nanay, tatay: ang impluwensiya ng kasarian sa paggamit ng
TRANSCRIPT
University of the Philippines Manila
College of Arts and Sciences
Department of Social Sciences
Nanay, Tatay:
Ang Impluwensiya ng Kasarian
sa Paggamit ng Corporal Punishment
sa Loob ng Tahanan
Ang Seminar Paper na ito ay ipinasa ni:
SHARMAINE G. PARUGRUG
2011 - 34079
BA Political Science
Mayo 30, 2015
Ipinasa kay:
PROF. FATIMA ALAVAREZ–CASTILLO
Thesis Adviser
PS 198 (WEG)
Buod:
Ang corporal punishment ay ang paggamit ng pwersa, gaano man ito kagaan, upang
makaramdam ng pisikal na sakit ang bata. Ito ay naglalayong iwasto ang gawi ng bata o
parusahan ito (Committee on the Rights of the Child, 2006). Maraming insidente ng corporal
punishment ang nangyayari sa loob ng tahanan at ginagawa ng mga magulang, mapa-nanay
man o tatay. Sa pag-aaral na ito ay tinitingnan kung nakakaapekto ba ang kasarian ng magulang
at ng anak ang paggamit ng corporal punishment gamit ang patriyarkal na konsepto ng
machismo kung saan ang mga lalake ay inilalarawan bilang malakas, agresibo, at dominante.
Gumamit ng kwantitatibo at kwalitatibong metodolohiya sa koleksyon ng mga datos.
Ayon sa pagsusuri ng mga nakalap na datos, mahalagang tungkulin ang pagdidisiplina ng
mga bata para sa mga magulang. Mas madalas gumamit ng hindi pisikal kaysa pisikal na porma
ng pagdidisiplina ang mga ito upang magampanan ang nasabing tungkulin Bagamat gumagamit
din ng pisikal na pagdidisiplina ang mga tatay, mas malaking porsyento ng mga nanay ang
gumagawa nito. Wala namang signipikanteng pagkakaiba sa dalas ng pagdidisiplina sa mga
anak na babae at lalake ngunit may ilang pahayag na nagsasabing mas mahina ang ginagamit na
pamamalo sa mga kababaihan. Ang kasarian ay isang salik na nakakaapekto sa paggamit ng
corporal punishment ngunit hindi ito ang tanging batayan. Mahalaga ring tingnan ang iba pang
salik upang mas maintindihan ang kabuuang paggamit nito.
Panimula
“Konting galit ko lang, konting kasalanan, parang kailangan ko siyang paluin,
parang iyon ang tamang pagdisiplina. Kasi parang yun din ang kinagisnan ko sa
mga lolo’t lola ko, sa nanay ko, na ang pamamalo ay isang pagdidisiplina… Hindi
pa naman siguro late para baguhin yung mga nakagisnan na mali.”
- Helen, magulang
(Save the Children Sweden, 2008)
Ang pahayag ng magulang na si Helen ay isang manipestasyon ng pisikal na paraan ng
pagdidisiplina sa mga anak. Mapamaliit man o malaking kasalanan ay may katumbas na palo o
iba pang pisikal na parusa. Mahihinuha rin dito na ang kaugaliang ito ay mula pa sa mga
nakaraang henerasyon at ngayo’y nagpapatuloy pa rin sa kasalukuyan.
Ayon sa mga pag-aaral, pinakamataas ang bilang ng pang-aabuso ang nagaganap sa mga
bata sa loob ng kani-kanilang tahanan. Karamihan dito ay pisikal na kadalasang ginagawa ng
mga miyembro ng pamilya bilang porma ng pagdidisiplina (Manaay, 2014).
Ang gawing ito ay hindi lamang tanggap ng mga magulang, tinatanggap na rin ito ng mga
bata bilang bahagi ng pagdidisiplina at pag-aaruga sa kanila. Tinitingnan nila ito bilang isang
paraan ng pagpapakita ng pagmamahal ng magulang sa anak at naniniwala silang sa
pamamagitan nito, malalayo sila sa mga masasamang bisyo. Sa kabilang banda, tinitingnan
itong paglabag sa karapatan ng mga bata dahil sa mga masasamang epekto nito (Save the
Children, 2008).
Ang corporal punishment ay ang paggamit ng pwersa, gaano man ito kagaan, upang
makaramdam ng pisikal na sakit ang bata. Ito ay naglalayong iwasto ang gawi ng bata o
parusahan ito (Bitensky, 2006; Committee on the Rights of the Child, 2006; Strauss, 2001 sa
Gershoff & Bitensky, 2007). Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng kamay o iba pang
kasangkapan (Gershoff & Bitensky, 2007).
Mula sa depinisyong ito mahihinuha na positibo ang resulta na ninanais ng mga
gumagamit ng corporal punishment. Ito ay may panandalian at pangmatagalang layon. Una,
ninanais nilang iwasto ang hindi magandang asal ng bata at himukin itong sumunod sa
pagpapayo sa kanya. Pangalawa ay ang pangmatagalang pagtutuwid ng kaugalian ng mga bata.
Nais nitong bawasan ang pagiging agresibo at masasamang ugali ng bata. Ito rin ang itinuturing
na pangunahing layunin ng paggamit ng corporal punishment (Gershoff, 2010).
Hindi lamang pisikal ang epekto ng pisikal na pagpaparusa sa mga bata, pinapatunayan
din ng ilang pagsusuri na mayroon itong pangmatagalang epekto sa relasyon ng magulang sa
anak at sa sikolohikal at emosyonal na pag-unlad ng mga bata (Gershoff, 2010).
Dahil dito, mayroong ilang mga umiiral na internasyonal at lokal na batas na
nagsusulong na proteksyunan ang mga bata sa anumang uri ng pang-aabuso. Ilan na nga rito
ang UN Convention on the Rights of the Child at ang Republic Act No. 7610 o “Special
Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act”.
Gayun pa man, hindi pa rin nawawala ang corporal punishment sa bansa. Ito pa rin ang
kadalasang ginagamit sa pagdidisiplina sa mga bata. Pinapatunayan ito ng mga datos na nakalap
ng Save the Children United Kingdom noong 2005 na nagsasabing 85 porsyento ng pisikal na
pananakit sa mga bata sa Pilipinas ay nangyayari sa tahanan. Ito rin ay kadalasang nasa porma
ng pamamalo.
Nakababahala ang ganitong sitwasyon. Sa halip na maging panatag ang mga bata,
nagkakaroon sila ng takot at nagiging bulnerable sa loob ng kani-kanilang tahanan dahil sa
paggamit ng mga magulang ng pisikal na pagpaparusa. Bukod sa ito ay usapin ng karapatan ng
mga bata, ito rin ay usapin ng kasarian dahil sa nagkakaibang pagtingin ng mga kababaihan at
kalalakihan sa pagdidisiplina sa mga bata. Ang mga gender roles at ang mga isteryotipong
kaakibat ng mga ito ay ilan lamang sa mga nakakaapekto sa ganitong kaugalian.
Sa loob ng tahanan, ang mga nanay ang mas madalas na gumagawa ng corporal
punishment sa kanilang mga anak kumpara sa mga tatay. Kung titingnan naman ang kasarian ng
bata, mas madalas nakakaranas ng corporal punishment ang mga batang lalake kumpara sa mga
batang babae. Bukod pa rito, lumalabas sa mga pahayag ng mga bata at mga magulang na mas
pinaparusahan ng mga tatay ang kanilang mga anak na lalake samantalang ang mga batang
babae naman ay mas madalas pinaparusahan ng mga nanay kaysa ng mga tatay (Lansford et al,
2010).
Ayon sa isang pag-aaral sa paggamit ng corporal punishment sa siyam na bansa kung
saan kabilang ang Pilipinas, maaaring isa sa mga dahilan ng pagkakaiba ng paggamit ng corporal
punishment sa mga batang babae at lalake ay ang kultura na kinalakihan at kinasanayan ng mga
pamilya. Sa kabila nito, wala pa ring malinaw na dahilan na lubos na makakapagpaliwanag sa
mga naitalang pagkakaiba ito (Lansford et al, 2010).
Sa isinagawang pag-aaral ni Anne Ferrari tungkol sa epekto ng kultura sa pagdidisiplina
ng mga bata, napag-alaman niyang ang paniniwala sa kultura ng machismo ng mga Latino ay
nakakaapekto sa paraan ng pagdidisiplina ng mga tatay. Ang malakas nilang paniniwala sa
katangiang idinidikta ng machismo ay nagbubunga ng mas mataas na posibilidad ng paggamit
ng corporal punishment sa mga bata (Ferrari, 2002).
Dahil dito, nais tingnan ng mananaliksik ang aspeto ng kasarian ng magulang at anak sa
paggamit ng corporal punishment. Makakatulong ang pag-aaral na ito sa pag-unawa sa power
relations ng mga kababaihan at kalalakihan. Sino nga ba ang mas dominante pagdating sa
pagdidisiplina ng mga anak at paano nga ba ito maipapaliwanag?
Ang mga naunang literatura na kaugnay ng paksang ito ay nakatuon lamang sa
mahihirap na kabahayan kaya naman minabuti ng mananaliksik na ituon ang pag-aaral sa isang
pamayanang may iba’t-ibang uri ng pang-ekonomikong antas nang sa gayo’y makita rin kung
mayroon nga bang pagkakaibang naidudulot ang estado sa buhay.
Mga Katanungan ng Pananaliksik
Pangkalahatan: Nakakaapekto ba ang kasarian sa paggamit ng corporal punishment?
Espesipiko:
1. Bakit ginagamit ang corporal punishment?
2. Paano tinitingnan ng mga nanay at tatay ang pagdidisiplina sa kanilang mga anak?
3. Paano dinidisiplina ng mga magulang ang kanilang mga anak?
a. Anu-ano ang mga porma ng pagdidisiplina na kanilang ginagamit?
b. May pagkakaiba ba sa pagdidisiplina ng nanay at tatay?
c. Sino ang mas madalas magdisiplina sa mga anak?
4. Nagkakaiba ba ang pagdidisiplina sa mga anak na lalake at babae?
a. Paano dinidisiplina ang mga anak na lalake?
b. Paano dinidisiplina ang mga anak na babae?
Balangkas ng Pag-aanalisa
Marami na ang naisulat tungkol sa usapin ng corporal punishment at iba’t ibang aspeto
na rin ang tiningnan sa kung bakit nga ba ito umiiral sa lipunan sa kabila ng mga naiuulat na
masasamang epekto nito. Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin lubusang naipapaliwanag ang
impluwensiya ng kasarian sa paggamit nito sa lipunan.
Ang ating lipunan, maging sa modernong konteksto nito, ay maituturing na patriyarkal.
Ito ay nangangahulugang ang mga kalalakihan ang mas nakatataas sa iba’t ibang aspeto ng
lipunan.
Ang pagiging patriyarkal, ayon kay Johnson (2005), ay maiuugnay sa apat na katangian.
Una ay ang pagkakaroon ng dominanteng posisyon ng mga kalalakihan. Ang mga matataas na
posisyong pang-ekonomiko, politikal, at sosyal ay kadalasang pinupunuan ng mga kalalakihan at
mapapansin na bihira at limitado lamang ang kakayahan ng mga kababaihan sa mga bagay na
ito. Pinapakita nito na malaking bahagi ng kapangyarihan ay nakasentro sa mga kalalakihan at
ito ang karaniwang sitwasyon sa lipunan.
Pangalawa ay ang pagiging male-identified ng lipunan. Mapapansin ito sa pagturing sa
katangian at gawi ng mga lalake bilang ang normal at batayan sa lipunan. Mayroon ding mga
isinasaad na ispesipikong katangiang dapat taglayin ng isang lalake base sa kultura ng lipunan.
Ilan sa mga katangian at konseptong itinatambal sa kanila ay ang pagkakaroon ng kontrol, lakas,
at tikas. Sila din ay kilala sa kanilang pagiging lohikal, pagkakaroon ng sariling desisyon at
kontrol sa kanilang emosyon. Ang mga katangiang ito ay sinasabing mahalaga sa tungkulin ng
isang lalake sa lipunan gaya ng sa pakikipagkalakaran, pulitika, at trabaho (Johnson, 2005).
Pangatlo naman ay ang male-centeredness. Nakapokus ang lipunan sa mga kaganapan
at usapin ng mga kalalakihan at dahil dito napag-iiwanan ang mga usapin ng kababaihan
(Johnson, 2005).
Panghuli at ang pinakamahalahagang aspeto para sa pag-aaral na ito ay ang pagpapakita
ng kontrol sa mga bagay-bagay sa lipunan. Ang kontrol ay isa sa mga tatak ng isang patriyarkal
na lipunan dahil ito ang nagpapanatili ng kanilang dominasyon. Kinokontrol nila ang mga
kababaihan at ang mga bagay na maaaring maging banta sa kanilang dominasyon. Ang kontrol
na ito ay pinatitibay ng paniniwalang sila ay mas may kakayahang gumawa ng rasyonal na
desisyon dahil sila ay mayroong mas malawak na kaalaman kumpara sa mga kababaihan at
hindi kaagad naaapektuhan ng mga emosyon. Dahil dito, sila ay itinuturing na superyor o mas
nakatataas. Sa pananaw ng mga kalalakihan, ang mga taong kanilang kinokontrol o
minamanipula ay mas mababa sa kanila at walang sapat na kakayahan upang makapagdesisyon
para sa kanilang sarili (Johnson, 2005).
Isang konsepto sa ilalim ng patriyarkiya kung saan iikot ang pag-aaral na ito ay ang
machismo sa mga kalalakihan. Ito ang nagdidikta kung ano nga ba ang dapat maging katangian
ng isang lalake. Sinusuportahan nito ang mga katangiang nauna nang nabanggit tulad ng
pagiging matikas. Dagdag pa rito, ang mga kalalakihan ay inilalarawan bilang marahas,
matapang, agresibo, at dominante (Falicov, 2010).
Sa kultura ng machismo, ang mga tatay ay inaasahang matinding magdisiplina at hindi
gaanong malapit sa kanilang mga anak. Ang mga bata naman dahil sa ganitong karakter ng mga
tatay ay nagkakaroon din ng malaking takot sa kanilang mga ama Sila rin ang inaasahang
magtrabaho at magprotekta sa pamilya (Cabrera & Bradley, 2012).
Ang corporal punishment ay isang manipestasyon ng pagkontrol sa mga anak. Alinsunod
sa kultura ng machismo, ang paggamit ng corporal punishment ay ikinakabit sa kalalakihan.
Dahil sila ay tintingnan bilang marahas, matapang, at dominante, mas malaki ang tendensiya na
sila ay gumamit ng corporal punishment.
Bukod dito, ang mga kalalakihan ay ipinagpapalagay ring mas mataas ang kapasidad sa
sakit. Kumpara sa mga kababaihan na kadalasang tinitingnang mahina, mas may kakayanan ang
mga kalalakihan na tumanggap ng mas matinding o mas grabeng pisikal na parusa.
Pamamaraan ng Pananaliksik
Disenyo ng Pananaliksik
Dahil ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa kasarian ng mga magulang at mga anak at ang
impluwensiya nito sa paggamit ng corporal punishment, ang feminist approach ay isa sa mga
pangunahing ginamit sa pananaliksik. Ito ay nakatuon sa relasyon ng mga kasarian sa lipunan
gayun din ang usapin ng power relations. Ang personal na karanasan at saloobin ng mga
kalahok sa pag-aaral ay itinuturing na mahalaga sa paraang ito. Binibigyang-laya din nito ang
mananaliksik na gumamit ng iba pang pamamaraan upang lalong mapayabong ang pag-aaral
(Neuman, 1994).
Nagsagawa ang mananaliksik ng case study upang bigyang-tuon ang karanasan ng mga
magulang sa paggamit ng corporal punishment sa kanilang mga anak. Ang saloobin ng mga
magulang patungkol sa paksa ay inalam at sinuri sa pamamagitan ng interpretative social
science. Binibigyang-diin ng perspektibong ito ang kahulugang ikinakabit ng mga tao sa mga
aksyon gaya ng pagpaparusa sa mga anak. Tinitingnan din nito ang dahilan sa paggawa ng
partikular na aksyon o kaugalian. Bagamat ang kahulugan ng isang aksyon ay bunga ng
interaksyong sosyal, mahalaga rin ang indibidwal na interpretasyon ng mga magulang sa
corporal punishment. Tulad ng feminist approach, ang personal na opinyon at damdamin ng
mga magulang ay itinuturing ding mahalaga ng ISS (Neuman, 1994).
Sa pag-aaral na ito, nais ng mananaliksik na ipakita ang ilan sa mga nakatagong
istraktura na maaaring maging dahilan sa pagkakaiba ng paggamit ng corporal punishment ng
mga magulang. Upang maisagawa ito ay ginamit ang critical social science na nagpapakita ng
mga mekanismong hindi tuwirang nakikita sa mga relasyon sa lipunan (Neuman, 1994).
Nakatulong din ang paggamit sa positivist social science sa pagtugon sa mga katanungan
ng pananaliksik. Ginamit ito upang magkaroon ng pangkalahatang ideya sa paggamit ng
corporal punishment at ang patern na maoobserbahan dito.
Ang pag-aaral na ito ay nakabatay sa kwantitatibo at kwalitatibong pamamaraan ng
pananaliksik. Ang kwantitatibong bahagi ang unang isinagawa na naging batayan sa
pagsasagawa ng kwalitatibong bahagi nito.
Koleksyon ng Datos
Piniling isagawa ng mananaliksik ang pag-aaral sa isang sabdibisyon sa Rizal. Napag-
alaman ng mananaliksik sa panayam nito sa isang non-government organization na nakapokus
sa mga bata na ang mga pag-aaral sa corporal punishment ay nakatuon lamang sa mga
komunidad na mababa ang sosyo-ekonomikong antas. Dahil dito, ninais ng mananaliksik na
pumili ng komunidad na may iba’t ibang antas ng pamumuhay, partikular sa ekonomikong
aspeto.
Ang sabdibisyon na ito ay isang proyektong pabahay para sa mga empleyado ng
gobyerno kaya naman malaking porsyento ng mga naninirahan dito ay kasalukuyan o dating
nagtatrabaho sa iba’t ibang sangay ng gobyerno. Ang ilan naman ay nangungupahan lamang sa
lugar. Walang sapat na dokumento ang administrasyon ng sabdibisyon tungkol sa ekonomikong
kalagayan ng mga pamilya ngunit mahihinuha sa pagkakaiba-iba ng mga bahay na may mga
mahihirap at mayayamang nakatira dito.
Kwantitatibong Bahagi ng Pananaliksik
Mula sa masterlist ng mga kabahayan sa sabdibisyon ibinatay ang populasyon para sa
sarbey. Ayon sa masterlist, mayroong humigit-kumulang na 3,000 kabahayan sa sabdibisyon
ngunit dahil hindi naman ito lahat okupado, inestima na 2,800 lamang ang tinitirahan. Dahil sa
limitadong oras para sa pagkolekta ng datos, minabuti ng mananaliksik na gamitin ang sample
size na 100. Ayon sa Raosoft sample size calculator, ang ganitong bilang ng katugon para sa
sarbey ay may 9.78 na margin of error.
Dahil sa limitadong datos tungkol sa demographic profile ng mga residente sa lugar ay
gumamit ang mananaliksik ng simple random sampling sa pamimili ng mga katugon. Ang mga
katugon ay pinili kada dalawampung bahay sa masterlist. Tiniyak ng mananaliksik na pantay ang
bilang ng babae at lalakeng katugon upang mas mainam ang representasyon sa parehong
kasarian. Sa 100 na katugon, 50 rito ang babae at 50 rin ang lalake na mayroong kahit isa man
lamang na anak na nasa edad na lima o higit pa.
Ang sarbey ay isinagawa ng mananaliksik tuwing Linggo upang masigurado na hindi
nakakaabala sa trabaho o mga gawain ng mga katugon ang pananaliksik.
Ang mga variable na tinitingnan sa mga katanungan sa sarbey ay nakatuon sa pagtingin
sa pagdidisiplina sa anak at sa pinaniniwalaang paraan ng pagdidisiplina. May mga katanungan
din na tumutukoy sa aktwal na paraan at porma ng pagdidisiplina sa anak na babae at lalake.
Sinusukat din kung gaano kadalas ginagawa ang bawat porma o paraan ng pagdidisiplina.
Kwalitatibong Bahagi ng Pananaliksik
Ibinatay sa mga detalyeng nakuha sa kwantitatibong bahagi ng pananaliksik ang pagpili
sa mga kapapanayamin para sa kwalitatibong bahagi. Isinaalang-alang dito ang kasarian,
ekonomikong antas, at paraan ng pagdidisiplina sa anak. Dalawang nanay ang nakapanayam, isa
rito ay nasa mas mataas na sosyo-ekonomikong antas na may tatlong anak at hindi gumagamit
ng corporal punishment sa pagdidisiplina sa anak. Ang isa naman ay nasa middle class at
nasubukang gumamit ng corporal punishment sa kanyang anak. Sa dalawang tatay na
nakapanayam, pareho silang gumagamit ng corporal punishment sa kanilang mga anak. Isa sa
kanila ay galing sa mas mataas na sosyo-ekonomikong antas, samantalang nasa middle class
naman ang isa. Hindi naging madali ang paghikayat ng mga makakapanayam dahil sa
sensitibong paksa ng pag-aaral kaya naman naging limitado ang bilang ng mga katugon.
Sa pamamagitan ng in-depth interviews ay inalam ng mananaliksik ang paraan ng
pagdidisiplina ng mga nanay at tatay sa kanilang mga anak na lalake at babae. Kasama na rito
ang mga pagkakaiba sa pagtrato sa mga anak base sa kasarian. Naitanong din ang dahilan ng
paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagdidisiplina at kung ano ang kahulugang ibinibigay nila sa
mga ito. Dagdag pa rito ay ang mga sitwasyon kung kailan pinapalo o sinasaktan ang mga bata.
Maliban sa mga in-depth interviews sa mga nanay at tatay, nagsagawa rin ng interbyu
ang mananaliksik sa mga eksperto sa mga temang tinatalakay ng pag-aaral na ito—ang corporal
punishment at ang gender relations.
Nakapanayam ng mananaliksik ang isang representante ng isang non-government
organization na nakapokus sa usapin ng kabataan at isa sa mga pangunahing tagapagsulong ng
pagbabawal ng corporal punishment sa bansa. Ang organisasyong ito ay gumagawa rin ng ilang
pag-aaral tungkol sa paksa. Ang representanteng nakapanayam ay nakatuon sa child protection
unit ng nasabing organisasyon.
Para sa usapin naman ng gender relations, isang propesor sa gender studies ang
nakapanayam. Maliban sa pagiging propesor sa loob ng dalawampung taon, isa rin siyang
tagapagsulong sa karapatan ng mga kababaihan. Nagsagawa na rin siya ng ilang pag-aaral sa
mga usapin ng kababaihan.
Pag-aanalisa ng Datos
Ang mga kwantitatibong datos na nakuha ay ginawan ng coding book kung saan ang
bawat variable ay binibigyan ng codes at binibigyan din ng nyumerikong katumbas ang bawat
kasagutan sa sarbey. Ang mga codes na ito ay ginamit sa paglalagay ng mga datos sa IBM
Statistical Package for Social Sciences, isang computer software na ginagamit sa pag-aanalisa ng
mga kwantitabong datos. Ginamit ang positivist social science sa pagsusuri ng mga datos sa
tulong ng nabanggit na computer software.
Ang mga interbyu naman sa kwalitatibong bahagi ay inirekord at isinulat ang eksaktong
panayam. Isinailalim ang mga ito sa individual coding kung saan tinitingnan ang mga tema at
konseptong nabanggit sa pagsagot sa mga katanungan. Ang mga kasagutan ay kinakategorya
base sa mga tema at pinagkukumpara ang bawat interbyu sa pamamagitan ng cross-case
analysis. Ang interpretative social science ay ginamit upang suriin ang mga kasagutan ng mga
nakapanayam.
Ang mga datos na nakalap sa dalawang pamamaraan ng pagsasagawa ng pananaliksik ay
pinagkumpara at pinagtahi upang mas mapayabong ang pagsusuri sa bawat datos. Upang
makita ang mga nakakubling salig sa paggamit ng corporal punishment, ginamit ang critical
social science na nagbigay-daan sa pagsagot sa mga katanungang nais tugunan ng pag-aaral na
ito.
Mga Pang-Etikang Pagsasaalang-alang sa Pananaliksik
Dahil ang usapin ng corporal punishment ay sensitibo at itinuturing na personal na
bagay, isinaalang-alang ng mananaliksik na mapapahalagahan ang kapakanan ng mga kalahok
sa pag-aaral. Ipinaliwanag ng mananaliksik sa mga napiling katugon ang katangian ng pag-aaral
at ang mga risgo nito. Ipinaaalam rin sa mga ito na walang materyal na benepisyo ang
ipapamahagi sa mga katugon ngunit ito ay makakapagpayabong ng kaalaman sa karapatan ng
mga bata at sa gender relations sa lipunan.
Matapos maunawaan ng mga katugon ang proseso ng pananaliksik, hiningi ang
pahintulot ng mga ito na sumali sa sarbey o interbyu sa pamamagitan ng pagpapapirma ng mga
ito sa consent form na inihanda ng mananaliksik. Humingi rin ng permiso ang mananaliksik sa
pagrerekord ng mga panayam sa interbyu. Binibigyan ng kalayaan ang mga partisipante na
tumangging sumagot sa mga katanungang hindi komportable para sa kanila o ipatanggal ang
mga datos na hindi nila gustong maisama sa pag-aaral. Ang paglahok sa pag-aaral ay boluntaryo
lamang, iginagalang ng mananaliksik ang desisyon ang pagtanggi ng mga napiling kalahok sa
pag-aaral.
Sa buong proseso ng pag-aaral, ang anonymity at confidentiality ng mga katugon ay isa
sa mga prayoridad ng mananaliksik. Sinigurado na ang pagkakakilanlan ng mga partisipante ay
mapangangalagaan sa pamamagitan ng paggamit ng alyas. Iniwasan din ang pagbabanggit ng
mga ispesipikong detalye na maaaring tumukoy sa mga ito. Siniguro rin na ang mga
impormasyong nakalap sa pananaliksik ay gagamitin lamang para sa layunin ng nasabing pag-
aaral.
Bago pa man magsimula ang sarbey at interbyu sa napiling komunidad ay humingi na ng
pahintulot ang mananaliksik sa administrasyon ng sabdibisyon sa isinagawang pag-aaral.
Ipinaliwanag sa presidente ng Homeowner’s Association ang mga proseso ng pananaliksik na
isasagawa sa lugar at siniguro nitong hindi mapapahamak ang mga residente sa proseso.
Isinagawa ang pagkolekta ng mga datos sa mga oras na kombenyente sa mga katugon
upang maiwasan ang pag-abala sa trabaho at gawain ng mga partisipante.
Mga Resulta at Diskusyon
Propayl ng mga residente sa sabdibisyon
Ang napiling sabdibisyon ay isang programang pabahay para sa mga empleyado ng
gobyerno. Marami sa mga residente dito ay mga guro, empleyado ng pamahalaan, at mga pulis
o sundalo. Gayunpaman, kahit na ang mga bahay na ito ay nakalaan para sa mga pampublikong
empleyado, ang ilan sa mga bahay ay naipagbili na o pinapaupahan sa iba kaya naman
makakakita ng iba’t ibang uri at antas ng mga tao rito.
Sa mga napiling maging kalahok sa sarbey na isinagawa, lima sa mga kalahok ay kumikita
ng mas mababa sa limandaang libong piso kada buwan; siyam ang kumikita ng 5,000 – 10,000;
18 ang kumikita ng 10,001–15,000; 13 sa 15,001–20,000, walo sa 20,001–30,000; lima sa
30,001–40,000; at tatlo naman ang kumikita ng mahigit 40,000. Ang malaking konsentrasyon ng
mga kalahok ay nasa 10,000 hanggang 20,000 na sahod kada buwan.
Persepsyon sa pagdidisiplina at pag-aaruga ng mga bata
Lubos na naniniwala ang mga magulang na mahalaga ang pagdidisiplina sa kanilang mga
anak. Tinitingnan ng mga magulang ang pagdidisiplina bilang isang tungkuling maaaring
magtuwid ng kaugalian ng kanilang mga anak. Kinikilala rin nila ito bilang tungkulin ng bawat
magulang, mapa-nanay man o tatay (Tingnan sa Talahanayan 1). Ngunit makikitang mas mataas
ang paniniwalang ang nanay ang dapat nagdidisiplina sa anak, hindi naman ito nalalayo sa
paniniwalang ang tatay ang dapat nagdidisiplina sa anak.
Talahanayan 1. Sino ang dapat nagdidisiplina sa mga bata?
Mean
Kasarian ng magulang Ang mga nanay
ang dapat
nagdidisiplina sa
mga bata
Ang mga tatay
ang dapat
nagdidisiplina sa
mga bata
Tungkulin ng
bawat magulang
na disiplinahin
ang mga anak
Babae 3.51 3.47 4.64
Lalaki 3.38 3.32 4.56
Total 3.45 3.41 4.61
Sinasang-ayunan naman ito nina Tatay Isko at Tatay Manuel sa paniniwalang mahalaga
ang parehong pagdidisiplina at pag-aaruga ng mga nanay at tatay.
Ayon kay Nanay Cherry, ang pag-aaruga at pagdidisiplina sa mga bata ay pangunahing
tungkuling nakaatang sa mga nanay. Ito ay bunga ng kawalan ng trabaho ng mga kababaihan
kaya naman sila ang madalas nakakasama ng mga bata. Malaki rin ang kanyang pagpapahalaga
sa siyam na buwang pagdadalang-tao nya sa kanyang mga anak na ayon sa kanya ay nagbibigay
ng espesyal na koneksyon sa kanya at sa mga anak.
Ayon sa representante ng Save the Children Philippines na itatago natin sa pangalang
“Elena”, nalilimitahan ang pagdidisiplina ng mga kalalakihan dahil mas maikli ang oras na
nakakasama nila ang kanilang mga anak. Ito ay pinapatibay ng mga datos na nakalap na
nagsasabing kalahating porsyento ng mga kababaihang lumahok sa pag-aaral ay walang trabaho
samantalang 80 porsyento ng mga kalalakihan ay mayroong trabaho.
Dahil sa gender stereotypes na mayroon ang ating lipunan. Ikinakabit ang mga gawain
tulad ng pag-aasikaso ng bahay at pag-aalaga ng mga anak sa mga kababaihan samantalang ang
pagtatrabaho at pinansiyal na responsibilidad ay ibinibigay naman sa mga kalalakihan (Sultana,
2010).
Pagdidisiplina sa mga anak
Sa sarbey na isinagawa ay tumukoy ng ilang mga karaniwang paraan ng pagdidisiplina sa
anak upang maipakita kung alin-alin sa mga ito ang ginagamit ng mga kalahok sa pag-aaral.
Iraranggo ng mga magulang ang bawat porma ng pagdidisiplina mula 1 hanggang 5 base sa
kung gaano kadalas nila ito gamitin. Ang 1 ay nangangahulugang hindi nila ito ginagamit
samantalang ang 5 naman ay nangangahulugang palagi nila itong ginagamit.
Paggamit ng pisikal na pagdidisiplina
Sa Talahanayan 2 makikita ang porsyento ng mga nanay at tatay na gumagamit ng
pisikal na pagdidisiplina sa kanilang mga anak na babae at lalake. 56.4 porsyento ng mga nanay
ay namamalo ng mga anak na babae gamit ang kamay samantalang 33.3 porsyento lamang ng
mga tatay ang gumagawa nito. Ganito sa anak na lalake, 68.4 porsyento ng mga nanay ang
namamalo ng anak na lalake gamit ang kamay samantalang 26.7 porsyento lamang ng mga
tatay ang gumagawa nito. Mas malaki rin ang bilang ng mga nanay ang gumagamit ng
pangungurot at pamimingot sa kanilang mga anak samantala mas malaking porsyento ng mga
lalake ang namamalo gamit ang sinturon at stick. Ang pambubugbog naman ay tanging
ginagamit lamang ng mga tatay sa kanilang anak na lalake.
Talahanayan 5. Porsyento ng mga magulang na gumagamit ng pisikal na porma
Porma ng Pisikal na
pagdidisiplina
Sa anak na babae Sa anak na lalake
Nanay Tatay Nanay Tatay
Pambubugbog 0 0 0 3.3
Pamamalo gamit ang kamay 56.4 33.3 68.4 26.7
Pangungurot 36.8 14.8 23.7 16.7
Pamimingot 16.2 7.4 15.8 3.3
Pananabunot 5.3 0 2.6 0
Pananampal 13.2 7.4 5.3 6.7
Panininturon 2.6 14.8 10.5 16.7
Pamamalo gamit ang stick 10.5 14.8 13.2 20
Kung ang dalas naman ng paggamit ng corporal punishment ang titingnan, makikita na
bihira ang itong ginagamit at walang kapansin-pansing pagkakaiba sa babae at lalakeng anak,
maging sa nanay at tatay. .
Sa pagsusuri naman ng paggamit ng mga porma ng pisikal na pagdidisiplina, 31.6% ng
mga nanay at 53.3% ng mga tatay ang hindi gumagamit ng mga pisikal na pagdidisiplinang
nabanggit sa sarbey. Ito ay katumbas ng 41.2% ng lahat ng mga magulang na lumahok sa pag-
aaral. Ang bilang na ito ay mas mababa kung ikukumpara sa mga anak na babae na
nagpapakitang 43.2% ng mga nanay at 51.9% ng mga tatay o 46.9% ng kabuuan ang hindi
gumagamit ng kahit isa sa mga ito.
Dito makikita na mas malaki ang porsyento ng mga magulang ang gumagamit ng kahit
isa man lamang porma ng corporal punishment sa kanilang anak na lalake kaysa sa kanilang
anak na babae. Binibigyang-diin din ng mga datos na ito na mas malaki ang porsyento ng mga
nanay na gumagamit ng corporal punishment kaysa sa mga tatay.
Sa mga hindi naman pisikal na pagdidisiplina, ang pinakamadalas gamiting porma ng
mga magulang ay ang pagbibigay ng payo o pagpapaliwanag sa anak na mayroong halos 100%
ng magulang.
Pagdidisiplina ng mga tatay
Parehong pinapalo ni Tatay Manuel ng sinturon ang kanyang mga anak na lalake at
babae ngunit bago nya ito gawin ay pinaggsasabihan muna niya ang mga bata. Binibigyan niya
ng dalawang pagkakataon ang kanyang anak na maisip ang kanyang kamalian at kung hindi pa
ito nagbabago sa kanyang ugali ay tsaka naman papaluin.
Maging si Tatay Isko ay gumagamit rin ng pisikal na pagdidisiplina sa kanyang mga anak
na babae at lalake sa porma ng pamamalo gamit ang kamay at stick. Kahit na pareho ang
pormang kanyang ginagamit sa babae at lalakeng anak, mas madalang naman daw niyang
saktan ang anak na babae. Hindi rin daw niya nilalakasan ang pamamalo dito, hindi kasinlakas
ng pamamalo niya sa kanyang mga anak na lalake.
Nilinaw rin ni Tatay Isko at Tatay Manuel na bihira lamang ang mga pagkakataong
kanilang pisikal na napaparusahan ang mga anak.
Naikwento rin ni Nanay Wendy na bihirang mamalo ang kanyang asawa hindi tulad ng
kanyang tatay na talagang gumagamit ng pisikal na pagpaparusa. Ayon sa kanya:
“... mas takot kami sa tatay namin kasi yung tatay namin, sobrang... sobrang
tahimik na tao, sobrang mapagpasensya pero pag nagalit siya intense. Basta
takot kami sa kanya. Pag siya na yung nagsalita, titigil ka talaga. Hanggang
ngayon ganun kami kasi yung nanay mas madaling malambing eh, mas
madaling malambing kasi yung nanay…. Dominant, talagang tatay.”
Pagdating naman sa pagkakaiba sa pagtrato sa anak na babae at lalake, napansin daw
niyang mas matindi ang mga parusang ibinibigay sa kapatid niyang lalake dahil sa lalake nga ito
at kadalasang ang kanyang tatay ang gumagawa nito.
Tulad ni Nanay Wendy ay hindi rin gaanong nagdidisiplina ng mga anak ang asawa ni
Nanay Cherry. Sa katunayan ay ibinibigay pa raw nito ang lahat ng kahilingan ng kanilang mga
anak. Ngunit sa mga bihirang pagkakataong nagagalit naman daw ito ay talagang matindi
naman. Talagang namamalo raw ito kapag hindi na kaya ni Nanay Cherry na daanin sa berbal na
pagdidisiplina ang mga anak.
Kapareho nito ang nabanggit ni Tess na ang mga nanay muna ang kumakausap sa mga
bata tungkol sa mga nagagawa nitong kasalanan ngunit kapag ito ay hindi na kayang ayusin ng
nanay, ipinapasa niya ito sa tatay na kadalasang gumagamit ng pisikal na paraan ng
pagdidisiplina. Minsan, isang tingin pa lamang ng kanyang tatay ay tumitigil na ito sa kanyang
ginagawa.
Ayon naman kay Elena, ang mga tatay ay mas nagdidisiplina sa mga anak na lalake dahil
mas makakaya nila ang pisikal na pagdidisiplina kaysa sa mga babae. Ibinahagi rin ni Tess na
pisikal na pagdidisiplina ang kadalasang ginagamit ng mga tatay sa mga anak.
Ang mga anak ay karaniwang takot sa mga tatay dahil hindi sila gaanong nakakasama ng
mga bata, madalas din silang tahimik gaya ng nabanggit ni Nanay Wendy. Sila ay madalas hindi
nagkokomento sa mga bagay-bagay ngunit matindi naman kapag sila ay nagalit kaya kahit salita
pa lamang nila o kahit isang tingin pa lang ay napapasunod na ang mga bata. Ito rin marahil ang
dahilan kung bakit lumalabas sa mga datos na hindi gaanong gumagamit ng corporal
punishment ang mga tatay. Sapat na ang isang salita at tingin nito at hindi na kailangan pang
gumamit ng pisikal na paraan.
Pagdidisiplina ng mga nanay
Hindi gumagamit ng kahit anong porma ng pisikal na pagdidisiplina si Nanay Cherry,
kinakausap niya lamang ang kanilang mga anak at sinesermunan. May mga panahon na
napapagalitan at napagtataasan nya raw ng boses ang mga ito ngunit sa huli ay ipapaliwanag
kung bakit ito nagalit. Pinaparusahan niya rin ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng hindi
pamamansin sa mga ito hanggang sa maliwanagan sila tungkol sa kanilang nagawang kasalanan.
Minsan daw umabot sa dalawang araw ang hindi niya pagpansin sa kanyang anak na babae.
Si Nanay Wendy naman ay dating namamalo ng kanyang anak gamit ang hanger.
Ngayon daw ay mga panahong napapalo nya pa rin ang kanyang anak lalo na kung nagiging
pasaway ito ngunit madalang na lang ang ganitong pagkakataon. Madalas na lamang niyang
pinagsasabihan ang kanyang anak dahil nais niyang ang kanyang anak mismo ang makaisip ng
kanyang pagkakamali. Minsan naman ay pinaparusahan niya ang kanyang anak sa pamamagitan
ng pagkuha ng cellphone nito o hindi pagpapalabas ng bahay.
Ayon naman kay Tatay Manuel at Tatay Isko, bihira lamang gumamit ng pisikal na
pagdidisiplina ang kanilang mga asawa. Nabanggit pa nga ni Tatay Isko na madalas kunsintihin
ng kanyang asawa ang kanilang mga anak.
Sa personal na karanasan naman ni Tess ay ang kanyang nanay ang madalas
nagdidisiplina sa kanilang magkakapatid sa pamamagitan ng pamamalo. Bagamat ganito ang
kanyang karanasan, sinabi niyang sa isang patriyarkal na lipunan inaasahang ang mga tatay ang
nagdidisiplina at ang mga nanay naman ay madalas gumamit ng berbal na pagdidisiplina.
Ito ay maaaring maipaliwanag ng dalawang sa dalawang paraan. Una, ang mga
kalalakihan ay madalas wala sa bahay na maipapakita sa Talahanayan 4 na nagsasabing 80% ng
mga tatay ay nagtatrabaho sa labas ng tahanan at ang mga nanay ay mas namamalagi sa
kanilang tahanan dahil madami sa kanila ang walang trabaho. Dahil dito, mas nakakasama at
mas nasusubaybayan ng mga nanay ang kanilang mga anak. Nakikita nila ang mga maling
ginagawa ng kanilang mga anak at maaari nilang maparusahan ito (Save the Children Sweden
Southeast Asia and the Pacific, 2006).
Pangalawa, may mga pagkakataong ginagaya ng mga kababaihan ang mga katangian ng
mga kalalakihan gaya nga pagiging malakas, agresibo, at dominante upang magkaroon din sila
ng kapangyarihan sa lipunan (Johnson, 2005). Sa kasong ito, ang paggamit ng pisikal ng
pagdidisiplina ay isang paraan ng pagpapakita ng dominasyon at katapangan.
Pagkakaiba sa pagdidisiplina sa mga anak na babae at lalake
Sa panayam kay Nanay Cherry ay nabanggit nito na wala namang pagkakaiba sa
pagtrato nilang mag-asawa sa kanilang anak na babae at lalake. Pantay ang pagtingin at
pagdidisiplina nila sa kanilang mga anak.
Bagamat wala namang anak na lalake si Nanay Wendy ay ibinihagi niyang sa kanilang
pamilya, ang kanyang kapatid na lalake ang kadalasang binibigyan ng mas matinding pisikal na
pagpaparusa dahil nga sa lalake ito. Ganito rin ang ginagawa ni Tatay Isko, kahit na pareho
niyang pinapalo ang kanyang mga na lalake at babae, mas mahina ang pagpalo niya sa kanyang
anak na babae. Ito ay dahil tinitingnan niyang mas mahina ang mga babae at mas kaya ng mga
lalake ang mas matinding parusa.
Sa ganitong paraan din ipinaliwanag ni Elena ang pagkakaiba sa pagdidisiplina sa mga
babae at lalake. Dahil tinitingnang mas mahina ang mga babae at mas malakas ang mga lalake,
pinipili ng mga magulang ang nababatay sa kanilang mga anak.
Dahilan ng paggamit ng corporal punishment
Ipinapakita sa Talahanayan 11 ang mga dahilan ng paggamit ng corporal punishment ng
mga magulang at kung ilang porsyento ang sumagot sa mga ito. Pinakamarami ang sumagot na
ang ginagamit nila ang corporal punishment para madisiplina ang kanilang mga anak na may
kabuuang 76.3 porsyento ng mga magulang. Pangalawa naman ay ang pagpapakita na mahal
nila ang kanilang mga anak na pinaniniwalaan ng halos kalahati ng mga magulang.
Mapapansin rin na malaki ang bahagi ng mga kalalakihan ang sumagot na ginagawa nila
ito upang magkaroon ng takot ang kanilang mga anak sa kanila. Ito ay isinagot ng 25.6% ng mga
kababaihan at 40% naman ng mga kalalakihan. Ito ay maaaring isang paraan ng pagpapakita ng
patriyarkal na kultura ng machismo. Ang mga kalalakihan ay inaasahang mayroong kapasidad
na magtanim ng takot sa kanilang mga anak dahil sa kanilang katapangan at pagiging
dominante.
Talahanayan 11. Dahilan ng paggamit ng corporal punishment
Kasarian ng magulang
Total Babae Lalake
Bilang pagdidisiplina 82.1% 65% 76.3%
Para ipakita na mahal
ko siya
46.2% 50% 47.5%
Bilang parusa 10.3% 15% 11.9%
Para magkaroon ng
takot
25.6% 40% 30.5%
Dahilan ng hindi paggamit ng corporal punishment
Ayon kay Nanay Cherry at Nanay Wendy na parehong pinipiling hindi gumamit ng
corporal punishment, natatakot daw sila na baka magkaroon ng trauma ang kanilang mga anak
o baka lalo itong magrebelde. Pareho din nilang sinasabing nakakapagbasa sila ng mga artikulo
sa internet tungkol sa pagdidisiplina sa mga bata na nagsasabing nakakasama raw ito kaya
naman iniiwasan nila ang paggamit nito.
Naibahagi rin ni Nanay Wendy na nasasaktan din daw siya sa tuwing nasasaktan niya
ang kanyang anak kaya naman itinigil na niya ang pamamalo dito.
Makikita dito na ang edukasyon ng mga magulang ay nagkakaroon ng epekto sa kanilang
paggamit ng corporal punishment. Dahil alam ng mga magulang ang mga magiging epekto ng
pisikal na pagdidisiplina ay hindi na nila ito ginagamit sa kanilang mga anak.
Epekto ng sosyalisasyon sa paggamit ng corporal punishment
Ang sosyalisasyon ay ginagamit ng patriyarkal na lipunan upang mapagtibay ang
dominanteng posisyon nila sa lipunan. Mula sa pamilya, relihiyon, trabaho, at sa iba pang
aspeto ng pamumuhay ay nakabaon na ang paniniwala at kaugalian na naaayon sa patriyarkiya.
Simula pa lang sa pagkabata ay natututo na ang mga babae at lalake na kumilos ayon sa dikta
ng kulturang kanilang kinagisnan. Nagkakaroon na kaagad ng pagkakaiba sa ugali at paniniwala
ang mga ito na siyang nagpapatuloy sa pagiging mas mababa ng mga babae sa kalalakihan
(Sultana, 2011).
Gaya rin ng pahayag ni Tess, ang mga magulang ay produkto rin ng sosyalisasyon. Kung
ano ang kanilang kinagisnang sitwasyon ng relasyon ng lalake sa babae at ng anak sa nanay at
tatay mula pagkabata ay siya ring naisasabuhay nila. Kung hindi mababago ang kamulatan ng
mga magulang ay ito rin ang maipapasa sa mga susunod pang henerasyon.
Ang sosyal na istrakturang binuo ng patriyarkal na paniniwala ay hindi likas. Hindi
naididikta ng kakayahang magluwal ng bata ang pagkukulong sa mga kababaihan sa pag-aalaga
at pananatili sa bahay. Ang mga ito ay produkto lamang ng sosyalisasyon at kultura kung saan
naghahari ang mga kalalakihan.
Ipinunto rin ni Tess na hindi lamang ang sosyal na antas ang dapat pinagtutuunan ng
pansin sa usaping ito. Mahalaga rin na tingnan ang ekonomiko, pulitikal, at heograpikong
aspeto dahil ang mga ito ay bahagi rin at pare-parehong mahalaga sa usapin ng relasyon ng
babae at lalake. Ang pagbabago sa isa sa mga aspetong ito ay magdudulot rin ng pagbabago sa
iba pa.
Limitasyon ng pag-aaral
Dahil sa limitadong oras at mapagkukunan, ang sample size ng sarbey na isinagawa ay
hindi sapat upang lubos na mapag-aralan ang impluwensiya ng kasarian sa paggamit ng
corporal punishment.
Gayun din, ang pagiging sensitibo ng paksa ay nagbigay ng pag-aatubili sa mga kalahok
sa pag-aaral na magkwento ng kanilang mga karanasan. Ito rin ang dahilan kung bakit naging
limitado ang mga in-depth interviews na isinagawa. Marami sa mga magulang na gumagamit ng
corporal punishment ay tumangging lumahok sa pag-aaral.
KONKLUSYON AT REKOMENDASYON
Ang corporal punishment ay isa sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng mga
kabataan. Imbis na maging panatag sila sa kanilang tahanan ay nagkakaroon sila ng takot na sila
ay masaktan ng kanilang mga magulang. Tinitingnan ng pag-aaral na ito ang power relations ng
nanay at tatay, bilang babae at lalake, sa paggamit ng corporal punishment. Gamit ang
patriyrakal na konsepto ng machismo ay tiningnan kung paano nga nakakaapekto ang kasarian
ng mga magulang at ng mga anak sa paggamit ng corporal punishment.
Bukod sa sentral na katanungang ito, layunin din ng pag-aaral na tingnan ang
persepsyon ng mga magulang sa pagdidisiplina at kung bakit nila ginagamit ang corporal
punishment. Tiningnan din ang paraan ng pagdidisiplina ng mga magulang at ang pagkakaiba ng
paggamit nito sa babae at lalakeng anak.
Binibigyan ng malaking pagpapahalaga ng mga magulang ang pagdidisiplina kaya naman
tinuturing itong tungkulin ng bawat magulang, mapa-babae man o lalake. Sa pagdidisiplina,
gumagamit ang mga magulang ng pisikal at hindi pisikal na pamamaraan. Ginagamit nila ang
pisikal na pamamaraan dahil ito ang ito ang nakagisnan nila at ito ang nakikita nilang paraan
upang maiwasto ang mga kaugalian ng kanilang mga anak at ipakita na mahal nila ang mga ito.
Isa rin itong paraan ng pagbibigay ng takot sa kanilang mga anak.
Sa paggamit naman ng corporal punishment ay nangunguna ang pamamalo gamit ang
kamay. Ayon sa sarbey, hindi madalas ang paggamit ng mga magulang sa corporal punishment
ngunit mas malaki ang porsyento ng mga nanay ang gumagamit nito. Gumagamit rin naman ang
mga tatay ngunit ito ay bihira lamang.
Sa datos mula sa sarbey ay walang kapansin-pansing pagkakaiba sa paggamit ng
corporal punishment sa mga babae at lalake ngunit ayon sa mga interbyu ay mas malakas o mas
matindi ang mga palong binibigay sa mga lalake dahil itinuturing silang mas malakas at mas may
kakayahang tumanggap ng mas masakit na pisikal na pagpaparusa.
Sa pagsusuri sa mga datos ay makikitang nakakaapekto ang kasarian sa tindi at porma
ng paggamit ng corporal punishment sa tahanan ngunit hindi ito ang tanging batayan. Marami
pang salik na nakakaapekto dito gaya ng sosyal, ekonomiko, at pulitikal na aspeto na mahalaga
ring tingnan sa mga susunod pang pag-aaral.
Sentral sa pag-aaral nito ang mababang pagtingin sa mga kababaihan, mula sa
responsibilidad na nakaatang sa kanila hanggang sa pisikal na kahinaang ikinakabit sa kanila. Sa
ganitong persepsyon makikita na hindi lamang usapin ng sosyal na aspeto ang dapat tingnan,
dapat ring ibaling ang atensyon sa ekonomiko at pulitikal na aspeto ng relasyon ng mga babae
at lalake. Ang tatlong aspetong ito ay nakatahi sa isa’t isa at ang pagbabago sa isa ay
makakaapekto rin sa iba pa. Kailangang palakasin ang mga kababaihan sa bawat aspetong ito
upang makakaalpas sa isang patriyarkal na lipunan.
Sanggunian:
Abumere, F.I., ‘Understanding Men and Masculinity in Modern Society’, Open Journal of Social
Science Research, vol. 1, no. 2, 2013, pp. 42-45.
Cabrera, N. and R. Bradley, ‘Latino Fathers and Their Children’, Child Development Perspectives,
vol. 6, no. 3, 2012, pp. 232-238.
Durrant, J. E., ‘Physical Punishment, Culture, and Rights: Current Issues for Professionals’,
Journal of Developmental & Behavioral Pediatrics, vol. 29, no. 1, 2008, pp. 55-66.
Falicov, C.J., ‘Changing constructions of machismo for Latino men in therapy: “the devil never
sleeps”’, Family Process, vol. 49, no. 3, 2010. Available from: Family Process, (accessed
16 February 2015).
Ferrari, A., ‘The impact of culture upon child rearing practices and definitions of maltreatment’,
Child Abuse and Neglect, vol. 26, 2002, pp. 793-813.
Gershoff, E. T. and S. Bitensky, ‘The Case Against Corporal Punishment of Children: Coverging
Evidence From Social Science Research and International Human Rights Law and
Implications for U.S. Public Policy’, Psychology, Public Policy, a,d Law, vol. 13, no. 4,
2007, pp. 231-272.
Gershoff, E. T., ‘Corporal Punishment by Parents and Associated Child Behaviors and
Experiences: A Meta-analytic and Theoretical Review’, Psychological Bulletin, 2002, pp.
539-579.
Gershoff, E. T., ‘More Harm Than Good: A Summary of Scientific Research on the Intended and
Unintended Effcets of Corporal Punishment on Children’, Law and Contemporary
Problems, vol. 73, no. 31, 2010, pp. 31-53.
Jocson, R.M et al., ‘Predicting Filipino mothers’ and fathers’ reported use of corporal
punishment from education, authoritarian attitudes, and endorsement of corporal
punishment’, International Journal of Behavioral Development, vol. 36, no. 2, 2012.
Johnson, A., The gender knot: Unraveling our patriarchal legacy. 1st ed. USA: Temple University
Press, 2005.
Lansford, et al., ‘Corporal Punishment of Children in Nine Countries as a Function of Child
Gender ad Parent Gender’, International Journal of Pediatrics, 2005. Available from
Duke University School of Law, (accessed December 2014).
Manaay, S. M., Discipline in the Philippine Context: Factors Affecting Parents' Use of Corporal
Punishment. 2014. Available from: ProQuest LLC, (accessed December 2014).
Neuman, W.L., Social research methods: Qualitative and quantitative approaches, 2nd edn.,
USA: Allyn and Bacon, 1994.
Samuel, J., A study to assess the attitude towards corporal punishment and practice of positive
discipline among parents of under five children in selected urban area Bangalore, wth
view to conduct an awareness program on positive disciple, 2013. Karnataka: Rajiv
Gandhi University of Health Sciences.
Save the Children Sweden Southeast Asia and the Pacific, What children say: Results of
comparative research on the physical and emotional punishment of children in Southeast
Asia and the Pacific, 2005, Sweden: Save the Chiildren Sweden, 2006.
Save the Children Sweden, A time for change: Ending all forms of corporal punishment of
children: Corporal punishment in the Philippines, Quezon City: Save the Children
Sweden, 2008.
Sultana, A, ‘Patriarchy and women’s subordination: A theoretical analysis’, The Arts Faculty
Journal, 2011
Turner, H. A., & D. Finkelhor, ‘Corporal Punishment as a Stressor Among Youth’, Journal of
Marriage and the Family, 1996, pp. 155-166.