulugan nito’y malamang na di alam ng siyam sa sampu, kundi man siyamnapu’t siyam sa sandaan na nakabasa ng Manipestong Komunista. Mas lubusan nating tatalakayin ang pambabaluktot na ito sa susunod, sa kabanatang natatanging nakalaan sa mga pambabaluktot. Sapat na ritong banggitin na ang kasalukuyang bulgar na “interpretasyon” ng bantog na pahayag ni Marx na kasisipi lamang ay ang paggigiit na binibigyang diin dito ni Marx ang ideya ng unti-unting pag-unlad, bilang pag-iiba pa sa pag-aagaw ng kapangyarihan, at iba pa. Sa katunayan, ang kabaligtaran mismo ang kaso. Ang ideya ni Marx ay dapat lansagin at durugin ng uring manggagawa ang “yari nang makinaryang pang-estado,” at hindi dapat ilimita ang sarili sa paghawak lamang nito. Noong Abril 12, 1871, ibig sabihi’y sa panahon mismo ng Komuna, sumulat si Marx kay Kugelmann: “Kung titingnan mo ang huling kabanata ng aking Ikalabingwalong Brumaire, makikita mo na idineklara ko na ang susunod na pagsisikap ng Rebolusyong Pranses ay dapat ganito: hindi tulad ng dati na pinagpapasa-pasahan ang makinaryang burukratiko-militar kundi ang pagdurog nito [pagdidiin ni Marx – “zerbrechen” ang orihinal]; at ito ang unang kundisyon ng lahat ng tunay na rebolusyon ng mamamayan sa Kontinente. At ito ang siyang sinisikap gawin ng magigiting nating kasama sa Partido sa Paris.” (Neue Zeit, Tomo 20, 1, 1901-02, p. 709.)14 (Ang mga sulat ni Marx kay Kugelmann ay naisalin na sa Ruso at nalathala sa dalawang edisyon pa nga, at isa sa mga edisyong ito’y inedit at binigyan ko ng paunang salita. – Ed.15) Nilalaman ng mga salitang “durugin ang makinaryang burukratiko-militar”, sa maikling paglalahad, ang prinsipal na aral ng Marxismo kaugnay ng mga tungkulin ng proletaryado kaugnay ng estado sa panahon ng rebolusyon. At ang aral na ito mismo ang hindi lamang kinalimutan, kundi lubusan pa ngang binaluktot ng umiiral na “interpretasyong” maka-Kautsky ng Marxismo. Tungkol naman sa pagtukoy ni Marx sa Ikalabingwalong Brumaire, nasipi na natin nang buo ang kaukulang mga pangungusap. Sa partikular, interesanteng banggitin ang dalawang punto sa siniping mga pangungusap ni Marx. Una, nilimita niya sa Kontinente ang kanyang kongklusyon. Natural ito noong 1871 dahil ang England ay modelo pa rin ng isang purong kapitalistang bayan pero walang makinaryang militar, at sa kalakhan ay walang burukrasya. Kung gayon, ipinwera ni Marx ang England, kung saan maaaring isipin, at posible sa panahong iyon, ang rebolusyon, kahit ang rebolusyon ng mamamayan, nang hindi isinasagawa ang preliminaryong kundisyong wasakin ang “yari nang makinaryang pang-estado.” Ngayong 1917, sa kapanahunan ng unang malaking imperyalistang digmaan, wala nang bisa ang eksepsyong ito na ginawa ni Marx. Kapwa ang England at Amerika, na pinakamalalaki’t huling mga kinatawan ng “kalayaang” Anglo-Saxon, sa pakahulugan na walang militarismo at burukrasya, ay lumublob na nang husto sa marumi’t madugong latiang Europeano ng mga institusyong burukratiko-militar, kung saan napapailalim ang lahat at tinatapak-tapakan ang lahat. Ngayon, kapwa sa England at Amerika, “ang prekondisyon para sa lahat ng tunay na rebolusyon ng mamamayan” ay ang pagdurog, ang pagwasak sa “yari nang makinaryang pang-estado” (na dinala sa mga bayang ito, sa pagitan ng 1914 at 1917, sa imperyalistang perpeksyong “Europeano”).

  • Ikalawa, dapat bigyan ng partikular na atensyon ang napakalalim na sinabi ni Marx na ang pagwasak ng pang-estadong makinaryang burukratiko-militar ang “prekondisyon ng lahat ng tunay na rebolusyon ng mamamayan”. Mukhang nakakapagtaka na nagmula kay Marx ang ideya ng rebolusyon ng “mamamayan” kaya posibleng ideklara ng mga maka-Plekhanov at Menshevik na Ruso, mga alagad ni Struve na gustong maituring na mga Marxista, na ang ganoong salita ay “dulas ng dila”. Pinababa nila ang Marxismo sa ganoon na lamang katayuan ng namumulubing liberal na pambabaluktot kung kaya’t wala nang umiiral para sa kanila kundi ang pagkakaiba ng burges na rebolusyon at proletaryong rebolusyon – at maging ang pagkakaibang ito ay nauunawaan nila sa paraang walang kabuhay-buhay. Kung gagawin nating mga halimbawa ang mga rebolusyon ng ika-dalawampung siglo, mangyari pa’y kailangan nating tanggapin na burges na rebolusyon ang mga rebolusyon sa Portugal at Turkey. Gayunman, hindi rebolusyon ng “mamamayan” ang alinman sa dalawang rebolusyon dahil sa hindi naman aktibo at independyenteng lumahok ang masa ng mamamayan, ang napakalaking mayorya, dala-dala ang sarili nilang pang-ekonomya’t pampulitikang mga kahilingan, sa alinman sa dalawa. Sa kabilang banda, walang dudang isang “tunay” na rebolusyon ng “mamamayan” ang burges na rebolusyong Ruso ng 1905-07, kahit hindi nagpakita ng “maniningning na tagumpay tulad ng nangyari sa ilang pagkakataon sa rebolusyon ng Portugal at ng Turkey, dahil independyenteng nag-alsa ang masa ng mamamayan, ang mayorya, ang pinakamababang saray na dinurog ng pang-aapi at pagsasamantala, dahil iginuhit nila sa buong proseso ng rebolusyon ang tatak ng kanilang mga kahilingan, ng kanilang mga pagsisikap na itatag sa sariling paraan ang isang bagong lipunan kapalit ng lumang lipunang winawasak. Noong 1871 sa Europa, hindi ang proletaryado sa Kontinente ang mayorya ng mamamayan. Magiging rebolusyon lamang ng “mamamayan” na aktwal na nakapagpapakilos ng mayorya sa kanyang agos, ang isang rebolusyon kung sasaklawin nito kapwa ang proletaryado at uring magsasaka. Ang dalawang uring ito ang bumubuo sa “mamamayan” sa panahong iyon. Pinagbuklod ang dalawang uring ito ng sirkunstansyang inaapi, dinudurog, at pinagsasamantalahan sila ng “pang-estadong makinaryang burukratiko-militar.” Ang paglalansag sa makinaryang ito, ang pagwawasak nito – ito ang tunay na interes ng “mamamayan”, ng mayorya ng mamamayan, ng mga manggagawa at karamihan ng mga magsasaka, ito ang “preliminaryong kundisyon” ng malayang pagkakaisa ng mga maralitang magsasaka at mga manggagawa; samantalang kung wala ang ganoong pagkakaisa, hindi magiging matatag ang demokrasya at magiging imposible ang sosyalistang reorganisasyon. Tulad ng alam ng lahat, patungo na nga sa ganoong alyansa ang Komuna ng Paris, kahit na hindi nito nakamit ang layunin dahil sa ilang sirkunstansyang panloob at panlabas. Bunga nito, kung nagbabanggit si Marx ng “isang tunay na rebolusyon ng mamamayan”, mahigpit niyang isinaalang-alang ang aktwal na interelasyon ng mga uri sa karamihan ng mga bayan sa kontinenteng Europa noong 1871, nang hinding-hindi kinakalimutan ang mga partikular na katangian ng petiburgesya (madalas niyang talakayin ang uring ito at marami siyang sinabi tungkol dito). Sa kabilang banda, sinabi niya na ang “pagwawasak” ng makinaryang pang-estado ay hinihingi ng interes kapwa ng mga manggagawa’t magsasaka, na pinagbubuklod sila nito, na inihaharap nito sa kanila ang tungkuling komun na alisin ang “parasito” at palitan ito ng bago. Pero ano ang siyang ipapalit? 2. ANO ANG IPAPALIT SA WINASAK NA MAKINARYANG PANG-ESTADO? Noong 1847, sa Manipestong Komunista, napakaabstrakto pa ng sagot ni Marx sa usapin ito, at inilahad lamang ang mga usapin at hindi pa ang mga paraan sa paglulutas ng mga ito. Ang pagpapalit

  • ng “proletaryado na organisado bilang naghaharing uri” sa makinaryang ito, “ang pagtatatag ng demokrasya” – ganoon ang tugon ng Manipestong Komunista. Nang hindi gumagamit ng mga utopya, hinintay ni Marx na magluwal ang karanasan ng kilusang masa ng sagot sa tanong kung ano ang eksaktong mga anyo na kahuhugisan ng organisasyon ito ng proletaryado bilang naghaharing uri, at kung ano ang eksaktong paraan kung paano makokombina ang organisasyong ito sa pinakaganap, pinakakonsistenteng “pagtatatag ng demokrasya”. Sa Ang Digmaang Sibil sa France, napakamasusing sinuri ni Marx ang eksperimento ng Komuna, gaano man kaiksi ito. Sipiin natin ang pinakamahahalagang pangungusap sa akdang ito. Umunlad noong ikalabinsiyam na siglo, aniya, na nagmula pa sa kapanahunan ng absolutong monarkiya, “ang sentralisadong kapangyarihang pang-estado, kasama ang malaganap na mga organo ng pamalagiang hukbo, pulisya, burukrasya, kaparian at hudikatura.” Sa pag-unlad ng makauring antagonismo sa pagitan ng kapital at paggawa, “ang kapangyarihang pang-estado ay higit na nagiging pambansang kapangyarihan ng kapital laban sa paggawa, ng isang lakas publikong inorganisa para sa pang-aalipin ng lipunan, ng isang makina ng makauring despotismo. Pagkaraan ng bawat rebolusyon na naghuhudyat ng isang progresibong yugto sa tunggalian ng mga uri, mas lalo pang tumatampok ang purong mapaniil na katangian kapangyarihang pang-estado.” Pagkaraan ng rebolusyon ng 1848-49, ang kapangyarihan pang-estado ay naging “pambansang makinang pandigma ng kapital laban sa paggawa”. Kinonsolida ito ng Pangalawang Imperyo. “Ang tuwirang kasalungat ng Imperyo ay ang Komuna,” sabi ni Marx. Ito ang “positibong anyo” ng “isang republika na hindi lamang hahalili sa anyong monarkikal ng makauring paghahari, kundi ng makauring paghahari mismo”. Ano ang “positibong” anyong ito ng proletaryong republika, ng Sosyalistang republika? Ano ang estadong inuumpisahan nitong likhain? “Ang unang dikreto ng Komuna. . . ay supilin ang pamalagiang hukbo at ipalit dito ang armadong mamamayan,” sabi ni Marx. Makikita ngayon ang kahingiang ito sa programa ng bawat partidong nagtataguri sa sarili bilang Sosyalista. Pero ang tunay na halaga ng mga programa ng mga ito ay pinakamalinaw na ipinapakita sa kilos ng ating mga Sosyalista-Rebolusyonaryo at Menshevik, na kahit pagkatapos ng rebolusyon ng Marso 12, 1917 ay tumangging ipatupad ang kahingiang ito sa praktika! “Ang Komuna ay binubuo ng munisipal na mga konsehal, na pinili sa pamamagitan ng unibersal na pagboto sa iba’t ibang purok ng munisipalidad, at responsable at pwedeng alisin sa panunungkulan sa maikling panahon. Natural na mga manggagawa ang mayorya ng mga kagawad nito, o kinikilalang mga kinatawan ng uring manggagawa..... Sa halip na magpatuloy ang pulisya bilang kinatawan ng Sentral na Gubyerno, inalisan agad ito ng pampulitikang katangian at ginawang kinatawan ng Komuna na responsable at maaaring alisin anumang oras. Ganoon din ang ginawa sa mga upisyal ng lahat ng iba pang sangay ng administrasyon. Mula sa mga kagawad ng Komuna pababa, kailangang gampanan ang serbisyong publiko sa sahod ng manggagawa. Nawala ang pansariling interes at alawans sa representasyon ng matataas na upisyal ng estado kasabay ng pagkawala rin ng matataas na upisyal mismo.... “Pagkatanggal ng pamalagiang hukbo at pulisya, ang mga elemento ng pamumwersang pisikal ng lumang gubyerno, sinikap naman ng Komuna na lansagin ang ispiritwal na pwersa ng paniniil, ang “kapangyarihan ng kaparian”.... “Aalisan ng huwad na kasarinlan ang mga upisyal ng hudikatura. ... Ihahalal, mananagot at maaaring alisin sa pwesto ang mga mahistrado at huwes, tulad ng lahat ng iba pang lingkod bayan.”16