panukalang k-12 kurikulum

19
PANUKALANG K-12 KURIKULUM Introduksiyon ANG UNANG DAPAT isipin ay kung paanong makapaglilingkod ang kasalukuyang kurikulum sa pinahabàng mga taon ng pag-aaral sa batayang edukasyon, alinsunod sa planong K+6 elementarya+4 junior high+2 senior high. Kasabay nitó ang pagpapayaman sa nilalaman ng kasalukuyang kurikulum mula sa K hanggang sa ika-12 antas. Kailangan ang pagpapayaman sa nilalaman dahil lubhang mababà ang inaasahang antas ng pagkatuto ng kasalukuyang kurikulum mulang Grade I. Nangangahulugan din ito ng dagdag na mithiin para sa buong kurikulum at kaugnay na mga dagdag na gawain para sa paglinang ng inaasahang mga kaalaman, kasanayan, at hálagáhan (values). Nangangahulugan din ito ng wastong pagdudulot ng gawain— halimbawa, sa paglinang ng wika at ng panitikan—na angkop sa bawat taon mulang K hanggang ika-12 antas. Maganda ring sundin ang tuntuning UBD (bagaman matagal ko nang natutuhan ito sa aking Principles of Education) hinggil sa pagbabahagi at priyotisasyon ng mga gawain. Ang ibig sabihin, kailangang nauuna ang pinakamahalaga (ang core ideas o core tasks), tungo sa mahalagang malaman at gawin, tungo sa mainam din namang matutuhan. Sa ganitong paraan ay laging natitiyak na binibigyan ng higit na panahon sa klase, sa teksbuk, sa mga ehersisyo, sa pagpaplano at pagtatása, ang pinakamahalaga at idinadagdag lámang na pampayaman ng karanasan ang mga bagay na mainam din namang matutuhan ng mga mag-aaral. Sa kabilang dako, may kabaligtarang direksiyon ang paglinang ng bawat kaalaman, kasanayan, at hálagáhan. Nagsisimula sa payak tungo sa masalimuot, sa maliit tungo sa malaki, sa alam na tungo sa bago’t tutuklasin pa lámang, sa pampamilya tungo sa pandaigdig, sa nása paligid tungo sa nása ibang pook, sa pansarili tungo sa lipunan, sa katutubo at tradisyonal tungo sa banyaga at hiram. (Alam na ito ng lahat ng guro. Paalala lang.) MITHIIN ang unang dapat baguhin. Sa pangkalahatan, ang Filipino ay isang sangay ng pag-aaral para maging dalubhasa sa wika (fluency in language)—sa wikang Filipino. Sa gayon, pinakamahalagang layunin ng asignatura ang pagdudulot ng mga gawain upang humusay sa paggamit ng wikang Filipino ang isang 1

Upload: sinagbayanromero

Post on 10-Sep-2014

584 views

Category:

Documents


0 download

TRANSCRIPT

Page 1: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Introduksiyon

ANG UNANG DAPAT isipin ay kung paanong makapaglilingkod ang kasalukuyang kurikulum sa pinahabàng mga taon ng pag-aaral sa batayang edukasyon, alinsunod sa planong K+6 elementarya+4 junior high+2 senior high. Kasabay nitó ang pagpapayaman sa nilalaman ng kasalukuyang kurikulum mula sa K hanggang sa ika-12 antas. Kailangan ang pagpapayaman sa nilalaman dahil lubhang mababà ang inaasahang antas ng pagkatuto ng kasalukuyang kurikulum mulang Grade I. Nangangahulugan din ito ng dagdag na mithiin para sa buong kurikulum at kaugnay na mga dagdag na gawain para sa paglinang ng inaasahang mga kaalaman, kasanayan, at hálagáhan (values). Nangangahulugan din ito ng wastong pagdudulot ng gawain—halimbawa, sa paglinang ng wika at ng panitikan—na angkop sa bawat taon mulang K hanggang ika-12 antas.

Maganda ring sundin ang tuntuning UBD (bagaman matagal ko nang natutuhan ito sa aking Principles of Education) hinggil sa pagbabahagi at priyotisasyon ng mga gawain. Ang ibig sabihin, kailangang nauuna ang pinakamahalaga (ang core ideas o core tasks), tungo sa mahalagang malaman at gawin, tungo sa mainam din namang matutuhan. Sa ganitong paraan ay laging natitiyak na binibigyan ng higit na panahon sa klase, sa teksbuk, sa mga ehersisyo, sa pagpaplano at pagtatása, ang pinakamahalaga at idinadagdag lámang na pampayaman ng karanasan ang mga bagay na mainam din namang matutuhan ng mga mag-aaral.

Sa kabilang dako, may kabaligtarang direksiyon ang paglinang ng bawat kaalaman, kasanayan, at hálagáhan. Nagsisimula sa payak tungo sa masalimuot, sa maliit tungo sa malaki, sa alam na tungo sa bago’t tutuklasin pa lámang, sa pampamilya tungo sa pandaigdig, sa nása paligid tungo sa nása ibang pook, sa pansarili tungo sa lipunan, sa katutubo at tradisyonal tungo sa banyaga at hiram. (Alam na ito ng lahat ng guro. Paalala lang.)

MITHIIN ang unang dapat baguhin. Sa pangkalahatan, ang Filipino ay isang sangay ng pag-aaral para maging dalubhasa sa wika (fluency in language)—sa wikang Filipino. Sa gayon, pinakamahalagang layunin ng asignatura ang pagdudulot ng mga gawain upang humusay sa paggamit ng wikang Filipino ang isang batà. Ngunit alinsunod sa pangkalahatang layunin ng edukasyon sa Filipinas, kailangang magamit niya ang naturang kahusayan upang maging mabuti’t kapaki-pakinabang na mamamayan. Ipagmamalaki niya at patuloy na paghuhusayin ang paggamit ng wikang Filipino hanggang pagkatapos ng pag-aaral. Pipiliin niyang magsaliksik, maging malikhain, at mabuhay sa pamamagitan ng wikang Filipino. Sa gayon, panukala kong ipahayag ang Mithiin sa Filipino sa apat na sumusunod na pahayag:

(1) Ginagamit ang Filipino para sa mabisang talastasan sa iba’t ibang larang at midya.(2) Ginagamit ang Filipino para sa pagharap ng mga gawain at mga suliranin ng buhay sa

araw-araw.(3) Ginagamit ang Filipino para sa pagpapahayag at pagsasabúhay ng mga hálagáhang

kailangan ng isang ulirang mamamayang Filipino, lalo na ang pag-ibig sa bayan, kagandahang-loob, at kahusayan.

(4) Ginagamit ang Filipino para sa pag-unawa at pagpapahalaga sa panitikan at kultura ng Filipinas at ng ibang bansa sa mundo.

1

Page 2: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

ISANG MALAKING DAGDAG na pagbabago ang diin at tahas na pahayag hinggil sa kanais-nais na hálagáhang Filipino. Bunga ito ng mga komentaryo kamakailan hinggil sa kabiguan ng edukasyon na humubog ng kanais-nais na mamamayang Filipino. (Mas gusto pa ng mga batà na tumira sa ibang bansa, lubhang biyolente, kulang sa pagpapahalaga sa sarili, walang galang sa matanda at sa kaugalian, atbp.) Makabuluhan din ang paglilista sa tatlong hálagáhan—pag-ibig sa bayan, kagandahang-loob, at kahusayan. Ang tatlo ang piramide ng dapat maging mahalaga sa búhay ng isang Filipino. Nása tuktok ng piramide ang pag-ibig sa bayan. Nása paanan at may pantay na bigat ang kagandahang-loob at kahusayan.

Bakit pangunahin ang pag-ibig sa bayan? Sapagkat ito ang pangunahing layunin ng edukasyon alinsunod sa Konstitusyon. Sinasanay ang batà upang maglingkod sa Estado, at kayâ pangunahing katangian niya pagkatapos makapag-aral ang mataos na pagmamahal sa Filipinas at sa lahat ng kinakatawan nitó. Gayunman, aanhin ang isang tao na mahal ang bayan ngunit wala namang silbi sa bayan? Kayâ nakasandig sa kagandahang-loob at kahusayan ang pang-ibig sa bayan. Dapat idiin: Pagkatapos ng pag-aaral, ang batà ay hindi lámang may katangi-tanging kaalaman hinggil sa Filipinas, mahal niya sa ibabaw ng lahat ang Filipinas, mag-iisip siya para sa kaunlaran at kapakanan ng Filipinas, at magsisikap siyang makipagsabayan sa mundo ang Filipinas.

Ang kahusayan ay isang karaniwang layunin ng pag-aaral. Gayunman, hindi ito kahusayan lámang gumamit ng wika. Nangangahulugan ito ng pagiging malikhain at mapagsaliksik, pagiging mahusay sa iba’t ibang disiplina, pagiging matiyaga, pagsasarili sa isip at gawain, kahusayan ng kalusugan (kalinisan ng katawan at mga gamit), pagtanggap sa puna, malinis na paglalaro at pakikipagpaligsahan, paggalang sa gawain ng iba—kakayahang pumuri hanggang paggalang sa karapatang-ari. Ang pinakamahusay, siyempre, ay ipinaglilingkod ang anumang katangian sa kapuwa at sa bayan.

Ang kagandahang-loob ang maaaring bago sa pandinig ng marami. (Bunga rin ito ng pangyayaring hindi natin napahahalagahan ang katutubo sa atin. Kung ano-anong values na banyaga ang minemorya natin.) Ito ang pinakamalalim at pinakamalawak na katangian ng pagiging tao. Ito ang buod sa mithiin ng salawikaing “Madalîng maging tao/ Kaysa magpakatao.” Sapagkat nakapaloob na yata sa kagandahang-loob ang lahat ng civic values at mga birtud ng isang mahusay na Boy Scout. Pundamental sa kagandahang-loob ang mahusay na pakikipagkapuwa-tao—mula paggalang at pagtulong sa kapuwa, kawanggawa, toleransiya, at hanggang pagiging makatarungan.

Tandaan na ang tatlong pusòng hálagáhan (core values) ay magkakaroon ng distribusyon sa iba’t ibang antas at leksiyon, mula sa pinakapayak at mababàng aplikasyon hanggang pinakamataas at komplikadong aplikasyon. Ang pag-ibig sa bayan ay maaaring mag-umpisa sa pakikiisa sa pangkatang gawain, pagtulong sa pamilya at komunidad, katapatan sa kaibigan at sa tungkulin, hanggang paggalang sa mga pambansang sagisag, konserbasyon ng tradisyon, pamana, at kaligirang pangkalikasan, hanggang pagtatanggol sa karapatan at batas, at serbisyo publiko, at patriyotismo. Ang kagandahang-loob ay maaaring magsimula sa wastong ugali sa loob ng klase, wastong pag-upô at pag-iingat sa kalinisan at gamit ng paaralan, pagmamahal sa magulang at kapatid, pakikinig sa payo at ibang opinyon, hanggang sa pagiging mapagbigay sa iba (relihiyon, rehiyon, kasarian, lahi), pagtanggap sa sariling kahinaan at katangian ng iba, pakikiisa sa gawaing pambansa. Ang kahusayan ay maaaring mag-umpisa sa bilis matuto ng alpabeto, husay sumulat at bumása hanggang sa pagsubok ng bago at mahusay na paglilingkod sa iba.

Magkakaugnay at nagkakasanib ang tatlo.

2

Page 3: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

HINGGIL SA PAG-AARAL ng wika, unang dapat tanggalin ang pagtrato dito na parang subject sa Lingguwistika. Dahil dito, humihirap ang pag-aaral ng Filipino. Dapat na matapos ang lahat ng leksiyon sa wika sa elementarya at palusugin (reenforce) na lámang sa high school.

Mahalagang estratehiya rin sa pagtuturo ng wika ang pag-uugnay nitó sa ibang katutubong wika, lalo’t totoong gagamitin ang MLA. Kailangang mapag-isa ang alpabeto at paggamit ng mga titik at tunog ng Filipino at ng ibang mga wikang katutubo upang bumilis ang anumang transisyon mula isang katutubong wika tungo sa wikang Filipino.

Mahalagang ituro lámang ang totoong kailangan upang maging mahusay gumamit ng wika. Alisin ang mga leksiyon hinggil sa kung ano-anong kaalaman sa wika na hindi naman talaga kailangan. Ingatan din ang pagpapairal ng mga tuntunin na hindi na totoo (mula sa Balarila) at mga ehemplo ng aberasyong pangwika na nagpapagulo sa isip ng kabataan. Nangangahulugan ito ng binagong teksbuk sa gramatika.

HINGGIL SA PAG-AARAL ng panitikan. Magsimula sa core knowledge hinggil sa panitikan. Ano ba ang halaga ng panitikan? Ano ang pangkalahatang uri ng panitikan? Mga halimbawa ng mga uri mula sa panitikang-bayan (sa unang baitang) hanggang makabagong panitikan (sa high school).

Gamitin lámang ang mahusay na halimbawa ng anumang uri ng panitikan. Huwag gagamit ng mga gawa lámang ng awtor ng teksbuk at editor, maliban kung may ibang makabuluhang dahilan. Pumili ng mga mahusay na akdang isasalin mula sa ibang katutubo at banyagang wika.

Kapag ipinakilala ang isang uri ng panitikan, gumamit agad ng mga halimbawa mula sa mga katutubong wika at Filipino upang maidiin ang pambansang pananaw. Masamâ ang kasalukuyang plano na may isang taon sa panitikang pambansa at may bukod na taon sa panitikang rehiyonal. Lumilitaw pa ring hiwalay, bukod sa mas mababà, ang rehiyonal kaysa Filipino. Kung maaari, isanib din ang pandaigdig upang ipakita ang kapantay na katayuan ng pambansang panitikan sa panitikan ng malalaking wika ng mundo.

Maaari ding gamitin ang historikal na paraan sa pagpapakilala ng panitikan. Ngunit kailangang nakabatay ito sa isang mahusay at matalinong pagkaunawa sa kasaysayang pampanitikan ng Filipinas.

Itigil na ang mababaw at may kolonyal na oryentasyong pagtuturo alinsunod sa mga teoryang pampanitikan mulang Kanluran. Hindi ito nakabubuti sa oryentasyong makabansa ng mga mag-aaral bukod sa nagpapahirap sa pagtuturo ng panitikan. Ang higit na mahalaga ay makilala ng mga mag-aaral ang mga pangunahing katangian ng isang anyo ng panitikan (katutubo man o banyaga), ang mga pandaigdigang kumbensiyon, ang mga naganap na pagbabagong pampanitikan, at higit sa lahat, ang malikhaing mga paggamit ng wika (mga tayutay at retorika) ng mga awtor upang makatulong sa kanilang sariling mga pangangailangang pangwika.

Dapat ding iplanong mabuti ang pagtuturo ng Rizal at Balagtas. Marahil, maaaring ipasok ang mga ito bilang lagom mula pa sa elementarya; pagkatapos, ipakilala ang ilang bahagi sa junior high, sakâ ipabása nang buo sa senior high. Maaari ding idugtong at iugnay ang Balagtas (pati Ibong Adarna) sa mga epikong-bayan.

3

Page 4: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

BANGHAY NG MITHIING K-12

Kindergarten

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nagagamit ang pagsasalaysay at paglalarawan.Napapangalanan ang mga bahagi ng katawan, mga kasáma sa bahay, iba’t ibang tao at

trabaho, iba’t ibang hayop at halaman at mga karaniwang bahagi ng mga ito, mga karaniwang lugar at bagay sa paligid, mga hugis at kulay.

Nakikilála ang araw at gabi, mga araw sa isang linggo, buwan, at lagay ng panahon.Nakikilála ang mga tunog at titik ng alpabeto, malalaki man o maliliit ang anyo.Nakababása ng katinig at patinig sa mga salitâ’t pangungusap, kasáma ang mga katagang

gaya ng si, ni, ang, at, atbp.Naisusulat nang maayos ang sariling pangalan.Natutukoy ang mga uri ng damdamin.Nagagamit at naikikilos nang maayos ang mga daliri, kamay, paa, at ibang bahagi ng

katawan.Naipapaliwanag at naipakikita ang wastong gamit ng sepilyo, sabon, suklay, tuwalya,

gripo, atbpang kailangan sa pangangalaga ng sarili.Nagagamit ang wastong mga pormulasyon sa pagbati at pakikipagkilála.Nagagamit ang mga panimulang kasanayang bago-sumulat (prewriting) at bago-bumása

(prereading).Nakasusunod sa isang-hakbang na panuto.Nakabibilang ng 0-50.

Kasanayan: Panitikan

May wastong paghawak at paggamit ng aklat.May hilig sa pakikinig at pagbása ng mga kuwentong pambatà.Nakasasagot sa mga tanong na literal.Nakikilála at naipakikilála ang tauhan sa isang kuwento.

Produksiyon

Dula-dulaan batay sa isang paboritong kuwento.Ginupit na may retrato para bumuo ng isang kuwento.Palabas na papet.

Taon 1

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nagagamit ang wastong mga pormulasyon ng batayang impormasyon.

4

Page 5: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Nasasagot ang batayang impormasyon (pangalan, adres, edad, kaarawan, magulang, atbp).

Naisusulat ang mga pangalan ng kapamilya at ibang kasáma sa bahay at nailalarawan ang kanilang mga katangian at tungkulin.

Nakabubuo ng payak na pangungusap.Napag-iiba ang pangungusap na naglalahad, nagtatanong, nag-uutos, at nagpapahayag ng

matinding damdamin.Nakagagamit ng mga bantas, gaya ng tuldok, tandang pananong, at tandang padamdam.Nakababása ng angkop-sa-antas (level appropriate) na mga salitâ.Nakababása ng pictographs.Nabibigkas ang isinulat na pangungusap.Napagsusunod-sunod ang mga araw ng isang linggo, mga buwan, at mga taon.Nakasusunod sa dalawang-hakbang na panuto.Natutukoy ang mga tao sa kaniyang komunidad (barangay at paaralan).Nakabibilang nang 0-100.

Kasanayan: Panitikan

Nakikilála at nagagamit ang mga payak na anyong pampanitikan, lalo na ang alamat, pabula, kuwentong-bayan, awiting-bayan, at iba pang panitikang-bayan.

Nakasasagot mga tanong na literal at imperensiyal.Nasusundan ang takbo ng mga pangyayari sa kuwento.Nakikilála ang pag-uulit ng mga tunog, pantig, at salitâ, gaya sa tugma’t sukat ng tula.Nakababása ng ilang kuwentong pambatà.Nakikilála ang katangian ng tauhan bilang bida o kontrabida o katulong sa istorya.Nakapagbubuod ng kuwentong binása.Naipapahayag kung ano ang mahalaga sa kuwentong binása.

Produksiyon

Pagbása ng tula na nagpapahalaga sa pamilya.Paggawa ng family tree na may pangalan ng mga miyembro ng pamilya.Paglikha ng sariling kuwentoPagbigkas ng isang talumpati o piyesang pandeklamasyon.Palabas ng papet batay sa isang kuwento.

Taon 2

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Natutukoy ang mahalagang bahagi ng isang aklat.Nakasusulat ng tambalan at ibang uri ng pangungusap.Nakagagamit ng ibang bantas, gaya ng kuwit, tuldok-kuwit, at tutuldok.Natutukoy ang iba’t ibang paraan ng pagbigkas.Natutukoy ang iba’t ibang kahulugan ng isang salitâ batay sa bigkas.

5

Page 6: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Natutukoy ang iba’t ibang kahulugan ng salitâ batay sa himig (nalulungkot, nagagalit, nagdiriwang, nakikipagtalo, nang-uuyam, atbp.).

Natutukoy ang himig ng awit ayon sa damdamin.Nakapagbibigay at nakasusunod sa tatlo hanggang apat-na-hakbang na panuto.Natutukoy ang ilang pangunahing palatandaang panrehiyon (pananamit, pagkain,

kaugalian, atbpang aspektong pangkultura).Napagsusunod-sunod ang mga kaisipan at pangyayari.Nakapagtatalâ ng pangunahing impormasyon mula sa napakinggang talata.

Kasanayan: Panitikan

Nakapagbibigay ng mga detalye ng isang kuwento( sino, ano, kailan, saan, bakit).Nakagagamit ng biswal na banghay ng isang kuwento.Nakabubuo ng isang payak ngunit mabisàng balita.Natutukoy ang paksa ng kuwento o tula.Napag-uugnay ang sanhi at ang bunga.

Produksiyon

Saliksik sa itinuturing niyang mahusay na Filipino (gawin sa simula at gawin muli sa wakas ng taon para masubok ang naging pagbabago sa halagahan at kaalaman).

Isang pahinang newsletter.Palabas na papet.

Taon 3

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nakabubuo ng talatang may lima hanggang pitong pangungusap.Natutukoy ang paksang pangungusap ng isang talata.Natutukoy ang talatang naglalarawan at nagsasalaysay.Nakagagamit ng ibang bantas, gaya ng panaklong, kudlit, panipi, at ellipsis.Nakasusulat nang dikit-dikit.Natutukoy ang iba’t ibang anyo at gamit ng mga salitâng pangnilalaman (content words).Nakikilála at nagagamit ang matalinghagang pahayag (paghahambing, pagtutulad,

pagwawangki, pagwawangis, personipikasyon, pagmamalabis, atbp.)Nakagagamit ng diksiyonaryo, index, at glosari.

Kasanayan: Panitikan

Nakababása ng tekstong pangkaalaman (balita, resipe, manwal, polyeto, atbp.)Nakalilikha ng sariling listahan ng mga inaasahang tanong (anticipation questions) bago

bumása.Nakababása ng komiks.Nakasasagot ng tanong mula sa napakinggang balita sa radyo o pahayag ng pinunò sa

barangay.

6

Page 7: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Nakapagbubuod ng binásang salaysay, balita, tula, o napakinggang talumpati, programa sa radyo, atbp.

Nakasasagot sa tatlong-antas na tanong: literal, imperensiyal, at aplikado.Nakasusulat ng tulang may tugma at sukat.

Produksiyon

Isang maikling ulat tungkol sa isang bagong proyekto (sa paaralan o barangay).Koleksiyon ng mga bagong bugtong at salawikain.

Taon 4

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nakasusulat nang dikit-dikit.Nakasasagot ng iba’t ibang pormularyo.Nakagagamit ng idyomatikong pahayag.Nakasusulat ng talatang naglalahad at nangangatwiran.Nakapagpapahayag ng pagsang-ayon at hindi pagsang-ayon o kuro sa iba’t ibang mukha

ng katotohanan.Nakagagawa ng dalawang-antas na banghay.

` Natutukoy ang mga anyo at gamit ng mga salitâng pang-ugnayan (function words).Nakababása ng tsart, graph, at ibang representasyon ng kantitabong pagsusuri.Nakapagbibigay ng hinuha batay sa nakikitang trend sa tsart, graph, at mapa.

Kasanayan: Panitikan

Nakauunawa ng isang mahabâ-habâng kuwento.Nakauunawa ng isang tekstong pangkaalaman.Nasusundan ang takbo ng isang argumento at katwiran.Nababanghay ang isang paglalahad.Nakapagbibigay ng sariling muni sa binása, pinakinggan, o pinanood.Nakasusulat ng isang tekstong pangkaalaman.Naiuugnay ang paksa ng panitikan sa kasalukuyang mga pangyayari.

Produksiyon

Maikling pagsusuri ng isang survey sa paaralan o komunidad.Pagsulat ng talaarawan.Paghahanda ng isang portfolyo ng mga pinakanaibigang babasahín.

Taon 5

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

7

Page 8: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Nakasusulat ng isang sanaysay na may tatlong bahagi (simula, gitna, wakas) na tumutukoy sa isang kanais-nais na kaugaliang Filipino.

Nakabubuo ng isang tatlong-antas na banghay.Nakagagamit ng iba’t ibang anyo ng pambungad, pantulong, at pangwakas o panlagom

na pangungusap.Nakikinig upang magsuri sa sinulat ng kaklase.Nakapagbibigay ng puna o mungkahi sa sinulat ng kaklaseMabilis na nakahihinuha ng sanhi at ng bunga.Mabilis na nakababása at nakasusuri ng mga tsart, graph, mapa, at ibang representasyon

ng kantitabong impormasyon.Nakabubuo ng nabanggit na mga representasyon ng kantitabong impormasyon.Nakapagsasaliksik sa aklatan o gamit ang computer.Nakabubuo ng wastong talababa, talasanggunian, index, atbpang kahingian ng saliksik.

Kasanayan: Panitikan

Natutukoy ang mga makabuluhang sangkap ng binása o napakinggang kuwento.Nakikilála ang mga anyo at paraan ng salaysay (kuwentong-bayan, pabula, parabula,

alamat, epiko, makabagong maikling kuwento, nobela, atbp.).Nakikilála ang mga kumbensiyon sa pagtula.Nakikilála ang mga katangian ng mahusay na diyalogo sa dula (panteatro man, brodkast,

o pelikula).Nakikilála at nagagamit ang dagdag pang tayutay at matalinghagang pahayag.

Produksiyon

Book report/case study.Ribyu ng sine, programa sa radyo/TV.

Taon 6

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Mahusay na nakababása ng sinulat na sanaysay sa harap ng klase.Nakapagtatayà ng kahusayan at kahulugan ng napakinggan o nabásang tekstong

pangkaalaman, paglalahad, at pangangatwiran.Nakapaglalagom ng isang tekstong pangkaalaman.Nakagagamit ng mga wastong pananda ng iniuulat na anyo ng paglalahad.Naapagpapaikli o nakapagpapahabà ng pangungusap matapos masuri ang halaga ng

nilalamán o kailangang impormasyon.Nakapagsusulat ng orihinal na balita.Nakagagawa ng patalastas o kayâ’y islogan hinggil sa napapanahong isyu.Nakagagamit ng mga batayang paraan sa saliksik at pagkalap, pagsusuri, at paglalahad ng

datos.Nagagamit ang mga paraan sa saliksik at pagkalap ng datos.Nakagagawa ng induksiyon at deduksiyon.

8

Page 9: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Nakagagamit ng tuwirang sipi mula sa orihinal na impormasyon para sa sariling paglalahad.

Nakapaglalatag ng organisadong pangangatwiran o panghikayat.

Kasanayan: Panitikan

Nagagamit ang kaalaman sa mga sangkap ng kuwento sa pagbása ng mga makabagong kuwento (sa Filipino man, sa salin mula sa ibang rehiyon at ibang bansa).

Nakapagpapahalaga ng tula sa Filipino o ng salin mula sa ibang mga wikang katutubo at banyaga.

Nakapagpapahalaga ng tradisyonal at makabagong tula.Nakikilála ang mahusay na kakintalan, kaisahan, at kasukdulan.Nakasusulat ng maikling kuwento.Nakasusulat ng tulang may tugma’t sukat o malayang taludturan.

Produksiyon

Debate/balagtasan.Maikling talambuhay ng sarili o ng pamilya.Koleksiyon ng kuwento o tula.Paghahanda ng portfolyo ng mga sariling likhang kuwento at tula.

Taon 7

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nakikilála at nagagamit ang iba’t ibang makabagong limbag at brodkast midya. Nakapaghahambing ng dalawang saliksik o ulat hinggil sa isang paksa.Nakagagawa ng higit na komplikadong saliksik.Nakagagawa ng lagom, kataslagom (précis), at paraprase ng mahabàng akda.Nakagagawa ng mahabàng paglalahad.

Kasanayan: Panitikan

Nakikilála at napapahalagahan ang mahahabàng tulang pasalaysay, gaya ng epikong-bayan, awit at korido, komedya, senakulo.

Nakikilála ang mga tauhang malabayani, kagila-gilalas, makatunayan, atbp.Higit na nakikilála ang silbi ng tagpuan sa isang akda.Nagpapahalaga sa mga anyo ng panitikan alinsunod sa isang payak ngunit malinaw na

kasaysayang pampanitikan ng Filipinas.

Produksiyon

Poster (una’t ikalawang markahan).Komiks (ikatlo’t ikapat na markahan).Paligsahan sa pag-awit ng mga awiting-bayan mula iba-ibang rehiyon.

9

Page 10: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Taon 8

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nakasusulat ng ulat at sulating pormal hinggil sa mga paksa at isyung nakapaloob sa isang nobela.

Higit na bihasang nakagagamit ng epektibo’t mapanghikayat na pananalitâ.Nakatatalakay ng isang napapanahong paksa o kontrobersiyal na isyu gamit ang iba’t

ibang midya.Nakasusuri ng de-kahon at progresibong katwiran.Malaya at epektibong nagagamit ang kataslagom, paraprase, at tuwirang sipi.Nakapaghahambing ng tatlo o higit pang saliksik hinggil sa isang paksa.

Kasanayan: Panitikan

May hilig at kahandaang bumása ng nobela (kasáma ang Noli at Fili) at ibang mahabàng akda.

Nagagamit ang iba’t ibang paraan ng tekstuwal na pagpapahalaga sa akda.Naihahambing ang isang nobela at ang ibang bersiyong pangmidya nito.Nakabubuo ng nagsasarili’t makabuluhang kuro hinggil sa binása, pinakinggan, o

pinanood.May higit na kahandaang iugnay ang binásang akda sa lipunan at tunay na pangyayari.Nakasusulat ng mahabàng tulang pasalaysay na may tugma’t sukat (30-50 saknong), lalo

na yaong maaaring itanghal.

Produksiyon

Sabayang pagbigkas/paglikha’t pagtatanghal ng awit/dulawit (una’t ikalawang markahan).

Infomercial (ikatlo’t ikapat na markahan).Paghahanda ng isang portfolyo ng mga sinuring nobela at ibang mahabàng akda.

Taon 9

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nakikilalá at nagagamit ang wikang teknikal.Nakagagawa ng isang detalyadong plano sa saliksik.Natutukoy ang mga seksiyon ng isang peryodiko (broadsheet, tabloyd, magasin, at

journal).Nakasusulat ng mga liham pangnegosyo.Natutukoy ang iba’t ibang uri’t gamit ng wika sa lipunan.Nakabubuo ng saliksik na gumagamit ng estadistika.Nakagagamit ng mga panandang panrebisyon o pang-editing sa pagsuri ng saliksik.

10

Page 11: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Kasanayan: Panitikan

Nagagamit ang dagdag na kaalaman sa mga kontekstuwal na paraan ng pagpapahalaga sa akda.

Naiuugnay ang akda sa mga kaalaman sa agham panlipunan, agham, matematika, at teknolohiya.

Napaghahambing ang isang akda at ibang bersiyong pangmidya nito, gaya sa tula-dula, dulang naging pelikula o soap opera, tulang naging awit, atbp.).

Napag-uugnay-ugnay ang mga katangian ng iba’t ibang uri ng panitikan.

Produksiyon

Pagbuo ng isang diyaryo (una’t ikalawang markahan).Dulang panradyo (ikatlo’t ikapat na markahan).Paghahanda ng isang portfolyo ng mga sinuring akdang pampanitikan na tumatalakay sa

isang paksa.

Taon 10

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Ginagamit ang Filipino sa iba’t ibang uri ng pahayag.Nakabubuo ng ulat batay sa napakinggang lektura sa isang disiplina.Sinusundan ang mga pagbabago sa wika ng lipunan.Pinayayaman ang bokabularyo, kaalaman sa idyomatikong pahayag, at matalinghagang

pangungusap.Nakapag-oorganisa ng isang kontroladong panayam, pangkatang diskusyon, o

pagsasadula.Nakapagtatalumpati o nakatatalakay nang pabigkas sa tuwid na Filipino sa loob ng 10

minuto.

Kasanayan: Panitikan

Natatalakay ang kabuluhan ng isang akda sa kasaysayan ng panitikang pambansa.Naiuugnay ang panitikang pambansa sa pagiging mamamayan.Naiuugnay ang panitikang pambansa sa panitikang pandaigdig.Gumagawa ng dagdag at kusang pagbabasá ng aklat pampanitikan.Nakagagawa ng kritikal na pagsusuri sa mga bagong pangyayari sa panitikang pambansa.

Produksiyon

Dula (una’t ikalawang markahan).Dokumentaryo/Maikling pelikula (ikatlo’t ikapat na markahan).

Taon 11

11

Page 12: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Nakasasagot nang malinaw at nakalalahok sa pormal na panayam.Nakasusulat ng sariling resume.Nakasusulat ng liham aplikasyon at ibang liham pangnegosyo.Nakagagawa ng ulat hinggil sa pang-araw-araw na gawain.Nakauunawa at nakasusunod sa mga instruksiyon at kahingian sa gawain, kagamitan, at

proseso.Mahusay na nagagamit ang wikang teknikal sa iba’t ibang okupasyon.Nakauunawa at nakasusunod sa mga gampaning sosyal ng isang nagtatrabaho sa isang

opisina o kompanya.Nakasusulat ng panukalang pangnegosyo.

Kasanayan: Panitikan

Nakasusuri ng mga babasahín sa pinilìng larang o okupasyon (mula sa culinary art, dressmaking, weaving, electronics, atbp.).

Kritikal na nagsusuri ng panitikan (maaaring linangin dito ang wastong pagpapahalaga sa kulturang popular).

Produksiyon

Panel interview.Cooking demo atbpng gawaing pandisiplina sa Filipino.Paggawa ng mga etiketa ng produkto.Pag-oorganisa ng eksibit ng isang panukalang negosyo.Ulat ng OJT.

Taon 12

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

May sapat na kadalubhasaan sa paggamit ng wika ng iba’t ibang diskursong pampanitikan (ang wika bilang produkto ng ideolohiya’t kamalayan).

Nakapagsasalin ng akdang pampanitikan at teknikal.Nakatatalakay ng mga importanteng isyu’t kontrobersiya (politikal, moral, seksuwal,

edukasyonal, ekonomiko, atbp.) sa kasalukuyan.Nakapagtataguyod ng isang pagtitipong pampubliko hinggil sa isang paksa sa isang

napilìng disiplina.

Kasanayan: Panitikan

Patuloy na bumabása ng mahahabá’t makabuluhang panitikan ng bansa at ng mundo.May dagdag na pag-aaral sa mga akda ni Rizal.

12

Page 13: PANUKALANG K-12 KURIKULUM

Nakagagawa ng malinaw na paghahambing ng mga akda mula sa iba’t ibang rehiyon at iba’t ibang panahong pampanitikan.

Produksiyon

Pagsasalin/ portfolyo ng mga pagsasalin.Mahabàng ulat saliksik ukol sa isang paksang pandisiplina.Mahabàng ulat salik ukol sa isang set ng magkakaugnay na akdang pampanitikan.Pangangasiwa ng seminar o kumperensiya.

Pahabol:

(1) Ang mga batayang kasanayan ipinasok sa mga panimulang taon ng pag-aaral ay patuloy na nililinang at pinayayaman hanggang sa pinakamataas na antas ng pag-aaral. Halimbawa, ang paglalarawan na ipinakilála sa Kindergarten ay patuloy na pag-aaralan at lilinangin sa bawat taon. Ang tayutay na ipinasok sa Taon 3 ay maaaring magsimula sa mga paraan ng paghahambing at patuloy na payayamanin taon-taon alinsunod sa binabásang akda hanggang sa mga masalimuot na parikala’t balintuna. Ang kritikal na pag-iisip ay maaaring ipasok sa pamamagitan ng pagtuturo kung paano bumuo ng mahusay na tanong hanggang sa kakayahang sumuri ng anumang babasahín o ulat.

(2) Kailangan ang isang hiwalay na forum o seminar upang talakayin ang estratehiya kung paanong isanib sa Filipino ang nilalamán at mithiin ng ibang sabjek sa bawat taon.

(3) Kailangan din ang isang hiwalay na forum o seminar upang talakayin ang higit na mabisàng pagtulay ng pagtuturo mula sa mga katutubong wika tungo sa Filipino.

(4) Ang mga mungkahing produksiyon ay mga mungkahi lámang. Maaaring magbigay ng ibang proyekto ang guro, alinsunod sa kakayahan (lalo na pampananalapi) ng kaniyang klase. Ngunit iminumungkahing luminang ng gawaing pangkatan ang mga ito, maliban sa proyektong lumilinang sa pansariling kasanayan (halimbawa, sa saliksik) ng bawat mag-aaral, at bukod pa sa mga gawaing nangangailangan ng paglabas sa silid-aralan, gaya ng pagbisita sa museo, sa palengke, sa munisipyo, sa komunidad, at ibang pook.

Inihanda ng Summit ng mga Guro sa Filipino sa pangunguna nina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario, Ani Rosa David, Edison Fermin, Schedar Jocson, at Bernie Santos.

13