pi100 mabini paper
DESCRIPTION
Papel Pananaliksik nina Jeniffer Antonio, Angelica Cabrera, Christine Hugo, Aleli Paula Ramos, Lawrence Charles Salazar, at Anna Karenina Vizcarra ukol sa buhay, kaisipan, at kontribusyon sa nasyonalimong Pilipino ng bayaning si Apolinario MabiniTRANSCRIPT
MABINI: BILANGGONG MANDIRIGMA, UTAK NG MALAYA
Isang papel pananaliksik
Nina
Jennifer D.J. AntonioMa. Angelica R. Cabrera
Christine S. HugoAleli Paula V. Ramos
Lawrence Charles E. SalazarAnna Karenina M. Vizcarra
Ipinasa Kay:
Prop. Jerome A. Ong
Bilang Parsyal na Katuparan sa mga Hinihingi ng kursong Philippine Institution 100(Ang Pag-aaral ng buhay at akda ni Dr. Jose Rizal at iba pang bayaning Pilipino)
2 Oktubre 2008Unang Semestre, Taong Akademiko 2008-2009
Unibersidad ng Pilipinas Maynila
I. Panimula
Sadyang kay hirap husgahan ng mga naging pagkilos ng mga bayani bilang
pagtaya sa kanilang naging ambag sa ating pagkabansa at sa pagtaguyod ng mga
halagahin bilang isang lahi. Nababalot ng iba’t-ibang tao, panahon, at pangyayari ang
kanilang mga hakbang na siyang nakaimpluwensiya sa kanila upang gawin ang mga ito.
Isa sa mga bayaning ito si Apolinario Mabini na kilala ng lahat bilang Utak ng
Rebolusyong Pilipino. May natatanging lugar si Mabini sa hanay ng mga bayani noong
panahon ng mga pagsisikap tungo sa pagbabago sa panahon ng mga Espanyol. Sa hanay
ng mga ilustrado tulad nina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, at Marcelo Del Pilar,
tanging si Mabini ang kabilang sa mga mahihirap at nagawang niyang makiisa sa
hukbong rebolusyonaryo. Sa hanay naman ng mga rebolusyonaryo gaya nina Andres
Bonifacio, Emilio Jacinto at Emilio Aguinaldo, nagawa niyang pagtibayin at bigyang
direksyon ang marahas na paraan ng paggiit ng kalayaan.
Natatangi si Mabini sa mga nabanggit na bayani ngunit hindi ito
nangangahulugang nakahihigit siya sa mga ito. Bunga si Mabini at ang kanyang mga
naging pagkilos ng mga pangyayari at ng panahong kanyang ginalawan. Sisikapin ng
papel na ito na ilarawan ang panahong ginalawan ni Mabini at magbigay ng maikli
niyang talambuhay upang ilagay sa konteksto ang mga konseptong inilahad niya sa
kanyang mga akda. Layunin ng papel na ito na bigyang pagtingin ang naging gampanin
ni Mabini sa panahon ng Rebolusyong Pilipino at itanghal ang kanyang mga ideyang may
kaugnayan sa pagbuo ng pambansang kamalayan, pambansang pamayanan at
nasyonalismong Pilipino. Sa huling bahagi ng papel, ilalahad ang nasabing mga ambag.
2
II. Panahong Ginalawan at Maikling Talambuhay
Apolinario Mabini – kilalang bayaning Pilipino na may akda ng ilang
makabayang artikulo tulad ng El Verdadero, Decalogo, Programa Constitutional de la
Republica Filipina, at Ordenanzas de la Revolucion. Minsan siyang naging ordinaryong
nilalang ngunit sadyang nagpamalas ng pambihirang katangian at abilidad, sapat upang
mapabilang sa mga personalidad at imaheng nagtaguyod at nag-ambag ng malaking
bahagi sa kasaysayan ng Pilipinas. Siya ang tinaguriang, “The Sublime Paralytic” at
Utak ng Rebolusyon.
Isinilang si Apolinario Mabini sa Tanauan, Batangas, noong Hulyo 23, taong
1864. Nagmamay-ari ng isang maliit na sakahan ng palay, tubo, mais, at mga gulay ang
kanyang mga magulang na sina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan. Mayroon silang
simpleng pamumuhay ngunit relihoyoso ang pamilyang kanyang pinanggalingan.
Hindi nakapag-aral at halos hindi marunong magsulat at magbasa ang kanyang
amang si Inocencio. Kahit pa nagawa nitong maging isang Cabeza de Barangay, ni hindi
nito maisulat ang kanyang sariling pangalan. Ang inang si Dionisia naman, na siyang
marunong magbasa at magsulat, ang siyang nagsilbing unang guro ni Apolinario kung
saan natutunan niya ang alpabeto at kung paano magdasal ng rosaryo.
Bata pa lamang si Mabini, tumutulong na ito sa kanyang ama at nakatatandang
kapatid na lalaki sa pagsasaka at pag-aalaga ng kalabaw. Ngunit isa sa mga katangiang
lubos na hinahangaan sa kanya noong maliit pa lamang siya ay ang kanyang angking
pambihirang talino na nakahihigit sa ibang mga bata na kasabayan niya. Ang kanyang
lolo, na si Juan Maranan, isang kilalang guro sa Tanauan ang nakadiskubre sa katangiang
3
ito ni Apolinario kaya naman siya na rin mismo ang humikayat sa mga magulang nito
upang ipadala si Apolinario sa paaralan at pag-aralin.
Nag-aral ang batang Mabini sa Tanauan sa paaralan ni Simplicio Avelino.
Nagpatuloy siya sa paaralan ni Padre Valerio Malabanan at dito siya nagtapos ng
sekundarya. Magaling ang kanyang memorya, isang katangiang talaga namang dinala
niya at naipamalas sa buong buhay niya. Higit pa rito, hindi tulad ng ibang kaklase niya,
hindi siya mareklamo gaano man kahirap at karami ang mga aralin.
Hulyo, ng taong 1881, nang tumungo siya sa Maynila upang pumasok at mag-aral
sa Colegio de San Juan de Letran. Kasabay nito, upang matustusan ang kanyang sarili sa
pag-aaral, nagturo siya ng Latin sa isang pribadong paaralan.
Noong taong 1888, kumuha siya ng abogasya sa tanyag na Unibersidad ng Sto.
Tomas. Taong 1894 nang matapos niya ang kanyang kurso. Nang taon ding ito,
nakapasa siya sa pagsusulit sa abugasya.
Matapos nito, nanilbihan na siya bilang abogado sa opisina ng isang
nagngangalang, Numeriano Adriano. Hindi naglaon, noong taong 1892, nagsimula nang
lumahok si Apolinario sa pulitika. Dala ito ng pagkakaroon niya ng simpatya sa mga
gawain ng ilang ilustrado tulad nina Jose Rizal at Marcelo H. Del Pilar, na sa mga
panahong iyon ay humihingi ng reporma sa pamahalaang kolonyal.
Dahil dito, nahikayat rin siyang sumali sa La Liga Filipina. Naging aktibo siya sa
Kilusang Propaganda. Ngunit nang minsang akusahan ng mga Espanyol ang La Liga
Filipina bilang isang subersibong organisasyon noong panahon ni Rizal, bumagsak ang
samahan. Di nagtagal, muling binuhay ang Liga at isa nga sa mga aktibong miyembro si
Andres Bonifacio. Paglaon, nahati sa dalawang pangkat ang organisasyon sa pagitan ng
4
pangkat nina Bonifacio na silang nawalan na ng pag-asa at may pagtatangka nang
gumamit ng dahas at yaong grupo nina Mabini na naninindigan at nananatili pa rin sa
pagsulong ng mahinahong pamamaraan tungo sa pagbabago. Kaya naman pagkaraang
mabuwag ang La Liga, sumapi si Apolinario sa Cuerpo de Compromisarios na humihingi
ng pagbabago sa mapayapang paraan.
Noong panahon ng Rebolusyong Pilipino, nadakip si Mabini at dinala sa Ospital
ng San Juan de Dios. Taong 1896 nang maparalisado si Mabini pagkaraan ng matagal
na pagkakasakit ngunit hindi ito naging hadlang sa kanyang pagkilos para sa repormang
panlipunan at pampulitika ng Pilipinas. Nang sumunod na taon matapos madakip, siya
ay pinalaya.
Hindi nagtagal, naging pangulo siya ng gabinete ni Heneral Emilio Aguinaldo at
naging kalihim rin ng ugnayang panlabas. Siya ang sumulat ng maraming dikreto ng
Pamahalaang Rebolusyonaryo.
Nang sumiklab ang Digmaang Filipino-Amerikano, nadakip siya ng mga
Amerikano noong taong 1898. Nang makalaya ng taong 1900, muli siyang inaresto dahil
sa paglalathala niya ng mga artikulong nagtatanggol sa Rebolusyong Pilipino.
Ipinatapon siya sa Guam at dito niya isinulat ang kanyang pamosong La
Revolucion Filipina. Pinayagan naman siyang makabalik sa Pilipinas noong taong 1903.
Sa kasamaang palad, matapos ang dalawang buwan at labimpitong araw, namatay si
Mabini sa sakit na kolera noong ganap na alas-onse ng gabi ng Mayo 13, taong 1903.
5
III. Mga Akda
A. La Revolucion Filipina
Tinatampok ng La Revolucion Filipina (“The Philippine Revolution”) ang mga
pananaw, obserbasyon, at paglalahad ng mga pangyayari sa himagsikan ayon sa
pagkakasaksi ni Apolinario Mabini. Tumutukoy ang akdang ito sa mga pangyayari
simula sa pagsiklab ng himagsikan noong 1896 hanggang sa pagdating ng mga
Amerikano sa Pilipinas. Kaalinsabay din nito ang paglalahad ni Mabini ng kanyang mga
tinangka at mga ginawa sa kanyang panunungkulan at ang kanyang mahalagang papel sa
himagsikan.
Sa bungad na panawagan ng akda, ibinihagi ni Mabini ang kanyang mga
karanasan bago at matapos siyang maipatapon sa Guam. Bago mapunta sa Guam,
nagkaroon ng pagkakataon si Mabini na makausap ang dalawa sa pinakamatataas na
heneral noon ng hukbong Amerikano, sina Heneral Arthur MacArthur at Heneral J.F.
Bell, tungkol sa pagwawakas ng digmaan at pagpapapayapa sa buong kapuluan. Dahil
doon, umasa ang dalawang heneral na tutulong si Mabini sa pagpapayapa sa kapuluan
kapalit ng paglilingkod niya at pagtanggap sa pagsakop ng Estados Unidos. Ngunit tulad
ng inaasahan, tumanggi si Mabini dahil alam niya na sa oras na gawin niya iyon,
mawawala ang tiwala sa kanya ng taumbayan. Inakala naman ng dalawang heneral na
ang pagtangging iyon ay nangangangahulugan ng pagtuligsa sa mga Amerikano.
Bilang resulta, ipinatapon siya sa Guam at doon namalagi sa loob ng dalawang
taon. Sa mga panahong iyon napagtanto ni Mabini na makakamit lamang ang tunay na
katahimikan kung mahuhuli ng mga Amerikano ang kalooban ng mga Pilipino. Sa
6
kabilang banda, batid din niya na lubhang mahirap kalabanin ang mga Amerikano, at
tiyak na mauubos lamang ang lakas ng mga Pilipinong maghihimagsik na tiyak namang
matatalo, kaya ang nalalabi na lamang na solusyon ay ang makipagkasundo. Gayundin
naman, nawalan na ng saysay ang kanyang pakikipaglaban sa Estados Unidos nang
marami na sa mga nanghihimagsik ang sumanib na sa mga Amerikano. Kaya naman
nagpasya si Mabini na sumumpa na rin ng pananalig sa Amerika para lamang makabalik
sa Pilipinas.
Kabanata I: Ang Pulitika ng Pagbabago at ng Himagsikan
Sa unang kabanata, ipinaliwanag ni Mabini ang pagkakaalam niya sa pagkakaiba
ng himagsikan at pagbabago. Aniya, tumutukoy ang himagsikan sa unos ng mga tao na
may hangaring biglang ibahin ang kapangyarihan ng pamahalaan. Ang pagbabago
(evolution) naman ay pag-iiba na mabagal at mahinahon. Sabi niya, ang himagsikan ay
tinatangka ng mga taong nais ng mabilis na pagbabago sa kahit na anong pamamaraan, na
karaniwa ay nagbubunga ng pagdurusa, dalamhati at karahasan. Malulunasan lamang
itong paghahamok kung dahan-dahan at mahinahon ang pagbabago. Ngunit, sinabi rin ni
Mabini na kung sa paghihintay ng mahinahong pagbabago, patuloy ang panunupil at
pagpuksa sa mga abang mga mamamayan ng mapang-api at mapanakop na pamahalaan,
lubhang hindi maiiwasan ang himagsikan.
Kabanata II: Paghahari ng Espanya sa Pilipinas bago ang Pagbubukas ng Suez Canal
Ayon kay Mabini, nagsimula lamang mahinog ang himagsikang Pilipino dahil sa
pagbubukas ng Suez Canal noong 1869. Aniya, ang mga aklasang naganap bago nito ay
7
kanya-kanya, pailan-ilan, at mumunting away lamang. Wala pang himagsikan noon na
nagtangkang magkaroon ng malawakang pagbabago dahil hindi tinangka ng mga pinuno
noon na pag-isahin ang pamahalaan at pagsama-samahin ang mga kabayanan. Isang
halimbawa na ibinigay niya sa akda ay ang aklasan sa Cavite Arsenal noong 1872 kung
saan ang labanan ay nagbunga sa pagbitay ng tatlong paring sina Padre Burgos, Gomez at
Zamora na hiniling na makahawak ng sariling parokya ang mga paring sekular – isang
adhikang pang-kanila lamang na mga paring Pilipino na makahawak ng sariling parokya.
Gayundin naman, sa panahon ding ito bago ang pagbubukas ng Suez Canal,
sinadyang ihiwalay ng mga Espanyol at mga prayle ang Pilipinas sa ibang bahagi ng
mundo upang manatiling mangmang at sunud-sunuran (sa kanila). Nilukob at pinapatay
ang sinumang nagtangkang mag-aklas at nilason ang kanilang mga isipan sa
pamamagitan ng huwad na pananampalataya. Kinamkam ang lahat ng kanilang ari-arian,
sapilitang ginawang alipin, at taon-taong binuwisan. Kaya naman, ang resulta, nawalan
ng ganang magsikap pa ang mga abang indio dahil ang lahat sa kanila ay kinukuha ng
mga encomendero.
Kabanata III: Pagbitay sa Tatlong Pari: Burgos, Gomez, at Zamora
Ang pagbitay sa tatlong pari na napagkamalang utak sa pag-aaklas sa sandatahang
Espanyol sa Cavite ang nagmulat sa mga Pilipino sa mga mga kabuktutan ng mga prayle
sa Pilipinas at pagpapahirap sa mga Pilipino. Ipinabitay ng mga prayleng Espanyol ang
tatlong pari upang magsilbing leksyon sa mga tao na huwag nang magtangkang kalabanin
sila at ang pamahalaan. Ngunit sa halip na matakot, lalo pang naglagablab ang
8
damdaming makabayan ng mga Pilipino, nag-umpisa silang mamuhi sa mga prayle, at
noon nag-umpisang makipaglaban matapos ang daan-daang taong pagiging sakop.
Kabanata IV: Palakad ng Espanya bago ang Himagsikan
Sa pamahalaan, lubhang walang karapatan ang mga Pilipino. Maaring gawin at
ipatupad sa kolonya ang lahat ng nais na gawin ng mga naluluklok sa pamahalaan, na
pawang mga peninsulares na galing sa Espanya. Gayundin, nagsisilbing diktador sa
kapuluan ang sinasabing kinatawan ng Hari ng Espanya, ang gobernador-heneral, pinuno
rin ng hukbong Espanyol. Lahat ng pangunahing kawahihan sa pamahalaan sa mga
lalawigan ay pinamumunuan ng mga Espanyol. May ngilan-ngilang Pilipino na napiling
manungkulan, ngunit nagsilbi na walang bayad at tagapayo lamang. Wala ring kinatawan
ang Pilipinas sa Cortes ng Espanya at ang mga alcalde ng mga kabayanan ay nagsilbing
utusan lamang ng mga prayle at mga pinuno ng lalawigan.
Kabanata V: Mga Panawagan ng La Solidaridad
Sa pagdanak ng mga anak ng mga mayayaman sa Pilipinas sa Europa upang mag-
aral at matuto, nabuo ang kilusang Propaganda upang lubos na mailahad ang mga
hinaing, tunay na kalagayan, at pagnanais ng mga Pilipino. At dahil dito, naitatag ng mga
Pilipino sa Europa ang pahayagang La Solidaridad, isang babasahing tumutuligsa sa
pamamalakad ng Espanya sa Pilipinas.
Panawagan ng pahayagang ito ang mga sumusunod:
1. Gawing sibilyan sa halip na militar ang pamahalaan sa Pilipinas;
9
2. Limitahan at itakda ang kapangyarihan ng gobernador-heneral;
3. Ibigay ang pantay na karapatan sa mga Pilipino;
4. Paalisin ang mga prayle o ibigay ang mga parokya sa mga paring sekular;
5. Maliban sa gobernador at pinakamataas na pamunuan sa Pilipinas, ibigay ang
kalahati ng mga tungkulin sa pamahalaan sa mga Pilipino, at kalahati lamang din
sa mga Espanyol na galing Espanya;
6. Itakda ang tagal ng panunungkulan sa pamahalaan;
7. Bawasan ang kapangyarihan ng Konstabularyo.
Ngunit, upang kalabanin ang mga Pilipinong nagsulong ng pahayagang ito,
naglimbag din ang mga prayle ng sarili nilang pahayagan na nagdidiin sa mga
Propagandista bilang mga subersibo.
Kabanata VI: Ang Dalawang Nobela ni Rizal
Sa akda, lubhang makikita ang paghanga ni Mabini kay Rizal at sa kanyang mga
akda. Ibinuod niya ang nilalaman ng mga nobela ni Rizal, ang Noli Me Tangere at El
Filibusterismo, kung saan, aniya, maraming tunay na pangyayari sa buhay ng mga
Pilipino ang lakip ng dalawang nobela. Dagdag pa rito, tinangka ni Rizal, ayon kay
Mabini, na ibahagi ang kanyang payo sa kanyang mga nobela para sa mga Espanyol at sa
mga Pilipino. Una, nais niyang ipaalam sa pamahalaan na kapag hindi sinupil ang mga
pagmamalabis ng mga prayle, hindi na mapipigilan pang maghimagsik ang mga Pilipino.
Sa mga Pilipino naman, kung makikibaka lamang sila para sa sariling ambisyon at
hangarin, lalo lamang nilang pinapalala ang pagdurusa ng bayan.
10
Kabanata VII: Ang La Liga Filipina at ang Katipunan
Itinatag ni Rizal ang La Liga Filipina ilang araw bago siya ipatapon sa Dapitan
ngunit naglaho rin ito ilang araw pagkatapos ng pagkakatatag. Sa pagsisikap ni
Bonifacio, nagkaroon ng isang consejo upang makatulong sa pagtustos sa La Solidaridad.
Ngunit gaya ng una, tumigil din ito sa paniniwalang hindi naman pinapansin ng
pamahalaang Espanya ang kanilang mga ipinaglalaban. Kaya naman, tumiwalag na si
Andres Bonifacio, ang unang naging pinakamasugid na tagapagsulong ng consejo, at
nagtayo ng kanyang sariling samahan, ang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.
Kabanata VIII: Unang Yugto ng Himagsikan
Natuklasan ng mga prayle ang lihim na samahan nang nalaman ng namamahala
ng palimbagan ng Diaro de Manila na ang ilan sa kanyang mga empleyado ay myembro
nito, at agad isinumbong sa mga awtoridad. Buti na lamang, karamihan sa mga
katipuneros, kasama si Bonifacio, ang nabalaan at nakatakas papuntang kabundukan. Sa
kabanatang ito inilahad ni Mabini ang mga pangyayari kung kailan binitay si Rizal at sa
pangalawang pagkakataon, ay muli niya itong pinapurihan. Nahati rin ang Katipunan sa
mga panahong ito: Magdalo sa Kawit at Magdiwang sa Noveleta. Sumunod naman ang
kataksilan na nangyari sa Tejeros kung saan nag-amok si Andres Bonifacio matapos
siyang pagkaisahan nila Emilio Aguinaldo at ilan pang mga kasapi sa pulong upang hindi
siya mahalal bilang pangulo ng pamunuan laban sa mga Espanyol. Dahil doon,
namundok si Bonifacion bilang supremo ng Katipunan ngunit ipinapatay naman siya ni
Aguinaldo kinalaunan.
11
Kabanata IX: Ang Pag-Usbong ng Himagsikan
Sa paghugis ng himagsikan, inilahad ni Mabini bilang isang compromisario ng La
Liga Filipina, ipiniit siya ng mga Espanyol bilang isa sa mga tagasulsol ng himagsikan.
Datapwa’t naihanay sa mga paparusahan, nakaligtas sa mga panggugulpi at pagbitay si
Mabini dahil sa panahong ito nagkaroon ng kapansanan at nalumpo si Mabini. Samantala,
sa mga panahong ito rin dumating ang mga Amerikano kung saan napag-alaman niyang
tinanggap ni Aguinaldo ang mga kasunduan ng bagong mananakop sa kabila ng malabo
nitong pangako.
Bilang tagapayo ni Aguinaldo, nagmungkahi si Mabini na magkaroon ng iba’t
ibang departamento ang pamahalaang itatag at magkaroon ng kinatawan ang bawat
lalawigan upang magbuo ng isang pulong o congreso. Ipinayo rin niya na hindi pa dapat
magkaroon ng konstitusyon, na taliwas naman sa kagustuhan ng myembro ng kongreso.
Aniya, hindi pa panahon upang magkaroon ng konstitusyon dahil wala pang kumikilala
ng kalayaan ng Pilipinas at walang kapangyarihan ang kongreso upang gawin iyon. Gusto
sana ni Mabini na makipagkasunduan muna sa mga Amerikano upang matigil ang
digmaan, at kilalanin ang karapatan ng mga Pilipino.
Hindi nagpapigil ang kongreso at gayundin si Aguinaldo kaya ipinagtibay ang
konstitusyon sa Malolos. Ngunit kasunod naman nito ang pagbili ng Amerika sa Pilipinas
mula sa Espanya kung saan walang bisa rin ang nasabing konstitusyon.
Kabanata X: Ang Pagbagsak ng Himagsikan
Tulad ng inaasahan, hindi nakayanan ng mga hindi-handa na mga Pilipino ang
disiplinadong pwersa ng mga Amerikano. Bukod pa riyan, wala ring nakahandang kahit
12
na anong plano ang iba’t ibang pangkat ng mga Pilipino na dapat sana ay ginawa ni
Aguinaldo na noon ay nasa Malolos. Noon lamang sumabog ang digmaan saka lamang
itinalaga ni Aguinaldo si Heneral Antonio Luna bilang pinuno ng sandatahang Pilipino sa
Maynila.
Ayon kay Mabini, maaaring magtagumpay si Heneral Luna sa pagbubuo ng
disiplinadong hukbo at maaaring malabanan o kaya’y mapaalis ang mga Amerikano kung
sinuportahan lamang ni Aguinaldo si Heneral Luna, at kung hindi niya ito pinapatay sa
Cabanatuan.
Sa huling bahagi ng kanyang akda, hindi naiwasan ni Mabini na isisi kay
Aguinaldo ang pagkabigo ng himagsikan. Aniya, ang pagpapapatay ni Aguinaldo kina
Andres Bonifacio at Heneral Antonio Luna ay ilan lamang sa mga patunay na hayok sa
kapangyarihan at kasikatan si Aguinaldo. Kung nabuhay lamang sana si Luna, maaari
raw na makabuo ito ng matatag na hukbo na maaaring hangaan ng mga Amerikano.
Idiniin din niyang hindi pinuno ng kagitingan si Aguinaldo kundi isang ehemplo ng
kapangyarihang nakamit dahil sa kabuktutan at pagkagahaman.
Bilang pangwakas, sinabi ni Mabini na maaari lamang daw maiwasto at
mapagbayaran ni Aguinaldo ang kanyang mga kasalanan kung mamamatay siya sa gitna
ng himagsikan habang ipinaglalaban ang kalayaan. Sa ganitong paraan lamang daw
aniya, maibabalik ang kanyang dangal at maging ang karangalan para sa mga Pilipino.
Kinondena rin niya ang mga kalapastanganang ginawa ng mga sundalong Pilipino na
nanggagahasa sa mga kababayan nilang Pilipina. Binigyang-diin niya na sa pamamagitan
ng pagtatanggol sa mga mahihina at kababaihan maaaninag ang karangalan at kabutihan
ng loob ng mga kalalakihan. At sa huli, iminungkahi niya na upang tuluyang maiwasan
13
ang anupamang karahasan, kinakailangang magkasundo ang mga Amerikano at mga
Pilipino.
B. Ang Tunay na Dekalogo (True Decalogue)
Inilimbag noong Hulyo 1898, isa sa mga akda ni Mabini ang True Decalogue o
Tunay na Sampung Utos na siyang nakapagpabago at nakatulong sa pagbubuo ng isang
makabayang Pilipinas. Gaya ng pamagat, itinulad ito sa porma ng Sampung Utos ng
Diyos ngunit ang nasabing akda rin ay sumasalamin ng sekularismo ni Mabini. Tungkol
ito sa pagrereporma ng moralidad ng mga Pilipino o panloob na rebolusyon at ang
pagbubuo ng damdaming makabayan upang sa huli, makalaya ang mga ito sa mga kamay
ng mga kolonyalista.
Umiikot sa dalawang tema ang akda- ang pagrereporma ng moralidad ng mga
Pilipino at pagmamahal sa bayan. Para kay Mabini, mas mahalaga munang magkaroon ng
panloob na rebolusyon sa mga Piilipino bago magkaroon ng panlabas na rebolusyon na
siyang isinusulong naman nina Bonifacio noon. Nakabatay ang panloob na rebolusyon sa
pagbabagong moral ng mga Pilipino. Kung mababago ang moralidad ng mga Pilipino at
buburahin lahat ng mga bisyo at mga nakagawian, lalaya ang bansa sa pagpapahirap ng
kolonyalista. Sa pagrereporma ng moralidad din nabubuo ang pagmamahal sa bayan.
Mula roon, mapag-iisa ang mga Pilipino at tuluyan nang lalaya mula sa Espanya.
Bagamat tila utos ng Diyos ang dating ng akda, isa naman itong repleksyon ng
pagiging sekular ni Mabini. Kailangang tandaan na nakagapos sa relihiyon ang lipunang
ginagawalan noon ni Mabini. Minabuti ni Mabini na igaya sa porma ng Sampung Utos
ang True Decalogue upang mas madaling matanggap ng mga Pilipino ang akda. Ngunit
14
hindi lumitaw sa akda ang impluwensya ng relihiyon maliban sa porma nito. Para kay
Mabini, kailangan pa ring gabayan ng katwiran ang sampung utos, na galing naman
talaga sa Diyos. Sa True Decalogue, hindi relihiyon ang gamit sa pagkontrol ng tao gaya
ng ginagawa ng mga prayle noon sa bansa.
Sa kadahilanang ito rin, nakatanggap ng protesta si Mabini sa katauhan ni
Mariano Sevilla. Ayon sa huli, hindi dapat sabihing “tunay” ang dekalogo ni Mabini
dahil wala naman talaga itong kinalaman sa Diyos.
Sa kabuuan, may apat na mahahalagang punto ang True Decalogue. Una, ang
pagmamahal sa bayan. Mahalagang mabatid ng mga Pilipino na ang kanilang
pagmamahal sa bayan ang mag-iisa sa kanila bilang isang bansa na siyang magiging susi
ng kanilang kalayaan. Ikalawa, na ang tunay na pinuno ay siyang ihinalal ng tao at hindi
basta itinakda. Dapat iwasan ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng monarkiya dahil ito
ang magdadala sa pagkakatali nila sa kolonya. Ikatlo, ang konsepto ng kalayaan. Dapat
naisin ng mga Pilipino na kumawala sa pamumuno ng kolonya. Sa paglaya lamang ng
mga Pilipino mula sa mga kolonyalista lilitaw ang mga tunay na kakayahan at abilidad ng
nauna. At ang huling punto ng akda, ay ang pagkakaisa at ang pagbubuo ng
nasyonalismong Pilipino.
Ang huling puntong nabanggit ay maaaring naimpluwensyahan ng ideya ni Rizal
ng pagkakaroon ng pambansang komunidad dahil katulad ni Rizal, tutol naman din si
Mabini sa pagkakaroon ng armadong rebolusyon. Isa rin sa mga sinasabing impluwensya
ng True Decalogue ang Codigo Moral Masonico ng masoneryang sinalihan ni Mabini na
Gran Oriente Español.
15
Kailangang tingnan ang konteksto ng Pilipinas na ginagalawan ni Mabini noon
upang maunawaan kung bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga nito sa moralidad ng
mga Pilipino. Dapat tandaan na noong isinulat ni Mabini ang True Decalogue,
masasabing wala pa talagang kaayusan ang lipunang Pilipino. Wala pang nabubuong
konsepto ng isang bayan or isang Pilipinas ang mga Pilipino noon kung kaya mahina pa
ang nasyonalismo nang panahong iyon. Kahit pa may mga pag-aaklas na nagaganap noon
sa pamumuno nina Bonifacio, hindi naging sapat yaon upang mapagkaisa ang mga
Pilipino. Tinangka ng akda na iparating sa mga Pilipino na dapat maging isa sila upang
lumaya.
IV. Ambag sa Kilusang Makabayan, Nasyonalismo at Pagka-Pilipino
Ayon kay Majul (1996), may tatlong papel ang ginampanan ni Mabini sa
kasaysayan ng Pilipinas at sa pagbuo ng pambansang kamalayan ng pagka-Pilipino. Una,
bahagi si Mabini ng mga ilustradong nagpalaganap ng mga mahahalagang ideya ukol sa
paggiit ng mga karapatang ng mga Pilipino at pagsisiwalat ng mga kamalian ng
pamahalaang kolonyal.
Nagsimula ang pakikisangkot ni Mabini sa mga bagay na may kinalaman sa
pulitika noong 1892. Sumali sa Mabini sa La Liga Filipina nang buhayin itong muli nina
Domingo Franco at Andres Bonifacio. Noong Abril 1893, naging kalihim si Mabini ng
Kataastaasang Konseho ng La Liga Filipina. Ngunit hindi nagtagal, nahati sa dalawa ang
mga miyembro nito. Binuo ng grupo ni Andres Bonifacio ang Kataas-taasang, Kagalang-
galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK dahil naniwala silang rebolusyon
na lamang ang natatanging paraan upang makamit ng Pilipinas ang kalayaan. Samantala,
16
nanatili si Mabini sa kanyang paninindigan sa reporma bilang paraan sa pagkamit ng
kasarinlan kung kaya’t sumapi siya sa Cuerpo de Compromisarios. Layon ng
organisasyong ito na mangolekta ng pondo para ipangsuporta sa Kilusang Reporma. Si
Numeriano Adriano ang naging tagapangulo nito at naging kalihim naman si Apolinario
Mabini.
Ginampanan naman ni Mabini ang ikalawa niyang papel matapos siyang mahuli
at ikulong ng mga Espanyol noong 1896. Dahil sa pangyayaring ito, nawalan siya ng
pananalig sa pagsusulong sa reporma at nagdesisyong makisangkot sa gawain ng
hukbong rebolusyonaryo. Nang makalaya siya, hinangad na ni Mabini na maging bahagi
ng rebolusyon at sinulatan niya si Paciano Rizal upang makibahagi siya sa samahan.
Nakita ni Mabini ang pagkakamali sa unang rebolusyon kaya ito nabigo. Ayon sa kanya,
kulang sa ideolohikal na direksyon ang unang pagkilos. Kulang din aniya ito sa
komprehensibo at mas organisadong plano para ipakalat ang diwang maka-
rebolusyonaryo.
Mula sa kanyang pagsali sa kilusan noong 1898 hanggang sa pagbagsak ng
Republika sa Malolos, naging aktibong kasapi si Mabini ng kilusan. Nagsilbi siyang
tagapayo ni Pangulong Aguinaldo, tagapangulo ng gabinete nito, kalihim ng ugnayang
panlabas, may-akda ng sistema ng halalan at ilang batas organiko ng rebolusyonaryong
pamahalaan, at sumulat ng mga mahahalagang dikreto at proklamasyon ng pangulo.
Sa pagsali ni Mabini sa rebolusyon, inilagay niya sa kanyang balikat ang
tungkulin ng pag-iisip ng mga paraan at mga hakbangin upang magtagumpay ang kilusan
at para makamit ng bansa ang kasarinlan. Dito pumapasok ang ikatlong papel ni Mabini,
17
ang pagiging pilosopong pampulitika. Makikita ang papel niyang ito sa mga sinulat
niyang akda na naglalaman ng kanyang mga kaisipan at paniniwala ukol sa pamamahala,
pagbuo ng pambansang pamayanan at paglalatag ng mga pundasyon ng republikang anyo
ng pamahalaan.
Isa ang El Verdadero Decalogo o ang The True Decalogue sa mahahalagang
isinulat ni Apolinario Mabini. Sa akda niyang ito, nilayon ni Mabini na buhayin ang
damdaming pagkamakabayan ng mga Pilipino at palaganapin ang mga kaisipang moral.
Ayon sa kanya, nararapat na magkaroon ng isang pambansang pamayanan kung saan
mamumuhay bilang isang bansa ang mga mamamayan. Ito ang pamayanan kung saan
mabubuo ang bagong relasyon ng mga Pilipino sa isa’t isa, kung saan ituturing ng bawat
isa ang kanyang kapwa bilang kabahagi sa isang komunidad. Ayon pa kay Mabini, sa
pamayanan na ito lamang mapapag-alaman ng mga tao ang kanilang mga bagay na
nararapat na pag-aari nila at mapapaunlad lamang ng mga Pilipino ang kanilang mga
kakayahan kung malaya sila.
Naglahad naman ng mga hakbangin upang magtagumpay ang rebolusyon na
magbibigay-daan sa pagkabuo ng isang republika ang kanyang akdang Ordenanzas de la
Revolucion o Rules of the Revolution. Naglista si Mabini ng mga proseso na dapat sundin
sa pagsulong ng isang rebolusyon. Para sa kanya, ang rebolusyon ay isang marahas na
pamamaraan na ginagamit ng mga tao upang ibagsak ang isang pamahalaan at palitan ito
ng panibago na magsusulong ng katwiran at katarungan. Inakusahan ni Mabini ang
Espanya na hindi tumupad sa kasunduang ginawa nila noon kasama ang ating mga
ninuno at hindi naging mabuti at matagumpay ang pamamalakad nila sa Pilipinas kaya
nararapat lamang na magkaroon ng armadong pagkilos. Sa akda rin niyang ito, inilagay
18
ni Mabini ang mga bagay na dapat na maging gantimpala ng mga rebolusyonaryong
nagkaroon ng mahalagang bahagi sa pagkilos, kung ano ang dapat na gawin sa mga taong
lalabag sa batas, at nagbigay rin siya ng mga paraan kung paano iiwasan at/o lalabanan
ang mga susunod na pag-aaklas sa bansa. Kapag nagtagumpay ang rebolusyon, at
nalaman at tinamasa na ng mga mamamayan ang kasarinlan, saka pa lamang magiging
handa ang mga tao sa pagkakaroon ng isang republika.
Pumapatungkol naman ang akdang Programa Constitucional de la Republica
Filipina o ang Constitutional Program of the Philippine Republic sa mga nararapat na
gawin ng pamahalaan upang makabuo ng isang Republika ng Pilipinas. Para kay Mabini,
ang pagkakaroon ng isang Republika ng Pilipinas ang pinakamahalagang pakay ng
rebolusyon. Hinangad niyang mangyari sa Pilipinas ang mga tagumpay na nakamit ng
mga liberal sa Europa gaya ng pagkamit ng mga Pilipino ng mga kalayaang nararapat
nilang tinatamasa.
19
Sanggunian:
Hartendorp, A.V.H. (1965). Mabini: The Sources of his Political Thought. Maynila:
Alberto S. Florentino Publishing.
Majul, C. A. (1996). Mabini and the Philippine Revolution. Lungsod ng Quezon:
University of the Philippines Press.
Malcolm, G. (Marso 1921). “The Malolos Constitution.” Political Science Quarterly
36(1), 91-103.
National Heroes Commission. (1964) ”Apolinario Mabini: The Brains of the
Revolution,” Illustrated Biography.
Pilapil, V. (Agosto 1965). “The Cause of the Philippine Revolution.” The Pacific
Historical Review 34(3), 249-264.
20